You are on page 1of 2

#20 DURAN, BEVERLY, B.

Mayo 21, 2019


BSED ENGLISH-1A FIL 13, RM 406
_______________________________________________________________________________________

"Muntikan na, malapit na."

Sa ating kagalang-galang na guro, Ginoong Antonio Feliciano, Sir, sa aking mga magaganda at
naggagwapuhang mga kamag-aral at sa lahat ng nagsisipakinig sa bulwagang ito, isang magandang hapon
po sa lahat.

Kamakailan lamang ay lumikha ng maingay na impresyon ang madla sa usaping halalan, dalawang
libo at labinsyam, ngayon nama'y isang mainit na usapin na naman ang laman ng bawat pahayagan, radyo,
telebisyon at sa balitang-online, ang kaparusahang bitay o death penalty ay muling binubuhay at ito'y
nakaaalarma.

Sagrado ang buhay ng tao. Oo nga't hindi tayo perpekto, madalas man ay nakakagawa tayo ng mga
maling desisyon ngunit tao pa rin tayo, nilikha tayo ng Ama na kawangis Nya kung kaya't dapat ay
pinaparangalan at iginagalang natin ang ating kapwa.

Ngunit paano nga ba natin pararangalan ang mga taong walang kasingsakim, mga hangal na nilalang
na walang puso't kaluluwa? Paano natin igagalang ang mga taong may isip-hayop at may pusong-kriminal?
May puso pa nga ba sila?

Mula sa pagnanakaw, sa paninira ng mga kasangkapan, sa pananakot, pananambang, terorismo, iba't


ibang tagpo sa kidnapping at mga pakulo sa ransom, ang kahangalan sa panggagahasa ng sariling dugo't
laman, panggagahasa hindi lamang ng mga kabataang dalaga pati na rin ang mga kaawa-awang mga menor
de edad at mga matatanda idagdag pa ang pagpatay, sa mga inosente, sa mga walang laban. Maswerte ka na
kung ginahasa ka lang o kaya ay pinatay ka nang tuwiran sapagkat madalas ay gagahasain ka na nga,
papatayin ka pa. At ang masakit doon? Tao ang pumapatay, hindi robot, hindi kulto, hindi hayop, tao-literal
na humihinga, may buto't balat, laman, isip at pero walang kaluluwa.

Napakasakit ng katotohanan. Nakababahala at nakapangangamba. Nakakatakot nang mabuhay.


Kung kaya't muntik na. Malapit na. Kaunti na lamang ay sasang-ayon na rin ako sa death penalty. Bakit
hindi? Kung kaya nilang pumatay nang walang kaawa-awa, bakit tayo maaawa? Kung kaya nilang kumitil
ng buhay, bakit tayo matatakot na kumitil ng buhay para sa katarungan?

Uhaw na uhaw tayong mga Pilipino sa katarungan sapagkat labis na labis rin ang kalayaang ating
nilalasap. Iyong tipong normal na lang ang magsinungaling o ang manakot, ang pumatay. Parang kalakip na
ng buhay ang takot at sakit at ngayon nararanasan natin ito sa napakarahas na paraan.

Pilipinas, isang bansang ipinaglaban at patuloy na ipinaglalaban pero ang totoo? Pilipinas, bansang
ipinaglaban pero naubusan na ng kakayahang lumaban.

Pagod na tayo at mapapagod pa, pero kaya pa ba? Nagdusa na tayo at magdudusa pa, pero kaya pa
ba?

Muntik ko ng makalimutan, Pilipino nga pala tayo, maganda, matalino, malakas, matatag, marunong
magpatawad, mapagkumbaba.

At kahit pa mas marami ang sasang-ayon sa kaparusahang kamatayan para sa mga gumawa ng
karumaldumal na mga krimen, patuloy pa rin akong hihindi sapagkat hindi kailanman naging at magiging
sagot sa suliranin ang isa pang suliranin, lalo nang hindi katanggap-tanggap ang pagkitil ng buhay bilang
kaparusahan sa mga nakagawa ng mali lalo na sa panahon ngayon na pati katotohanan nabibili na ng pera.

Kapatawaran, pag-asa at buhay, ito ang mga bagay na malapit sa pag-ibig at ito ang patuloy na dapat
ialay sa lahat, mahirap man o mayaman, nakapag-aral man o hindi, taga-Batanes man o taga-Sulu, Muslim o
Kristiyano, bulag man o nakakakita, kahit sino ka mang imperpektong nilalang na humihinga, anak ka ng
Diyos at sagrado ang buhay mo.

Kailanman ay hindi ka magiging perpekto pero hanggang sa huli, sana, piliin at gawin mo kung
anong tama, kahit hindi kaya ng iba at kahit pa walang nakakakita. Sa tama ka lang, sa tama ka parati, kahit
mahirap, kahit masakit, sa tama pa rin. Sana sa tama ka pa rin. Sana.

You might also like