You are on page 1of 2

BASAHIN MO!

Panitikan: Basahin at unawain ang Mitolohiyang Griyegong may pamagat na ‘‘Ang


Pagbagsak ng Troy’’ Balarila: Angkop na Gamit ng Pandiwa Bilang Aksiyon, Karanasan,
at Pangyayari

Ang Pagbagsak ng Troy


Saling-buod ni: Julius A. de la Cruz

Ang digmaan sa pagitan ng mga Trojan at mga Griyego ay hindi natatapos sa pagkamatay ni Hector at
ipinagpatuloy ni Virgil ang pagsasalaysay. Isang mahusay at tanyag namang mandirigma na si Prinsipe Memnon ng
Ethiopia ang pumalit kay Hector. Nakalalamang ang mga Trojan sa mga panahong ito. Ngunit hindi nagtagal ay
napatay rin ni Achilles si Memnon at itinaboy ang mga Trojan pabalik sa mga tarangkahan ng Scaean. Ngunit, sa
parehong lugar, napatay ni Paris si Achilles sa tulong ni Apollo. Tumudla ng palaso si Paris at iginiya ito ng mga
bathala sa sakong ni Achilles, ang kahinaan ng mandirigma. (Tinangka noon ni Thetis na likhain ang sanggol na si
Achilles nang walang kahinaan sa pamamagitan sa paglubog ng katawan nito sa mahiwagang ilog ng Styx ngunit
nakalimutang ilubog ang sakong ng sanggol.)

Ipinasya ng mga Griyego na ibigay ang makapangyarihang baluti ni Achilles sa sinuman kina Odysseus at
Ajax, ang dalawa sa pinakatanyag na mandirigmang Griyegong natitira. Nang mapili si Odysseus, nagplano ng
paghihiganti si Ajax ngunit ginawa siyang baliw ni Athena. Pinatay ni Ajax ang ilan sa mga kawan ng baka, at nang
bumalik ang kanyang katinuan ay pinatay rin ang sarili. Ipinahayag ng Propetang Calchas sa mga Griyego na upang
manalo sila sa digmaan, kinakailangan nilang mabihag ang Propetang Helenus ng Trojan. Ginawa nga nila ito at
sinabi sa kanila ni Helenus na magagapi lamang sa digmaan ang Troy sa pamamagitan ng pana at palaso ni
Hercules. Ibinigay ni Hercules ang mga ito kay Philoctetes, na tumulong sa mga Griyego laban sa Trojan ngunit
iniwan naman siya ni Odysseus. Humingi ng tawad si Odysseus sa ginawa niyang pag-iwan kay Philoctetes at
kasama ang ilang kawal, hiniling nilang bumalik siya (Odysseus) sa kanilang panig. Bumalik si Philoctetes at agad
na pinaslang si Paris. Napag-alaman ng mga Griyego na ang mga Trojan ay may sagradong imahe ni Athena, ang
Palladium, na nag-iingat at gumagabay sa kanila.

Nagmanman sina Odysseus at Diomedes sa likod ng mga kalaban at inagaw ang Palladium. Nanatiling
protektado at ligtas ang Troy dahil sa kanilang nagtatayugang mga moog na humahadlang sa mga Griyego upang
makalusob. Sa wakas, isang plano ang naisip ni Odysseus-ang paggawa ng isang higanteng kabayong kahoy na
hihilahin sa mga tarangkahan at magpapahiwatig ng kanilang pagsuko at pagbalik sa kanilang lupain.
Isang lalaking nagngangalang Sinon ang pumuwesto sa likod na bahagi at nagkunwaring taksil sa mga Griyego.
Sinabi niyang bagama't umatras na sa digmaan ang mga Griyego, iniwan nila ang higanteng kabayong kahoy bilang
handog kay Athena.
Sinabi rin niyang inaasahan na rin ng mga Griyego na hindi ipapasok sa loob ng lungsod ng mga Trojan ang
kabayong kahoy dahil sa laki nito na maaaring makapagpagalit kay Athena at magbigay ng kasawian at masamang
kapalaran sa lungsod. Sa pag-aakala ng mga Trojan na nasa kanila ang huling halakhak, mabunyi nilang dinala ang
kabayong kahoy sa loob ng lungsod.
Walang buhay ang kabayo ngunit lingid sa kanilang kaalaman, ang mga pinunong Griyego ay nasa loob nito.
Pagsapit ng gabi, lumabas sila mula rito at binuksan ang mga tarangkahan ng lungsod. Samantala, ang hukbong
Griyego, na nagtatago lamang sa di-kalayuan, ay lumusob at nagsipagkalat sa lungsod at pinagpapaslang ang mga
Trojan. Pinatay si Haring Priam ng anak na lalaki ni Achilles. Sa mga tanyag na Trojan, tanging si Aeneas lamang
ang nakatakas kasama ang kanyang ama na pangko sa kanyang mga balikat at ang kanyang anak na hawak ang
kanyang kamay.
Lahat ng lalaki ay pinaslang at ang mga babae at kanilang mga anak ay pinaghiwa-hiwalay at ginawang mga
alipin. Sa huling yugto ng digmaan, kinuha ng mga Griyego ang sanggol na anak na lalaki ni Hector na si Astyanax
mula sa ina nitong si Andromache at inihulog ito sa nagtatayugang moog ng Troy. Sa kamatayan ni Haring Priam,
natapos rin ang pamana at katanyagan ni Hector at ng Troy.
Pinagkunan: The Fall of Troy, Sacred Texts, 2016
Angkop na Gamit ng Pandiwa Bilang Aksiyon, Karanasan, at Pangyayari

Mahalaga ang angkop na pandiwa upang isalaysay ang isang aksiyon, pangyayari, at karanasan. Pandiwa ang
nagpapahayag ng nangyayari sa isang pangungusap. Ito ang salitang nagsasaad ng kilos o galaw ng isang
pangungusap. Maari itong magpahayag ng nangyari (Tumatakbo ang bata), magtanong (Tumakbo ka? ), mag-utos
(Tumakbo ka nang mabilis!) o kaya ay magpahayag ng kagustuhan (Sana ay mabilis siyang tumakbo).
Sa aklat na Gramar ng Filipino ni Jonathan Malicsi (2013), ipinaliwanag niyang ang pokus na morpema ang
nagtatakda kung aling komplemento ng pandiwa ang gramatikal na simuno. Ito rin ang tinutukoy na relasyong
pansemantika ng pandiwa sa simuno o paksa ng pangungusap. Marami at iba-iba ang tinatawag na pokus ng
pandiwa ayon sa kung ano ang kaganapan ng pandiwa sa posisyong pansimuno ng pangungusap. Sa araling ito,
pagtutuunan ang pokus na aksiyon, karanasan, at pangyayari.
1. Pokus sa Aksiyon/Kilos- Ito ang tagaganap ng aksiyong tinutukoy ng pandiwa.
Halimbawa: Tumakbo ang atleta. Naglaro ang mga bata.
2. Pokus sa Karanasan - Ito ang nakararanas ng tinutukoy ng pandiwa. Mahina at walang kusa o kontrol ang
nakararanas sa tinutukoy ng pandiwa.
Halimbawa: Nasamid ang binatilyo. Natakot ang mga mamamayan sa Batas Militar.
3. Pokus sa Pangyayari- Ginagamit dito ang pangyayari. bilang pandiwa. May ipinahihiwatig na naapektuhan
ng naturang pangyayari.
Halimbawa: Sasabog ang bulkan. Kumukulog ang langit.

You might also like