You are on page 1of 3

MINAHAL BA O GINAMIT LANG?

Kung ang ating wika ay kayang sumalita, maari nitong itanong sa madla na "ako ba ay
minahal mo talaga o ginagamit mo lang? Tulad ng pag-ibig, mahirap ngang mamangka sa
dalawang ilog. Ang modernisasyon ang patuloy na lumalamon sa daloy ng buhay ng mga
Pilipino sa panahon ngayon. Unti-unti nang nalilimutan ang unang pag-ibig, dahil may dumating
na bago. Masakit, ngunit totoo, na maraming mga Pilipino ang mas hangad ang sikat, uso at
magarbo, gaya ng pag-ibig ng isang binata sa isang dalagang binihisan ng magarbong damit at
pinabanguhan ng nakakaakit na halimuyak. Tiyak ngang mas gusto ito kaysa sa babaeng payak
at naluma ng panahon. Minahal nga ba ng mga Pilipino ang wikang Katutubo? o patuloy nang
nagayuma sa pandayuhang wika?

Sa panahon ngayon, bilang na lamang sa daliri ang mga kabataang kayang umutal ng
isang parirala at pangungusap na buong Filipino dahil mas pinipili na ang mga salitang savage,
cool, lmao at lol. Sa katanuyan, ang Pilipinas ay binubuo ng higit sa 130 na wikang Katutubo
ngunit mas hangad ng mga Pilipino ngayon ang maging dalubhasa sa mga pandayuhang wika
tulad ng Ingles, Koreano at Instik. Ayon sa awit na isinulat ni Rio Alma na pinamagatang "Ang
Wika Ko" ang wika ko'y wikang atin, katutubo, na minana pa ni ina sa nuno nang kaniyang nuno.
Ang liriko ay malayo na si reyalidad, nauubos na ang sinag ng pag-asa na mabubuhay pang muli
ang naudlot na pagmamahalan ng mga Pilipino at ng wikang Filipino. Nakakatakot na wala ng
wika ng pagkakakilanlan na maabutan ang mga susunod na bata ng bayan.

Ang wikang Katutubo ay hindi lamang isang mahalagang elemento para sa


pagkakaintindihan ng mga mamamayan. Isa itong sangkap sa mabisang pagbubuklod-buklod ng
mga Filipino sa iisang layunin na pagyabungin, paunlarin at ipagpatuloy ang pagmamahal sa
wika at hindi lamang sa paggamit nito. Ayon sa mga dalubhasa, kung patuloy na magiging
bulag-bulagan at bingi-bingihan ang mga tao sa estado ng wikang Katutubo sa panahon ngayon,
maari na nating tanggalin sa ating pagkakakilanlan ang pagiging isang Filipino.
Paulit-ulit na naririnig ang mga katagang "Mahalin ang wika", "Pahalagahan ang Wika"
"Pangalagan ang Wika". Mga pangakong ilang beses nang napako. Nagiging kataga na hindi na
nabibigyan ng aksiyon. Mga kasabihang nahinto na sa pagiging ihip sa hangin ngunit suntok sa
buwan.

Ang wikang Katutubo ay kumikilos sa isang malaking gampanin sa ating bansa. Ang wika
ang sagisag ang ating pagka-Filipino. Ito ang nagiging batayan sa ating pagkaFilipino. Ang
wikang ginagamit natin sa pananaliksik upang maghatid ng mga mahahalagang imporamasyon
sa kapwa Filipino nang hindi nagdudulot ng kalituhan dahil ang wikang Filipino ay mabisang
paraan sa transakyon at komikasyon.

Pangalawa, ang wikang Katutubo ang sumasalamin sa mga kasaysayan ng bansa mula sa
pagsilang ng mga bayaning nakipaglaban sa ating kalayaan hanggang sa pagkamatay nila na
pinaglalaban ang ating wika. Nagiging salamin din ng kulturang Pilipino ang wikang Katutubo,
kasabay ng pagkatawan nito sa mga tradisyon at kaugalian ng mga Pilipino.

Higit sa lahat, ang wikang Katutubo ang nagsisilbing tulay upang magkaroon tayo ng
Bansang Maka-Filipino. Gaya ng binaggit sa isang tula, "Ang bansang walang wika at isang
katawang walang kaluluwa". Ang Wikang Katutubo ang nagsisilbing pundasyon sa lahat ng
aspekto ng ating bansa. Ito ang nagiging daluyan ng buhay, nagiging lundayan sa lahat ng kilos
at pag-uugali ng mga tao at nagpapaunlad sa kasanayan ng mga Pilipino at mag-isip.

Gayunpaman, kahit na paulit-ulit na binabatid sa mga paaralan ang kahalagahan ng


Wikang Katutubo, hindi ko lubos na maunawan kung bakit ipinagpapalit pa rin ito sa iba? Saan
nga ba siya nagkulang? Hindi pa ba sapat ang kaniyang ginagawa para sa iyo? Tila, nanlalamig ka
na sa iyong relasyon sa wika. Ngunit hindi pa huli ang lahat maari mo pa ring maibaik ang tamis
ng iyong pagmamahal sa wika gaya ng una niyong pagkikita.

Ang wikang Katutubo ay dapat nagiging midyum o instrumento ng ating pang araw-araw
na pakikipagtalastasan. Sa ganitong paraan, magiging bahagi na ito ng ating pamumuhay. Gaya
ng pag-ibig kung araw-araw mong kasama ang isang tao, mas makilala mo siya at masasanay ka
na lagi mo siyang kasama. Ang pagpapalaganap ng kahalagahan ng wika ay hindi na rin dapat
malaking problema sa ngayon dahil tayo ay nasa gitna na ng pagsulong, maari na tayong
gumamit ng mga teknolohiya upang ipalaganap ang ating wika. At mahalagang isipin at
pagnilay-nilayan nating mga Pilipino na kumustahin naman natin kung nasan na ang wikang
Katutubo umuulad pa rin ba ito gaya ng ating pag-unlad?

Hindi nilalayon ng sanaysay na ito na ibatikos ang modernisasyon. Hindi masama ang
sumabay sa agos ng pag-unlad at pagiging dalubhasa at maalam. Ngunit hindi dahil nakakilala
tayo ng bago, nakakalimutan na natin ang humubog sa ating pagkatao. Oo, ang wika ang
nagtala sa iyong pangalan upang magligtas sa kamangmangan at pagiging sunud-sunuran.
Maari pa rin naman tayong kumanta ng mga K-pop na awitin ngunit siguraduhin na kabisado pa
rin natin ang Lupang Hinirang. Maari pa rin tayo gumamit ng facebook na gamit ang wikang sa
atin talaga. Kung mamamangka ka sa pangalawang ilog, huwag mong kalimutan ang una mong
paglalayag.

Mahalin mo ang wikang Filipino. Huwag mo lamang gamitin ito dahil nais mo lamang na
matawag kang Filipino. Kung manhid ka sa pagpapahalaga sa wikang Filipino, ipinagkakanulo mo
ang iyong pagka-Filipino. Gamitin, pahalagahan at isapuso mo ang wikang Filipino dahil kung
makipag-usap ka sa isang tao gamit ang wikang kanyang nauunawaan, iyon ay matatandaan ng
kanyang isip. Kung makipag-usap ka sa kanya sa kanyang sariling wika, iyon ay matatandaan ng
kanyang puso. Ang patuloy na pag-unlad ng bansa ay hindi dapat nagiging hadlang upang ang
wikang Katutubo ay daan sa bansang maka-Filipino.

"Mahalin mo naman ako, huwag lang gamitin."- Wikang Katutubo

You might also like