You are on page 1of 2

Kaian Isaac Duran

I – BA Malikhaing Pagsulat sa Filipino

Repleksyong Papel sa Ang Kuwento ng Mambucal

Paghanga—salitang nangangahulugang pagtatangi sa isang tao, hayop, lugar, o


pangyayari dahil sa kanilang angking galing, ganda, o talino. Aking hinahangaan si Damiana L.
Eugenio sa pagpapamalas ng talim ng kaniyang kaisipan at ng kaniyang kasipagan bilang isang
magiting na folklorista. Naniniwala ako na isa siya sa mga taong dahilan kung bakit mayabong at
patuloy na yumayaman ang panitikan ng Pilipinas. Patunay na rito ang kaniyang pagtitipon-tipon
at sinaliksik ng mga kuwentong bayan mula sa iba’t ibang panig ng ating bansa, kung saan ang
bawat kuwento’y makabuluhan at may nais ipabatid.

Sariwa pa sa aking isipan ang halos lahat ng mga kaganapan sa aking buhay nang ako
ay bata pa. Noon ay madalas akong kuwentuhan ng aking ina at ng aking lola ng mga kuwentong
bayan upang ako ay tuluyang makatulog. Minsan nga ay ginagawa pa nilang panakot sa akin ang
mga ito tuwing ako’y aakmang tatayo mula sa pagkakahiga. Ang nakamamangha rito ay sa bawat
kuwento nila, laging may nakakintal na aral, aral na dapat isinasagawa at isinasabuhay ng bawat
tao. Kagaya na lamang ng aral na iniwan ng “Ang Kuwento ng Mambucal.”

Umiikot ang kuwentong ito sa dalaga na si Kudyapa, sa makisig na binatang


mangangangaso, at sa Diyos na si Kanlaon. Sa ganang akin, ang sinapit nina Kudyapa at ng
mangangaso sa kalupitan ni Kanlaon ay hindi makatarungan. Nais lamang ng dalawa ay ang
mag-ibigan, bakit kailangang harangan ito? Bakit kailangang isumpa pa na maging talon si
Kudyapa at maging bato ang mangangaso? Hindi ko lubusang maintindihan ang desisyong iyon
ni Kanlaon. Hindi naman niya pag-aari ang dalawa, at lalong-lalo na hindi niya kailanman
mapahihinto ang bugso ng tibok ng pusong nagmamahal, kahit anong lakas pa ng
kapaangyarihan ang kaniyang tinataglay. Sa aking pananaw, ang istoryang ito ay sinasalamin
ang mga di makatarungang nangyayari sa buhay. Napakaraming mamamayan ang pinagkaitan
ng hindi lamang ng pag-ibig bagkus pati na rin ng hustisya. Libo-libong mga bilanggo ang hindi
naman dapat naninirahan sa loob ng rehas, nangyari lamang na sila ay biktima ng maling sistema
ng bansa at ng mga taong nasa itaas. Samakatuwid, nararapat lamang nating ipaglaban ang
patas na pagpapataw ng hustisya para sa lahat dahil ito ang paraan upang maalis ang maling
sumpa ng batas sa mga taong malilinis ang pagkatao.

Sa kabilang dako, ang kuwentong bayang ito ang nagpabago sa kung paano ko tignan
ang kahulugan ng pag-ibig. Itinuro nito sa akin na ang pagmamahalan ay hindi natatapos sa
pagiging tao. Dahil katulad ng nangyari kila Kudyapa, pinag-isang dibdib sila ng kanilang tadhana
bilang talon at bato. Tila ba nakaguhit na sa mga palad na sila ay para sa isa’t isa. Maging si
Kanlaon na isang Diyos ay hindi nagawang matibag ang nabuo nilang pagmamahalan na para
ring talon, patuloy lang sa pag-agos.

Sa pagpapatuloy, hindi lamang pag-ibig ang tinalakay sa “Ang Kuwento ng Mambucal”


dahil nasaksihan din dito ang halaga ng pagiging bayani. Kung ating babalikan ang kuwento,
isinakripisyo ni Kudyapa ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagbabantay ng apoy ni Kanlaon
sa paanan ng bundok. Pagkatapos niyang ialay ang kaniyang sarili, ang problema ng bayan ng
Mambucal sa nanunuyot nilang agrikultura ay sa wakas natugunan na. Umulan nang malakas at
nagsimula nang mamunga ang kanilang mga pananim. Mahirap ang ginawang iyong ni Kudyapa,
inuna niya ang iba bago ang niya inintindi ang kaniyang sarili. Tinanggap niya ang kasunduang
humadlang sa pag-iibigan nila ng binatang mangangaso. Ikaw? Nais kong iwanan sa iyo ang
katanungang nanggaling sa pelikula na Heneral Luna (2015): Bayan o sarili?

Hindi maipagkakaila na ang kuwentong bayang ito ay isang napakagandang piyesa na sa


aking palagay ay dapat na mabasa ng lahat, lalo na ng mga Pilipino. Tunay na ang mga
kuwentong bayan ay isang malikhaing pagpapasiwalat ng reyalidad ng buhay. Ito ay dahil ang
lahat ng mga nangyayari sa kuwento ay nararanasan din ng mga tao dito sa mundo. Ang mga
salitang binibitawan sa babasahin, ay siyang winiwika rin ng mga tao dito sa atin. Hindi man
direkta ang pagpapabatid subalit kung sa paraang kritikal tayong magbabasa o manonood,
matutunghayan natin ang mga ginto na nakakubli sa mga kuwento. Sa pagtatapos, yaman ng
Pilipinas at Pilipino ang ating panitikan kung saan nabibilang ang mga kuwentong bayan.
Panatilihin nating nagniningas ang apoy nito tulad ng ginawa ni Damiana Eugenio. Bilang isang
mag-aaral ng malikhaing pagsulat, nangangako ako na mamahalin at pahahalagahan ko ang
panitikan natin gaya ng pag-agos ng pagmamahal nina Kudyapa at ng binatang mangangaso sa
isa’t isa.

You might also like