Bago ko simulan ang aking talumpati, ako ay may katanongan na gusto kong ating lahat ay pagnilayan. Kagaya ko bilang isang kabataan sa kasalukuyang panahon, ano ang kamalayan natin sa mga nangyayari sa ating lipunan? Tayo pa kaya ay pag-asa ng ating bayan o maituturing na sakit at pasanin ng lipunan? Ang talumpati na aking ginawa ay bunga ng aking pagninilay tungkol sa mga isyung kinakaharap ng ating lipunan sa kasalukuyan. Ang pilipinas ay isang bansang pinagpala sa kayamanan. May masisipag, masayahin at madasaling mga mamamayan. May natataning tradisyon at mga kaugalian. Mga kulturang hinahangaan ng mga dayuhan. Ngunit sa kabila ng mga magagandang bagay na ito, ang ating Inang Bayan ay nananangis dahil sa pasakit gawa ng kanayang mga anak. Ano nga ba ang dahilan ng kanyang paghihinagpis at mga dalamhati? Bayan, ano nga ba ang dahilan? Saan nga ba nag-ugat ang droga, mga patayan at krimen na laganap ngayon sa ating lipunan? Patayan dito, patayan doon. Halos lahat ng napapanood ko sa telebisyon at nababasa sa dyaryo ay patungkol sa mga taong biktima at namamatay dahil sa pagtutulak at paggamit ng ilegal na droga. Ang mas masaklap ay may mga inosenteng kabataan ang nadadamay. Malaking problema nga ang droga dahilt ito ay nakakasira ng buhay, pero lubos kong ikinababahala ang kanilang paraan ng pagresolba ng mga ganitong isyu. Ako ay napaisip, ganoon na lang ba kadali sa atin ang kumitil ng buhay? Sa aking pagninilay aking napagtanto na karamihan sa atin ay uhaw! Uhaw hindi sa tubig kundi uhaw sa dugo ng ating kapwa! Ang dali-dali sa atin ang isantabi at itapon ang buhay ng mga taong nagkakasala. Sino ba sa atin ang hindi nagkakamali? Lahat tayo ay may mga pagkukulang. Marming tao ang nagnanakaw, kayang pumatay alang-alang sa pera. Mga kabatang nahuhulog sa tukso ng laman at nagkakasala dahil sa pre-marital sex. Maraming mga kabataan ay nasisira at nawawasak ang kinabukasan. Nagiging batang ama’t ina sa hindi tamang panahon. Mga panahon na sana ay nagsasaya at nag- aaral sila. Talamak ang pagpapalaglag dahil sa di inaasahang pagbubuntis ng mga batang ina. Ganito na lang ba ang kahihinatnan ng tao? Natanong niyo ba ang inyong mga sarili kung ano ang pinaka-ugat ng mga isyung ito? Isyu sa droga, krimen, patayan, abortion at pre-marital sex na taun-taon ay mas lalong lumalala saan nga ba talaga nagmumula? Sa aking masusing pagninilay ay aking nakita ang pinaka puno’t dulo ng mga problemang ito. Ito ay ang KAHIRAPAN. Bakit? Sa panahon ngayon ang kahirapan ang isa sa pinakamalaking krisis na kinakaharap ng ating bansa. Dahil sa kahirapan marami ang nakakagawa ng mga mga kasalanan at mga di kanais-nais na mga gawain. May mga tao na kumakapit sa patalim para sila ay mabuhay. Ang mga korap na opisyal ng gobyerno ay isa din sa nagdudulot ng kahirapan. Walang ibang ginagawa kundi ang ibulsa ang pera na dapat sana ay tulong sa mga mamamayan. Ang kanilang sariling kapakanan at pansariling interest ang lagin nasa isip. Ang mga mayayaman ay patuloy sa pagyaman at ang mga mahihirap ay mas nalulugmok sa kahirapan. Katamaran, maling pananaw at pag-uugali ay iilan din sa mga dahilan ng paglobo ng kahirapan sa ating lipunan. Nasanay tayo sa madalian. Ayaw nating maghirap. Lahat gusto natin ay “instant”. Gustong madaliang pera kaya magbebenta ng laman, magtutulak ng droga at papatay. Kawalan ng mapasukang matinong trabaho at sinasabayan pa ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ang isa din sa nakikita kong dahilan ng kahirapan. Paano tayo magkakaroon ng masagana at mataiwasay na pamumuhay kung negatibong pananaw ang ating pinaiiral? Matuto tayong maghirap at magsakripisyo. Maraming paraan tayo ay makaangat at makaahon sa kahirapan. Huwag tayong makontento sa kasalatan ng ating pamumuhay. Ating tatandaan na ang “Buhay ay kakambal ng Paghihirap”ika nga ni Buddha. Maraming pamilya ang nasisira dahil sa mga maling paniniwala at ideolohiya. Isinasawalang bahala ang kahalagahan at kabanalan ng Sakramento ng Matrimonyo o Kasal. Merong annulment at legal separation pa silang nalalaman. Pareho namang nagsusulong sa pagkasira ng pagsasama ng mag-asawa at ng pamilya. Para saan ang mga ito? Para masulosyonan ang di masayang pagsasama ng mag-asawa? Para sa kanilang ikabubuti? Pano ang mga anak na mauulila at mawawalan ng kumpletong pamilya? Ang pag-aasawa ay hindi isang laro, na kapag ayaw mo na ay aayaw ka. Ngayon muling binuksan ng ating mga mambabatas ang isyu tungkol sa pagiging legal ng divorce sa ating bansa na buong pwersang tinututulan ng Simabahang Katolika. Ano ang magiging epekto nito sa mga anak ng nasirang pagsasama ng mag-asawa? Maraming mga anak ang mawawalan ng kumpletong pamilya. Ang kanilang pundasyon ay nasira at magiging dahilan ng kanilang pagiging marupok at madaling pagkahulog sa tukso ng demonyo upang sila gumawa ng hindi maganda. Alam naman natin na ang pamilya ang sentro ng ating lipunan. Kapag ito ay nasira lahat ay apektado. Sa halip na sirain bakit hindi na lang tayo magsulong ng mga programa na mas makatutulong na mas mapagtibay ang pagmamahal at pagtitiwala ng mag-aasawa. Sa pamilya magsisimula ang pagmamahal at kapag ang mga anak ay puno ng pagmamahal ng magulang walang kaguluhan at kasamaan na lalaganap sa ating lipunan. Ating protektahan at alagaan ang biyaya sa atin ng Panginoon, ang pamilya. Huwag nating hahayaan na maging batas ang divorce sa ating bansa. Ipanalangin natin na sana ang ating mga mambabatas ay maliwanagan sa kanilang magiging desisyon. Isalba ang pamilya at huwag itong hayaang patuloy na masira. Ako bilang isang kabataan at mag-aaral, gagawin ko ang lahat sa abot ng aking makakaya ang maging isang mabuting tao at ehemplo sa aking kapwa. Ako ay magsusumikap na magkaroon ng DISIPLINA. Hindi ako magbubulakbol sa aking pag-aaral. Lagi kong isasaisip ang mga aral ng aking mga magulang na ang pag- aaral lamang ang maiiwan nilang kayamanan. Hindi ako magsasayang ng oras sa mga walang kwentang bagay. Iiwas ako sa mga taong magdadala sa akin sa hindi tamang landas. Pahahalagahan ko ang mga bagay na binigay at ipinagkaloob sa akin lalung-lalo na ang ang biyayang makapag-aral. Higit sa lahat iiwasan ko ang mga bagay na hindi ikakasaya ng Panginoon. Igagalang ko at mamahaliln ang aking pamilya. Sapagkat sila ang pangunahing pinaghuhugutan ko ng lakas at inspirasyon. Hindi ko hahayaang ito ay masira ng kung ano mang pwersa ng kasamaan. Pahahalagahan ko at rerespetuhin ang awtoridad ng aking mga magulang. Alam ko na di sila perpektong mga magulang at marami silang mga pagkukulang pero hindi sapat na dahilan ito para sila ay di galangin at mahalin. Ako ay magiging mabait at maintindihin sa aking mga kapatid. Maglalaan ako ng sapat na oras para sa aking mga mahal sa buhay. Sa ating pamayanan, PAGKAKAISA at KAPAYAPAAN. Saan ito magsisimula? Magsisimula ito sa ating mga sarili at pamilya. Kung may pagkakaisa at kapayapaan katiwasayan dulot nito sa ating lipunan. Kung may pagkakaisa at kapayapaan, pag-unlad ang tiyak na makakamtan. Mga kapwa ko kabataan at mag-aaral, lahat tayo ay may magagawa. Lahat tayo ay may karapatang magkaroon ng masaganang buhay. Ating imulat ang ating mga mata sa katotohanan na kailangan tayo ng ating bayan. Makinig at maging bukas ang ating puso sa hamon ng kasalukuyan. Tama na ang pagbubulag-bulagan. Magsikap at kumilos na tayo. Hindi pa huli ang lahat. Lahat ay may solusyon. Maging parte sana tayo ng solusyon at hindi ng problema. Walang pagsubok ang hindi nalalampasan kung tayo ay magkakapit-bisig, magkakaisa at magdadamayan. Naghahangad tayo ng pagbabago, hindi ang president o kahit na sino man ang magbibigay ng pagbabago, magsisimula ito sa ating mga sarili. Tayo ng magkaisa upang hubugin ang bagong Pilipinas! Maraming salamat at pagpalain nawa tayo ng Poong Maykapal.