You are on page 1of 11

MOL MAGSAYSAY MARITIME ACADEMY

General Education (Literature) GEM 4: PANITIKAN

SI INTOY SYOKOY NG KALYE MARINO


Maikling Kwento ni Ero Atilan
First Prize for the Maikling Kuwento in the 2006 Palanca Awards
----------------------------------------------------------------------------------------------------
Intoy! Intoy! Bangon, alig! May alig! bumalinghat sa kanya ang tawag na iyon. Tinig iyon ni
Mang Amor. Halos magiba ang kanyang pintong yari sa pinagtagpi-tagping lawanit, plywood at
palapa ng nyog. Pagbukas nya ng pinto ay bumulaga si Mang Amor na hawak ang sagwan
habang may supa pang sigarilyo. Gaya ng dati, nakamaong lang itong shorts at hubad.
Nakahambad ang sunog-sa-araw at tubig-alat na katawan. Ngunit ang nag-aagaw na itim at uban
na buhok ay hindi nagpapahalatang anak-dagat si Mang Amor.

Ay! Digrasyaw bo! Bilis, baka may masagip pa tayo, pabateng itinapon ang paubos nang
sigarilyo sa tulay na kawayan. Tinapakan. Isiniksik sa pagitan ng mga kawayan. Dumura.
Sumunod ka na, ibababa ko na ang lunday.

Putang ama, alig. Nakow po! Patay tayo nyan. Bakit ngayon pa? Bakit ngayon pa? ang rapido ng
tanong ni Intoy sa sarili habang minamadali ang paghahanda sa gagamitin. Salaming panisid,
gwantes, kutsilyo, boya, pamadyak, plehe at straw. Isinuot ang shortpants na panlusong. Wala ng
panahon para magkape. Sa ganitong panahon, oras ang kalaban. Dalawang basong tubig ang
almusal. Nagpahabol pa ng isang lagok ngunit di nya nilunok. Ibinabad sa bibig. Habang
lumalabas ng bahay ay minumog ang tubig. Sinulyapan ang relos sa dingding. Menos dyes para
mag alas sais. Ibinuga ang minumog sa tulay na kawayang kadikit ng pinto ng kanyang bahay.

Kadugsong ng kanyang bahay ang pantalan. Doon binabara ni Mang Amor ang lunday nito para
matignan-tignan at magamit agad kung kinakailangan. Nakababa na ang lunday. Akmang gagaod
na si Mang Amor. Pandalas sya ng baba. Dahil kung hindi, madali itong tumaob. Di tulad ng
mga bangkang de katig, matatag sa tauban. Yun nga lang, di maipasok ang mga de katig sa gitna
ng mga baklad.

Pano nyo nalaman?

Kay Enoc. Mag-aahon sana sya. May order ng limang sako ang Baclaran. Naunahan sya ng alig.
Lalos daw pati pabitin at palutang.

Kakaputok pa lang ang araw. Malamig pa ang hanging labi ng nagdaang gabi sa palabas na
Nobyembre at papasok na Disyembre. Maliban sa plastik, goma, sako at kung anu-anong basura
ay may mangilan-ngilan pa ring patay na water lily na sumasabit sa kanilang sagwan. Water lily
na tangay mula pa sa look ng Maynila, galing sa tubig-tabang. Pagkaraan ng ilang araw na animo
kusang pagpapatianod mula Maynila patungo sa dalampasigan ng Cavite, maninilaw hanggang
sa maging kulay bulok na kahoy ang lulutang-lutang na dating matingkad na berdeng halaman na
kinilala na sa tawag na water lily. Ngunit ang lamig ng umagang iyon ay hindi nakapigil sa ilang
magtatahong na maisasalba pa ang kanilang tanging kabuhayan mula sa pesteng alig na
dumadalas na ang dalaw nitong nakaraang mga taon. Nakita nilang marami na ring pumalaot
para sagipin ang pwede upang sagipin.

THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY.


THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
This reading material is not for sale, the purpose of this file is for educational purpose only. ALL RIGHTS RESEVED.
MOL MAGSAYSAY MARITIME ACADEMY
General Education (Literature) GEM 4: PANITIKAN

Kitang kita nila ang animo’y natapong hugas-bigas sa dagat. Kalat-kalat. Mainit-init. Sumasabay
sa agos at galaw ng dagat. Malas na lang at siguradong ubos ang madadaanan tahong, talaba o
halaan ng pesteng hugas-bigas na ito. Swerte ang naiwasan, sa ngayon, pero bukas-makalawa ay
para itong nakakalokong bumabalik. Iyan ang alig.

Ano, Amor… ano balita sa ‘yo? Intoy Syokoy, tapos mo dyan, daanan mo ang pwesto ko.
Magpapalinis ako sa ‘yo. Sabi ng isa.

Si Kapitan nga raw, lalos ang trentang bila. Ako rin Koy! Pahabol ng isa pa.

Tango lang sagot ni Intoy. Tuloy ang kanyang gaod. Ayaw nyang ipahalata kay Mang Amor na
umooo agad sya sa iba gayong hindi pa tapos ang obligasyon nya sa matandang amo.

Magkahalong tuwa at lungkot ang dala ng alig sa araw na iyon. Tuwa, dahil kung maraming
tinamaan ng alig, tiyak bukas at hanggat sa mga susunod na araw ay maraming may tahungang
magpapalinis sa kanya. Kikita sya ng malaki. Lungkot dahil, bukas o sa mga susunod na araw pa
sya kikita. Ngayon nya kailangan ng pera. Ngayon nya sana aanihin ang sarili nyang tanim na
tahong. Ang mapagbebentahan ng sarili nyang maliit na tahungan sana ang tatapos ngayon sa
mahaba nyang paghihintay. Pero paano nya pupuntahan ang sarili nyang tahungan? Magkasama
sila ngayon ng amo nya upang silipin at sagipin ang tahungan nito. Hindi rin alam ni Mang Amor
na mayroon syang sariling baklad. Baka isipin na ninanakaw nya ang binhi, kawayan, straw,
plehe at boya nito at inililalagay nya sa kanyang pwesto. Wala syang sariling bangka. Tanging
bangka-bangkaang gawa lang sa pinagdugtong-dugtong na sako ng bigas na nilagyan ng
Styrofoam ang nagsisilbi nyang balsa. Hindi iyon uubra na pagpatungan ng mabibigat. Kung sya
nga na bihasa na sa pagbabalanse sa lunday ay tumataob pa sa kanyang balsa, ano pa kaya ang
ikakarga ditong tahong?

Di hamak na mas malaki ang kikitain nya sa pagpapalinis ng mga baklad sa mga susunod na
araw. Sapat na para makapagsimula syang muling magtanim sa kapiraso nyang pwesto. Sobra pa
ng kaunti. Ngunit ngayon nya kailangan ang pera.

Sa unang pwesto ni Mang Amor sila pumunta. Itinali ng matanda ang lunday sa isa sa mga
nakausling tulos ng kawayan. Dalawa ang pwesto rito ni Mang Amor. Bawat isa ay may
tiglimang bila. Ang bawat bila ay may di kukulanging trentay sais na kawayan. Kung sisilipin
mula sa itaas, maitutulad sa isang malaking agaw-bitin. Yun nga lang, may mga paang nakatulos
sa dagat.

Marahan silang bumaba. Ramdam nya agad ang init ng alig. Malinaw-linaw pa rin naman sa
ilalim kahit na namumuti ang ibabaw ng dagat. Inisa-isa nya ang haligi ng bila. Nandoon at
nakakulumpon ang mga tahong na halos pambenta na ang laki. Nilapitan nya ang mga ito. Sa
kaway ng kanyang mga kamay at sikad nya sa ilalim ng dagat, lumikha ito ng bahagyang
pagkilos ng tubig. At iyun na. Lumuwa ang laman ng tahong. Naiwan ang mga balat na
nakakapit sa kawayan. Naglabusaw ang tubig. Lumansa lalo ang dagat. Pinuntahan nya ang
pabitin at palutang. Ang pabitin ay ang mga tahong na nakabitin sa pagitan ng mga tulos
samantalang ang palutang ay tahong na nakabalot sa lambat na pinalulutang ng Styrofoam na
nakatali sa pagitan ng mga poste. Sinenyasan nya si Mang Amor. Ginilitan nya ang kanyang leeg

THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY.


THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
This reading material is not for sale, the purpose of this file is for educational purpose only. ALL RIGHTS RESEVED.
MOL MAGSAYSAY MARITIME ACADEMY
General Education (Literature) GEM 4: PANITIKAN

sa pamamagitan ng hintuturo. Tila nagsasabing “Nasintesnyahan na ang tahong”. Umiling si


Mang Amor. Isinenyas ng matanda ang mas malalim na parte ng kawayan. Kahit parehas nilang
alam na mas madaling mamatay ang tahong sa mas malalim, nagbakasakali pa rin sila. Umahon
muna sya para kumuha ng hangin. Pinuno ang baga. At saka sumisid. Umahon na si Mang Amor.
May edad na ito at hindi na kaya ang mas malalim.
Si Intoy ang bihasa sa lahat ng magtatahong sa Kalye Marino. Kaya nga sya tinawag na ‘Intoy
Syokoy’ dahil para nga raw itong syokoy na nakatatagal sa ilalim ng dagat. Para bang may
hasang ito tulad sa isda. Bagamat maipagkakamali na rin si Intoy sa syokoy. Sunog ang balat sa
araw at asin. Maligasgas. Makapal. At kahit bagong ligo pa sya ng tabang, wag lang di
pagpawisan ng kaunti ay amoy dagat agad sya. Kulay kalawang ang buhok. Di nya na
kailangang magpa-highlights pa ng chestnuts o blond. Bilugan ang mga mata na pirming mapula
dahil sa hapdi ng tubig-alat. Malalapad ang mga palad at mahahaba ang daliri. Payat na
mahahaba ang mga brasot kamay, hita’t binti. Madaling lumubog, madaling lumutang sa dagat.
Mahahabang malalapad ang kanyang mga paa na kapag kanyang ipinagdikit sa pagsikad ay
aakalain mong buntot nga ng isda. Wala pang tumatalo sa kanya sa bilisan ng paglangoy,
palaliman at patagalan ng pagsisid. Mapamatanda o mapabata panis lahat sila kay Intoy Syokoy.
Sa edad nitong disisais, mukha na syang beynte singko pero parang katawan ng trese anyos.Unat
ang kanyang mga kalamnan, balat, buto’t litid sa paglangoy at pagsisid. Ngunit walang makaing
matinong sustansya ang mga bahaging ito kung kayat sila-sila na lang ang nagkakainan. Di tulad
ng mga swimmer na atleta, bato-bato’t malalapad ang katawan na umbok ang masel. Si Intoy,
bato nga. Pero parang isang buhay na posteng kongkreto.

Sisid si Intoy. Nangabay sa mga tulos ng kawayan. Hinihila ang sarili pababa sa pamamagitan ng
pabaligtad na pag-akyat sa palasebo. Inuga nya ang mga pahalang na kawayan. Kinuskos ang
mga nakakapit na tahong. Umalsa ang mga laman, lumabusaw lalo ang tubig. Wala syang
gaanong maaninag. Pinasya nyang umahon na. Isang sikad paitaas.

Sisinghap-singhap syang umahon. Tinanggal ang salamin pandagat.

Ano?

Walwal! Kisay tayo, Mang Amor.

Ay! Digrasyaw bo.

Nagpasya silang tignan ang natitirang tatlong bila ni Mang Amor sa laot. Madalas napapatawad
ng alig ang laot. Di na nito kayang malason ang malayo sa pampang. Malakas na ang alon doon
at nadadala ng ragasa ng tubig ang peste. May kalayuan nga lang ang pwesto ni Mang Amor.
Mangangalay sila sa kakasagwan at baka hindi nila mailigtas ang pwede pang mailigtas.
Binilinan ng matanda si Intoy na maghintay na lang sa lunday at babalikan sya ng amo gamit ang
bangkang de motor at saka hihilahin ang lunday sa laot. Nakisabay na lang pauwi ang matanda
sa isang kinawayang kapwa mangingisda para maidaan sa kanyang pantalan. Mailigtas pa ang
tahong kung maiaahon agad ito. Ang palatandaan, kapag sa pagsisid ay nakabuka ang mga ito
ngunit kapag ginalaw ay kusang magsasara. Maibebenta pa kahit sambot-puhunan man lang.

THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY.


THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
This reading material is not for sale, the purpose of this file is for educational purpose only. ALL RIGHTS RESEVED.
MOL MAGSAYSAY MARITIME ACADEMY
General Education (Literature) GEM 4: PANITIKAN

Sinamantala iyun ni Intoy. Pandalas syang gumaod papunta sa kanyang pwesto. Mga
dalawandaang metro ang layo noon sa pwesto ng kanyang amo. Wala syang palatandaan sa
kanyang baklad di tulad ng iba na may mga bandila o boyang malalaki. Basta’t kinabisa nya na
lang kung san iyon . Di halatang may tahungan sa kanyang piniling pwesto, kasi nga, di nakausli
ang mga kawayan. Malilit na kawayan lang ang kanyang ginamit. Di pansinin kumbaga. Sobra
lang ang mga iyon sa kanyang mga pinagtrabahuhan. Sinabi nya na lang na gagawa sya ng balsa-
balsang kawayan. Isang bila lang iyun. Iilang tumpok ng semilya ang kanyang nilagay doon
buhat na rin sa isang nagpatanim. Sobra ang semilya, kapos sa kawayan. Wala nang pabitin at
palutang. Magastos sa straw, Styrofoam at plehe ang mga iyon. Puro tali na lang sa bila ang
ginawa nya. Sya lang ang gumawa ng lahat ng iyon. Natutunan nya yun simula noong sya’y
nwebe anyos pa lang. Sa pamamagitan ng pagsama-sama sa mga nagtatali, naglilinis, nagbabaon,
nag-aahon at kung anu-ano pang trabahong may kinalaman sa pagtatahong. Masasabing isa na
sya sa batikan sa larangan ng pagtatahungan. Wala nga lang sapat na kapital para makapagtanim
ng malakihan.

Sa gulang na lima natuto na syang lumangoy nang itulak sya ni Bertong Baka palabas ng
pantalan. Tawanan ang mga kalaro nya. Sina Yeyeng Tikol, Boyet Bagol at Doray Langaw.

Narinig nya ang tawanan ng lahat kahit pa na sisinghap-singhap sya.


Yaaah! Si Intoy Kuting, di makalangoy. Kantyaw ni Bertong Baka.
Kuting! Kuting! Kuting! ang sigaw nina Boyet Bagol at Yeyeng Tikol.
Kuting pa noon ang bansag kay Intoy. Tatay nya kasi si Landong Pusa. Mahilig manghuli ng
pusa para gawing pulutan. Namatay ito nang tumalon mula sa pantalan dahil sa sobrang
kalasingan.Tuhog ang leeg at tagos sa balakang ang tolos na kawayan ang eksenang tumambad
isang umaga sa pantalan. Pagkalibing ng tatay nya ay nawala ang ina. Balita’y sumama na sa
isang drayber ng bus at iniuwi ng probinsya.
Tumigil sa pagtawa si Doray nang mapansing hindi na yata makakawag ang kalaro. Baka
nalulunod na si Intoy.

Uy, ang langaw, nag-aalala sa kuting. Alaska ni Yeyeng Tikol.

Pagnamatay ang kuting, lalangawin naman. Hirit ni Boyet.

Sinagip din sya ng mga kalaro. Bagamat umiiyak si Intoy at nagtatawanan ang kalaro, nakuha pa
rin nilang magbiruan.

Tang na ka, Kuting ka kasi kaya takot ka sa tubig, si Boyet uli.


Sa dami ng nainom mong dagat, mamaya, pati utot mo at dighay, amoy dagat. Alaska ni Yeyeng
Tikol.

Simula noon, palihim na nag-aral lumangoy si Intoy. Sa una ay pakuya-kuyapit pa sya sa mga
poste sa silong ng mga bahay. Hanggang sa poste ng pantalan. Hanggang sa magpalipat-lipat na
sya ng poste ng mga pantalan. Hanggang sa kaya nya na talagang lumangoy. Hanggang sa kaya
nya nang makipaghagaran-taya sa mga kalaro. Sya ang laging panalo sa karera sa paglangoy. Sya
ang pinakamatagal sumisid. Di baling makainom sya ng tubig at magkasugat-sugat sa mga

THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY.


THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
This reading material is not for sale, the purpose of this file is for educational purpose only. ALL RIGHTS RESEVED.
MOL MAGSAYSAY MARITIME ACADEMY
General Education (Literature) GEM 4: PANITIKAN

nakausling kawayan o poste, basta’t doon man lang ay ituring syang magaling, sa paglangoy at
pagsisid.
Sa kanilang magkakaibigan, si Berto ang pinakamalakas. Punggok na malaki ang katawan. Bato-
bato. Tagaigib ba naman ng tubig-tabang sa buong isikinita nila kung hindi lumaki ang katawan
at mapunggok. Tinawag itong baka dahil atungal baka si Berto pag pinapalo ng kanyang nanay.
Gala, malakas ang loob at may kakulitan. Kasama nya ngayon ito sa inuupahang maliit na bahay-
bahayan sa tabing dagat. Kasalukuyang tagahugas ng bus. Madaling araw ang pasok, bago
magtanghali ang uwi.

Si Boyet ay binansagang bagol kasi nahuli itong nangungupit ng bagol sa tindahan. Bata pa lang
daw kumakana na. Ewan kung likas na malikot ang kamay. Naging batikang manananggal (ng
sinampay, gamit, bisekleta) sa kanilang baranggay at pinagkakaisahan ng gulpihin ng taong
bayan. Hanggang sa hindi na makita. Ang huling balita ay nakakulong daw ito ngayon sa
Maynila.

Si Yeyeng Tikol sana ang matalino sa kanilang lahat. Ito lang ang nakatuntong ng mataas-taas na
pinag-aralan kung hindi lang nagkaletse-letse. Matapos ng limang taon sa Saudi ang kanyang
ama, umuwi itong una ang ulo at isinunod na lang ang katawan. Noong malilit pa sila, pirming
nakapasok ang kamay ni Yeye sa loob ng shorts. Nagtitikol daw. Nang magbinata, di na sya
tinawag na Yeye Tikol, Ariel na (ito ang tunay nyang pangalan), di na raw pwede ang tikol.

Malaki na kasi kayat Ariel Burat na sya ngayon. Nahilig mag-aral kahit walang laman ang bulsa
at tyan, natutong mag-shabu. Kaya’t si Yeyeng Tikol o Ariel Burat ay madalas nasa kanto ng
Kalye Marino, nagtatawag ng mga dalagitang naglalakad habang ipinakikita ang pagbuburat.
Si Doray Langaw… ano ba ang kadalasang kwento ng lumaki sa iskwater na walang pinag-
aralan, na iniwan ng mga magulang at tumayong ina’t ama sa dalawang nakababatang kapatid,
na may itsura naman kahit papaano basta’t maliligo lang at magsisipilyo, magpulbos ng kaunti at
lipstik? E, di puta. Di naman. Di naman puta si Doray Langaw. Pakangkang lang daw ito sa mga
mambabasnig. Ang basnig ay malaking bangka na tumatagal ng ilang linggo sa dagat. Sari-
saring isda ang huli ng mga ito. Pagkadaong sa katihan o barahan, magbebenta ng isda ang mga
mambabasnig sa namamakyaw sa pandawan. At dadayo doon si Doray. Tilapya naman nya ang
kanyang ibebenta. Huhugasan sa hapon para maagang mabenta. Mabilis kasi itong mabilasa sa
gabi. Kasi naman, kahit disisyete pa lang ang kanyang tilapya, para na itong kwarentay singko
anyos na galunggong. Kung malakas ang benta, maagang gagarahe si Doray. May pambili na ng
pagkain at bigas. Kung mamalasin at babaratin ang kanyang tilapya, palit-isda na lang. Okay pa
rin. Ibebenta na lang nya kinaumagahan ang isdang ipinambayad sa kanyang inilakong tilapya
noong nakaraang gabi.

Gaya ng inaasahan ni Intoy, lalos din ang kanyang tahong. Sa kalkula nya, maibebenta nya sa
pakyawan ng tatlong daan ang laman ng kanyang tahungan. Sya at ang mga tulad nya na
naghintay ng anim hanggang pitong buwan na namuhunan ng sipag mula sa pagtatanim,
pagbisita kada ilang araw, paghigigpit sa mga taling maluluwag, pagtatanggal ng mga kumapit
na basura, pagluluwag ng mga sobrang sikip na pagkakatali. Malamang, mga kinseng galon sa
bente pesos bawat isa. Matatapos na sana ang kanyang paghihintay. Nagkaayos na sana sila ni
Doray.

THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY.


THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
This reading material is not for sale, the purpose of this file is for educational purpose only. ALL RIGHTS RESEVED.
MOL MAGSAYSAY MARITIME ACADEMY
General Education (Literature) GEM 4: PANITIKAN

Agad syang bumalik sa lugar na pinag-iwanan sa kanya ni Mang Amor. Maya-maya pa ay


dumating na ang amo. Hila-hila ng bangkang de motor ang kinasasakyan nyang lunday.
Tumataas na ang araw. Sumisilaw na sa kanyang mata ang repleksyon nito sa dagat. Wala sa
loob nya ang paglimas ng tubig sa lunday. Saan sya kukuha ng pera? Paano na ang usapan nila ni
Doray? Pwede kayang bumale na agad sa kanyang mga lilinisan?

Toy, kung talagang kursunada mo ang tilapya ni Inday, dapat bayaran mo rin ‘yun. Kahit pa
magkakaibigan tayo, abay bisnis is bisnis, sabi nga ng titser natin sa H.E., si Bertong Baka.
Ulol! Tang ‘nang ‘to, sama ng isip. Wala pa sa isip ko yung iniisip mo. ‘Yan ang napapala mo sa
pakikiusyoso sa kwentuhan ng mga drayber at konduktor.
Eh, kung kuskusin din kaya kita tulad ng pagkuskos ko sa bus? Di ka pa kasi nakakatotkans kaya
ka ganyan magsalita. Totoy ka pa! Tagal na nating tule, totoy ka pa rin!
At ikaw… matanda na? Buwan lang ang tinanda mo sa akin ‘no? Row por ka talaga!
Palkups ka talaga! Apat na ang natotkans ko. Si Jenny Kikay, nilibre ko lang ng Mc Do at ibinili
ng t-shirt sa ukay ukay, nakalaykay ko na ang kiki ni Kikay. Kaya lang amoy ukay-ukay din ang
puday ni Kikay. Maluwag na rin. Si Che-che Tatse, niyari ko ng patuwad sa pantalan ni Mang
Amor. Ah, yun, syinota ko talaga muna. Ako nakauna dun. Si Neneng Bayag, syinota ko rin.
Pero pakiramdam ko, ako ang syinota. Dito ko sa ‘tin kinana ‘yun. At ang di ko
makakalimutan… si Selyang Kuto. ‘Yun ang dumunselya sa akin.
Napatigil si Intoy sa paghihimay ng straw na pagbabalutan ng similya. Inusisa ang sinabi ng
kaibigan. Kilala kasi si Selyang dating star ng beerhouse. Halos nagbibinata’t nagdadalaga na
ang mga anak nito at napabalitang kinukuto. Di nya alam kung inaabatan lang sya ng reaksyon
ng kasama sa bahay na washer na bus. Baka nga nagbibiro ang kaibigan.
O, lalong lumalaki ang mata mo, Lalo kang nagmumukhang lasing na syokoy. Wala ng kuto
‘yun. Magaling na nung kinana nya ako. At por yur inpurmesyun, di ko binayaran ‘yun. Sya pa
ang nagpainom. Kursunada siguro ako. Pabertdey nya raw sa akin. Sya ang nakaberdyin sa akin
sa edad kinse.

Kursunada nga ni Intoy si Doray. Matagal na. Kahit na noong mga bata pa sila. Di nya alam. Di
naman maganda si Doray. Busangot ang nguso at bahagyang nakatikwas ang ilong. May
katabaan at tulad nyang pwde ring makaliskisan ang balat. Siguro ay ang malamlam nitong mga
mata. Siguro ang kulot nitong buhok. Siguro ang kabaitan nito sa kanya. Siguro dahil parehas
silang wala ng mga magulang. Siguro dahil sa maagang bumalikat ng mga kapatid. Siguro ay
maagang namulat sa pagtatrabahong tulad nya. O dahil palakaibigan ito di tulad nyang tahimik.
Kaya nga raw ito tinawag na Doray Langaw dahil laging nakadapo sa tumpukan ng tao. Bata,
matanda, kapwa babae o mapalalake, kakilala o hindi. Alam na nya at ng buong Kalye Marino
ang trabahong paglalako ng tilapya ni Doray. Sa gabi, pupunta ito sa barahan ng basnig malapit
sa Philippine Navy, sa likod ng City Hall. Makikipagtawaran sa mga mambabasnig. Sa kwento
ni Berto at ng mga kakilalang mangingisda, pwede na raw sa dalawandaan. Syempre, doon sa
batuhan o sa mismong bangka, o kaya sa basnig, o kaya sa mga pantalan pinupusta ang tilapya ni
Doray. Kapag bilog ang buwan, walang gaanong kita ang mga mambabasnig, isda ang bayad sa
tilapya nito. Payag na rin si Doray. Kinabukasan, ilalako nya naman ang mga ito. O kaya
dadalhin sa palengke, sa isang plangganita kadalasang asubi, kanglay, samaral, banak, bangus-
alat o tamban, sa isang sulok, o sa daanan ng tao… ibinebenta ni Doray ang mga isda. Minsan, sa
awa nya kay Doray, binibili nya agad ang lako nito kahit pang may huli rin syang isda o
binibigyan sya ng parte ni Mang Amor sa pangingilaw sa gabi o pamamandaw sa hapon.

THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY.


THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
This reading material is not for sale, the purpose of this file is for educational purpose only. ALL RIGHTS RESEVED.
MOL MAGSAYSAY MARITIME ACADEMY
General Education (Literature) GEM 4: PANITIKAN

Mabait sa kanya si Doray dahil maliban kay Berto, ito lang ang nagtityagang makinig sa kanyang
mga kwento at pantasya. Si Doray lang ang nagpapaalala sa kanya na mas maswerte sya kaysa
dito. Na sya ang pinakamagaling na maninisid, magtatali, mag-aani at maglilinis ng tahong. Sya
ang pinakamabilis sa languyan. Sya ang pinakatumatagal sa sisiran. At si Doray lang sa buong
Kalye Marino ang tumatawag sa kanyang pangalan nang di kakabit ang “syokoy”. Di nya alam
kung may gusto rin sa kanya si Doray. Baka kasi nagpapasalamat lang ito sa madalas nyang pag-
aabot ng bungkos ng tahong dito. Baka naman, pinaglalakuan na rin sya ng tilapya nito kapalit
ng maraming bungkos ng tahong.

Marami ang umaasa sa tahungan. Ang Kalye Marino ay hindi na Kalye Marino kung wala ang
mga magtatahong. Sinasabi ng mga matatanda na tinawag ang kanilang lugar na Kalye Marino
simulang gawing Base Militar ng mga Amerikano ang dulo ng kanilang lugar na pinangalanang
Sangley Point Naval Base. Ang tumbok daw ng kanilang Kalye ang unang gate ng Sangley
Point. Kayat sa kanilang kalye dumadaan ang mga sundalong Amerikano para maglabas-masok
sa base. Marines o marino ang kadalasang sundalong dinadala sa Sangley. Nilipat lang ang gate
sa tumbok ng pangunahing lansangan dahil may napatay na puti nang makasaga ito ng batang
naglalaro sa Kalye Marino. Balita’y sa sobrang kalasingan, nakaladkad ang bata hanggang sa
gate.

Maraming dumayo sa kanilang lugar dahil sa trabaho. Shoe shine, sastre, driver, bugaw, puta,
tindero at kung anu-ano pa. Dumami ang dumayo sa lunsod ng Cavite para makipagsapalaran sa
pangakong kaunlarang dala ng bawat barkong nag-aangkla sa baybayin ng Kalye Marino.
Sumigla ang transportasyon. Dumami ang tao. Lumaki ang palengke. Nagkaroon ng sinehan.
Libangan. Putahan. Sugalan. Dumami ang simbahan. Kayat ang pampang ng Kalye Marino ang
sinumulang tayuan ng barung-barong. Sa simula’y mga dalawampung bahay lang daw ang
kulang sa isang kilometrong kalsadang sumasanga mula sa pangunahing lansangan patungo sa
base. Nang maglaon, ang dalawampu’y nanganak nang nanganak. At ngayon nga ay ilang metro
na ang sinakop ng mga bahay mula sa pampang papuntang dagat. Di daw pinapansin ang tahong
noong panahon ng mga Amerikano. Ginagawa lang daw itong pain sa isda. Ang mga tahong ay
kusang tumutubo sa mga batuhan o breakwater, barkong lubog, mga poste ng bahay sa pampang.
Maraming mangingisda sa Kalye Marino noong panahon ng mga Amerikano. Suki ng mga ito
ang mga puti lalong lalo na sa malalaking isda, hipon, alimasag, pusit, pating, talaba at iba’t
ibang lamang dagat. Dumami ang tao sa pampang ng Kalye Marino. Dumami ang tao sa mga
pampang ng Lunsod ng Cavite. Dumami ang tao sa pusod, dibdib at bituka ng lunsod. Dumumi
ang dagat. Pinalitan ng burak ang dating buhangin. Sa paglisan ng mga Amerikano at lumipat
ang base sa Olongapo, marami ang naglupasay sa lungkot at pagkalugi. Nagsara ang maraming
beerhouse, kainan, patahian, pasadyaan ng sapatos at iba pa. Nawalan ng trabaho. Nawalan ng
pag-asang makapag-asawa ng Amerikano ang mga puta. Nabaling ang pansin ng iba sa dagat.
Marami ang pumapalaot. Ngunit katagalan, mas marami pang plastik at basurang nalalambat
kesa sa isda. Sumasabit ang mga kawil sa tela, sako at lata. Pinalitan ng burak ang dating puting
buhangin ng pampang. Kayat tahong ang pinagdiskitahan ng ibang dating mangingisda.

Trenta’y singko pesos kada galon ang benta nina Mang Amor at Intoy sa tahong kapag tingi. Sa
mga walang-wala, ulam na ito maghapon. Sabawan lang, tiyak na may mahihigop at mailalaman
sa kumakalam na tyan at pang-ulam sa maghapon ang isang pamilya. Ibang usapan at presyuhan
kapag pakyawan. Ibig sabihin, lahat ng laman ng tahungan, aanihin . Libo ang turingan dito.

THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY.


THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
This reading material is not for sale, the purpose of this file is for educational purpose only. ALL RIGHTS RESEVED.
MOL MAGSAYSAY MARITIME ACADEMY
General Education (Literature) GEM 4: PANITIKAN

Naging popular ang Cavite dahil sa tahong. Partikular ang Lunsod ng Cavite. Partikular ang
Kalye Marino. Manamis-namis daw ang tahong hango sa baybayin ng Kalye Marino. Haka ng
matatanda, dahil daw sa agos mula sa Maynila-Bataan. Hula naman ng ibang lasenggero ay dahil
sa ebak ng tao. Kunsabagay, lahat naman ng idinidiposito sa banyo sa lahat ng pampang ng
Lunsod ng Cavite ay sa dagat ang diretso. Maging ang tambakan ng basurahan ng lunsod na ito,
sa pampang din sa likod ng sementeryo matatagpuan.

Isinoot ni Intoy ang salaming panisid at pamadyak. Mapapalaban sya ng sisiran. May kalaliman
ang pwesto ni Mang Amor. Nagdoble sya ng gwantes. Mas makapal ang taliptip sa kawayan sa
laot. Higit ng hininga. Sisid. Sikad at padyak habang kagat-kagat nya ang kutsilyo. Binaybay nya
ang mga bila. Niluluwa na ng mga tahong ang sarili nitong laman. Lumabusaw ang tubig.
Binisita nya ang mga pabitin. Gamit ang kutsilyo, pinutol nya ang isa sa mga ito. Dumiretso sa
isa sa mga palutang. Pinutol nya rin. Umahon. Ipinakita sa amo. Nakanganga ang balat. Wala na
ang laman. Nadale ng alig.
Sabi ng ibang beteranong magtatahong, kelan lang daw nagkaroon ng alig. Nagsimula lang daw
ito nitong huling dalawang dekada. Ang paniniwala, dahil sa labis na dumi na ng dagat. Ang
paniniwala ng iba, ang alig daw ay ang dumi, kemikal at lasong nakaimbak sa mga pusali,
imburnal at kanal ng lunsod na nabasa’t natuyo sa loob ng ilang buwan. At kapag bumuhos ang
malakas na ulan, iaagos ang ragasa ng tubig patungong pampang, lilikha ito ng kawalan ng
balanse ng lamig, init, alat at iba pang kemikal at mikrobyo sa dagat. Kung tuba ang
ikinamamatay ng isda, at red tide sa tao, alig naman ang sa tahong at mga lamang dagat.
Paano ba nya sasabihin kay Doray ang lahat? Na gusto nya ito. Kung mahal, hindi nya, di nya
alam. Basta’t kung may magagawa lamang sana sya, ayaw nya na itong makikita sa barahan ng
basnig. Kung pwede lang sana, sabihin nya na kay Doray na tutulungan nya na lang ito sa
pagbuhay sa dalawa nitong kapatid. Kaso, alam nyang di sapat ang pagsesrbisyo nya sa mga
tahungan. At ang kaunti nyang tanim na tahong ay di rin uubra. Kada anim na buwan ba naman
umani ng tahong at lagi pang inaabot ng alig, gaganahan pa ba syang magprisinta ng tulong kay
Doray? Si Doray na nga lang yata ang ‘dalagitang’ may itsura sa kanilang looban. Kung hindi
man mukhang sirena sa imburnal, madalas na mukhang igat ang mga kababaihan sa kanilang
iskinita. Minsan, kapag naliligo sila sa dagat ni Bertong Baka, makikisabay ito kasama ang
dalawang kapatid. Tinuturuang lumangoy ni Doray ang mga ito. Sa laki ng tyan, ika nga ni
Berto, para daw itong mga buteteng laot. Siyang siya si Intoy na makita ang pagkakahapit ng t-
shirt sa may katabaang katawan ni Doray tuwing aahon sa dagat at magpapahinga sa pantalan.
May kung ano syang nararamdaman na di nya ginusto. Marapat sabihing ayaw nya nga.
Pumapalag ang palos sa kanyang short pants. Kumikiwal-kiwal. Kumikibot-kibot. Di nya alam
kung dahil lang sa pagkakatuli nila ni Berto noong nakaraang taon. Syoyotain nya rin kaya si
Doray tulad ng ginagawa ni Berto? At pagsyota na, gagawin rin kaya nila ni Doray ang ginagawa
ni Berto kina Jenny Kikay, Cheche Tatse, Neneng Bayag at Selyang Kuto? Ayaw pa nyang isipin
‘yun. At hindi pa sya marunong. Tuturuan kaya sya si Doray? ‘Yun ang lalo nyang ayaw isipin.
Pero paano nga nya sasabihin kay Doray? Gusto nya ba itong mahalin o anuhin lang. O mahalin
at aanuhin din pagkatapos.
Kagabi lang, nang hihilahin ni Intoy ang mga inorder na kawayang ibinagsak mula sa
Maragundon sa barahan ng basnig, nakita nya doon si Doray. Kausap ang ilang mambabasnig.
Iniwasan nya ng titig ang kababata. Bagamat alam ni Doray na alam nya at ng buong taga-Kalye
Marino ang trabahong pagbebenta ng tilapya sa mga mamabasnig, ano’t parang nahihiya pa rin
sya para dito? Sige ang tali nya sa mga kawayan para hilahin ng bangkang de motor at ilalagay

THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY.


THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
This reading material is not for sale, the purpose of this file is for educational purpose only. ALL RIGHTS RESEVED.
MOL MAGSAYSAY MARITIME ACADEMY
General Education (Literature) GEM 4: PANITIKAN

sa silong ng kanyang pantalan. Binayaran nya ang nag-deliver ng kawayan. Inabutan sya ng
singkwenta pesos. Parang komisyon na yun sa kanyang pag-order sa kausap.
Intoy! alam nyang si Doray ‘yun.
Kunwa’y di nya narinig. Pandalas sya ng lakad papunta sa bangka. Tinawag syang muli ni
Doray, Sunud-sunod na. Di na nya maiiwasan.
Anyong sinino nya pa ang tumatawag. Maliwanag ang kalangitan. Bilog na bilog ang buwan at
waring nagbubunyi ang lahat ng mga bituin. Nasinagan ng liwanag si Doray. Puting t-shirt at
shorts na dilaw ang soot nito. Nakatsinelas. Bahagyang pinapula ang labi at litaw ang layo ng
kulay ng mukha sa leeg gawa ng kulapol ng pulbos. Basa pa ang buhok. May labi pa ang bango
ng shampoo at sabong pampaligo. Inihatid sa kanya ng hanging habagat ang samyo ng bagong
paligong kababata. Di magkandatuto si Intoy sa pagbatak ng tali para mag-start ang motor ng
bangka.

Uy, kaw pala. Anong ginagawa mo dito? Gabi na ha? Sino naiwan sa mga kapatid mo? repeke
ng kanyang tanong. Kahit alam nya ang sagot sa kanyang mga tanong. Ano kaya’t sumagot si
Doray ng ganito: “Kabron ka talaga. Alam mo naman na nandito ako para magpakangkang.
Natural gabi. Gabi lang naman bumabara ang mga basnig. At alam mong walang naiiwan sa mga
kapatid kong natutulog na.”

Mahina ang huli. Bilog ang buwan. Wala akong maiuuwi. Di bale, baka bukas, siguro.

Di nakapagsalita si Intoy. May naglaro sa isip nya. Ano kaya kung sabihin hya kay Doray na sya
na lang magbabayad? Pero di nya aanuhin si Doray. Pauuwiin nya lang ito. Para bang gusto
yang iligtas si Doray mula sa mga asal pating na mambabasnig. Mga pating na basta’t makakuha
lang ng tyempo, sasakmalin agad ang malilit na isda. Pero alam nyang ilang ulit nang nasakmal
ang tilapya ni Doray. Paulit-ulit. Minsan nga, ayaw na ng ibang mambabasnig. Paitlugan na raw
ang tilapya ni Inday. Gusto nila ng mas sariwang tilapya. Mas mahal nga lang. Okay lang daw,
sulit naman. Habang tumatagal ay pababa ng pababa ang presyo ni Doray. Noong una, hanggang
limang daan ay nabibili ang kalakal ni Doray. Pero makalipas ng dalawang taon, swerte na ang
tatlong daan. Kaya doble ang kayod nito. Mula alas sais hanggang mga alas dose. Sa barahan,
marami ang tulad ni Doray. Alas sais ay labasan na ng mga paninda. Inilalako sa mga parukyano.
Pag may bumili, ayos na. Boundary na. Yung iba, uulit pa. Pangreserba ‘ika nga sakaling
tumumal ang bentahan kinabukasan. Pagsapit ng mga alas nwebe, alas dyes, pababa ng pababa
ang kanilang presyo sa paniniwala ng mga basnig na bilasa na sila. Nakailang pisil at pindot na
sa kanilang tilapya ang mga mambabasnig. Kung talagang matumal, dumadayo pa ang mga ito sa
Villamar Beach sa Noveleta. Mga magpupukot naman ang aalukan ng tilapya. Kaso, mas
nakakatakot daw dun. Marami sa tulad nila ang nagkasakit. Na-red tide ika nga. Wala pang
ganoong tapang si Doray.

Pasabay naman, kung uuwi ka na.

Oo ba.

Sa loob ni Intoy, sayang din ang ang kinse pesos na ibababayad ni Doray sa dyip. Isang sakay
mula barahan hanggang sa may simbahan. Tapos mula simbahan, isa pa uling dyip pa-Sangley.

THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY.


THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
This reading material is not for sale, the purpose of this file is for educational purpose only. ALL RIGHTS RESEVED.
MOL MAGSAYSAY MARITIME ACADEMY
General Education (Literature) GEM 4: PANITIKAN

Kung lalakarin, mga medya oras din. Delikado, gabi na. Ibinaba nya si Doray sa kanyang
pantalan. Bandang bukana ng iskinita ang bahay ng kababata.
Naberdyin ka na ba, Intoy? Balita sa ‘kin ni Berto, di ka pa raw. Sya daw madami na. Yabang
nun no? Madami na raw syang na-ano. Eh, kung sinu-sino lang naman ang mga ‘yun. Sina Jenny
Kikay na inakan ng mga kundoktor at drayber, si Neneng Bayag na pekpek palit-bato, si Selyang
Kuto na tinatanggihan na sa basnig at si Che-Che Tatse, ekskyus lang no, mas mataba pa sa akin
‘yun. Ang mga type talaga ni Baka… ‘la pala sya. ‘Kaw, type mo ba ang tulad ko? ang parang
walang anong tanong ni Doray. Alam ni Intoy na si Bertong Baka ang nagnguso kay Doray. Di
nya alam kung matutuwa sya o magagalit sa kaibigang washer. Di nya alam kung talagang
nagmamalasakit sa kanya ang kaibigan o ibinubugaw lang talaga sya. Di nya alam kung
nakikipagsyota na sa kanya si Doray o simpleng pinaglalakuan lang sya ng tilapya nito.

Sige, bukas, di ako pupunta sa barahan. Puntahan kita dyan sa inyo.

Ha, a, eh, si Berto, eh…

Sus, pakipot pa ‘to. Alam ko namang gabi ang alis ni Baka at umaga na ang uwi. Basta, mga ala
una, baka may makakita sa atin eh. Iwan mong bukas ang pinto mo.

May gusto rin ba sa kanya si Doray? O baka naman magpapaano lang sa kanya? Kung
magpapaano ito sa kanya, gusto ba talaga iyon ni Doray o may bayad? ‘Bisnes is bisnes’ ika nga
ni Berto. Baka nga. Ampanget. May bayad. Ibig sabihin nun di rin sya mahal. Pero, nagbebenta
naman ng tilapya si Doray sa kung sinu-sino lang, bakit hindi pa sya ang tumangkilik sa paninda
ng kababata? Mabuti na yun, kung sya man ang kakain ng tilapya ni Doray, gusto nya talaga
ito.O mahal na siguro.

Halos hindi makatulog si Intoy nang gabing iyon. At napagpasyahan nya na kailangan nya ng
pera. Kung sakaling humingi ng kabayaran si Doray, hindi sya mapapahiya. At ang nasa isip nya
nga ay ang hanguin ang lahat ng tahong nya at ipapakyaw sa mga nagtitinda sa kanilang kanto.
Bagsak presyo na. Kahit tatlong daan, payag na sya. Bibili sya ng pandesal at mantikilya, kape’t
asukal sa panaderya sa kanto para may pagkain sila. Bibili rin sya ng shampoo at sabong
mabango. Puro sabong panlaba na lang kasi ang natitikman ng kanyang ulo at katawan. Bibili rin
sya ng colgate. Baka amoy dagat pa sya, nakakahiya naman. Baka maalat ang laway nya,
nakakahiya naman. Pag-alis ni Berto, saka sya maglilinis ng bahay. Baka makahalata kasi ang
kaibigan kung maaga nya itong gagawin. Maglalaba rin sya ng kumot at punda. Ibinibilad nya sa
araw ang banig at unan. Mag-iipon sya ng tubig-tabang.

Ngunit ngayon, pinatay ng alig ang sagot sa mahabang paghihintay ni Intoy. Itutuloy pa ba nya?
Ano ang ikakatwiran nya kay Doray? Na wala syang pera? Paano kung gusto pala talaga sya ni
Doray at hindi ito nagpapabayad? Baka naman magalit sa kanya ito at isiping itinututiring niya
rin tulad ng pagturing ng sa kanya ng mga mambabasnig?

Sige ang murang pa-Chavacano ni Mang Amor. Digrasyaw bo, kabron!

Pinagpuputol ni Mang Amor ang mga pabitin at panabit. Si Intoy, kinayas nya ang mga bila at
poste. Tinanggal ang mga balat ng tahong na wala ng laman. Lumalabo ang tubig sa tuwing

THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY.


THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
This reading material is not for sale, the purpose of this file is for educational purpose only. ALL RIGHTS RESEVED.
MOL MAGSAYSAY MARITIME ACADEMY
General Education (Literature) GEM 4: PANITIKAN

babagsak sa burak ang mga bungkos na patay na tahong. Awtomatiko at mabilis ang kilos ni
Intoy kahit wala sa loob ang trabaho. Lalo pang lumalabo ang tubig sa mga laman ng tahong
lumulutang sa paligid na umaalsa mula sa kinayas na tahong sa mga bila at posteng kawayan.
Ilang oras lang at malinis na ang dalawang pwesto ni Mang Amor. Bukas na nila itutuloy ang
paglinis sa iba. Pahapon na. Gutom na sila at giniginaw hatid ng hanging pasko. Nanguluntoy na
ang kanilang balat sa kamay at talampakan. Sugat-sugat ang kamay ni Intoy sa talim ng mga
taliptip at tahong. Di sya naipagtangol ng manipis at magupok nyang gwantes.

Gabi. May taklob ang nakahanda nang pandesal at mantikilya. Katabi ng kanin at ulam na
ipinagtabi ni Berto kaninang hapon bago ito umalis para maghugas ng bus. May mainit na tubig
sa termos. Nakahanda na rin ang tinging kape at asukal. Salamat sa isandaang paunang bayad sa
kanya ni Mang Amor sa paglilinis ng mga pwesto maghapon. Ngunit hindi sya nakapaglinis ng
bahay. Hindi nya rin nalabhan ang kumot at punda ng unan. Di nya rin naibilad ang banig at
unan. May tubig-tabang na naigib si Berto. Pero di pa sya naliligo. Nag-aasin na ang tubig-dagat
sa katawan ni Intoy. Matigas na ang kanyang buhok. Naaamoy ni Intoy ang sarili na maalat.
Nasa gawing pintuan lang sya. Nakaupo at nakaunat ang mga hita’t binti sa tulay na kawayan.
Inaaninag sa liwanag sa malamlam na bumbilya ang mga sugat ng kamay. Mahapdi. Pero di na
kumikirot. Sanay na sya. Naramdaman nyang lumalangitngit ang tulay na kawayan. Iniluwa ng
dilim si Doray. Nanulay ang bango ng bagong paligong bagong dating. Naka-shorts at t-shirt ito.

Basa pa ang buhok.

Inalig daw halos lahat?

Oo eh. Malas nga. Pati yung kapraso kong pwesto, di pinatawad. May pinaglalaanan pa sana ako
nun. Sige ang kukot nya sa sugat. Gusto mong kumain? May kape dya, pandesal at mantikilya.
Hinawakan ni Doray ang kanyang kamay. Sinuri ang mga sugat. Hinalikan ito. Inakay sya

paloob ng bahay.

A, Doray, kasi…

Hayaan mo na, makakabawi ka rin sa susunod.

Pininid ni Doray ang pinto.

SOURCE:
https://www.oocities.org/phil_stories/atalia_intoy

THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY.


THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
This reading material is not for sale, the purpose of this file is for educational purpose only. ALL RIGHTS RESEVED.

You might also like