You are on page 1of 3

Batas Militar

Noong Setyembre 21, 1944, inilabas ni Pangulong Jose P. Laurel ang Proklamasyon
Blg. 29 na naglayong ipasailalim ang Pilipinas sa batas militar. Naging epektibo ito
noong Setyembre 22,1944. Ganito rin ang sinunod na proseso ni Marcos, ngunit hindi
niya nilagdaan ang Proklamasyon Blg. 1081 noong Setyembre 21: nilagdaan niya ito
noong Setyembre 17 o Setyembre 22, gayong ang nakasaad na petsa rito ay
Setyembre 21.

Sa buong itinagal ng batas militar, pinamunuan ni Pangulong Marcos ang pagkilala sa


Setyembre 21 bilang National Thanksgiving Day sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 1180 s.
1973. Ginawa niya ito upang mailapat sa kasaysayan ang araw ng pagkakatatag ng
kaniyang Bagong Lipunan. Lubhang naging matagumpay ang propagandang ito
sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay maraming mga Pilipino, lalo na iyong mga hindi
naranasan ang mga pangyayari nong Setyembre 23, 1972, ang naniniwala na ginawa
ang proklamasyon ng batas militar noong Setyembre 21, 1972—na isang karaniwang
pagkakamali.

Malinaw ang mga katunayan. Isang linggo bago pa man ang mismong deklarasyon ng
batas militar, marami nang mga tao ang nakatanggap ng impormasyong may
nakahandang plano si Marcos tungo sa lubos na pagkontrol sa pamahalaan at sa
kaniyang walang-takdang pamumuno. Isa sa mga taong ito si Senador Benigno S.
Aquino Jr. Sa isang talumpati noong Setyembre 13, 1972, inilantad niya ang planong ito
ni Marcos na kinilalang Operation Sagittarius. Inihayag ng senador na nakatanggap siya
ng isang lihim na planong militar na nanggaling mismo kay Marcos at isinaad dito na
ipapasailalim ang Metro Manila at iba pang mga liblib na lugar sa kapangyarihan ng
Konstabularyo ng Pilipinas (Philippine Constabulary) bilang pambungad sa batas
militar. Gagamitin daw ni Marcos ang mga serye ng pambobomba sa Metro Manila,
kabilang na rito ang pambobomba sa Plaza Miranda, upang pangatwiranan ang
kaniyang paghawak ng lubos na kapangyarihan sa buong pamahalaan at sa kasunod
nitong paglulunsad ng kaniyang awtoritaryang pamumuno. Maging sa kaniyang
talaarawan, isinulat ni Pangulong Marcos noong Setyembre 14, 1972 na ipinaalam na
niya sa militar na kaniyang itutuloy ang pagproklama ng batas militar.

Ito na ang rurok ng isang mahabang panahon ng paghahanda: sa mga isinulat ni


Marcos sa kaniyang talaarawan noong Enero 1971, tinalakay niya ang sari-saring
pagpupulong kasama ang mga makapangyarihang negosyante, mga intelektuwal mula
sa Unibersidad ng Pilipinas, at ang militar. Sa mga pagpupulong na ito, sentral na
paksa ang paglalatag ng mga hakbang—gaano man kalabis—na maaaring gawin sa
hinaharap. Dagdag pa rito, sa kaniyang tala nong Mayo 8, 1972 ay ibinahagi niyang
nag-iwan siya ng panuto sa militar na ayusin muli ang mga plano nila, kabilang na ang
listahan ng mga personalidad na kailangang arestuhin. Sa araw ring iyon, nakipagkita
siya kay Kalihim Juan Ponce Enrile upang asikasuhin ang mga ligal na papeles na
kinakailangan.

Noong Setyembre 21, 1972, demokrasya pa rin ang umiiral sa bansa. Sa araw ring
iyon, ibinigay ni Senador Benigno S. Aquino Jr. ang kaniyang huling talumpati sa
senado.

Huwebes, Setyembre 21, 1972, ginanap ang huling sesyon ng linggo. Isinalaysay ni
Primitivo Mijares, kasama ang iba pa, ang mga tungkulin ng Kapulungan ng mga
Kinatawan at ng Senado pati na rin ang mga nakatakdang pagtitipon ng mga komite
noong gabing iyon.

Kinahapunan, ayon sa salaysay ni Edicio de la Torre[1] noong 2009, isang protesta ang
ginanap sa Plaza Miranda na siyang itinaguyod ng Concerned Christians for Civil
Liberties. (Ayon kina Eva Lotte E. Hedman at John Thayer Sidel sa kanilang
librong Philippine politics and society in the twentieth century: colonial legacies, post-
colonial trajectories, pinamunuan ang protestang ito ng koalisyong binubuo ng higit
tatlumpung samahang sibiko, relihiyoso, pangmanggagawa, pangmag-aaral, at aktibista
na nakapagtipon ng halos 30,000 katao sa Plaza Miranda. Nakatanggap ito ng
matinding atensiyon mula sa radyo, telebisyon, at pahayagang nasyonal.) Sa kabilang
banda, ibinahagi ni Pangulong Marcos sa kaniyang talaarawan na noong Setyembre 21
ay natapos na niya, kasama ang mga kasapi ng kaniyang kabinete at mga tauhan, ang
paghahanda ng Proklamasyon 1081 sa ganap na 8:00 ng gabi.

Isang araw pagkatapos ng huling talumpati ni Ninoy Aquino, Setyembre 22, 1972,
nakapaglathala pa ang mga pahayagan: tampok sa mga ito ang protestang ginanap sa
Plaza Miranda. Isinalaysay ni Mijares sa kaniyang libro na nabalisa si Pangulong
Marcos sanhi ng iniulat ng Daily Express—ayon daw kay Aquino, sa oras na
maipatupad ang batas militar ay maaari siyang maipakulong kaagad o tatakas siya
upang umanib sa mga mag-aalsa laban sa batas militar.

Noong Biyernes, Setyembre 22, 1972, tinambangan ang kumboy[2] ni Juan Ponce
Enrile—na siyang Kalihim ng Tanggulang Bansa noon. Naganap ito sa Wack-Wack
habang pauwi na si Enrile sa Dasmariñas Village, Makati bago ang 9:00 ng gabi. Ito
ang ginamit na katwiran upang maitatag ang batas militar. Bilang patunay na ito ay isa
lamang pagdadahilan, isiniwalat mismo ni Enrile noong 1986 na palabas lamang ni
Marcos ang pananambang sa kaniya para pangatwiranan ang proklamasyon ng batas
militar. Isinulat din ito ni Marcos sa kaniyang talaarawan noong Setyembre 22, 1972
(9:55 ng gabi): “Sec. Juan Ponce Enrile was ambushed near Wack-Wack at about 8:00
pm tonight. It was a good thing he was riding in his security car as a protective
measure… This makes the martial law proclamation a necessity.” (“Tinambangan si
Kalihim Juan Ponce Enrile sa may Wack-Wack ngayong 8:00 ng gabi. Mabuting
nakasakay siya sa kaniyang security car bilang pananggalang… Dahil dito,
mapatutunayang totoong kinakailangan ang batas militar.”) Ibinahagi rin niya sa
kaniyang talaarawan noong Setyembre 25, 1972 ang mga kalagayan matapos ang
dalawang araw ng batas militar, palatandaang ito ay talagang nagsimula noong
Setyembre 23, 1972.

Ibig sabihin ng lahat ng ito, noong lumabas sa telebisyon si Pangulong Ferdinand E.


Marcos sa ganap na 7:15 ng gabi noong Setyembre 23, 1972 upang ianunsyo na
inilagay niya ang buong Pilipinas sa ilalim ng batas militar na binibigyan ng bisa ng
Proklamasyon Blg. 1081, ibinalangkas niya ang kaniyang deklarasyon sa mga
kondisyong ligal—na gayong pawang hindi totoo ay lubhang nakatulong sa
pagbabalatkayo ng kaniyang tunay na intensiyon: sapagkat ang kaniyang deklarasyon
ay walang iba kundi isang autogolpe/self-coup o isang di-makatarungang
pagpapalawak ng kapangyarihan ng pinuno ng estado. Sinabi niya sa kaniyang
anunsiyo na ipinasailalim niya ang buong bansa sa batas militar na epektibo mula pa
9:00 ng gabi ng Setyembre 22, 1972, na ayon sa kaniya, ay nilagdaan niya noong
Setyembre 21, 1972.

Subalit iba-iba ang salaysay ukol dito. Iniulat ni David Rosenberg sa Bulletin of
Concerned Asian Scholars (“The End of the Freest Press in the World,” Tomo. 5, 1973)
na anim na oras matapos ang pananambang kay Enrile, nilagdaan na ni Pangulong
Marcos ang Proklamasyon Blg. 1081, sa oras na 3:00 ng umaga noong Setyembre 23.
Sa libro ni Raymond Bonner na Waltzing with the Dictator, isinalaysay niya ang
kaniyang panayam kay Juan Ponce Enrile. Ayon sa dating Kalihim ng Tanggulang
Bansa, naging saksi siya kasama ang tumatayong Ehekutibong Kalihim na si Roberto
Reyes sa paglalagda ni Pangulong Marcos ng Proklamasyon No. 1081 noong umaga
ng Setyembre 23, 1972. Sa isang serye ng mga artikulong inilathala noong Pebrero 20-
27 ng 1973 sa The Bangkok Post na pinamagatang “The Aquino Papers”, iginiit na mas
maagang nilagdaan ang Proklamasyon Blg. 1081: Setyembre 17, 1972 na ginawa na
lamang Setyembre 21 sa papel. Isinaad din ni Mijares sa kaniyang libro na halos
ibinunyag din ito ni Pangulong Marcos sa isang talumpati sa pagtitipon ng mga
historyador noong Enero, 1973.

Dalawang bagay ang umusbong: una, sala-salabid man, ipinapahiwatig sa lahat ng mga
salaysay ang obsesyon ng Pangulong Marcos sa numerolohiya o pag-aaral ng mga
numero. Itinuring niya na 7 ang kaniyang masuwerteng numero, kaya kinailangan na
ang opisyal na paglalagda sa Proklamasyon Blg. 1081 ay nakatapat sa petsang
eksaktong nahahati sa pito. Kung gayon, ang opisyal na petsa ng pagkakatatag ng
batas militar ay Setyembre 21, 1972 kung kailan nagsimula na rin ang diktaduryang
Marcos. Naging daan din ito upang makontrol niya ang kasaysayan ayon sa kaniyang
sariling kagustuhan.

Pangalawa, binibigyang-diin ng petsang arbitraryo na ang aktuwal na petsa ng batas


militar ay hindi iyong ibinatay sa numerolohiyang ika-21. Para sa ordinaryong
mamamayan, ang batas militar ay nagsimula sa sandali kung kailan ito ipinatupad nang
malawakan: Setyembre 23, 1972, pagkatapos ng deklarasyon ni Ferdinand Marcos sa
nasyonal na telebisyon. Sa oras ding iyon, tinipon na ang mga personalidad na
itinuturing na hadlang kay Marcos. (Partikular ang mga senador na sina Benigno S.
Aquino Jr., Jose Diokno, Francisco Rodrigo at Ramon Mitra Jr. Pati na rin ang mga
kasapi ng media kabilang sina Joaquin Roces, Teodoro Locsin Sr., Maximo Solien, at
Amando Doronilla.) Hatinggabi ng Setyembre 22 noong nagsimula ang pagdakip sa
kanila at unang-unang sa mga ito si Senador Aquino. Nagpatuloy ang paghuli sa mga
kumakalaban kay Marcos hanggang sa kinaumagahan ng Setyembre 23.[3] Noong 4:00
ng umaga, tinatayang 100 sa 400 kataong itinakdang hulihin ang nasa loob na ng Camp
Crame.

Samantala, ipinatigil ng militar ang operasyon ng mass media, ipinakansela ang mga
biyaheng panghimpapawid, at ipinagbawal ang pagtanggap sa mga tawag mula sa
ibang bansa. 3:00 ng hapon noong Setyembre 23 nang binasa ni Francisco Tatad,
ang Press Secretary noon, ang Proklamasyon Blg. 1081. Sinundan ito ni Pangulong
Marcos, ganap na 7:15 ng gabi, upang ipaliwanag ang mga dahilan sa likod ng
pagsasawalang-bisa ng mga demokratikong institusyon ng bansa. Matapos nito ay
inilabas niya ang General Order No. 1 na siyang iginiit na lahat ng kapangyarihan ay
maililipat at igagawad sa Pangulo na mamumuno ayon sa batas. Nagtipon lamang ulit
ang Kongreso noong Enero 1973 sa utos ni Pangulong Marcos na mapabilis ang “pag-
aapruba” ng bagong konstitusyon upang pangunahan ang lehislatura.

Iniulat sa New York Times ang mga pangyayaring ito sa isang artikulong
pinamagatang Mass Arrests and Curfew Announced in Philippines; Mass Arrests
Ordered in Philippines noong Setyembre 24, 1972. Maging sa isyu ng Daily
Express noong Setyembre 24, inanunsyo na ang proklamasyon ng batas militar ay
ginawa ni Pangulong Marcos noong Setyembre 23, 1972.

Matapos ang deklarasyon at imposisyon ng batas militar, nagpatuloy pa rin ang


maraming mamamayan sa pagtutol at pagdududa sa pagiging konstitusyonal ng
Proklamasyon Blg. 1081. Naghain ng petisyon para sa habeas corpus sa Korte
Suprema ang mga inaresto. Subalit kahit na nauna nang inanunsiyo ni Pangulong
Marcos na hindi mapapalitan ng batas militar ang Konstitusyon ng 1935, nagkaroon pa
rin ng pagkilos na mapalitan ang nasabing konstitusyon. Noong Marso 31, 1973,
inilabas ng Korte Suprema ang huling pasya nito sa Javellana v. Executive Secretary na
ipinagtibay ang Konstitusyon ng 1973. Ito ang huling hakbang sa pagsasabatas ng
pagiging konstitusyonal ng batas militar: sa G.R. No. L-3556 Setyembre 17, 1974,
ipinawalang-saysay ng Korte Suprema ang mga petisyon para sa habeas corpus dahil
ayon sa bagong ipinatupad na Konstitusyon ng 1973 ang batas militar ay hindi saklaw
ng hurisdiksiyon ng korte.

Opisyal na nagtapos ang batas militar noong Enero 17, 1981 sa pagpapabisa ng
Proklamasyon Blg. 2045. Sa kabila nito, siniguro ni Pangulong Marcos na ang
kapangyarihan sa pagsasagawa ng batas ay nanatili sa kaniya.

Sa kasalukuyan, nagsisilbing pananggalang ang ating Konstitusyon mula sa anumang


posibilidad ng pag-uulit ng batas militar. Ang Korte Suprema ay may kapangyarihang
suriin lahat ng mga opisyal na batas upang tukuyin kung ang mga ito ay naglalaman ng
pang-aabuso ng kakayahang magpasya para sa bayan. Hindi maaaring basta na
lamang ipawalang-bisa ang Kongreso. Higit sa lahat, ang batas militar ay limitado—sa
itatagal nito at sa mga epekto nito—kahit na ito ay iniutos ng isang pangulo.

You might also like