“Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.”
Isang mapagpala at maluwalhating umaga sa inyong lahat. Sa aking kagalang na mga tagapakinig sumasainyo po ang aking taos-pusong pagbati. Ako ay nagagalak na mabigyan ng pagkakataon na maiparating sa inyo ang aking talumpati sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Taunang ipinagdiriwang ng buong bansa ang buwan ng wika bilang pagbibigay- pugay at pagkilala sa ating pambansang wika at ng ating pagka-Pilipino. Para sa taong ito, inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino ang temang “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino” bilang pakikiisa sa Quincentennial Commemorations in the Philippines na nakatuon sa mahahalagang pangyayari sa bansa sa nakalipas na 500 taon. Itinagubilin na bigyang-diin dito ang Pilipinong Identidad at halagahan ukol sa pagkakaisa, kahinahunan at kalayaan. Tunay ngang kakaiba ang bansang Pilipinas pagdating sa wika. Ang bawat Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas mula Luzon, Visayas at Mindanao ay may maipamamalas na mga katutubong wika. Ang mga wikang ito ang nagsisilibing pagkakakilanlan ng bawat isa. Tinatayang may 130 tayong mga katutubong wika na naging batayan upang makabuo ng isang pambansang wika na siyang gagamitin upang magkaunawaan ang lahat at maipabatid ang mga mithiing pangkapayapaan. Ngunit ang wika ay hindi lamang umiikot sa wika na mayroon tayong mga Pilipino, nariyan ang Ingles, hangul, mandarin at marami pang iba. Naitala sa ilang mga usapin na tayong mga Pilipino ay magaling sa larangan ng wika na kaya nating matutunan ang mga wikang kanluranin at mabigkas ito ng malakanluranin. Napakagaling diba? Isa nga itong kagila-gilalas na talento na sa sobrang galing ay napag-iiwanan na ng panahon ang wika ng Pilipino. Marami ang naaakit at nakikipagsabayan sa pagbabago ng panahon na siya ring pag-unlad ng wika, bilang isang dinamiko ang wika, ito ay patuloy na nagbabago at yumayabong, nariyan ang mga salitang kalye, gay language, jargon at iba pa. at sa patuloy na pag-unlad nito ay nawawalay na rin ang sariling kasarinlan ng ating mga wikang katutubo. Sapagkat may mga Pilipino na ninanais na makaalpas sa hirap ng buhay kung kaya ay napag- iiwanan at nalilimutan ang wikang pnagmulan at bukas-palad na inakap ang makabagong wika. Batay sa mga binitawang mga kataga ni Rizal, ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan, pero bakit tila ang mga kabataan ngayon ay siya pang unang tumalikod sa ating Inang Bayan at tinangkilik ang mga banyaga, ang mga dayuhang minsan nang yumurak at sinira ang ating bayan. Kahit ang mga mag-aaral ngayon sa ilang pribado at pampublikong sektor ng paaralan ay mas maalam pa sa paggamit ng wikang Ingles sa halip na Filipino at minsan nga ay hindi pa marunong magsalita ng Filipino at ng sariling katutubong wika. Bakit nga ba? Dahil ito ang patok at napapanahon at kapag ikaw ay marunong magsalita ng wikang banyaga ikaw ay may sabi sa buhay. Nakakalungkot mang isipin ngunit iyan ang kasalukuyang nangyayari, nakakahindik at nakakapanindig balahibo sapagkat nawawala na ang kanilang pagkakakilanlan bilang Pilipino. Inilunsad ng Kagawaran ng Edukasyon ang bagong kurikulum sa elementarya at sa pagtuturo na gamitin ang Wikang Katutubo o Mother Tounge bilang pangunahing wikang pampagtuturo nang sa gayun ay maunawaan ng mga bata ang itinatalakay. Sapagkat nasa mga katutubong wika ang napakaraming kaalamang bayan at mga katutubong kaalaman na maaring magbigay linaw kung bakit malayo tayo sa ating sariling kultura.Nasa mga katutubong wika rin ang mga salitang naghihintay gamitin at pagyamanin sa ating pagdidiskurso ngunit dahil sa sigalot ng aing lipunan ay tila sunud- sunuran ang mga nakatataas sa makapangyarihan at mayayamang bansa kahit na hindi na ito nakabubuti sa nakararami tulad na lamang ng mga kabataang iminulat ng mga magulang sa paggamit ng wikang Ingles o wikang banyaga. Ang wika ay wika ng kapayapaan, ika nga ng marami napagbubuklod-buklod at napag-iisa tayo nito ngunit sa pagkamit ng “world peace” tila tayong mga Pilipino ay napag-iiwanan na ng panahon sapagkat kahit sa larangang pangnasyonal ay hindi man lang mabigyan ng pagkilala ang ating pagka-Pilipino gamit ang ating wikang pambansa o maging katutubong wika. Ang wika ay buhay, patuloy na umuusad at yumayabong kaya marapat lamang na hindi natin kalimutan at iwan ang ating wikang pambansa at wikang katutubo hindi lamang ngayong buwan ng wika kunid maging sa araw-araw. Bigyan natin ng pagpapahalag an gating pagka-Pilipino sa pagpapalalim ng pag-unawa sa pagkilala ng ating sariling wika. Huwag nating hayaang mapag-iwanan an gating katutubong wika at gamitin ito sa mga mahahalagang larangan, buhay at bansa. Itaas natin sa pedestal ang ating mga katutubong wika bilang ito ang naging batayan ng ating pambansang wika.