You are on page 1of 8

YUNIT 1

Aralin 1: KATUTURAN AT KAHULUGAN NG TULA


Inihanda ni: Neña Vanessa A. Cabiles, PhD
Mga Layunin
a. Natutukoy ang kahulugan at katuturan ng panitikang patula
b. Natatalakay ang iba’t ibang uri ng panitikang patula at nakapagpapaliwanag ng
pagkakaiba nito
c. Nakasusulat ng maikling tula ng alinman sa mga uri ng panitikang patula

Introduksyon
Ang Panitikan ay buhay at pamumuhay. Tunay itong mahalaga at makabuluhan sa
pagpapanatili at pag-unlad ng sibilisasyon ng anumang bansa. Ang panitikan, nakasulat man o
di-nakasulat ay may dalawang anyo: patula at tuluyan.
Sa araling ito, pag-aaralan natin ang kahulugan at katuturan ng mga akdang patula at
pahahalagahan ang mga uri nito.

Ang Panitikang Patula

Ang panitikang patula ay ginagamitan ng mga piling salita na nahaahati sa mga


taludtod o saknong na maaaring may sukat at tugma, tinatawag itong malayang tula o tulang
may malayang taludturan. Ang mga bugtong, salawikain, kasabihan, kawikaan, kantahin o
awiting bayan, epiko at mga bulong ay may mga nayong patula.

Mga Uri ng Panitikang Patula


May tatlong uri ng panitikang patula: tulang liriko o tula ng damdamin, tulang
pandulaan, o tulang pantanghalan.
A. Tulang Pasalaysay – tulang nagsasalaysay ng mga pangyayari sa buhay, pag-ibig,
pakikipagsapalaran ng bayani o mga bayaning tauhan. Ayon kay Sauco (1978), ang mga
epiko, ballad, awit at korido, ay mga halimbawa ng tulang pasalaysay.

1. Epiko – ang epiko ayon kay Manuel ay tulang pasalaysay na may di-
pangkaraniwang haba at kinakanta o binibigkas nang may himig. Ang mga
pangyayari ay di-kapani-paniwala o puno ng kababalaghan; ang mga tauhan ay
may pambihirang lakas, tapang at talino; umiikot sa mga paniniwala, pamahiin, uri,
at paraan ng pamumuhay o kultura ng isang tiyak na paangkat etniko.
Karamihan sa mga pangkat etniko ng bansa ay may kani-kanilang angking
epiko. Kung kaya ang mga Muslim ay may kanilang epiko tulad ng: Darangan,
Indarapatra at Sulayman, at Bantugan ng mga Maranao, Tuwaang ng mga Manobo
o mga Bagobo, Parang Sabir ng mga Tausug, Ibalon ng mga Bikolano, Biag ni Lam-
ang ng mga Ilokano, Hudhud at Alim ng mga Ifugao, Hinilawod, Humadapnon at
Labaw Donggon ng mga Bisaya at iba pa.
Ang mga epiko ayon kay Manuel ay mauri ayon sa haba nito:

 Microepic – ang tawag sa epikong maikli at kumpleto sa kanyang


sarili tulad ng Bi-ag ni Lam-ang;
 Mesoepic – ang tawag sa epikong may katamtamang haba at may
masalimuot na pangyayari tulad ng Labaw Donggon; at
 Macroepic – napakahabang epiko na naglalahad ng iba’t ibang
bahagi tulad ng Darangan at Tuwaang.
Si Dr. Otley Beyer, isang iskolar ay nagsabi na ang ALIM ng mga Ifugao
ang pinakamatandang epiko ng Pilipinas.
2. Ballad – isang tulang pasalaysay na kinakanta habang may sumasayaw noong
unang panahon. Katumbas ito ng komposo ng mga taga-Panay. Ito ay tulang
pasalaysay na kinakanta, may sukat na anim na pantig na nang lumaon ay naging
walo o siyam at nagsasalaysay tungkol sa karanasan ng buhay, pag-ibig, pag-
aasawa, at iba pa, na puno ng damdamin ng kabiguan, lungkot, pasakit at
kahirapan.

3. Awit at Korido – mga tulang pasalaysay na ang tema ay pinagsasama-samang


romansa, pakikipagsapalaran, kabayanihan, at kataksilan. Ang awit at korido o
metrical romance ay may mga pangyayaring hango sa buhay ng mga reyna, hari,
prinsipe at iba pang mga dugong mahal. Ang tagpuan ay sa ibang bansa.
Magkaiba ang bawat awit at korido sa maraming bagay. Sa sukat, ang awit
ay may labindalawang pantig sa bawat taludtod samantalang ang korido ay may
walong pantig lamang. Ang mga tauhan ng korido ay nasasaniban ng mga
kapangyarihan at may katangiang puno ng kababalaghan samaantalang sa awit ang
mga tauhan ay may katangiang higit na makatotohanan.
Ang mga pangyayari sa korido ay hindi kapani-paniwala samantalang sa
awit ay kadalasang nababatay sa kasaysayan. Ang awit ay binibigkas o inaawit nang
mabilis.
Ang mga halimbawa ng korido ay: Ibong Adarna, Historia Famosa de
Bernardo Carpio, Buhay na Pinagdaanan ni Donya Maria sa Ahas, at iba pa. Ang
mga halimbawa ng awit ay: Florante at Laura, Siete Infantes de Lara, Doce Pares sa
Kaharian ng Francia, iba pa. Naging popular ang mga awit at korido noong panahon
ng mga Kastila na naging kasangkapan sa pagbibigay ng aral at pagpapalaganap ng
relihiyong kristiyanismo.

B. Tulang Liriko o Tula ng Damdamin – ang salitang liriko ay buhat sa Griyego na ang
kahulugan ay tulang inaawit sa saliw ng lira. Ang tulang liriko ay nagpapahayag ng
damdamin damdamin na maaaring damdamin ng sumulat o likha lamang ng
mayamang guniguni ng makata, na batay o hango sa isang karanasan. Ito ay nauuri sa
mga sumusunod:

1. Kantahin o Awit – ito ay mga taludtod na may sukat at tugma na inilaan para
awitin.

2. Soneto – ito’y tulang may mga saknong na binubuo ng labing-apat na taludtod

3. Elehiya – tulang nagpapahayag ng panimdim at kalungkutan o pagkalumbay sanhi


ng pagkamatay ng isang minamahal sa buhay.

4. Oda – tulang nagpapahayag ng paghanga o pagpuri sa pambihirang nagawa ng


isang tao o mga tao at nasusulat sa masining na paraan.

5. Dalit – isang awit ng papuri sa Panginoon o Mahal na Birhen na nagtataglay ng


pilosopiya sa buhay.

6. Pastoral – tulang naglalarawan ng tunay na buhay sa bukid.

C. Tulang Pandulaan o Pantanghalan – ang mga tulang pandulaan ay mga tulang


isinasadula o itinatanghal. Sa madaling salita, ang usapan ng mga gumaganap sa dula
ay sa paraang patula.

Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng tulang pandulaan o pantanghalan:

1. Karagatan – ang tulang pandulaang ito ay tungkol sa isang alamat ng singsing ng


isang dalaga na inihulog sa dagat sa hangaring mapangasawa ang kasintahang
mahirap. Hinahamon ng dalaga ang mga binatang nanliligaw sa kanya na sisirin at
hanapin ang singsing at kung sinuman ang makakuha ay pakakasalan niya.
Sa simula ay may tutula habang pinaiikot ang isang lumbo na may tandang
puti at kung kanino matapat ang tandang puti kapag huminto sa pag-ikot ang
lumbo, ay siyang makikipag-usap at sasagot sa mga patalinghagang tanong ng
dalaga.
2. Duplo – isang uri ng laaro na karaniwang gianganap sa mga lamayan kung may
namamatay. Ito ay isang madulang pagtatalo sa paraang patula na ginagawa
mismo sa bakuran ng namatayan. Ang mga manlalaro ng duplo ay binubuo ng isang
pangkat ng kabinataan at isa ring pangkat ng mga kadalagahan na may namumuno
bilang hari. Ang mga dalaga ay tinatawag na bilyaka at ang mga kabinataan ay mga
bilyako. Bago simulan ang laro, ang mga manlalaro ay nagdarasal ng Ama Namin.
Hawak ng hari ang isang tsinelas na siyang ginagamit sa pagparusa sa mga
kalahok na mapatunayang nagkasala. Pakatapos ng pagdasal ng Ama Namin, ang
hari ay magsasabing ang kumuha ay isang bilyaka. May magtatanggol na bilyako sa
bilyakang pinagbintangan. Sa bahaging ito ay magsisimula ang pagtatalong patula.
Kapag natalo ang tagapagtanggol, siya ay papaluain sa palad ng tsinelas ng hari.
Ang parusang pagpalo sa palad ay tinatawag na palmatoryo. Ang bahaging
nagkakaroon ng mainitang pagtatalong patula ay tinatawag na sakdal at parusa.
Ang duplo ay karaniwang nilalaro sa ikasiyam na gabi pagkatapos mailibing ang
namatay. Ito ay ginagawang pang-alis ng pagkabagot o pagkainip ng mga taong
nagdarasal at naglalamay. Ang mga manlalaro ng duplo ay tinatawag na mga
duplero. Ang gumaganap na hari ay duplerong iginagalang nang higit at siyang
inaakalang pinakamatalino at pinakamahusay ssa lahat ng mga duplero.
3. Tibag – isa itong pagtatanghal tungkol sa paghanap ng krus na painagpakuan kay
Kristo. Ginagampanan ito nina Reyna Elena at Prinsipe Constantino. Namalasak ang
dulang ito noong panahon ng Kastila sa layuning maipalaganap ang Kristiyanismo.
Ginagawa ito nang paprosisyon sa pook na pagdarausan.
Gumagawa ng mga bundok-bundukan ang mga namamahala ng dula. Ang
mga bundok ay tinitibag ng mga nagpuprosisyon na nagmumula sa simbahan.
Tinitibag ang bawat bundok na dinadaanan sapagkat pinaghahanap nila ang krus na
pinagpakuan at kinamatayan ni Kristo. Ang salitaan ng mga gumaganap na Reyna
Elena at Constantino ay sa paraang patula. Sa huling bundok na titibagin ng mga
sundalo ay makukuha ang krus. Pagkakuha nito ay babalik sa simbahan upang
ilagak doon ang krus na nahukay sa bundok.
4. Panunuluyan o Pananapatan – ginaganap ito kung bisperas ng pasko. Ipinakikita
sa dula ang paghahanap ng bahay na matutuluyan ng Mahal na Birhen na
magsisilang kay Hesus. Ang mga gumaganap ay ang Birhen Maria at si San Jose.
Ang usapan sa pagtatanaghal ay paawit. Nagsisimula ang prosisyon sa simbahan at
dadaan sa mga kabahayan na napapalamutian. Sa mga bahay na ito kakatok sina
San Jose at Birhen Maria at makikiusap na sila ay patuluyin subalit ang mga may-ari
ay magsitanggi at magbibigay ng mga dahilan. Sapagkat wala silang matutuluyan,
ang Birheng Maria ay nagsilang sa sabsaban.

5. Panubong – isang mahabang tula na binibigkas ng paawit sa dulang ito. Ito ay


ginagawa bilang pagpaparangal sa isang dalagang may kaarawan. Ang salitang
panubong ay kasingkahulugan ng salitang pamutong sa Tagalog na ang ibig sabihin
ay lagyan ng puutong o koronang bulaklak ang dalagang may kaarawan.
Karaniwang ginagawa ito ng mga binata na kung tawagin aay manunubong.
Sa pagtatanghal na ito ay pinupuri ang dalagang may kaarawan. Siya ay
nakaupo sa isang silya sa gitna ng bahay na pinuputungan, ang mga manunubong
ay umaawit samantalang may mga sumasayaw sa harap ng dalaga. Kasabay nito
ang sabuyan ng mga bulaklak at mga barya.
6. Senakulo – ang dulang ito ay itinatanghal kung panahon ng semana santa. Ito ay
nagpapakita ng buong kasaysayan ng buhay, paghihirap, pagkamatay at
pagkabuhay muli ng ating Panginoong Hesukristo. May dalawang uri ang senakulo:
Hablada, kapag ang usapan ay tinutula; Cantada naman kung ang usapan ay
inaawit. Higit na mahaba ang cantada. Tumatagal ito ng mga tatlong gabi
samantalang ang hablada aay isang gabi lamang.

7. Sarswela – isa rin itong patulaang dulang musical o isang melodramang may
tatlong yugto na ang paksa ay tungkol sap ag-ibig, panibugho, paghihiganti,
pagkasuklam, at iba pang uri ng damdamin. Ang inilalarawan sa dula ay buhay-
Filipino at ang kasuotang giangaamit ng mga nagsisiganap ay kasuotang Filipino.
Gawain A. Ang Iba’t Ibang Uri ng Tula
Panuto: Ibuod ang mahahalagang kaisipan ng mga uri ng panitikang patula na inyong napag-
aralan. Ilagay ang mga uri at maikling pagpapaliwanag nito.

Anyong Patula
Gawain B. Pagsulat ng Tula
Panuto: Sumulat ng isang maikling tulang Liriko o tulang Pandamdamin. Tukuyin kung anong uri ng
tulang liriko ang sinulat na tula. Bubuuin ang tula ng apat na saknong na may lalabindalawahing pantig
bawat taludtod. Lagyan ng naaangkop na pamagat.

Pamantayan:
Paggamit ng Masining na Pananalita - 15 puntos
Mekaniks - 15 puntos
30 puntos
Gawain C. Gawaing Pananaliksik
Panuto: Mula sa napag-aralang mga uri ng tulang pandulaan o pantanghalan, magsaliksik ng isa sa mga
uri ng tulang ito na matatagpuan at patuloy na ginagawa sa inyong lugar. Ilahad ang iyong nasaliksik at
maaaring maglagay ng mga larawan bilang pagpapatunay. Sundin ang pormat sa ibaba.

A. Pamagat:

B. Lugar/Oras at Panahon:

C. Mga Gumaganap:

D. Paraan/Pamamaraan:

E. Konklusyon:

You might also like