You are on page 1of 1

Panuto: Bilang isang mag aaral sa kolehiyo, sumasang ayon ka ba o hindi na alisin ang

asignaturang Filipino sa kolehiyo? Ipaliwanag ang iyong sagot.

Sa aking pagiging isang mag-aaral, masasabi kong hindi sapat ang panahon sa sekundarya upang
maituro ang asignaturang Filipino. Base sa aking karanasan, naniniwala akong kinakailangan pa rin na
ituro ito sa kolehiyo. At hindi maaring ipagwalang bahala ang desisyong pagtatanggal ng asignaturang
Filipino sa kurikulom ng CHED.

Maraming kabataang pilipino ang nakakaalam ng wikang Filipino ngunit iilan lamang sa mga ito
ang marunong gumamit nito. Maging sa aking sarili ay hindi ko pa lubos at tuluyang masasabing hindi ko
na kinakailangang mag aral ng Filipino sapagkat ang aking kaalaman ay hindi pa tuluyang nahubog at
nahasa. Ang mga salitang matatalinhaga at purong wikang Filipino ay limot na ng bagong henerasyon, o
hindi kaya'y ikinakahiyang gamitin sa katwirang itoy hindi maganda sa pandinig. Walang may gustong
linangin at buhayin ang wikang Filipino. Ngunit paano natin masasabing ang wika ang siyang ating
identidad kung tatalikuran natin ito. Hindi ba’t tungkulin ng bawat Pilipino na ipagtanggol at pagyamanin
ang wikang ating naging instrumento upang magpahayag ng sariling damdamin, saloobin, opinyon at
kaisipan .Ang wika ang sumasalamin sa ating pagkatao bilang sino at ano tayo. Dito natin mauunawaan
kung anong mayroon sa ating wika, kultura at panitikan. Ang tatlong salik na ito rin ang nagbubuklod sa
ating mga pilipino upang makabuo ng isang pamayanan at lipunan na may pagkakakilanlan. Sa
papamagitan ng wikang Filipino nagkaroon ng magsisilbing tulay ang bawat kasapi ng ating lipunan
upang magkaroon ng pagkakaisa at pagkakaintindihan. Ito ang naging susi sa pagkakaroon ng maunlad
na bayan sa pamamagitan ng pakikipagkomunikasyon at pakikipagkasundo upang makamit ang
magandang kinabukasan ng ating lipunan. Mula sa tahanan, paaralan hanggang sa pamahalaan malaki
ang ambag ng wikang Filipino sa ating buhay, kayat nararapat lamang na itoy pagyamanin at mapanatili.

Sa paglipas ng maraming taon at pag-usbong ng mga bagong wika, hindi maitatangging unti-
unting namamatay ang wikang Filipino. Maraming pilipino ang bulag sa katotohanang ito. Tila mga
naging dayuhan sa sariling bansa at lantarang ipinagpapalit sa ibang wika. Ito ay patunay lamang na ang
asignaturang Filipino ay dapat maituro hanggang kolehiyo sapagkat mamamatay ang wika kung hindi ito
paulit ulit na bibigkasin, ituturo at ipaiintindi sa libu-libong kabataan ng bansang Pilipinas. Nakalulungkot
isipin na ang usapin tungkol sa pagtatanggal ng asignaturang Filipino ay pinapaburan ng ilan sa mga
kapwa natin Pilipino. “Tangkilikin ang sariling atin” ang mga katagang ito ay patuluy natin
nakakasalamuha sapagkat itoy isang paalala para sa ating mga mamamayan na tangkilikin at ikintal sa
ating mga isipan na marapat lamang na ating mahalin kung anong meron tayo noon hanggang ngayon.

Ang asignaturang Filipino ay may mahalagang papel sa ating sarili, lipunan, at pamahalaan. Ito
ang nag-uugnay sa bawat isa sa atin at karugtong ng ating pagkatao na hindi dapat mawaglit sa atin
kailanman. Nararapat lamang na kasabay ng pag-unlad ng bansa ang pag-unlad ng wikang Filipino. Sa
modernong panahon na ito, kinakailangan nating pag-igihin ang pagbibigay at pagkalat ng karunungan.
Sa paraang ito, maipapanalo natin ang ating wika sa pagkalimot at pagkawala nito sa ating buhay.

You might also like