You are on page 1of 9

PRIVATE EDUCATION ASSISTANCE COMMITTEE

STUDENT LEARNING MATERIAL

Most Essential Topic #1: Uri ng Teksto


Lesson # 1: Impormatibo at Prosidyural

PANIMULA

Kumusta ka, mahal kong mag-aaral?

Narito na naman tayo sa panibagong paglalakbay at inaasahan ko mula sa inyo ang patuloy na sigasig at kawilihan upang matuto na naman tayo ngayon sa
panibagong mga karanasan. Inaasahan ko na nakahanda na ang inyong bukas na isipan at mabuting puso upang matutuhan ninyo ang mga inaasahang layunin sa
modyul na ito.

Ito ang ating pangunahing aralin na tutuklasin sa ating asignaturang Pagbasa at Pagsususri ng iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Binubuo ng
mahalagang paksang ito ang iba’t ibang uri ng teksto. Ang sesyong ito ay nakatuon sa tekstong impormatibo at prosidyural. Mahalagang maunawaan at matutuhan
ang iba’t ibang uri ng teksto upang lubos na makilala ang gampanin ng mga ito sa pagsulat ng pananaliksik. Gayundin ang mga batayang kaalaman at kasanayan
ay makatutulong sa inyong mga mag-aaral upang maging sensitibo sa mga pangangailangan ng pagsulat at pampersonal na kakayahan. Sa pamamagitan ng pag-
aaral ng tekstong impormatibo at prosidyural magagawa ninyong makilala ang pagkakaiba ng katotohanan at opinion at iba pang gampanin ng tekstong impormatibo.
Magiging maalam kayo sa kahalagahan ng mga katotohanang pahayag batay sa pag-aaral at kinikilalang datos. Magagamit niyo ito bilang mahalagang kasanayan
sa pagsulat ng pananaliksik. Makatutulong din ang kaalaman at kasanayan sa paglalantad ng mga kaisipan ayon sa sistematikong pamamaraan upang mas epektibo
ang pamamaraan ng pagpapahayag sa kasanayang pagsasalita at lalo’t higit sa pagsusulat.

Para mapagtagumpayan mo ang araling ito, at bago natin pag-aaralan ang nabanggit kong paksa ay susubukin ko muna kung magagawa mo na ang mga
sumusunod na layunin:
1. Matukoy ang katotohanan at opinyon at naiisa-isa ang mga mahahalagang kaisipan ayon sa pagkakasunod-sunod batay sa tekstong binasa; at
PRIVATE EDUCATION ASSISTANCE COMMITTEE
2. Maibahagi ang kahulugan, katangian at kalikasan ng tekstong impormatibo at prosidyural.

Mahalagang magawa mo ang panimulang gawain sa pagtataya sa loob ng limang minuto:

A. KATOTOHANAN O OPINYON: Tukuyin ang bawat pahayag kung ito ba ay nagsasaad ng katotohanan o opinyon. Ilagay ang K kung ito at makatotohanan
at O naman kung hindi sa patlang bago ang bilang.

________1. Ang bansag sa tatlong paring martir na Gomez, Burgos, at Zamora na binitay noong Pebrero 17, 1872 sa panahon ng Kastila ay MAJOHA.
________2. Ayon daw sa survey ay mananalo si Isko Moreno.
________3. Si Jose Rizal ang ating pambansang bayani.
________4. Para sa akin, si Manny Pacquiao ang pinakamagaling na senador.
________5. Ang mundo ang pangatlong planetang malapit sa araw.

B. PAGSUSUNOD-SUNOD: Tukuyin mula sa mga sumusunod kung alin ang tamang pagkakasunod-sunod ng hakbang sa pagluluto ng bigas.. 1 bilang
pinakauna at 5 bilang pinakahuli

______ Takpan uli ito at hinaan ang apoy habang iniinin.


______ Hugasan ang bigas ng 2-3 beses.
______ Isalang at hintaying kumulo, kapag kumulo na tanggalin ang takip at hintaying matuyo ng konti ang tubig.
______ Lagyan ng bigas ang kaldero (depende sa rami ng kakain ang dami ng bigas)
______ Lagyan ng tubig (takalin gamit ang unang guhit sa hintuturo)

Paalala at Paunawa:

1. May isa tayong synchronous session (1 hour) at asynchronous consultation para sa araling ito. Makipag-ugnayan lamang sa akin sa tulong ng
messenger, email, o sa Google Classroom para sa inyong mga katanungan.

2. Sa sesyong ito, inaasaahan ang mga sumusunod na layunin:


a. Matukoy ang katotohanan at opinyon at naiisa-isa ang mga mahahalagang kaisipan ayon sa pagkakasunod-sunod batay sa tekstong binasa; at
PRIVATE EDUCATION ASSISTANCE COMMITTEE

b. Maibahagi ang kahulugan, katangian at kalikasan ng tekstong impormatibo at prosidyural.

3. Inaasahang sa pagtatapos ng araling ito, kayong mga mag-aaral ay nakamit ang mga batayang kaalaman at kasanayan sa tekstong impormatibo at
prosidyural. Nakikilala ninyo ang katotohanan at opinyon sa mga pahayag at maging sa mga tekstong binasa o napakinggan sa telebisyon at radyo.
Makatutulong din ito upang higit kayong maging sensitibo upang lubos na masuri ang mga nababasa, napapanood, at napakikinggan sa social networking
sites at iba pang uri ng media. Magagawa rin ninyo na makilala ang mga pangunahing kaisipan sa mga babasahin at nagagamit ang mga ito upang
mailantad ang inyong kaisipan sa maayos at sistematikong pamamaraan sa tulong ng mga kaalamang natamo sa tekstong prosidyural. Sa pamamagitan
ng mga kaalaman at kasanayang natamo, kayo rin ay makapagsusulat ng teksto/pananaliksik mula pinag-ugnay-ugnay na mga impormasyon hango sa
mga nasuring tekstong may kinalaman sa paksang iprinesenta sa nakaraang markahan nang may pagkilala sa awtor o pinaghanguan (citation).

PAGTALAKAY

Sa bahaging ito ng aralin ay iyong masisilayan ang nilalaman at mga inaasahang pagganap ng ating paksang tekstong impormatibo at prosidyural.
Siguraduhin mong basahin at maingat na unawain ang mga kaisipang nailahad upang sagayon ay lubos mong maunawaan ang kalikasan at katangian ng tekstong
impormatibo at prosidyural. Gayunpaman, kung may mga bahaging hindi nauunawaan o may tanong sa nilalaman ay huwag mahihiyang magmensahe sa inyong
guro upang agarang matugunan ang pangangailangan. Pagbutihin mo ang iyong pag-aaral at pagtuklas!

Paksa: Impormatibo at Prosidyural

Pormatibong Tanong:

Ano-ano ang mga konsepto na kinakailangang malaman upang matukoy ang katangian at kalikasan ng Tekstong Impormatibo?
Ano-ano ang mga konsepto na kinakailangang malaman upang matukoy ang katangian at kalikasan ng Tekstong Prosidyural?

Gawaing pampagkatuto: Text Analysis: Tukuyin ang mga hinihinging pangangailangan sa bawat tanong batay sa kahulugan, katangian at kalikasan ng tekstong
impormatibo at prosidyural.

NILALAMAN

A. TEKSTONG IMPORMATIBO
PRIVATE EDUCATION ASSISTANCE COMMITTEE
- Ito ay mga tekstong nagpapaliwanag at nagbibigay ng mga bagong impormasyon. Kadalasang sinasagot nito ang mga batayang tanong na ano, kalian,
saan, sino at paano.
- Pangunahing layunin ng tekstong ito ang magpaliwanag sa mambabasa ng anumang paksa na matatagpuan sa tunay na daigdig o naglalahad ito ng
tunay na pangyayari.

Katangian ng Tekstong Impormatibo


1. Ang tesktong impormatibo ay naglalahad ng sanhi at bunga.
2. Maaaring pinaghahambing ang dalawa o higit pang mga pangngalan.
3. Ito rin ay maaaring pagbibigay ng kahulugan ng isang bagong salita.
4. Paglilista ng klasipikasyon - ipinapaliwanag kung ano ikinaiba ng isang termino sa ibang salitang kauri nito.

Mga halimbawa:
1. Pananaliksik Papel (Research Paper)
2. Pahayagan (newspaper)
3. Encyclopedia
4. Talambuhay
5. Mga Legal na dokumento at iba pang katha na walang halong opinion ng manunulat

May iba't ibang uri ang tekstong impormatibo depende sa estruktura ng paglalahad nito:

a) Sanhi at Bunga - ito ay estruktura ng paglalahad na nagpapakita ng pagkaka-ugnay ng mga pangyayari at kung paanong ang kinalabasan ay naging resulta
ng mga naunang pangyayari. Sa urng ito, ipinaliliwanag ng manunulat ang malinaw na relasyon sa dalawang bagay at nagbibigay ng pokus sa kung bakit
nangyari ang mga bagay (sanhi) at ano ang resulta nito (bunga)

b) Paghahambing - ang mga tekstong nasa ganitong estruktura ay kadalasang nagpapakita ng mga pagkakaiba at pagkakatulad sa pagitan ng anomang
bagay,konsepto o pangyayari.

c) Pagbibigay-depinisyon - ipinaliliwanag ng ganitong uri ang kahulugan ng isang salita, termino at konsepto. Maaaring ang paksa ay tungkol sa isang
konkretong bagay gaya ng uri ng hayop, puno o kaya naman ay mas abstraktong mga bagay gaya ng katarugan o pag-ibig.
PRIVATE EDUCATION ASSISTANCE COMMITTEE
d) paglilista ng Klasipikasyon - ang estrukturang ito ay kadalasang naghahati-hati ng isang malaking paksa o ideya sa iba't ibang kategorya o grupo upang
magkaroon ng sistema ng pagtalakay. Nagsisimula ang manunulat sa pagtalakay sa pangkalahatang kategorya at pagkatapos ay bibigyang-depinisyon at
halimbawa ang iba't ibang klasipikasyon o grupo sa ilalim nito.

Ano ang katotohanan at opinyon?

Ang katotohanan ay isang pahayag na nagsasaad ng ideya o pangyayaring napatunayan at tanggap ng lahat na totoo at hindi mapapasubalian kahit sa ibang
lugar. Hindi ito nagbabago at maaaring i-verify ang pagkamakatotohanan nito sa ibang sanggunian tulad ng mga babasahin at mga taong nakasaksi nito.

Ang opinyon naman ay isang pananaw ng isang tao o pangkat na maaaring totoo pero puwedeng pasubalian ng iba. Ito rin ay isang paniniwala na mas malakas
pa sa impresyon, mas mahina sa positibong kaalaman na batay sa obserbasyon at eksperimento.

Sa medaling salita, ang katotohanan ay mga pahayag na maaaring mapatunayan ng mga ebidensya samantalang ang opinyon ay mga pahayag na batay sa
sariling paniniwala lamang.

Tandaang, bagamat ito’y isang paniniwala o punto ng sumulat lamang, mainam na ang paghabi ng opinyon ay nakasalig sa kanyang karanasan at o mga
nabasang prinsipyo o kaisipan.

Sa pagpapahayag ng katotohanan at opinyon, maaaring gumamit ng mga sumusunod na pananda:

Katotohanan – batay sa resulta, pinatutunayan ni, mula kay, sang-ayon sa, tinutukoy ng, mababasa sa…
Opinyon – sa aking palagay, sa tingin ko, sa nakikita ko, sa pakiwari ko, kung ako ang tatanungin, para sa akin, sa ganang akin
Positibong Opinyon – totoo, tunay, talaga, ganoon nga, mangyari pa, sadya
Negatibong Opinyon – ngunit, subalit, habang at samantala

B. TEKSTONG PROSIDYURAL

Ang tekstong prosidyural ay isang uri ng teksto na nagbibigay ng impormasyon kung paano isagawa ang isang bagay o gawain. Sa tekstong ito, pinapakita ang
mga impormasyon sa Kronolohikal na paraan o mayroong sinusunod na pagkasunod-sunod. Ang layunin ng tekstong prosidyural ay magbigay ng panuto sa
pambabasa para maisagawa ng maayos ang isang gawain.

IBA’T IBANG URI NG TEKSTONG PROSIDYURAL


PRIVATE EDUCATION ASSISTANCE COMMITTEE

a. Paraan ng pagluluto (Recipes) – Pinakakaraniwang uri ng Tekstong Prosidyural. Ito ay nagbibigay ng panuto sa mambabasa kung paano magluto. Sa paraan
ng pagluluto, kailangan ay malinaw ang pagkakagawa ng mga pangungusap at maaring ito ay magpakita rin ng mga larawan.
b. Panuto (Instructions) – Ito ay naggagabay sa mga mambabasa kung paano maisagawa o likhain ang isang bagay.

c. Panuntunan sa mga laro (Rules for Games) – Nagbibigay sa mga manlalaro ng gabay na dapat nilang sundin.

d. Manwal – Nagbibigay ng kaalaman kung paano gamitin, paganahin at patakbuhin ang isang bagay. Karaniwang nakikita sa mga bagay may kuryente tulad ng
computers, machines at appliances.

e. Mga eksperimento – Sa mga eksperimento, tumutuklas tayo ng bagay na hindi pa natin alam. Karaniwang nagsasagawa ng eksperimento sa siyensya kaya
naman kailangang maisulat ito sa madaling intindihin na wika para matiyak ang kaligtasan ng magsasagawa ng gawain.

f. Pagbibigay ng direksyon – Mahalagang magbigay tayo ng malinaw na direksyon para makarating sa nais na destinasyon ang ating ginagabayan.

HALIMBAWA NG TEKSTONG PROSIDYURAL


• Recipe ng spaghetti
• Recipe ng Adobong Manok
• Paano magluto ng fried chicken
• Paano gumawa ng silya
• Paano patakbuhin ang kotse
• Paano maggawa ng DIY explosion box
• Paano maghanda ng chicken buffet

APAT NA PANGUNAHING BAHAGI NG TEKSTONG PROSIDYURAL

1. Layunin – Ang nais mong maisagawa pagkatapos ng gawain. Tinutukoy rin nito ang dapat maging resulta ng susunding prosidyur. Ang layunin ay laging
sumasagot sa tanong na “Paano”.

2. Mga Kagamitan / Sangkap – Dito papasok ang mga kagamitan dapat gamitin para maisakatuparan ang gawain. Sa recipe, kailangan mong ilista ang lahat
ng sangkap upang maihanda ng mambabasa ang kanilang ilalahok sa iluluto.
PRIVATE EDUCATION ASSISTANCE COMMITTEE
3. Hakbang(steps)/ Metodo(method) – Ang serye o pagkakasunod-sunod ng prosidyur.

4. Konklusyon / Ebalwasyon – Sa tekstong prosidyural, ang konklusyon ay nagbibigay ng gabay sa mga mambabasa kung sa paanong paraan nila
maisasakatuparang mabuti ang isang prosidyur.

Mga dapat isaalang sa pagbuo ng tekstong prosidyural

• Ilarawan ng malinaw ang mga dapat isakatuparan. Magbigay ng detalyadong deskripsyon.


• Gumamit ng tiyak na wika at mga salita
• Ilista ang lahat ng gagamitin
• Ang tekstong prosidyural ay laging nakasulat sa ikatlong panauhan (third person point of view)

GAWAIN:

Sa puntong ito ay nagkaroon ka na ng sapat na kaalaman sa tekstong impormatibo at prosidyural. Bilang bahagi ng pagtatasa upang lubos na makilala kung
naunawaan ang kalikasan at katangian ng teksong impormatibo at prosidyural, narito ang isang gawain na kinakailangan mong mapagtagumpayan.

TEXT ANALYSIS: Basahin ay suriin ang talumpating pinamagatang “Ang Wikang Filipino sa Panahon ng Impormasyon at Teknolohiya” ni Lakandupil C. Garcia at
pagkatapos nito ay tukuyin ang mga hinihinging pangangailangan sa bawat tanong batay sa kahulugan, katangian at kalikasan ng tekstong impormatibo at
prosidyural.

Ang Wikang Filipino sa Panahon ng Impormasyon at Teknolohiya


Ni Lakandupil C. Garcia, EdD

Mga kaibigan, kailan lamang ay nagtatanong ako sa aking sarili, bakit kaya ginawa pang isang buwan ang pagdiriwang ng dating Linggo ng Wika? Biruin
ninyo, hindi lamang ginawang doble ang bilang ng araw ng pagdiriwang! Gayunman, matapos kong manood ng mga programa sa telebisyon, makinig ng mga
komentaryo at awitin sa radio, at magbasa ng mga anunsyo sa paligid at maging sa mga pahayagan, ako rin naman ang sumagot sa aking sarili – tama palang
talaga na palawigin ang pagdiriwang pagkat tunay nang lumalaganap ang impluwensya ng ating wikang pambansa – ang wikang Filipino!
May isang kuwento sa akin ang mga magulang ko na tuwing aking naaalala ay magkahalong damdamin ang pumasok sa aking dibdib. Noon daw na sila’y
nag-aaral pa sa elementarya, waring isang kasalanan ang magsalita nang kahit isang kataga sa Filipino (o Tagalog noon, na hanggang ngayo’y gamitin pa ring
termino). Nasabi kong kasalanan pagkat ang bawat salitang kanilang binitawan ay babayaran nila ng kaukulang halaga. Sa kagustuhan nilang huwag magbayad,
pagkat mababawasan ang kanilang kaunting baon sa araw na iyon, dalawa ang nagiging resulta – pilit silang magsasalita sa wikang Ingles o manahimik na lamang
PRIVATE EDUCATION ASSISTANCE COMMITTEE
sa maghapon habang sila’y nasa paaralan. Hindi po ba parang artipisyal at pilit ang gayong paraan? Bakit pipigilin ang natural? At bakit ang sariling wika ang
mismong sinusupil sa sariling bayan?
Subalit hindi na po ganoon ang nangyayari sa kasalukuyan. Ang dating wikang Filipino na dati ay pinangingimiang gamitin ay narito na at masiglang
nakikipagsabayan sa wikang Ingles sa larangan ng impormasyon at teknolohiya. Alam na nating noon pa mang 1992 (halos dalawang dekada na ang nakalilipas)
ay natuklasan nang mabisa ang paggamit ng Filipino o mga wikang bernakular sa elementarya. Ito ang tinatawag na EDCOM Report. Mula noon hanggang sa
ngayon lumitaw na ang mga eksperimento ng Summer Institute of Linguistics at ng mismong Komisyon sa Wikang Filipino na kapanalig ang UNESCO, lalo palang
maiintindihan ang mga aralin kung sa wikang kinamulatan (mother tongue) mag-uusap ang mga guro at mag-aaral. Nakatutuwang mag-aral na ang iniisip at pinag-
aaralan ay ang mismong paksa na lamang at hindi na pinoproblema ang wikang ginamit.
Ang ganitong hakbangin ay inakala ko at ng hindi iilan na maaaring sa loob ng paaralan lamang magaganap. Hindi po ito totoo! Pumasok na at ginagamit na
ang wikang Filipino sa halos lahat ng larangan lalo na sa mass media. Subukan po ninyong manood ng telebisyon sa ngayon at bilangin ang mga sumusunod: mga
komersyal o patalastas, mga programa sa isports at maging mga cartoons – ilan po sa kanila ang nasa wikang Filipino na? ang sagot po ay kamangha-mangha
pagkat tunay na pong naghahari ang wikang Filipino sa ating telebisyon!
Ang radyo rin po ay nagpapatunay sa ganitong sitwasyon. Maliban sa ilang FM station, higit na kinalulugdan ng karamihan na maging sa mga komentarista at DJ
(disk jockey) na nagsasalita sa ating wika. Kung mapapansin nga ninyo, maging sa mga programa sa FM na Ingles ang ginamit, hindi pa rin maiiwasang gumamit
ng Filipino kapag sumasagot sila sa mga tawag ng kanilang mga tagapakinig.
Kalabisan na po marahil kung sabihin kong sa kasalukuyan ay parami na nang parami ang mga babasahin sa sariling wika. Wika po kasi ito ng ating industriya
sa pelikula. Wika na rin ito ng teatro at wika ng pangmasang negosyo. Ito ang dahilan kung bakit ang wikang ito ang mababasa pagkat siyang nauunawaan ng
masang Pilipino.
Maaaring ikatwiran ng iba, dito lamang sa Pilipinas iyan. Paano na kung lumabas tayo sa ating bansa? May silbi ba ang Filipino sa panahong ito ng globalisasyon?
Ang mga nagsasabi po ng ganyan, mga kaibigan, ay sinasabing baka mga “natutulog sa pansitan.” Hindi iilang kumperensyang pandaigdig na ang idinaos
sa mga naglalakihang hotel at awditoryum sa Maynila ang nagpapatunay na lumalaganap na sa ibang bansa ang ating wika. Ang mga naturang kumperensyang
itinaguyod ng mga pangunahing unibersidad tulad ng Unibersidad ng Pilipinas, Pamantasang Normal ng Pilipinas at Pamantasang De La Salle ay nagsisiwalat na
sa Amerika (Oregon, Wisconsin at Hawaii) at Canada lamang, ilang unibersidad na ang taun-taong kumukuha ng mga guro sa Pilipinas upang magturo sa kanila
ng ating wika. Sa panahon pa man ng namayapang Dr. Clemencia Espiritu, nakikipagtulungan na sina Dr. Ruth Elynia Mabanglo at Dr. Teresita Ramos upang
mapalawak pa ang AFAP (Advance Filipino Abroad Program).
Mga kababayan, buksan po natin ang ating mga puso at isip tulad ng pagbukas natin sa ating mga internet. Ang mga computer na ito, kung magiging
masigasig lamang tayo, ay magsisiwalat ng katotohanang pinasok na rin sila ng wikang Filipino. Marami na pong impormasyon dito tungkol sa Pilipinas ang hindi
sa Ingles nakasulat! Magsaliksik po tayo sa Google.com, Yahoo.com at iba pang website na may ganitong paraan ng presentasyon.
Ano-ano pa po ang hinahanap nating mga patunay? Kailangan na po ba nating maliitin ang wikang sarili sa harap ng malahiganteng katotohanan? Ang
Filipino po ang wikang pambansa, narito na, buhay at patuloy na lumalaganap. Nakahanda na para sa milenyong ito!..

Mga Tanong:
1. Ano ang paksa ng talumpati? Patunayan
PRIVATE EDUCATION ASSISTANCE COMMITTEE
2. Ano ang layunin ng talumpating ito?
3. Ano-ano pahayag sa talumpati ang maituturing mong katotohanan at kuro-kuro lamang?
4. Anong paglalahat o kongklusyon ang malilikha mo batay sa talumpati?

BINABATI KITA!

Ang iyong mga natutuhan sa araling ito ay mahalagang pabaon ko sa iyo upang maging handa ka sa mga susunod mong mga hamong kahaharapin sa
larangan ng pagsulat at pananaliksik. Tandaan na ang pagsulat at pananaliksik ay isang gawaing bahagi na sa iyong buhay lalo na sa kolehiyo at maging sa iyong
pang-araw-araw na pamumuhay. Mahalagang maunawaan mo na ang araling ito ay magbibigay ng mahalagang kaalaman at kasanayan upang mas maging masinop
ka at maingat sa larangan ng pagsulat at pananaliksik.

Ipagpatuloy mo iyong kawilihan at sigasig sa pag-aaral at tinitiyak ko ang iyong katagumpayan sa buhay. Harinawa

You might also like