You are on page 1of 2

Zeus

Si Zeus (Sinaunang Griyego: Ζεύς, Zefs, Zeús; Δίας, Diós, "banal na hari") ay ang pinuno ng mga
diyos at ang diyos ng kalangitan at ng kulog sa mitolohiyang Griyego. Siya ang nangingibabaw,
pinakamakapangyarihan, pinakamataas, o supremong diyos ng sinaunang mga Griyego.[1][2]
Ginagamit niyang sandata ang kidlat na may kasamang malakas na kulog, kaya't kilala rin siya
bilang "Zeus ang Tagapagkulog" (Zeus the Thunderer). Sa pamamagitan ng kidlat at kulog,
napamunuan niya ang iba pang mga diyos upang makamit ang tagumpay laban sa mga
higanteng nagnais na kuhanin mula sa Olimpiyanong mga diyos at diyosa ang pagtaban at
pangingibabaw sa daigdig. Partikular na ginagamit din ni Zeus ang kanyang sandatang kidlat at
kulog sa tuwinang magagalit.[3] Kilala siya sa mitolohiyang Romano bilang Hupiter (Jupiter). Sa
mitolohiyang Etruskano, siya si Tinia.[4]
Estatuwa ni Zeus.

Ama ni Zeus si Cronus (Saturno sa Romano). Batay sa mitolohiyang Griyego, napag-alaman ni


Cronus na mapapalitan siya sa pagkahari ng isa sa kanyang magiging mga anak. Kaya't
nilulunok niya ang mga ito, sa bawat pagkakataon magsisilang ang kanyang asawang si Rhea,
upang mapigilan ang kanyang pagkagapi. Nalunok niyang lahat ang kanyang mga naging anak
kay Rhea, maliban na lamang kay Zeus na itinago ni Rhea sa pulo ng Creta sa Gresya. Sa halip,
ang nalunok ni Cronus ay isang batong ibinalot ni Rhea sa isang kasuotan.[3]

Sa paglaki ni Zeus, napilit niya ang kanyang amang si Cronus na iluwa ang kanyang mga kapatid.
Nagkaroon sila ng kapangyarihan sa buong sanlibutan. Sa pamamagitan ng palabunutan,
nakapagtalaga sila kung sinu-suno ang mamumuno sa iba't ibang mga kaharian.[3] Naitalaga ni
Zeus sa kanyang kapatid na lalaking si Poseidon (o Neptuno sa Romano) ang karagatan. Sa isa
pa niyang kapatid na lalaking si Hades (o Pluto sa Romano) napunta ang daigdig sa ilalim ng
lupa o daigdig ng mga patay.[5][4]

Nang maging Hari ng mga Diyos si Zeus, pinagharian niya ang lahat ng iba pang mga diyos at
mga tao mula sa kanyang palasyong nasa itaas ng Bundok ng Olimpo, at nauupo sa isang
ginintuang tronong may palamuting mga batong hiyas. Mayroon ding nakapatong na isang
koronang yari sa dahon ng mga laurel sa ibabaw ng kanyang ulo. Natatanging mensahero niya
ang agila. Tinagurian din siyang Diyos ng Katarungan at Diyos ng mga Panunumpa (o mga
Pangako) at Hospitalidad.[3]

Wala nang iba pang mas higit na makapangyarihan kay Zeus, maliban na lamang sa Mga
Kapalaran. Walang magagawa si Zeus kapag pinagpasyahang kuhanin ng Mga Kapalaran ang
buhay ng isang tao, gayundin kung nakapili na ang mga ito kung sino ang magwawagi sa isang
digmaan.[3]

Kabilang sa mga anak ni Zeus si Apollo (o Apollon), ang diyos ng araw, at si Artemis (o Diana),
ang diyosa ng buwan.[3]

Mga sanggunian

You might also like