You are on page 1of 2

MOVIE POSTER: Mukha ng Lipunan sa Teatro

Ang “Musmos ng Karimlan (Naïve of Darkness)” ay kwento ng maagap na pagkamulat


sa masalimuot ng takbo ng bahay. Iba’t ibang tao, iba’t-ibang araw; simula sa pagsikat
hanggang sa pagpanaw ng liwanag. Beep! Beep! maingay, magulo, at maraming tao; lakad rito,
takbo doon, hindi magkaintindihan ang mga tao. Matatanaw ang umpukan ng mga bata sa hindi
kalayuan. Maraming bilad sa ulan sa ngalan ng kakarampot na barya. Ang laman ng baso ay
hindi tubig kung hindi ang naipong barya sa paglilimos kanina. Sige takbo! huwag ka papatalo sa
patintero, sabihin mong pambili lang ng pantawid gutom. Sige talon! habulin ang lalaking busog
ang bulsa ng pantalon. Kaya sige takas! pilitin mong magpumiglas hangga’t hindi ka pa
natatalian ng lubid ng batas sapagkat pambili lang po ng gatas.

Ganiyan nabubuhay ang isang walang tirahan na menor de edad na magkasintahan, ang
17-anyos na si Tantan at 16-anyos na si Crisa, na dumidiskarte sa mga lansangan ng Quiapo
upang buhayin ang kanilang tatlong buwan na sanggol. Namumuhay sila sa paglalatag ng mga
kumot sa kariton at duyan para sa baby nilang si Cristian habang nagtitiis sa lamig ng gabi. Sira
ang kanilang kinabukasan dahil parehas silang walang pinag-aralan. Walang galang, walang
disiplina, bastos, at palamura na animo'y kanilang unang wika. Mga batang hamog na nabiktima
ng kahirapan ng buhay. Palagi silang nag-aaway at nagsisigawan ngunit sa kabila nito,
mararamdaman pa rin ang pag-aalaga nila sa isa't isa. Upang mabuhay, sila’y dumidiskarte mula
sa pag-agaw ng mga cellphone sa gitna ng trapiko hanggang sa pagnanakaw sa tindahan. Agad
nilang ibinebenta ang mga nakaw na gadget sa mga dealer upang kumita ng perang pantawid sa
mga pangangailangan ng kanilang anak (at kung minsan, para lamang masiyahan ang pagkagusto
ng asawa sa isang bagong bagay). Isang araw, sinampal sila ng balik ng tadhana, nabulabog ang
kanilang mundo nang manakaw naman ang pinakamamahal nilang anak. At bilang busabos sa
lansangan, ang kalupitan ng lipunan at panlilinlang ay higit na nagtutulak sa kanila upang
desperadong hanapin ang kanilang anak. Halos lahat ay gagawin at halughugin mahagilap lang
ang nawawalang sanggol. Agad silang lumapit sa mga tanggapan ng gobyerno kung saan
humingi sila ng tulong ngunit palagi silang nakakatanggap ng panlalait o masasakit na komento
at pinagpapasa-pasahan ng mga opisyales. Pati mga pribadong sektor ay wala ring maibigay na
tulong bukod sa maliit na donasyon o paggamit sa kanilang kuwentong buhay. Walang pakialam
ang barangay kapitan sa hinanakit ng magkasintahan nang malamang sa kalye sila nakarita at
nagpasyang iendorso na lang sila sa DSWD na agad nilang inayawan. Gayundin ang mga pulis
na walang ginawa kung hindi silipan at bastusin si Crisa. Kahit ang ina ni Crisa na nalulong sa
droga ay wala ring maibigay na tulong sa kanila at nagpayo na lamang na kalimutan ang sanggol
dahil tiyak na ibinenta na iyon sa mayamang pamilya na makakapagbigay dito ng magandang
kinabukasan na hindi nila kayang ibigay. Bagama't may katigasan sa ulo at may karanasan sa
realidad ng buhay, ang kanilang kabataan ay nahahadlangan ng pag-unawa. Sa gayon, nagtiwala
pa rin sila sa palpak na serbisyong ng mga institusyon ng bansa na kanilang pinaniwalaan na
magiging kanilang tagapagligtas. Sa kabila ng kanilang taos-pusong pagsisikap, walang nais
tumulong sa kanila dahil sa kanilang posisyon sa lipunan. Kaya't napasambit na lamang si Tantan
kay Crisa,"Paano kung ayos ang buhay ni baby Cristian doon sa pamilya na iyon. Maaalagaan
siya maigi, maibibigay ang mga bagay na hindi natin kayang ibigay, kukunin pa ba natin siya?”

Sa salimsim, habang mayroon tayong problema, wala pa rin kukumpara sa mga taong
gagawin ang lahat upang makaraos at makita ang liwanag sa susunod na araw. Tinatalakay dito
ang mga isyu ng kahirapan, kalusugan, droga, krimen, kakulangan sa reproductive health
awareness, kapalpakan ng hustisya at mga serbisyo at diskriminasyon. Matapang nitong
ipinipinta ang nakakatakot na larawan ng reyalidad kung gaano kagulo ang lipunan. Ito ay buong
tapang na naglalabas ng malupit na katotohanan sa kung gaano kahirap ang buhay ng mga nasa
laylayan. Animo’y ang pagiging mahirap ay isang bitag na walang labasan at ang pag-asa ay para
lamang sa mayayaman. Ang pamumuhay ni Tantan at Crisa ay pambihirang mapanukso at
matapang. Sa ganitong sitwasyon ng buhay, nagiging mababa ang tingin ng mga tao sa mga
katulad nila. Sa pagkawala ng kanilang anak, maaaring isa itong pahiwatig na mahaba pa ang
takbo ng buhay kaya’t maaaring paunlarin muna ang kanilang mga sariling buhay at
maghiwalay. Hindi magiging madali at isang mahabang proseso ngunit dahan-dahan ay
magkakaroon ng bagong buhay. Maaring sa kanilang paghihiwalay ay maging maayos ang takbo
ng kanilang buhay na balang araw magtatagpo ang kanilang landas na payapa at malaya.

MOVIE POSTER: Mukha ng Lipunan sa Teatro


Mga Miyembro:
Bundalian, Jasmin
Caspillo, Matthew
Garrido, Emart
Lopez, Marjorie

You might also like