You are on page 1of 2

Sa mga pinagpipitagang panauhin, sa aking guro _____, sa aking mga kapwa mag-aaral at sa ibang

naririto at saksi sa patimpalak na ito, isang maluwalhating umaga ang aking bati.

"Kanser ng lipunan: Sino ang dahilan?"

Ako, ikaw tayo ay naninirahan sa iisang mundo ngunit masasabi ba nating tayo ay naninirahan at
namumuhay sa iisang hangarin lamang? Sapagkat alam nating ang bawat isa ay may kanya-kanyang
pananaw. Maaaring ang pananaw na ito ay taliwas sa pananaw mo. Maaaring ang makabubuti para sa
iyo ay makasasama sa isa. Subalit ano ang magagawa mo kung wala kang laban para maipagtanggol ang
sarili mong paniniwala. Di ba't sinasabing tayo ay nasa demokratikong pamamalakad ngunit ano itong
nangyayari sa panahon ngayon? Tila nga ba'y nagbago na ang ating pamumuhay kasabay ng
pagbabagong dulot ng mga makabagong teknolohiyang umusbong at sumakop sa ating bayan.

Sadyang napakaraming panlipunang problema ang kinakaharap ng ating bansa. Ang pinakanapapanahon
at laganap sa ngayon ay ang suliranin ng bansa kontra droga. Masasabi ng lahat na tamang hakbang ang
ginagawa ng Pangulo sa kanyang pangunguna kontra droga. Ito ay isang kanser sa lipunan na siyang
binibigyan ng tamang lunas nang sa gayon ay malutas at matanggal ang kanser na ito. Subalit sadya nga
talagang mahirap labanan ang kanser kung kaya't ang sakit ng lipunan ay lumulubha na. Malungkot isipin
na ang ginawang aksyon ng mga nasa pwesto ay taliwas sa ating mga paniniwala. Tayong mga Pilipino ay
likas na maka-Diyos ngunit ano itong nangyayari? Kung mapapansin, maraming mga nangamatay,
inosente man o hindi sa pagsugpo ng suliraning ito. Ang tanong sino nga ba ang dapat sisihin sa ganitong
mga kaganapan? Nais kong ibahagi ang aking ideya, hayaan niyo akong magbigay ng opinyon. Sino nga ba
ang dapat sisihin? Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang aking pananaw tungkol dito. Maaaring
gobyerno ang dapat na sisihin sapagkat ito nga ang sinasabi na siyang may hawak sa bansa at may
kontrol sa mga nangyayari. Maraming nagsasabing ang mga umusbong na problema'y dulot ng baluktot
na pamamahala na nagreresulta sa pambansang kahirapan, kaguluhan at kagutuman. Masasabi nga bang
ito ang resulta kung bakit laganap ang hindi mabilang na mga krimen o kaya'y pagpasok sa mga ilegal at
ipinagbabawal na transaksyon ng maraming mamamayan upang makahanap ng mapagkakakitaan at
manatiling manirahan sa mundong ibabaw. Marahil ito nga ang dahilan ng pandaigdigang kahirapan at
kaguluhan. Dahil sa mga maling lider na nailuklok sa pwesto. Maaari ba nating isisi ito sa mga
namamahala at nagsisilbi sa ating bansa?

Ngayo'y tingnan naman natin ang kalagayan ng mga normal na tao na naghangad ng isang buhay na
mapayapa at masaya. Masasabi nating marahil sarili mismo ang naging dahilan ng suliraning ito. Ang
ating mga sarili mismo ang responsable sa problema ng lipunan. Simula sa ating kapanganakan hanggang
sa tayo ay nagkaisip at namulat sa reyalidad ng buhay. Marahil ito ay dahil sa kapabayaan natin at
hinayaang tayo ay mapunta sa maling landas. Minsan ba'y naisip ninyo na maaaring tayo ang dahilan ng
paghihirap natin? Noong mga araw na tayo ay binigyan ng pagkakataong makapag-aral subalit pinili ang
pansariling kaligayahan at tumalikod sa ating mga dapat na ginagawa. Sa kadahilanang nasanay ang sarili
sa mga maling gawaing dulot ng ating pagsunod sa ating kaligayahan kahit na ito nga'y mali hanggang sa
ito'y nadala sa paglaki at nalulong na sa masamang bisyo. Sarili natin mismo ang nagdala sa atin sa
maling landasin sapagkat hinayaan itong kamalian na maimpluwensiyahan ang ating murang pag-iisip.
Sarili mismo ang nagdikta ng ating ginagawa. Sa kasamaang palad napagdesisyunang piliin at tahakin ang
maling landas. Ngayon masisisi niyo ba ang gobyerno na ang mga nasasakupan nito mismo ang may
ibang hangarin at maling pamumuhay ang tinatahak?

Paano kung sabihin ko sa inyo na ang mga problema marahil ay nagmula sa ating mga tagapayo, mga
gumagabay sa atin, mga taong nakapalibot sa atin, o ang mga magulang natin. Hindi ba't sila ang puno at
tayo lamang ang bunga kung kaya't marahil ang mga problemang kinakaharap sa kasalakuyan ay dulot ng
maling paggabay at pag-aalaga. Maling pagtuturo at pagpapalaki. Maling paghuhubog sa mga kabataan.
Hinahayaang matahak ang maling landasin at pinababayaang madala sa agos ng tubig papuntang
karahasan. Maaaring ito ay nagmula sa pagkukulang ng mga taong inatasan na tayo ay arugain.

Marami ang maaaring dahilan ng karahasang ito kung kaya't ang bawat isa sa atin ay naghahangad na ito
ay malutas. Hindi man ako sigurado kung sino ang puno't dulo ng mga kaganapang namamayani sa
kasalukuyan, isa lang ang nasisiguro ko na ang bawat isa ay may kanya-kanyang kontribusyon sa paglala
ng ating lipunan. Bagama't marami ang nagnanais na mapabago at mapaunlad ang ating bansa hindi
maiiwasan ang ganitong uri ng suliranin. Hangad ko lamang sa talumpati kong ito na mabuksan ang
inyong natutulog na diwa sa mga maaaring dahilan ng paglala ng ating bansa. Panahon na upang tayo ay
kumilos at simulan sa ating sarili ang tunay na pagbabago. Baguhin ang nakagisnang masamang bisyo at
simulang mangarap sa isang maganda, maunlad, masaya at masaganang lipunan sa hinaharap. Sa
ganitong paraan, mababago natin ang ating mga sarili at matutulungan natin ang bayang ngayon ay
lugmok na sa iba't ibang suliranin. Ika nga "Huwag tayong maghintay sa kung ano ang maibibigay ng
gobyerno sa atin kundi tayo mismo ang maging instrumento at magbahagi ng ating kontribusyon sa
pagpapaunlad ng bansang Pilipinas." Maraming salamat at muli magandang araw sa inyong lahat.

You might also like