You are on page 1of 2

Lumingon sa kaliwa,

tumingin sa kanan.

Ilahad ang mga nakita

ng matang nananatiling sa harap nakalaan.

Pansinin ang kalagayan ng kabataan,

naririnig mo pa ba ang salitang pamana ng ating mga ninuno?

Alam mo pa ba ang kahulugan ng awangan,

o mas pinipili mong talikuran ang mga makalumang anino?

Makabago na raw kasi ngayon

dapat sumunod sa uso.

Makipagsabayan sa hampas ng Alon

nang masabing nakalabas ka sa silid ng kahapon.

Kaya lumusong sila sa dagat ng ibang kultura,

nalunod sa paggaya ng pananamit at wika.

Naging dayuhan sa sariling lupa

at nakalimutan ang kariktan ng kanilang bansa.

Ni hindi makapagtalastasan

nang purong Filipino ang gamit.

Kailangan ng salitang pandarayuhan

upang tagumpay ay kanilang makamit.


Napabayaan ang wikang pambansa at tinangkilik ang sa iba.

Dahilan nila'y hakbang ito ng pagbabago

ngunit maaari namang umunlad ang bansa

nang hindi naikukulong ang kultura't naitatago.

Kabataan, gumising ka!

Oo, gumising ka!

Ituon sa salamin ang mga namumulang mata,

bigyan mo sanang pansin ang buhay ng iba,

buhay ng mga bayaning yumao upang mapalaya ang wikang pambansa.

Pinagbuklod ang iba't ibang pulo,

bumuo ng panibagong ugnayan,

sinupil ang pag-usbong ng gulo

na dahilan upang kapayapaan ang maging tipanan.

Kabataan, na sa'yong mga kamay ang kinabukasan ng bayan.

Magsilbi ka sanang tulay tungo sa kaunlaran.

Alalayan ang haligi ng tahanan

—pinakamamahal nating wika—

sa nakaraan at kasalukuyan.

You might also like