You are on page 1of 5

Mga Pabula

Si Langgam at si Tipaklong
Maganda ang panahon. Mainit ang sikat ng araw. Maaga pa lamang ay gising na
si Langgam. Nagluto siya at kumain. Pagkatapos, lumakad na siya. Gaya nang
dati, naghanap siya ng pagkain. Isang butil ng bigas ang nakita niya. Pinasan niya
ito at dinala sa kanyang bahay. Nakita siya ni Tipaklong.

“Magandang umaga, kaibigang Langgam”, bati ni Tipaklong. “Kaybigat ng iyong


dala. Bakit ba wala ka nang ginawa kundi maghanap at mag-ipon ng pagkain?”

“Oo nga. Nag-iipon ako ng pagkain habang maganda ang panahon”, sagot ni
Langgam.

“Tumulad ka sa akin, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Habang maganda


ang panahon tayo ay magsaya. Halika! Tayo ay lumukso, tayo ay kumanta.”

“Ikaw na lang, kaibigang Tipaklong”, sagot ni Langgam. “Gaya nang sinabi ko sa


iyo, habang maganda ang panahon, ako ay maghahanap ng pagkain. Ito’y aking
iipunin para ako ay may makain pagsumama ang panahon.”

Lumipas pa ang maraming araw. Dumating ang tag-ulan. Ulan sa umaga, ulan sa
hapon at sa gabi ay umuulan pa rin. At dumating ang panahong kumidlat,
kumukulog at lumalakas ang hangin kasabay ang pagbuhos ng malakas na ulan.

Ginaw na ginaw at gutom na gutom ang kawawang Tipaklong. Naalaala nilang


puntahan ang kaibigang si Langgam.

Paglipas ng bagyo, pinilit ni Tipaklong na marating ang bahay ni Langgam.


Bahagya na siyang makalukso. Wala na ang dating sigla ng masayahing si
Tipaklong.

Tok! Tok! Tok! Bumukas ang pinto.


“Aba! Ang aking kaibigan”, wika ni Langgam. “Tuloy ka. Halika at maupo.”

Binigyan ni Langgam ng tuyong damit si Tipaklong. Saka mabilis na naghanda


siya ng pagkain.

Ilan pang sandali at magkasalong kumain ng mainit na pagkain ang magkaibigan.

“Salamat, kaibigang Langgam”, wika ni Tipaklong. “Ngayon ako naniwala sa iyo.


Kailangan nga pa lang mag-ipon habang maganda ang panahon at nang may
makain pagdating ng taggutom.”

Mula noon, nagbago si Tipaklong. Pagdating ng tag-init at habang maganda ang


panahon ay kasama na siya ng kanyang kaibigang si Langgam. Natuto siyang
gumawa at natuto siyang mag-impok.

Aral:

 Ugaliing mag-impok upang kapag may pangangailangang dumating ay may


madudukot.
 Hindi masama ang magsaya paminsan-minsan. Ngunit palaging pakatandaan
na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mo itong gawin. Magbanat ka
ng buto at paghandaan ang hinaharap.
 Maging masipag. Huwag tatamad-tamad. Mas mabuti sa tao ang
nagtatatrabaho kaysa tumambay at maging pasanin sa iba.

Ang Madaldal na Pagong


Isang umagang maganda ang panahon ay nagkita-kita sa tabing-sapa ang
magkakaibigan. Sila ay si Pagong Daldal, si Abuhing Gansa at si Puting Gansa.
Nagkuwentuhan sila at di-nagtagal ay nagpaalam ang magkapatid na gansa.

“Isama naman ninyo ako sa inyong tirahan sa kabilang ilog”, pakiusap ni Pagong
Daldal.
“E, paano ka namin maisasama ay wala ka namang pakpak at hindi ka
makakalipad?” wika ni Abuhing Gansa.

“Oo nga ano”, wika ni Pagong Daldal na halatang lungkot na lungkot.

“Teka, may naisip ako”, wika ni Puting Gansa. “Maisasama ka namin kung
susunod ka sa aking sasabihin.”

“Salamat. Ipinangangako kong susunod ako sa ipag-uutos ninyo”, wika ni Pagong


Daldal.

“Kakagatin mo itong patpat sa gitna. Kakagatin naman namin ni Abuhing Gansa


ang magkabilang dulo at saka tayo lilipad. Kaya lamang, ito ang tandaan mo.
Huwag na huwag kang magsasalita kung hindi ay mahuhulog ka at lalagpak sa
lupa.

O, hala. Tayo na. Kagatin mo na ang patpat, kaibigang Pagong”, wika ni Puting
Gansa.

“Tandaan mo, huwag kang magsasalita. Wala kang pakpak at kapag nakabitaw
ka, tiyak na lalagpak ka sa lupa.”

“Hindi ako magsasalita”, pangakong muli ni Pagong Daldal.

Kinagat ni Abuhing Gansa ang isang dulo ng patpat at ang kabilang dulo ay
kinagat naman ni Puting Gansa. At sila ay lumipad na.

Tuwang-tuwa si Pagong Daldal nang nasa ibabaw na sila ng mga punongkahoy!


Waring nakaakyat sa langit ang pakiramdam ni Pagong Daldal.

Nakita ng mga batang nagsisipaglaro sa parang ang lumilipad na pagong.


Naghiyawan sila sa tuwa at itinuro nila ang pagong na kagat-kagat ang patpat!

“Tingnan ninyo ang Pagong Daldal! Lumilipad!

Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”


Nagalit si Pagong Daldal. “Mga batang_______”

Hindi natapos ang iba pang sasabihin ni Pagong Daldal. Tuluy-tuloy siyang
bumagsak sa lupa.

“Kaawa-awang Pagong!” nawika na lamang ni Puting Gansa at ni Abuhing Gansa.

Aral:

 Tuparin ang ipinangako sa kapwa. Mas mainam ang taong may isang salita
kaysa puro salita ngunit mahina naman sa gawa.
 Kung ikaw ay may minimithi o pangarap sa buhay, mag-pokus ka. Isa ito sa
mga sangkap upang magtagumpay ang isang tao.
 Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may mga taong handang tumulong sa iyo
kaya huwag sayangin ang tulong na binigay ng kaibigan.

Ang Kabayo at ang Mangangalakal


Isang mangangalakal ang maghahatid ng dalawang sakong asin sa palengke.
Inilulan niya ang mga sako ng asin sa kanyang kabayo at nagtungo sila sa
palengke.

Nang tumatawid sila sa isang ilog na dinaanan ay hindi sinasadyang nadulas at


natumba ang kabayo. Napunit ang mga sako at ang ilang bahagi ng asin ay
nabuhos sa ilog at ang iba naman ay nalusaw dahil sa pagkababad sa tubig.
Hindi naman nasaktan ang kabayo at napansin niya na lubhang gumaan ang
pasan niyang dalawang sako ng asin at siya ay natuwa.

Nang sumunod na linggo ay magpupunta uli ang mangangalakal sa palengke at


naglulan na nman ng dalawang sakong asin sa kanyang kabayo. Nang mapalapit
na sila sa ilog ay napagisip-isip ng kabayo:

“Kung magpapadulas ako sa ilog ay tiyak na gagaan uli ang pasan ko,” ang sabi
ng kabayo sa kanyang sarili.
Ganun na nga ang ginawa ng kabayo. Muling nabutas ang mga sako at ibang
asin ay nabuhos sa ilog at ang iba naman ay nalusaw. Nguni’t sa pagkakataong
eto ay nakahalata ang mangangalakal na sadyang nagpadulas ang kabayo sa
ilog.

Pagdaan pa ng isang linggo ay muling magtutungo ang mangangalakal sa


palengke subalit sa pagkakataong ito ay apat na baldeng may lamang alpombra
ang kanyang inilulan sa kabayo -dalawang balde sa magkabilang tabi ng kabayo.

“Aba, ok to, mas magaan ang pasan ko ngayon. Ganun pa man aymagpapadulas
pa rin ako sa ilog para mas gumaan pa ang pasan ko,” ang sabi ng kabayo sa
kanyang sarili.

Pagdating sa ilog ay kusa na namang nagpadulas ang kabayo ngunit laking gulat
niya nang biglang bumigat ang kanyang pasan nang siya ay malublob sa tubig.
Ang apat na balde na may alpombra ay napuno ng tubig at di hamak nanaging
mas mabigat pa keysa sa dalawang sakong asin.

Aral:

 Huwag manlamang sa kapwa. Ang pagiging tuso ay hindi magandang gawain


at dapat iwasan.
 Ang masamang gawain ay katumbas na kaparusahan kaya kahit ang mag-isip
pa nito ay huwag na ring subukan.

You might also like