You are on page 1of 9

INILIGTAS NGA BA TAYO NG BATAS MILITAR SA KOMUNISMO?

By Alvin Campomanes
October 12, 2021 | Kasaysayan Help Desk
https://www.facebook.com/109727014816879/posts/112808304508750/

Malaganap sa social media ngayon ang naratibo na diumano, “iniligtas” ng batas militar ang
Pilipinas sa isang rebelyong komunista. May mga nagsasabi pa nga na kung hindi nagdeklara ng
batas militar si Presidente Marcos, malamang na “nawala ang demokrasya” natin, at naging
“komunistang bansa” tayo.

Gaano kalakas ang kilusang komunista noong 1972?

Sa Presidential Decree 1081, nakasaad na noong 1972, may tinatayang “7,900 kasapi ang NPA”.
1,028 rito ang regular na kadre, 1,800 ang sumusuporta sa pakikipaglaban, 5,025 ang
sumusuporta sa serbisyo (Marcos 1972a). Sa aktuwal niyang talumpati sa telebisyon at radyo
noong Setyembre 23, 1972, sinabi niya namang may “kabuuang bilang na 10,000” ang CPP
(Marcos 1972b). Titigan nating muli ang bilang ng regular na kadre sa P.D. 1081. Kung
ihahambing sa mga kontemporanyong pagtatay ng mga iskolar, mukhang ito ang mas
makatotohanang pigura. Nasa 1,000 lamang ang kabuuang bilang ng NPA noong 1972 (Abinales
1998; Timberman 1991). May umiiral mang rebelyong komunista noon, hindi sapat ang bilang
ng puwersang ito upang pabagsakin ang pamahalaan (Bonner 1987; Jose 2001; Robles 2016).

Mariing pinuna ni Sen. Ninoy Aquino (1973) ang eksaheradong bilang na ibinigay ng gobyerno.
Inihalintulad kasi ng AFP sa lakas ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan noong dekada ’50 ang
bilang ng NPA. Sa mahalagang pag-aaral ni Kerkvliet (1977), sinasabing nasa 11,000-15,000
ang bilang ng Huk noong 1949-1951. Kumikilos ang mga Huk noon nang bata-batalyon sa
Gitnang Luzon, di-hamak na mas malapit sa Kamaynilaan (Shalom 1986). Ang napakaliit na
puwersa ng NPA naman nakabase sa Isabela - malayung-malayo sa ating pambansang kabisera.
Marapat bigyang-diin na sa kabila ng banta ng mga Huk, hindi nagdeklara ng batas militar si
Pangulong Elpidio Quirino (Shalom 1986). Mismong si Heneral Manuel Yan, AFP Chief of
Staff (1968-1972), hindi kumbinsido na kailangan natin ang martial law noon:

“...Hindi pa naman malala ang sitwasyon sa Mindanao noon. Kakaunti lang ang talagang conflict
sa Mindanao noon... Hindi naman malala ang sitwasyon tungkol diyan sa New People’s Army na
kayang sugpuin naman ng ating Armed Forces ‘yan, through small unit actions only... At ‘yan
namang student demonstrations noong panahong ‘yon, tayo’y nagtatag na ng mga units of the
Armed Forces against demonstrations. Tayo ay bumili ng maraming anti-riot equipment to be
able to quell this student unrest peacefully. Iyan ang mga option na dapat gawin. Hindi kailangan
ng martial law.” (Magsanoc-Alikpala 1997)

Marahil itong pagtutol niya ang dahilan kung bakit itinilaga na lamang siyang Embahador sa
Thailand. Hindi rin ito sinang-ayunan ni Heneral Rafael Ileto, AFP Vice Chief of Staff. Hindi na
siya na-promote patungong Chief of Staff (Magsanoc-Alikpala 1997).

Mga Pambobomba sa Kamaynilaan, 1971-1972


Mayroong 19 na naitalang kaso ng pambobomba mula Marso hanggang Setyembre 11, 1972.
Paliwanag ng AFP, bahagi ang mga ito ng “July-August Plan” ng mga komunista. Ilan sa mga
gusaling niyanig ng pagsabog ay ang Joe’s Department Store, Philippine Trust Company, PLDT
Exchange Office, Philamlife Building, Manila City Hall, at Quezon City Hall kung saan
ginaganap noon ang mga sesyon ng Constitutional Convention. Sa mga pahayag niya sa midya,
paulit-ulit na sinabi ni Marcos na ang mga ito’y “palatandaan ng isang namumuong rebelyong
komunista”. Kapansin-pansin na halos walang napinsala o namatay sa mga pagsabog na ito. Sa
pagsabog sa Joe’s Department Store sa Carriedo, 1 ang namatay, 38 ang nasugatan. Ngunit
walang nasaktan sa iba pang kaso ng pambobomba. Ani Magsanoc-Alikpala (1997), “parang ang
layunin lang ay manakot, sa halip na pumatay”. Lumitaw sa pag-aaral ng historyador na si
Scalice (2017, 660-661) na magkaiba ng sinuportahan ang dalawang partidong komunista sa
Pilipinas noon.

Nakipag-alyansa sa pamahalaang Marcos ang pro-Moscow na Partido Komunista ng Pilipinas


(PKP) (Scalice 2017). Sa kabilang panig naman, sinuportahan ng pro-Beijing na Communist
Party of the Philippines (CPP) ang oposisyon (Thompson 1996). Kaya naging lubhang marahas
ang mga tunggalian sa lipunang Pilipino noon. Nakipagsabwatan si Marcos sa PKP sa mga
teroristang gawain. Mababasa sa ilang publikasyon ng partido na sila ang responsable sa ilan sa
mga kaso ng pambobomba. Malaki ang posibilidad na koordinado pa nga ng militar at ng PKP
ang mga kampanya ng pambobomba mula Hunyo-Setyembre 1971 (Scalice 2017, 660). Malalim
ang koneksyon sa pamahalaang Marcos ng mga kasapi ng PKP na sangkot sa pambobomba, lalo
na sina Komander Soliman at Ruben Torres. Noong 1966, matapos pumasa sa bar, nagtrabaho si
Torres sa opisina ni Rafael Salas, Executive Secretary ni Marcos. Sa panahong nangyari ang mga
pambobomba, nagtatrabaho si Torres sa opisina ni Juan Ponce Enrile (Scalice 2017, 660-661).
Malakas rin ang ebidensya na kagagawan rin ang mga ito ng puwersang militar ni Marcos upang
lumikha ng takot at kaguluhan (Mijares 1976; Bonner 1987; Scalice 2017). Sa Waltzing with a
Dictator ipinaliwanag ni Raymond Bonner (1987, 127) na kagagawan ito ng mga Monkee.
Katawagan ito sa isang grupong paramilitar na unang lumitaw sa Gitnang Luzon noong 1969.
Inuupahan sila ng PC, ng mga panginoong maylupa, at mga politiko upang magsagawa ng mga
asasinasyon at iba pang krimen. Hawak sila ng “dalawang komander ng konstabularyo” na
malapit kay Marcos. Dagdag pa ni Bonner (1987, 127), alam lahat ni Enrile ang mga
pambobombang ito. Naniniwala rin ang ilang mga Amerikanong intelligence official na sila ang
nasa likod ng malagim na pagsabog sa Plaza Miranda. Sa ganitong paraan, mabibigyang-
katwiran ni Marcos ang matagal niya nang binabalak na pagpapataw ng batas militar. Sinuma ni
Enrile ang mga kasong ito ng pambobomba, na binasa naman ni Francisco “Kit” Tatad sa
telebisyon sa araw ng mismong proklamasyon (Scalice 2017, 781).

Marami nang nagbunyag na peke ang pananambang sa kotse ni Enrile sa Wack Wack,
Mandaluyong noong Setyembre 22, 1972 (Aquino 1973; Canoy 1980; Mijares 1976; Bonner
1987; Ellison 1988; Burton 1989; Rodrigo 2000; Rodrigo 2010). Inamin ito mismo ni Enrile sa
unang araw ng EDSA, noong inanunsyo nila ni Ramos ang pagtiwalag nila sa pamahalaang
Marcos (PDI 1986; Mydans 1986). Ngunit sa kanyang gunita, binawi niya ang pahayag at sinabi
niyang “totoo” ang ambush (Enrile 2012). Direkta mang kalahok si Enrile sa mga pangyayaring
isinasalaysay niya, kailangang maging kritikal. Sapagkat nagpapalit siya ng pahayag at pananaw
depende sa panahon at pinapanigan. Noong Setymbre 23, 1972, inanunsyo ni Marcos sa
telebisyon na kinailangan niyang magdeklara ng batas militar dahil sa isang “sabwatan ng kanan
at kaliwa” upang pabagsakin ang gobyerno. Sinabi rin ni Tatad na magpapatuloy ang batas
militar “hangga’t nariyan ang panganib” (Abinales at Amoroso 2005, 205).

Kagagawan nga ba ng mga komunistang rebelde ang terorismong ito? Interesanteng banggitin na
ang tanging suspek na nadakip noon ay si Mario Gabuten, sarhento ng Firearms and Explosives
Section ng Philippine Constabulary (PC). Hindi pa man naiimbestigahan, inilipat na siya ng PC
sa Kampo Crame at ikinulong nang incomunicado. Mayroong batayan ang usap-usapang si
Marcos rin mismo ang may pakana ng mga pagsabog upang mailatag ang pundasyon ng kanyang
awtoritaryanismo (Rodriguez 1985; Mijares 1986; Brillantes 1987).

MV Karagatan

Noong Hulyo 7, 1972, lumabas si Marcos sa telebisyon upang ibalita ang tinatawag niyang
malinaw na ebidensya ng “pagsuporta ng isang banyagang bansa” sa mga lokal na komunistang
rebelde. Hindi siya pinaniwalaan ng maraming tao (Salonga 2001). Inilahad niya ang tungkol sa
pagkakasawata sa MV Karagatan, isang bangkang pangisda na may kargang armas at iba pang
kagamitan para sa rebelyong komunista. Nakarating ang bangka sa bunganga ng Ilog Digoyo sa
Palanan, Isabela noong Hulyo 3, 1972 (Scalice 2017, 739). Sumadsad ito dahil hindi naman
talagang marunong magpatakbo ng bangka ang mga itinalagang marinero ng CPP. Natuklasan
tuloy ng militar ang kanilang operasyon at nasabat ang kanilang mga kargamento. Noong unang
lumabas ang balita, binatikos ito nina Sen. Ninoy Aquino at Sen. Ramon Mitra. Anila, pakana
lang ito ni Marcos upang makapagdeklara siya ng batas militar. Noong 1980s, napatunayang
totoo ngang nagkaroon ng shipment ng armas mulang Tsina para sa CPP-NPA. Kung tutuusin,
ang pagkakabunyag at pagkakasawata ng Karagatan ay patunay lamang na kaya ng militar na
labanan ang mga komunista kahit walang deklarasyon ng batas militar.

Plaza Miranda, 1971

Itinuturing ang Plaza Miranda Bombing na isa sa pinakamalagim na pangyayari sa kasaysayang


elektoral ng bansa (Kiunisala 1971; Aquino 1971a; Aquino 1971b; PCDSPO 2013;). Tumutukoy
ito sa pagsabog ng dalawang fragmentation grenade sa miting de avance ng Partido Liberal sa
Plaza Miranda, Quiapo, Maynila noong Agosto 21, 1971. 9 ang nasawi at halos 100 karaniwang
mamamayan ang nasugatan. Nakaligtas ang lahat ng mga kandidato ng partido sa kamatayan
bagama’t mayroon ding mga napinsala nang malubha. Sa loob ng ilang dekada, malaganap ang
paniwala na si Marcos rin ang may pakana nito. Ngunit sa mga gunita at pananaliksik na
nalimbag pagkatapos ng unang EDSA, ipinapalagay na ang CPP ang nasa likod nito (Jones 1989;
Corpuz 1990; Salonga 2001; Estrada-Kalaw 2008).

Wala si Ninoy Aquino noong nangyari ang pagsabog. Náhuli siya ng pagdating dahil dumalo
siya sa despedida de soltera ng isang anak ni Sen. Salvador “Doy” Laurel. Dahil rito,
pinaratangan siya ni Marcos na kasabwat ng mga komunista sa pagpapasabog (Daroy 1988, 23).
Hinamon ni Ninoy si Marcos na pormal siyang sampahan ng kaso kung naniniwala siyang
malakas ang ebidensya laban sa kanya (Locsin 1972; Joaquin 1985). Sa ilalim ng batas militar,
lilitisin si Ninoy ng isang military commission na binuo ni Marcos. Hindi kasama ang
pagpapasabog sa Plaza Miranda sa mga partikular na kasong isinampa sa kanya. Sa kabila ng
mga pala-palagay, mahirap patunayang may direkta siyang kaugnayan rito.

Noong Setyembre 23, 1972, ibinunyag ni Ninoy Aquino ang tungkol sa “Operation Sagittarius”.
Ayon sa kanya, ito ang isang top-secret na planong ipasailalim ang Kamaynilaaan, ang 12 bayan
ng Rizal, at ang buong Bulacan sa kontrol ng PC. Marahil, ani Aquino, bilang paghahanda sa
tuluyang pagpapataw ng batas militar (Aquino 1972; Aquino 1973). Itinanggi ito ng
establisimyentong militar. Ayon kay Hen. Romeo Espino, isa lamang itong contingency plan
upang ihanda ang AFP sa anumang emergency (Magsanoc-Alikpala 1997). Itinanggi rin ni
Marcos ang paratang ni Ninoy. Kinuwestyon ni Ninoy ang tiyempo at ang motibo sa serye ng
mga pambobomba sa Kamaynilaan. Kalaunan, mapapatunayan sa kasaysayan na tama ang
analisis niya sa mga nangyayari: na nakaamba na ang pagpapataw ng batas militar (Canoy 1980;
Mijares 1986; Policarpio 1986; Bonner 1987; Burton 1989; Salonga 2001, Robles 2016).

Sipat sa Kilusang Komunista

Naging intensibo ang mga kampanyang militar laban sa mga rebelde simula 1972. Maraming
napilitang mag-underground. Maraming kabataang aktibista mula sa mga lungsod ang
naradikalisa, namundok, at tuluyang sumapi sa armadong pakikibaka. Karamihan sa mga kasapi
ng kilusan na napuruhan sa militarisasyon ay mga kadre at aktibista ng mga organisasyong masa
(Tiglao 1988, 62). Sa kabila ng represyon, nanatili pa rin ang ibang nangungunang kadre sa
Kamaynilaan upang mag-organisa at makipag-alyansa sa gitnang sektor at sa anti-Marcos na
paksyon ng elit (Tiglao 1988, 61). Noong 1973, itinatag nila ang National Democratic Front
(NDF) upang maging malawak na koalisyon ng mga progresibong grupo at prenteng popular na
lalaban sa rehimen (Timberman 1991, 89).

Humina ang kilusan sa kalagitnaan ng 1970s dahil sa intensibong kampanyang militar. Noong
1976, nadakip si Bernabe Buscayno (“Kumander Dante”), 1977 naman si Jose Ma. Sison. Ngunit
makikita natin na muling lalakas ang kilusang komunista sa dulo ng 1970s. Mula 1978-1986,
nasa 25,000 ang NPA, 30,000 naman ang CPP. Noong kalakasan nito, kumikilos ang NPA sa 69
na lalawigan sa bansa. Abala rin ang AFP sa pagsugpo sa rebelyong Moro noon, kaya nakapag-
ipon ng puwersa ang CPP-NPA (ICG 2011).

Hindi maitatanggi na sa isang pangmatagalang sipat, pinalaki ng rehimen ang kasapian ng mga
rebelde. Maipapanukala ngang ang katiwalian at karahasan ng rehimen ang pangunahing dahilan
ng paglawak ng lumalaban rito, armado at di-armado. Bunga ito ng mga palpak na polisiyang
pang-ekonomiya, kleptokrasya ng mga Marcos at ng mga crony, kawalan ng pananagutan,
pagbusal sa kritisismo, pagsasara ng mga demokratikong espasyo, at ng malawakang pang-
aabuso sa mga karapatang pantao (Mijares 1976; De Dios 1984; De Dios 1988; Aquino 1991;
Timberman 1991; Boyce 1993; Salonga 2000; Miranda 2001; McCoy 2001; Chua 2012; Robles
2016; Youngblood 1993). Hindi totoong panahon ng kapayapaan at kaayusan ang batas militar.

Bilang pagbubuod, totoong may umiiral na rebelyong komunista noong 1972, ngunit wala itong
kakayahang agawin ang kapangyarihan ng estado. Pangalawa, nilikha ni Marcos at ng mga
kasabwat niya ang klima ng takot, gulo, at dahas upang bigyang-batayan ang itatatag niyang
diktadura. Totoong may taktikal na alyansa ang CPP at ang oposisyon (Thompson 1993; Scalice
2018). Ngunit malawak ang puwersang anti-Marcos at binubuo ito ng mga indibidwal at
organisasyong may iba’t ibang paniniwala at motibong politikal. Sa kabilang panig,
nakipagtulungan si Marcos sa PKP at sa mga kriminal na elementong hawak ng AFP at PC.

Ginamit ni Marcos ang probisyon ukol sa batas militar sa Konstitusyon ng 1935, kahit hindi
naman ganoon kalala ang panganib ng komunismo. Nakasaad sa Konstitusyon ng 1935, Artikulo
VII, Seksyon 10, Talata 2 na maaaring ipasailalim ang bansa sa batas militar kung mayroong
“lawless violence, invasion, insurrection, or rebellion, or imminent danger” (Marcos 1972).

Ngunit sa aktuwal niyang talumpati, sinabi niyang idinedeklara niya ang batas militar hindi lang
upang “iligtas ang Republika” kung hindi “repormahin ang lipunan” (Marcos 1972b). Walang
nakasaad sa konstitusyong umiiral noon ukol sa ganitong paggamit ng batas militar. Ito ang
magiging salalayan ng Bagong Lipunan ni Marcos sa ilalim ng awtoritaryanismo. Mananatili
siya sa poder hanggang 1986.

Walang dudang matalino, tuso, at determinadong politiko at pinuno si Marcos. Ginamit niya ang
mga krisis panlipunan at ang mga artipisyal na kaguluhang nilikha niya upang mailatag ang
pundasyon ng kanyang diktadura. Maingat nilang pinlano ni Enrile ang mga aspetong legal ng
proklamasyon. Enero 1970 pa lamang, nagsumite na si Enrile kay Marcos ng isang confidential
report ng legal na kalikasan at hangganan ng batas militar. Ipinatawag siya ni Marcos upang
ihanda ang mga dokumento para sa proklamasyon ng batas militar (Enrile 2012, 276). Noong
Mayo 8, 1972, inilahad ni Marcos sa kanyang talaarawan na inutusan niya ang militar na
rebisahin ang mga plano at isama ang listahan ng mga personalidad na aarestuhin. Siyempre,
mangunguna rito ang numero uno niyang kritiko. Nagpulong rin sila ni Enrile para ipinalisa ang
legal na balangkas ng batas militar (Bonner 1987, 85). Ang mga heneral naman ng AFP at PC
ang nanguna sa implementasyon nito.

Mahalagang tandaan na sa kabila ng halos absolutong kapangyarihan ni Marcos, ng


napakalaking pondo, ng tulong-militar ng Estados Unidos, at ng paglaki ng kasapian ng AFP,
nabigo ang rehimen na tuluyang wakasan ang rebelyong komunista at Moro.

Iniligtas nga ba tayo ng rehimeng Marcos sa komunismo?

Malinaw na hindi.

MGA SANGGUNIAN

Abinales, Patricio at Donna Amoroso. 2005. State and Society in the Philippines. Pasig: Anvil
Publishing.

Abinales, Patricio. 1998. Images of State Power. Quezon City: University of the Philippines
Press.
Aquino, Benigno Jr. S. 1971a. Black Saturday, Plaza Miranda (23 August 1971). Nasa A
Garrison State in the Make and Other Speeches, awt. Benigno Aquino Jr., 307-310. Makati:
Benigno S. Aquino Jr. Foundation.

Aquino, Benigno Jr. S. 1971b. Liberty Shall not Rest! (24 August 1971). Nasa A Garrison State
in the Make and Other Speeches, awt. Benigno Aquino Jr., 311-320. Makati: Benigno S. Aquino
Jr. Foundation.

Aquino, Benigno Jr. S. 1972. Operation Sagittarius (23 September 1972). Nasa A Garrison State
in the Make and Other Speeches, awt. Benigno Aquino Jr., 345-351. Makati: Benigno S. Aquino
Jr. Foundation.

Aquino, Benigno Jr. S. 1973c. How RP Martial Law Came About; The Bangkok Post 27, blg. 70
(Marso 12): 25.

Bonner, Raymond. 1988. Waltzing with a Dictator The Marcoses and the Making of American
Policy. New York: Vintage Books.

Boyce, James K. 1993. The Philippines: The Political Economy of Growth and Impoverishment
in the Marcos Era. London: Macmillan Press.

Brillantes, Alex Jr. 1987. Dictatorship and Martial Law. Quezon City: Great Books Publisher.

Broad, Robin. 1988. Unequal Alliance, 1979-1986: The World Bank, the International Monetary
Fund, and the Philippines. Quezon City: Ateneo de Manila University.

Burton, Sandra. 1989. Impossible Dream: The Marcoses, the Aquinos, and the Unfinished
Revolution. New York: Warner Books, Inc.

Canoy, Reuben. 1980. Counterfeit Revolution: Martial Law in Philippines. Manila: Philippine
Editions Publishers.

Chapman, William. 1987. Inside the Philippine Revolution: The New People’s Army and its
Struggle for Power. London: I.B. Tauris and Co. Ltd.

Corpus, Victor. 1990. Silent War. Quezon City: VNC Enterprises.

De Dios, Emmanuel. 1984. An Analysis of the Philippine Economic Crisis. Quezon City:
University of the Philippines Press.

De Dios, Aurora Javate, Petronilo Bn. Daroy, at Lorna Kalaw-Tirol, mga pat. 1988. Dictatorship
and Revolution: Roots of People’s Power. Metro Manila: Conspectus.

Enrile, Juan Ponce. 2012. Juan Ponce Enrile: A Memoir. Quezon City: ABS-CBN Publishing
Inc.
Ellison, Katherine. 1988. Imelda: Steel Butterfly of the Philippines. Lincoln, N.E.: iUniversie,
Inc., 2005.

Fuller, Ken. 2011. A Movement Divided: Philippine Communism, 1957-1986. Quezon City:
University of the Philippines Press.

International Crisis Group (ICG). 2011. The Communist Insurgency in the Philippines: Tactics
and Talks. Asia Report 202 (Pebrero).

Joaquin, Nick. 1985. Before the Blow: Ninoy’s Senate Years. Nasa A Garrison State in the Make
and Other Speeches, awt. Benigno S. Aquino Jr., 355-390. Makati: Benigno S. Aquino Jr.
Foundation.

Jones, Gregg. 1989. Red Revolution: Inside the Philippine Guerilla Movement. Boulder:
Westview Press.
Jose, Ricardo. 2001. The Philippine Armed Forces: Protector or Oppressor? Kasarinlan 16, blg.
2: 73-90.

Kervkliet, Benedict. 1977. The Huk Rebellion: A Study of Peasant Revolt in the Philippines.
Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Kiunisala, Edward. 1971. The Outrage. Philippines Free Press, September 4.

Locsin, Teodoro Jr. 1972. Benigno S. Aquino Jr. - Man of the Year, 1971. Philippines Free
Press, Enero 8.

Magno, Alexander. 1998. Kasaysayan: The Story of the Filipino People; Vol. 9: A Nation
Reborn. Hongkong: Asia Publishing Co.

Magsanoc-Alikapala, Kara, prod. 1997. Batas Militar: A Documentary About Martial Law in the
Philippines. Manila: Foundation for Worldwide People Power.

Manapat, Ricardo. 1991. Some are Smarter than Others: the history of Marcos Crony Capitalism.
New York: Aletheia Publications.

Marcos, Ferdinand E. 1972a. Proclamation No. 1081; Proclaiming a State of Martial Law in the
Philippines (September 21). Website ng Official Gazette, https://bit.ly/3DzyJM1 (inakses
Oktubre 12, 2021).

Marcos, Ferdinand E. 1972b. Radio-TV Address of President Marcos. Nasa Presidential


Speeches (Vol. 4), awt. Ferdinand E. Marcos, 1978. Manila: Office of the President of the
Philippines.

Mydans, Seth. 1986. 2 Key Military Leaders Quit and Urge Marcos to Resign; He Calls on them
to Submit. The New York Times, Pebrero 23.
McCoy, Alfred W. 2001. Dark Legacy: Human Rights under the Marcos Regime. Nasa
Conference Report: Memory, Truth-telling and the Pursuit of Justice; A Conference on the
Legacies of the Marcos Dictatorship, 129-144. Quezon City: Ateneo de Manila University Office
of Research and Publications.

Mijares, Primitivo. 1976. The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos. New
York: Union Square Publishing.

Miranda, Felipe. 2001. The Political Economy of National Plunder under Marcos. Nasa
Conference Report: Memory, Truth-telling and the Pursuit of Justice; A Conference on the
Legacies of the Marcos Dictatorship, 89-128. Quezon City: Ateneo de Manila University Office
of Research and Publications.

Philippine Daily Inquirer. 1986. Enrile, Ramos Lead “Revolt” Against FM. Philippine Dail
Inquirer, Pebrero 23.

Policarpio, Alfonso. 1986. Ninoy: The Willing of Martyr. Makati: Isaiah Books.

Rodrigo, Raul. 2000. Phoenix: The Saga of the Lopez Family. Manila: Eugenio Lopez
Foundation.

Rodrigo, Raul. 2010. Undaunted: The Lopez Legacy, 1800-2010. Pasig City: Lopez Group
Foundation.

Rodriguez, Filemon. 1985. The Marcos Regime: Rape of the Nation. Quezon City: MOED Press.

Rocamora, Joel. 1994. Breaking Through: The Struggle within the Communist Party of the
Philippines. Pasig City: Anvil Publishing.

Robles, Raissa. 2016. Martial Law: Never Again A Brief History of Torture and Atrocity under
the New Society. Quezon City: Filipinos for A Better Philippines, Incorporated.

Salonga, Jovito. 2000. Presidential Plunder: the Quest for the Marcos Ill-Gotten Wealth. Quezon
City: U.P. Center for Leadership, Citizenship, and Democracy.

Salonga, Jovito. 2001. A Journey of Struggle and Hope: the Memoir of Jovito R. Salonga.
Quezon City: University of the Philippines Center for Leadership, Citizenship and Democracy.

Scalice, Joseph. 2017. Crisis of Revolutionary Leadership: Martial Law ang the Communist
Parties of the Philippines. Ph.D. Disertasyon sa South and Southeast Asian Studies, University of
Califronia-Berkley.

Thompson, Mark R. 1996. The Anti-Marcos Struggle: Personalistic Rule and Democratic
Transition in the Philippines. Quezon City: New Day Publishers.
Timberman, David G. 1991. A Changeless Land: Continuity and Change in Philippine Politics.
Singapore: ISEAS.

Shalom, Stephen Rosskamm. 1986. The United States and the Philippines A Study of
Neocolonialism. Quezon City: New Day Publishers.

Daroy, Petronilo Bn. 1988. One The Eve of Dictatorship and Revolution. Nasa Dictatorship and
Revolution: Roots of People’s Power, mga pat. Aurora Javate de Dios, Petronilo Bn. Daroy at
Lorna Kalaw-Tirol, 1-25. Manila: Conspectus.

Youngblood, Robert L. 1993. Marcos Against the Church: Economic Development and Political
Repression in the Philippines. Quezon City: New Day Publishers.

You might also like