Ang “Ambulansyang de Paa” ay isa lamang sa maraming
dokumentaryong nagawa ng mamamahayag na si Kara David ngunit ito ang obra niyang pinaka tumatak sa akin. Sa dokumentaryong ito ay pinuntahan nila ang mga pinakaliblib at maliliit na mga sitio sa Mindoro Oriental partikular na ang mga sitio ng Apnagan at Dyangdang. Dito nasaksihan nila ang nakakapanlumong kalagayan ng mga nakatira doon. Walang maayos na kalsada, matatarik na mga daanan, walang sapat na pagkain, malinis na tubig, at malapit na pagamutan upang tugunan ang mga pangangailangang medikal ng mga residenta ng lugar. Upang maibaba mula sa bundok ang mga kasamahan nilang may sakit ay isinasakay nila ito sa duyan at kinakarga hanggang sa umabot sila sa maliit na health center sa bayan, may mga pagkakataong namamatay nalang ang pasyente sa kalagitnaan ng daan dahil sa layo ng kailangang lakarin. Dito nasaksihan nila Kara ang pagbabayanihan ng mga tao roon, ang pagtutulungan ng mga residente, kakilala o kamag-anak man nila ang maysakit o hindi. Makabagbag damdamin ang mga senaryong aking nasaksihan habang pinapanood ang dokumentaryong ito. Nakakalungkot at nakakadismaya na malamang marami pa ring mga kababayan natin ang dumaranas ng ganitong hirap. Tila nakalimutan na sila ng pamahalaan. Nakakagalit na habang patuloy na nangungurakot at nagpapayaman ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno ay nariyan ang ating mga kababayang naghihikahos at hindi manlang mabigyang pansin ng pamahalaan sapagkat ang pondong para sana sa kanila ay napupunta lamang sa bulsa ng iilan. Sa kabilang banda naman, ako’y labis na humanga sa tatag at hindi matibag na pag-asa ng mga residente roon. Nananatiling positibo ang kanilang pananaw sa buhay sa kabila ng paghihirap na kanilang nararanasan. Buhay na buhay din ang kultura ng pagtutulungan at pagbabayanihan sa komunidad na labis na nakakataba ng pusong masaksihan lalo na’t sa panahon ngayon ay halos mga kaguluhan at di pagkakasundo na lamang ang nangingibabaw sa mga komunidad lalo na sa syudad. Pagkatapos kong mapanood ang dokumentaryong ito, lalo akong naging mas mapagpasalamat sa kung anong buhay man ang mayroon ako ngayon. Natutunan kong pahalagahan ang mga serbisyo at bagay na madali kong natatamo. Gusto kong maging kasing tatag nila, maging kasing tapang nila upang maharap ko ang mga hamon ng buhay. Napagtanto ko rin na napakalayo ng pagitan natin mula sa mga kababayan nating nasa malalayo at liblib na lugar sa kabila ng makabagong teknolohiya na mayroon tayo ngayon. Dahil dito lalo akong nakumbinseng maging isang mamamahayag din balang araw upang maipakita ko ang kalagayan ng mga nasa laylayan ng lipunan, upang silay kilalanin at matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Kung kaya nilang magbayanihan gamit lamang ang duyan at kanilang mga paa, isipin na lamang natin kung ano ang ating kayang magawa para sa ating kapwa nariyang mayroon tayong akses sa halos lahat ng bagay na tiyak ay makakatulong sa kanila.