You are on page 1of 34

PAGMIMISA SA HATINGGABI NG

PASKO NG PAGSILANG NG
PANGINOONG HESUKRISTO
___________________________________

Ika – 25 ng Disyembre

PAROKYA NI SAN JUAN NEPOMUCENO


Malibay, Pasay City
2 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

Tagapagdaloy:
Magsitayo po ang lahat para sa pasimula ng pagdiriwang.

Kapag natitipon na ang sambayanan, ang tagapagdiwang, dala ang sanggol na Hesus, mga
nakikipagdiwang na mga pari at mga tagapaglingkod ay lalakad patungo sa bungad ng dambana
samantalang ang awiting pambungad ay inaawit.

Pagsapit sa bungad ng dambana, pasisimulan ang pagpapahayag ng pagsilang ng Panginoong


Hesukristo.

ANG PAGPAPAHAYAG NG PAGSILANG NI KRISTO

Ngayon, ika-dalawampu’t-limang araw ng Disyembre,


ating balikan ang mga kaganapan
na nag-uugnay sa ating kaligtasan
no’ng mga panahong una
ng likhain ng Diyos ang santinakpan
at lalangin ang tao ayon sa kanyang sariling larawan

Ilang libong taon ang lumipas pagkatapos ng baha,


nang palitawin ng Diyos ang bahaghari bilang tanda ng
kanyang Tipan.
Dalawampu’t isang siglo mula sa panahon ni Abraham at Sara.

Labintatlong siglo sa paglisan ni Moises


kasama ang buong Israel mula sa Ehipto,
Isang libo’t isang daang taon sa panahon ni Ruth at ng mga
Hukom,
isang libong taon nang pahiran ng langis si si Haring David,
sa ika-animnapu’t- limang linggo ayon sa propesiya ni Propeta
Daniel.

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 3

Sa ika-sandaan at siyamnapu’t- apat na Olimpiada,


sa ika-pitong-daan limampu’t-dalawang taon ng
pagkatatag ng siyudad ng Roma.
sa ika-apatnapu’t-dalawang taon ng paghahari ni Octavio
Agusto
habang ang buong mundo ay payapa

ang ating Panginoong Hesukristo,


walang-hanggang Diyos
at bugtong na Anak ng Ama,
hangad na pabanalin ang daigdig sa pamamagitan ng
kanyang pagdating,
ipinaglihi lalang ng Espiritu Santo,
at siyam na buwan sa sinapupunan

ay isinilang sa Bethlehem ng Judea ng Birheng Maria

Ngayon, ang kapanganakan ng ating


Panginoong Hesukristo na nagkatawang tao.

Iinsensuhan ng tagapagdiwang ang sanggol na Hesus. Matapos nito’y papalamutian


ng mga bulaklak ang kinalalagyan ng sanggol.

Pagsapit sa dambana, ang tagapagdiwang, ang mga nakikipagdiwang na mga pari, at


mga tagapaglingkod ay magbibigay-galang alinsunod sa hinihinging paraan.
Magbibigay-galang ang tagapagdiwang sa dambana sa pamamagitan ng paghalik sa
ibabaw ng altar. Matapos nito, iinsensuhan ng tagapagdiwang ang altar.

Pupunta ang punong tagapagdiwang sa kanyang upuan at sisimulan ang Banal na


Misa sa pamamagitan ng antanda ng krus.

`
4 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

Punong Tagapagdiwang:
 Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.

Bayan: Amen!

Punong Tagapagdiwang:
Nawa’y ang liwanag ni Kristo, na siyang ating
kapayapaan at kaligtasan ay sumainyo.
Bayan: At sumaiyo rin!

Punong Tagapagdiwang:
Mga minamahal na kapatid,
tayo ngayon ay natitipon bilang isang sambayanan na
nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos. Isang pinagpalang
Pasko sa inyong lahat!

Sa araw na ito, buong puso tayong nagpapasalamat sa Diyos


para sa pinakadakilang handog niya sa atin
-ang kanyang bugtong na Anak.

Nananahan ang Diyos sa ating piling


upang ang lahat ng nararanasan natin ay hindi maging iba sa
kanya:
ang ating mga kagalakan at sakit, ang mga pag-asa at takot,
ang mga kahinaan at lakas natin.
Maging panahon nawa ng masayang pagtitipon
ang pagdiriwang natin ngayong Pasko.

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 5

PAGSISISI SA KASALANAN

Punong Tagapagdiwang:
Mga Kapatid, aminin natin ang ating mga
kasalanan upang tayo’y maging marapat
gumanap sa banal na pagdiriwang.

Sandaling katahimikan. Matapos, kasabay ng bayan ay wiwkain ng pari:

Inaamin ko sa makapangyarihang Diyos,


at sa inyo, mga kapatid, na lubha akong nagkasala,
sa isip, sa salita, at sa gawa, at sa aking mga pagkukulang.
Kaya isinasamo ko sa Mahal na Birheng Maria,
sa lahat ng mga anghel at mga banal,
at sa inyo, mga kapatid, na ako’y ipanalangin
sa Panginoong ating Diyos.

Punong Tagapagdiwang:
Kaawaan tayo ng makapangyarihang Diyos,
patawarin tayo sa ating mga kasalanan at
patnubayan tayo sa buhay na walang hanggan.

Bayan: Amen!

Panginoon kaawaan mo kami


Panginoon kaawaan mo kami.

Kristo kaawaan mo kami.


Kristo kaawaan mo kami.

Panginoon kaawaan mo kami.


Panginoon kaawan mo kami.

`
6 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

PAPURI SA DIYOS
Pasisimulan ng punong tagapagdiwang ang pag-awit ng Papuri sa Diyos.

Papuri sa Diyos sa kaitaasan


at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.
Pinupuri ka namin,
dinarangal ka namin,
sinasamba ka namin,
ipinagbubunyi ka namin,
pinasasalamatan ka namin
dahil sa dakila mong angking kapurihan.
Panginoong Diyos, Hari ng langit,
Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.
Panginoong Hesukristo, Bugtong na Anak,
Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, Anak ng Ama.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin. Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan
ng sanlibutan, tanggapin mo ang aming kahilingan.
Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama, maawa ka sa amin.
Sapagka’t ikaw lamang ang banal ikaw lamang ang Panginoon,
ikaw lamang, O Hesukristo, ang kataas-taasan,
kasama ng Espiritu Santo sa kadakilaan ng Diyos Ama. Amen.

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 7

PANALANGING PAMBUNGAD
Manalangin tayo.
Saglit na katahimikan.

Ama naming makapangyarihan


pinasikat mo sa gabing ito
ang sinag ng iyong liwanag na totoo.
Pasikatin mo sa amin ang iyong liwanag
sa kalangitan na ngayo’y aming pinatutuloy
sa aming pamumuhay sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen!

`
8 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

PAGPAPAHAYAG NG
SALITA NG DIYOS
UNANG PAGBASA Isaias 9: 1 – 6

Pagbasa mula sa Aklat ni Propeta Isaias

Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang


malaon nang nasa kadiliman, namanaag na ang liwanag sa
mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim. Iyong
pinasigla ang kanilang pagdiriwang, dinagdagan mo ang
kanilang tuwa.

Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan, tulad ng mga


taong naghahati ng nasamsam na kayamanan. Nilupig mo
ang bansang umalipin sa iyong bayan tulad ng pagkalupig
sa hukbo ng Madian. Binali mo ang panghambalos ng mga
tagapagpahirap sa kanila. Sapagkat ang panyapak ng mga
mandirigma, ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo ay
susunugin. Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang
sanggol na lalaki. Ibinigay ang isang anak sa atin at siya
ang mamamahala sa atin. Siya ang Kahanga-hangang
Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos, walang
hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan. Malawak na
kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan. ang
ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
Upang matatag ito at papanatilihin sa katarungan at
katwiran ngayon at magpakailanman. Isasagawa ito ng
Makapangyarihang Panginoon.

Ang salita ng Diyos.

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 9

Salamat sa Diyos.

SALMONG TUGUNAN Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 11-12, 13

Tugon. Sa ati’y sumilang ngayon,


Manunubos, Kristong Poon.

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;


ang Poon ay papurihan nitong lahat sa daigdig! Tugon

Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;


araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa. Tugon

Lupa’t langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,


lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan. Tugon

Ang Poon ay pupurihin, pagkat siya ay daratal,


paririto sa daigdig, upang lahat ay hatulan.
Tapat siya kung humatol at lahat ay pantay-pantay. Tugon

IKALAWANG PAGBASA Tito 2: 11 – 14

`
10 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

Pagbasa mula sa Sulat ni Apostol San Pablo kay Tito

Pinakamamahal kong kapatid: Inihayag ng Diyos ang


kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan sa
lahat ng tao. Ito ang siyang umaakay sa atin upang talikdan
ang likong pamumuhay at damdaming makalaman.

Kaya’t makapamumuhay tayo ngayon nang maayos,


matuwid at karapat-dapat sa Diyos samantalang hinihintay
natin ang ating inaasahan – ang dakilang Araw ng
paghahayag sa ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si
Hesukristo sa gitna ng kanyang kaningningan. Ibinigay niya
ang kanyang sarili upang iligtas tayo sa lahat ng kalikuan at
linisin para maging kanyang bayan na nakatalagang gumawa
ng mabuti.

Ang salita ng Diyos.


Salamat sa Diyos

ALELUYA Lucas 2: 10 – 11

Aleluya! Aleluya!
Ito’y Balitang Masaya
Manunubos sumilang na
Sa ati’y Kristo, Poon s’ya.
Aleluya! Aleluya!

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 11

PAGPAPAHAYAG NG MABUTING BALITA


Lucas 2: 1 – 14
Sumainyo ang Panginoon
At sumaiyo rin.

 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San


Lucas.
Papuri sa iyo Panginoon.

Noong panahong iyon, iniutos ng Emperador Augusto na


magpatala ang lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang
unang pagpapatalang ito’y ginawa nang si Cirenio ang
gobernador ng Siria. Kaya’t umuwi ang bawat isa sa sariling
bayan upang magpatala.

Mula sa Nazaret, Galilea, si Jose’y pumunta sa Betlehem, Judea,


ang bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya’y mula sa
angkan at lahi ni David. Kasama niyang umuwi upang
magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa na noo’y
kagampan. Samantalang naroroon sila, dumating ang oras ng
panganganak ni Maria at isinilang niya ang kanyang panganay
at ito’y lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa
isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa
bahay-panuluyan.

Sa lupain ding yaon ay may mga pastol na nasa parang,


nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. Biglang
lumitaw sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at
lumaganap sa paligid nila ang nakasisilaw na kaningningan ng
Panginoon. Natakot sila nang gayun na lamang, “Huwag

`
12 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

kayong matakot! Ako’y may dalang mabuting balita para sa


inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao.
Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong
Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon. Ito ang palatandaan:
matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at
nakahiga sa sabsaban.”

Biglang lumitaw sa tabi ng anghel ang isang malaking hukbo ng


kalangitan, na nagpupuri sa Diyos:
“Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

HOMILIYA

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 13

PAGPAPAHAYAG NG PANANAMPALATAYA.
Sumasampalataya ako sa Diyos Amang
makapangyarihan sa lahat na may gawa ng langit at lupa.
Sumasampalataya ako kay Hesukristo iisang Anak ng
Diyos Panginoon nating lahat.
NAGKATAWANG TAO SIYA LALANG NG ESPIRITU
SANTO, IPINANGANAK NI SANTA MARIANG
BIRHEN. (Magsiluhod ang lahat) Pinagpakasakit ni
Pontio Pilato ipinako sa krus, namatay, inilibing, nanaog
sa kinaroroonan ng mga yumao.
Nang maikatlong araw ay nabuhay na mag-uli
umakyat sa langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang
makapangyarihan sa lahat, doon magmumula’t paririto at
huhukom sa nangabubuhay at namamatay na tao.
Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo,
sa Banal na Simbahang Katolika sa kasamahan ng mga
banal, sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pagkabuhay
na mag-uli ng nangamatay na tao at sa buhay na walang
hanggan
Amen.

`
14 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

PANALANGIN NG BAYAN
Aanyayahan ng punong tagapagdiwang ang sambayanan sa pagluhog.

Punong Tagapagdiwang:

Ngayong gabi, ilapit natin sa Ama ang ating mga


panaghoy at minimithi. Taglay ang matinding
kagalakang dulot ng pagsilang ng sanggol na si Jesus,
sama-sama tayong manalangin:
AMA, PAKINGGAN MO ANG IYONG BAYAN!
Maging tagapaghatid nawa ng kapayapaan at kagalakan ang Santo
Papa, mga Obispo, mga pari at diyakono sa lahat ng mga bansa,
komunidad, at tahanan. Manalangin tayo. T

Matutunan nawa muli ng mga namumuno sa pamahalaan ang


simpleng buhay katulad ni Jesus upang sila’y mapuspos ng
kagalakan sa pagtupad sa kalooban ng Ama sa lahat ng oras.
Manalangin tayo. T

Turuan mo kaming pumanig sa mga mahihirap, mga mababang –


loob, mga itinakwil ng lipunan, at mga biktima ng karahasan.
Nawa’y sikapin naming tularan ang ginawa mong paglingap sa
kanila. Manalangin tayo. T

Kupkupin mo ang mga nawalan ng tahanan sa sakunang dulot ng


kalikasan, demolisyon, at mga kaguluhan sa kanilang mga lugar.
Manalangin tayo. T

Ingatan mo ang mga mahal naming sa buhay na hindi naming


makakapililing sa Paskong ito: mga doktor at nars sa ospital, mga
OFW, mga sundalo, at mga bilanggo. Manalangin tayo. T

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 15

Sa ilang sandali ng katahimikan, ating ipanalangin ang iba pang


mga pangangailangan ng ating pamayanan pati na rin ang ating
pansariling kahilingan. (Tumahimik) Manalangin tayo. T

Punong Tagapagdiwang:

Ama naming Diyos, ngayon gabi nagdiriwang kami sa


pagsilang ng iyong Anak. Habang ginugunita namin ang
kanyang pagiging tao, patawarin mo kami sa aming mga
kasalanan, at ihatid mo kami sa kapayapaang walang
wakas. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming
Panginoon.
Bayan: Amen!

Sisimulan ngayon ang paghahanda sa mga alay. Ang mga tao ay maaring
magprusisyon patungong altar upang ialay ang kanilang maitutulong para sa mga
dukha at sa simbahan.

`
16 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

PAGDIRIWANG NG HULING HAPUNAN


PAGHAHANDA NG MGA ALAY
Ngayon ay tatanggapin ng tagapagdiwang ang iba pang mga alay, ang tinapay at ang alak.
Samantalang ito’y ginaganap, ilalagay ng mga tagapaglingkod ang telang patungan ng katawan ni
Kristo, ang pamahiran ng kalis, at ang aklat ng pagmimisa sa ibabaw ng dambana.

Ngayoy tatayo ang punong tagapagdiwang sa gawing gitna ng dambana, hahawakan niya ang
pinggan ng tinapay nang bahagyang nakaangat sa dambana, habang dinarasal niya ng pabulong:

Kapuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan. Sa


iyong kagandahang-loob, narito ang aming maiaalay.
Mula sa lupa at bunga ng aming paggawa ang tinapay na
ito para maging pagkaing nagbibigay-buhay.
Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailan man!
Ang diyakono ay magbubuhos ng alak at kaunting tubig sa kalis habang dinarasal nang pabulong.

Sa paghahalong ito ng alak at tubig


kami nawa’y makasalo sa pagka-Diyos ni Kristo
na napagindapat makihati sa aming pagkatao.
Pagbalik sa gawing gitna ng dambana, hahawakan ng punong tagapagdiwang ang kalis nang
bahagyang nakaangat sa dambana habang dinarasal niya nang pabulong:

Kapuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan. Sa


iyong kagandahang-loob, narito ang aming maiaalay.
Mula sa katas ng ubas at bunga ng aming paggawa ang
alak na ito para maging inuming nagbibigay ng iyong
Espiritu.
Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailan man!
Pagkatapos yuyuko ang punong tagapagdiwang habang dinarasal niya ng pabulong:

Diyos Amang Lumikha, nakikiusap kaming makasalanan.


Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog upang
kami’y matutong sumunod sa iyo ng buong puso.

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 17

linsesuhan ng punong tagapagdiwang ang mga alay at dambana; pagkaraay iinsensuhan ng


diyakono o ng tagapaglingkod ang pari at mga nagsisimba.

Pagkatapos tutungo ang tagapagdiwang sa gilid ng dambana, maghuhugas siya ng mga kamay
samantalang pabulong niyang dinarasal:

O Diyos kong minamahal, kasalanan ko’y hugasan


at linisin mong lubusan ang nagawa kong pagsuway.
Pagbalik ng punong tagapagdiwang sa gitna ng dambana. Ilalahad niya ang kanyang mga kamay
sa mga tao at ipahahayag.

Manalangin kayo, mga kapatid, upang ang paghahain


natin ay kalugdan ng Diyos Amang makapangyarihan.
Tanggapin nawa ng Panginoon itong paghahain sa iyong mga kamay sa
kapurihan niya at karangalan sa ating kapakinabangan at sa buong
Sambayanan niyang banal.

PANALANGIN UKOL SA MGA ALAY


Ama naming Lumikha,
kalugdan mo ang paghahain ngayong Pasko ng
Pagsilang.
Sa pagpapalitang ito ng iyong kaloob at aming handog
ang Anak mong umako sa aming kaabahan ay siya
nawang magparangal sa ami’t magtampok
bilang Tagapamagitan kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Bayan:

Amen.

`
18 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

PREPASYO (PASKO NG PAGSILANG)


Sumainyo ang Panginoon.
At sumaiyo rin.

ltaas sa Diyos ang inyong puso at diwa.


Itinaas na namin sa Panginoon.

Pasalamatan natin ang Panginoong ating Diyos.


Marapat na siya ay pasalamatan.

Ama naming makapangyarihan,


tunay ngang marapat na ikaw ay aming pasalamatan sa
pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon.
Ang Anak mong di na naiiba sa amin
ay siyang pumawi sa dilim
kaya ngayo’y ikaw ang aming nababanaagan.
Ang Anak mong di naiiba sa iyo ay siyang iisang Salita
mo.
Sa katauhan niya ang iyong sarili’y aming
nakikita.
Sa pamamagitan niya ang iyong pag-ibig ay kahali-halina
kahit ikaw ay lingid sa aming mata.

Kaya kaisa ng mga anghel na nagsisiawit ng papuri sa iyo


nang walang humpay sa kalangitan kami’y nagbubunyi
sa Iyong kadakilaan:

SANCTUS

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 19

Nakalahad ang mga kamay ng pari sa pagdarasal:

Ama naming maawain,


ipinaaabot namin ang pasasalamat sa iyo
sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo.
Pagdaraupin ng pari ang kamay at kukrusan niya ang tinapay at kalis, samantalang
kanyang dinarasal.

Ipinakikiusap naming sa pamamagitan ng Anak mong ito


na ang mga kaloob namin ay tanggapin at basbasan mo 
sa pagdiriwang namin ng paghahain niya sa iyo.
Iniaalay namin ito sa iyo
unang-una para sa iyong banal na Simbahang Katolika.
Pagkalooban mo ng kapayapaan at pagkupkop,
pagkakaisa at pagtataguyod,
ang mga kaanib nito sa sansinukob,
kaisa ng aming Papa Francisco, na iyong lingkod,
kasama ng aming Obispong si Jose
at lahat ng nananalig at nagpapalaganap sa
pananampalatayang katoliko na galing sa mga apostol.

NAKIKIPAGDIWANG I

Ama namin, iyong alalahanin ang iyong mga anak na


ngayo’y aming idinadalangin: N. at N.
Sila’y saglit na ipagdarasal ng pari nang may magkadaop na kamay.
Pagkatapos, ang pari ay patuloy na magdarasal nang nakalahad ang mga kamay.

Ang aming pananampalataya ay nababatid mo,


gayundin ang pagsisikap naming maging tapat sa iyo.
Ang paghahaing ito ng pagpupuri
ay aming iniaalay para sa kapakanan namin

`
20 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

at ng mga mahal namin sa buhay,


para sa aming kalusugan at walang hanggang kaligtasan
sa pagdulog namin sa iyong kadakilaan,
Diyos na totoo at nabubuhay kailanman.

NAKIKIPAGDIWANG II
Kaisa ng buong Simbahan,
ipinagdiriwang namin sa gabing ito
ang dakilang kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng
Tagapagligtas sa sanlibutan,
noong Siya’y ipinanganak ni Santa Maria
na nagdalang-tao at nanatili pa ring Birhen.

Pinararangalan namin ngayon, unang-una,


ang Ina ng Diyos at Panginoon naming si Hesukristo, si
Maria na maluwalhating laging Birhen:
gayundin ang kanyang kabiyak ng pusong si San Jose,
ang iyong pinagpalang mga apostol at martir
na sina Pedro, Pablo at Andres, (sina Santiago, Juan, Tomas,
Santiago, Felipe, Bartolome, Mateo, Simon at Tadeo; gayundin din sina
Lino, Cleto, Clemente, Sixto, Cornelio, Cipriano, Lorenzo, Crisogono, Juan
at Pablo, Cosme at Damian) at lahat ng iyong mga banal.

Pakundangan sa kanilang ginawang kabutihan


at walang sawang pagdalangin para sa aming kapakanan,
kami ay lagi mong kalingain at ipagsanggalang.

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 21

PUNONG TAGAPAGDIWANG
Nakalahad ang mga kamay ng pari sa pagdarasal.

Ama namin,
iyong tanggapin ang handog na ito ng iyong buong angkan.
Loobin mo kami’y makapamuhay araw-araw
sa iyong kapayapaan.
Huwag mong ipahintulot na kami’y mawalay sa iyo
kailan pa man.
Ibilang mo kami sa iyong mga hinirang.

Lulukuban ng mga kamay ng punong tagapagdiwang ang mga alay habang siya’y
nagdarasal.

Ama namin
basbasan mo ang mga handog naming ito.
Marapatin mong sambahin ka namin sa espiritu at
katotohanan,
kaya para sa amin ito ay gawin mong maging katawan at
Dugo ng pinakamamahal mong Anak,
ang aming Panginoong Hesukristo.

`
22 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.

Noong bisperas ng kanyang pagpapakasakit,


Hahawakan ng tagapagdiwang ang tinapay nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng
dambana habang kanyang patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang tinapay sa kanyang banal at


kagalang-galang na mga kamay.

Ang pari ay titingala.

Tumingala siya sa langit, sa iyo,


Diyos Ama niyang makapangyarihan,
at nagpasalamat siya sa iyo.
Pinaghati-hati niya ang tinapay, iniabot niya sa kanyang
mga alagad at sinabi:

Bahagyang yuyuko ang pari:

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN:


ITO ANG AKING KATAWAN
NA IHAHANDOG PARA SA INYO.
Ipapamalas niya ang ostiyang itinalagang maging katawan ni Kristo, ipapatong
niya ito sa pinggan, at luluhod siya bilang pagsamba.

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 23

Ang pari ay magpapatuloy:

Gayun din naman, noong matapos ang hapunan,


Hahawakan ng tagapagdiwang ang kalis nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng
dambana habang kanyang patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang kalis na ito ng pagpapala


sa kanyang banal at kagalang-galang na mga kamay,
muli ka niyang pinasalamatan, iniabot niya ang kalis sa
kanyang mga alagad at sinabi:

Bahagyang yuyuko ang pari:

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN:


ITO ANG KALIS NG AKING DUGO
NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN,
ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS
PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT
SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN.
GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.

Ipapamalas niya ang kalis, ipapatong niya ito sa telang patungan ng katawan ni
Kristo, at luluhod siya bilang pagsamba.
Pagkatapos, ipahahayag ng pari:

Ipagbunyi natin ang misteryo ng pananampalataya.


Si Kristo’y namatay!
Si Kristo’y nabuhay!
Si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon!

`
24 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

Ilalahad ng tagapagdiwang ang kanyang mga kamay samantalang siya ay


nagdarasal:

Ama, kaming mga lingkod mo


at bumubuo sa iyong bayang banal
ay nagdiriwang sa alaala ni Kristo na iyong Anak at
aming Panginoon.

Ginugunita namin ang kanyang dakilang pagpapakasakit


ang pagbangon niya mula sa kamatayan,
at ang matagumpay na pag-akyat niya sa kalangitan.
Kaya mula sa mga biyayang sa iyo rin nanggaling
inihahandog namin sa iyong kataas-taasang kamahalan
ang paghahain na ito na katangi-tangi at dalisay:
Ang pagkaing nagbibigay-buhay kailan man at ang
inuming nagbibigay-kagalingang walang katapusan.

Masdan mo nang buong kasiyahan ang aming mga alay


na ito.
Ganapin mo sa mga ito ang ginawa mo sa mga handog ni
Abel, ang lingkod na matapat sa iyo,
sa paghahain ni Abraham, na ama namin sa
pananampalatayang totoo,
at sa inihandang tinapay at alak ni Melkisedek, na paring
hinirang mo.
Paunlakan mo ngayong tanggapin ang banal at dalisay na
paghahain.

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 25

Yuyuko ang tagapagdiwang at magdarasal siyang magkadaop ang mga kamay.

Makapangyarihang Diyos,
hinihiling naming iyong ipaakyat sa banal mong anghel
ang mga alay na ito
sa dakilang dambanang nasa iyong harap
upang sa pagsasalo sa banal na katawan at dugo ng iyong
Anak
sa pakikinabang namin ngayon dito sa banal mong hapag
Tatayo nang tuwid ang pari at magkukrus samantalang nagdarasal

 kami ay mapuspos ng iyong pagpapala at tanang


pagbabasbas.

NAKIKIPAGDIWANG III
PAG-ALALA SA MGA YUMAO SA DAIGDIG
Nakalahad ang mga kamay ng pari sa pagdarasal.

Ama namin,
iyo ring alalahanin ang mga anak mong naunang yumao
sa amin
sa paghimlay sa iyong kapayapaan
yamang ang tatak ng pananampalataya ay kanilang taglay
at sila ngayo’y aming ipinagdarasal: N. at N.

Sila’y saglit na ipagdarasal ng pari nang may magkadaop na mga kamay.


Pagkatapos, ang pari ay patuloy na magdarasal nang nakalahad ang mga kamay.

`
26 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

Sila at ang tanang nahihimlay sa kandungan ni Kristo


ay aming idinadalangin sa iyo
upang iyong pagbigyang makarating sa pagsasalo,
pagliliwanag at pamamahinga sa iyong piling.

Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.


(Sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo. Amen.)

NAKIKIPAGDIWANG IV
Dadagukan ng kanang kamay ng pari ang kanyang dibdib habang siya ay
nagsisimulang magdasal.

Kahit kami ay mga makasalanan mong lingkod,


Patuloy na magdarasal ang pari nang naklahad ang mga kamay.

kami rin ay nagtitiwala sa iyong nag-uumapaw na


pagkamapagbigay sa aming pamumuhay araw-araw.
Kaya pagindapatin mo ring kami ay makaugnay at
makapiling ng iyong mga banal na apostol at martir,
kasama nina Juan Bautista, Esteban, Matias, Bernabe,
(Ignacio, Alejandro, Marcelino, Pedro, Felicidad, Perpetua, Agata, Lucia,
Agnes, Cecilia, Anastasia) at ng lahat ng iyong mga banal.

Kami nawa’y makapisan nila


hindi dahil sa aming ginagawang
kabutihang kulang na kulang
kundi pakundangan sa iyong pagpupuno sa aming
kakulangan.

Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 27

(Sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo.)

PUNONG TAGAPAGDIWANG
At patuloy na magdarasal ang punong tagapagdiwang:

Sa kanyang pamamagitan ang tanang mabubuting


kaloob mong ito ay lagi mong pinaiiral, pinababanal,
binubuhay, binabasbasan at sa amin ibinibigay.

Hahawakan ng punong tagapagdiwang ang pinggang may ostiya at ang kalis at


kapwa niya itataas habang kanyang ipinapahayag:

SA PAMAMAGITAN NI KRISTO,
KASAMA NIYA, AT SA KANYA,
ANG LAHAT NG PARANGAL AT PAPURI AY SA IYO,
DIYOS AMANG MAKAPANGYARIHAN,
KASAMA NG ESPIRITU SANTO
MAGPASAWALANG HANGGAN.

Bayan:
Amen.

`
28 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

ANG PAKIKINABANG
Sa tagubilin ng mga nakagagaling na utos at turo ni
Hesus na Panginoon natin at Diyos ipahayag natin nang
lakas-loob:
Ama namin, sumasalangit ka.
Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala para nang
pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.
At iadya mo kami sa lahat ng masama.

Nakalahad ang mga kamay ng punong tagapagdiwang sa pagdarasal:

Hinihiling naming
kami’y iadya sa lahat ng masama,
pagkalooban ng kapayapaan araw-araw,
iligtas sa kasalanan at
ilayo sa lahat ng kapahamakan
samantalang aming pinananabikan
ang dakilang araw ng pagpapahayag
ng Tagapagligtas naming si Hesukristo.

Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.


Sapagka’t iyo ang kaharian at ang kapangyarihan at ang kapurihan
magpakailan man! Amen.

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 29

Malakas na darasalin ng paring nakalahad ang mga kamay:

Panginoong Hesukristo,
sinabi mo sa iyong mga Apostol:
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.
Ang aking kapayapaan ang
ibinibigay ko sa inyo.”
Tunghayan mo ang aming pananampalataya
at huwag ang aming mga pagkakasala. Pagkalooban mo
kami ng kapayapaan
at pagkakaisa ayon sa iyong kalooban

Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.

Kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.


Amen.

Ang kapayapaan ng Panginoong Hesukristo ay laging


sumainyong lahat.
At sumaiyo rin.
Lpahahayag ng diyakono o ng pari

Magbigayan kayo ng kapayapaan sa isa’t isa.


Pagkatapos, hahawakan ng pari ang ostiya at hahati-hatiin niya ito sa ibabaw ng
pinggan at isasawak niya ang kaputol sa kalis habang pabulong niyang dinarasal:

Sa pagsasawak na ito ng katawan sa dugo ng aming


Panginoong Hesukristo, tanggapin nawa namin sa
pakikinabang ang buhay na walang hanggan.

`
30 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

Matapos magbigayan ng kapayapaan, aawit ang koro habang nagdarasal nang


pabulong ang pari.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.
Magkadaop ang mga kamay ng pari sa pabulong na pagdarasal.

Panginoong Hesukristo,
Anak ng Diyos na buhay,
sa kalooban ng Ama
kasama ng Espiritu Santo,
binuhay mo sa iyong
pagkamatay ang sanlibutan.
Pakundangan sa iyong banal na
katawan at dugo,
iadya mo ako sa tanang aking kasalanan
at lahat ng masama,
gawin mo akong laging makasunod
sa iyong mga utos,
at huwag mong ipahintulot na ako’y
mawalay sa iyo kailanman.

Luluhod ang tagapagdiwang at darasalin ng pabulong ang panalangin bago


magkomunyon. Pagtayo niya kanyang hahawakan ang ostiya na itataas sa ibabaw ng
pinggan. Paharap sa mga tao siyang magsasabi ng malakas:

Ito ang Kordero ng Diyos. Ito ang nag-aalis ng mga


kasalanan ng sanlibutan. Mapapalad tayong
nakikibahagi sa kanyang banal na piging.

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 31

Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo nguni’t sa isang


salita mo lamang ay gagaling na ako.
Siya ay makikinabang nang magalang at nakayuko sa dambana habang patuloy na
nagdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng katawan ni Kristo patungo sa


buhay na walang hanggan.
Mapitagan niyang tatanggapin ang katawan ni Kristo.
Kukunin niya ang kalis ng dugo ni Kristo.

Ipagsanggalang nawa ako ng dugo ni Kristo patungo sa


buhay na walang hanggan.
Mapitagan niyang tatanggapin ang dugo ng Kristo.
Pagkapakinabang bibigyan niya ang sambayanan ng katawan ni Kristo. Makaaawit
ang koro ng naaangkop na awit.
Matapos ang komunyon, maaaring mgakaroon ng ilang saglit ng katahimikan para
sa pansariling pananalangin at pagninilay.

`
32 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

PANALANGIN PAGKAPAKINABANG
Manalangin tayo.
Saglit na katahimikan.

Ama naming mapagmahal,


sa pagdiriwang namin ng maligayang Pasko
pagindapatin mong kami’y makasalo
sa pamumuhay ng Anak mong kalugud-lugod sa iyo
bilang Tagapamagitan kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Amen.

PATALASTAS / PAGPAPASALAMAT

`
PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON | 33

PAGBABASBAS AT PAGHAHAYO
Gagawin ang pagbabasbas ng punong tagapagdiwang.

Sumainyo ang Panginoon


At sumaiyo rin.
Magsiyuko kayo habang iginagawad ang pagbabasbas.

Ang Diyos na humawi sa kadiliman noong


magkatawang-tao ang Anak niyang mahal at nagdudulot
ng liwanag sa banal na gabing ito pakundangan sa
kanyang pagsilang ay siya nawang magtaboy sa dilim ng
kasamaan at magpaningning sa liwanag ng kabutihan sa
inyong kalooban ngayon at magpasawalang hanggan.
Amen.

Ang Diyos na nagsugo ng Anghel para ihatid ang


Magandang Balita ay siya nawang pumuspos sa inyo ng
tuwa para maihatid sa tanan ang kanyang Mabuting
Balita ngayon at magpasawalang hanggan.
Amen.

Ang Diyos na nag-ugnay ng lupa sa kalangitan ay siya


nawang pumuspos sa inyo sa kapayapaan at kaluguran
bilang mga katambal ng nasa langit niyang Sambayanan
ngayon at magpasawalang hanggan.
Amen.

At pagpalain nawa kayo ng makapangyarihang Diyos,


Ama at Anak  at Espiritu Santo.
Amen.

`
34 | PAGMIMISA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PAGINOON

Humayo kayo’t mahalin at paglingkuran ang inyong


Diyos at kapwa.
Salamat sa Diyos.

Lilisanin ng punong tagapagdiwang at mga tagapaglingkod ang santwaryo.

You might also like