You are on page 1of 2

Filipino 4 - Yunit III - Aralin 14 - Produktong Atin, Dapat Tangkilikin_ANG PUTING SAPATOS ni Grace D.

Chong

“Sapatos!” hula ni Anton sa regalo ng kaniyang Ninang noong kaniyang kaarawan. Tama siya.
“Sapatos!” hula ni Jillian sa regalo ng kaniyang Lola sa kaniya noong Pasko. Tama siya.
“Sapatos!” hula ni Jay sa natanggap niyang regalo mula sa tagapagtaguyod ng paligsahan. Tama siya.
“Sapatos!” “Sapatos!” “Sapatos!” Tama ang hula nilang lahat.
Paanong nahulaan ng lahat ang laman ng nakabalot na regalo?
A, madali lang. Kapag ang regalo ay nanggaling kay Ginang Eva Cruz, tiyak na ang laman nito ay isang pares ng sapatos! Ang mga
regalo, gantimpala, at anumang pabuyang galing kay Ginang Cruz, tiyak na ito’y sapatos, sapatos, sapatos!
“Sana, laruang robot naman ang iregalo sa akin ni Tita sa susunod, “ sabi ni Myrna.
“Sana, manyika naman ang iregalo ni Lola sa akin sa susunod,”sabi ni Gladys. “Sana, aklat naman ang iregalo sa akin ni Ginang Cruz
sa susunod,” sabi ni Sammy.
“Sana.” “Sana. “ “Sana,” hiling ng bawat isa.
Pero hindi. Ayaw ni Ginang Cruz.
Ang ibinibigay lamang niya ay mga sapatos- magagandang sapatos. Kaya naman hindi nakapagtatakang ang tawag sa kaniya ng
kaniyang mga kaibigan, inaanak, pamangkin, apo, kapitbahay, kasamahan sa trabaho, kasamahan sa simbahan , at mga kagawad sa
barangay ay Aling Sapatos sa halip na Ginang Cruz. Hindi naman sa hindi sila nasisiyahang tumanggap ng sapatos. Ito’y dahil…
minsan, gusto rin naman nilang masorpresa at nang hindi na lang laging tama ang kanilang hula.
May matibay na dahilan si Ginang Cruz kung bakit ang lahat ng kaniyang regalo ay sapatos. Walang nakakaalam kung ano ito; walang
makahula. Pilit man nilang tuklasin, wala talagang nakakaalam kung ano ang totoong dahilan.
Ito’y sapagkat ang tunay na dahilan ay nananatiling lihim hanggang ngayon - napakaespesyal kung kaya’t nasa puso lamang ito ni
Ginang Cruz. Tanging ang kaniyang mga namayapang magulang at kaisa-isang kapatid na lalaki ang nakakaalam ng lahat-lahat
tungkol dito.
Noong musmos pa lamang si Ginang Cruz, mahirap ang kaniyang pamilya pero masaya sila. Hindi nakatapos man lamang ng
elementarya ang kaniyang mga magulang. Kung kaya’t kahit sila’y ubod ng sipag, hindi sila nakakuha ng magandang hanapbuhay.
Nasa Grade 6 na si Eva nang nagkasakit nang malubha ang kaniyang ama.
Lagi na lamang itong inuubo at hindi na nakapagtrabaho; lagi siyang nakahiga. Kinailangan siyang alagaan. Kinailangan din ng
maraming perang pambili ng gamot. Pagdating ni Eva mula sa eskwelahan, aalis naman ang kaniyang nanay.
“Anak, alagaan mong mabuti ang iyong ama habang ako’y naglalaba doon sa malaking bahay.”
“Opo, Inang.”
“At pakitulungan mo na rin ang iyong kapatid sa kaniyang mga takdang-aralin.”
“Opo, Inang.”
Isang araw, may sinabi si Eva sa kaniyang ina, “Inang . . . kailangan daw pong magsuot kami ng puting damit at puting sapatos sa
araw ng aming pagtatapos.” Nag-aalala si Eva dahil alam niyang magiging malaking problema ito sa kanilang pamilya. “Oww,”
napahinto si Nanay sa ginagawa, napaisip nang malalim.
“Hindi naman po ako kailangang dumalo,” mungkahi ni Eva sapagkat alam niyang hindi kakayanin ng kaniyang nanay na maibili siya
ng maisusuot sa Araw ng Pagtatapos. “Siyanga po pala, Inang, kasama po ako sa mga tatanggap ng karangalan” pahabol niyang sabi.
May tatanggapin kang karangalan?” gulat na sabi ng Inang, umapaw sa puso ang kaligayahan. “Naku, kailangan kang dumalo sa iyong
pagtatapos, Eva. Napakahalagang okasyon nito. Gagawa ako ng paraan para magkaroon ka ng puting damit at sapatos!”
Nagmamadaling umalis ng bahay ang kaniyang Inang. Nagtanong-tanong siya sa kaniyang mga kaibigang tindera sa palengke.
Nagtanong-tanong siya sa kaniyang mga kamag-anak sa kabilang bayan. Nagtanong-tanong din siya sa kaniyang mga kapit-bahay na
hindi naniniwalang mahalaga ang dumalo sa Araw ng Pagtatapos.
Sa wakas, nakahiram din ng puting damit ang kaniyang Inang! “Masyadong masikip at masyadong maigsi!” reklamo ni Eva nang
isukat niya ang damit. Ito kasi ‘yung panahon na hindi pa uso ang mga damit na mini-skirt.
“Hindi naman ganun kasama. . . ; paubo-ubo-ubong sabi ng nakahiga niyang ama. “Puwede na. . . ; sabi ng kaniyang Inang. “A. . .
Opo,siguro nga po,” tugon ni Eva. “Pero wala pa rin po akong puting sapatos!”
“Hmmm, di ba’t may luma kang itim na sapatos? Pintahan mo na lang kaya nang puti,” mungkahi ng kaniyang ama.
“Magandahang ideya ‘yan!” dagdag ni Inang.
Kaya, kasama ang kaniyang kapatid at Inang ay naghahanap sila ng puting pintura - sa ilalim ng mga halaman, sa mga butas ng
imburnal, sa pagitan ng mga bakod, sa loob ng
mga sirang timba, at sa ibabaw ng mga yuping balde. Hanggang sa nakahanap sila ng isang lata na tira-tirang pintura sa tabi ng
umaapaw na basurahan.
Maingat na pinintahan ni Eva ang kaniyang itim na sapatos.
“Ang ganda na!” puna ng kapatid ni Eva nang makita ang pinintahang sapatos.
Hindi lang basta nagandahan si Eva sa kaniyang sapatos-mukha itong pambihira!
At dumating ang Araw ng Pagtatapos. Ang basketball court ng kanilang eskuwelahan ay napuno ng mga puting bulaklak yari sa papel.
Ang mga babaeng kaklase niya ay kaakit-akit sa kanilang mga bagong puting damit. Pilit namang hinahatak ni Eva pababa ang
kaniyang hiram na puting damit na saksakan ng sikip.
Hiyang-hiya ang pakiramdam niya; parang di siya nababagay sa grupo. Gusto na niyang umuwi.
Pero hindi siya maaaring umalis. Sa mga panauhing nanunuod ay nandoon ang kaniyang Inang at kapatid na kumakaway at
ngumingiti pa sa kaniya. Naalala rin niya ang kaniyang amang may sakit na nagsabi pa ng, “Eva, kahit mahirap lamang tayo, ang dami
naman ng karangalan natamo mo.” Ang mga salitang ‘yun ay pansamantalang nagpalubag ng kaniyang loob.
Tapos, biglang umambon.
Hindi umalis ang mga estudyante sa kanilang kinaroroonan. Hindi sapat ang ulan para iwan nila ang napakahalagang okasyon na ito sa
kanilang buhay.
Ngunit ang saglit na pag-ulan ay sapat upang mabasa ang kanilang mga sapatos!
Ooops, biglang nagkaroon ng maliliit na ilog ang kaniyang pambihirang puting sapatos. Tahimik na tumangis si Eva, O hindi!
Pagkatapos, tumagas ang puting pintura kung kaya’t bigla itong naging mga itim na guhit. Hindi!
At nang tinawag na ang pangalan niya sa entablado, ang kaniyang mga sapatos ay mistula ng mga mantsa ng tintang itim. Hindi!
Hindi! Hindi! Pagkatapos ay muling bumalik ang hitsura nito sa dating itim! Awww.
Namula si Eva. Nanlamig si Eva.
Nagmistulang buhay na patay si Eva.
Nagmistulang buhay na patay si Eva. Sobrang napahiya siya kung kaya’t nahiling niyang sana’y maging kasing-itim na lang siya ng
kaniyang sapatos at tuluyan nang maglaho sa mga anino. Pero ang mga panauhing nanunuod, ang kaniyang mga guro at Prinsipal, ay
malakas na pumapalakpak para sa kanya.
Nagsimula na ring ihiyaw ng mga kaklase niya ang kaniyang pangalan: E-va! E-va! E-va! Pilit siyang nagpakatatag. Umakyat siya ng
entablado at tinanggap ang diploma at karangalang laan para sa kaniya.
Sa bahay, inihandog niya ang sertipiko ng karangalan at diploma sa kaniyang ama. Noong lamang niya ulit nakitang ngumiti nang
ganun kalaki ang kaniyang ama mula nang ito’y magkasakit. “Ipinagmamalaki kita, anak. Pasensya ka na kung hindi ako nakasama
para mapanuod ka.
“Nandun po ako!” tugon ng kaniyang kapatid.
Ramdam pa rin ni Eva ang pagkapahiya sa suot niyang masikip at maigsng hiram na damit at itim na sapatos.
Marahang sinabi ang kaniyang Inang, “Anak, wala kang dapat ikahiya; lahat ay dapat ipagmalaki sa iyo! Magaling ka, at sa kabila ng
marami mong gawain sa bahay, nagawa mo pa ring magtapos nang may karangalan. Ang tagumpay ay hindi lamang tungkol sa
pagkakaroon ng puting damit at puting sapatos.”
Sunod-sunod na napaubo ang kaniyang ama. Nang ito’y huminto, sinabi niya,” Kung pinaghusay mo ang bagay na ipinagkatiwala sa
iyo, at ipinagpapasalamat mo ang mga ito, ‘yun ang tunay na diwa ng tagumpay.
Ipinagpatuloy ni Eva ang pag-aaral hanggang sa High school at kolehiyo sa tulong ng mga scholarship. Pinasok din niya ang kung
ano-anong trabaho para masuportahanang kaniyang pag-aaral. Muli siyang nagtapos ng may mataas na karangalan. At siya’y
nagkaroon ng pagkakataong makapagsanay at makapagtrabaho sa isang international company.
Makalipas pa ang ilang taon, nakapagtayo na siya ng sariling negosyo at naging matagumpay ito.
Ngayon, ang kaniyang kumpanya ay napakalaki na at napakarami na ring dapartamento. Isa sa mga ito ay tinatawag niyang
“Thanksgiving Section” Dito, ang mga tauhan niya ay bihasang sapatero na gumagawa ng magagandang sapatos para ipamigay- kung
kaya’t walang taong kakilala niya na magsasabing wala siyang maisuot na sapatos.
Hanggang sa ngayon, walang linggong nagdaraan na hindi naririnig ni Eva sa kaniyang puso ang ang tinig ng kaniyang ama. “Kung
pinaghusay mo ang bagay na ipinagkatiwala sa iyo, at ipinagpapasalamat mo ang mga ito, ‘yun ang tunay na diwa ng tagumpay.”
O, nahuhulaan mo na ngayon kung bakit si Eva- o si Ginang Cruz o si Aling Sapatos- ay mahilig magpamigay ng sapatos sa bawat
tao?

You might also like