You are on page 1of 3

Morastel, Clair A.

CS-1101

“Kailangan natin ang wikang dayuhan para mabuhay sa kasalukuyang panahon, pero
kailangan natin ang wikang sarili para mabuhay nang habang panahon”. Isinaad yaon ni Ricardo
Ma. Nolesco na dating tagapangulo ng komisyon ng wikang Filipino. Ang wika ang nagsisilbing
pagkakakilanlan ng isang bansa at ng mga mamamayan nito. Daan ang wika tungo sa
pagkakaunawaan ng bawat isa na magtutungo sa kaunlaran ng isang bansa. Sa pag-usbong ng
modernong panahon, mahalaga na matutong umangkop sa mga pagbabagong nagaganap sa
mundong ating ginagalawan. Kaalinsabay sa pagbabagong ito ang pag angkop o pag adapt sa
wikang unibersal upang magawa nating makipag sabayan sa pagpapaunlad ng bansa.

Habang tayo ay abala sa paglahok sa modernisasyon, tila hindi natin namamalayan na


nakaligtaan na natin ang ating sariling pagkakakilanlan. Sa labis na pagkahumaling sa mga
pagbabago ay nakalimutan na nating tangkilikin ang ating nakasanayan. Katulad na lamang ng
isyu mula sa pagpatupad ng Commission on Higher Education (CHED) na ipaalis ang asignaturang
Filipino at panitikan sa kolehiyo. Sa unang rinig o basa palang na pagpapaalis ng asignaturang
Filipino mula sa bansang pinagmulan nito ay labis na hindi katanggap tanggap para sa marami.
Nag-ani ang usaping ito ng mga pagtutol at pagbatikos mula sa mga Pilipino. Nagdulot ang usaping
ito sa muling pagkabuhay ng damdaming makabayan ng mga mamamayan. Nag labasan ang
samut-saring saloobin tungkol dito.

Pinangunahan ito ng mga unibersidad tulad ng La Salle, Ateneo De Manila, University of


the Philippines, Philippine Normal University at PUP sa paghahayag ng kanilang pagtutol sa nais
ng CHED. Naghain ang mga unibersidad ng kani kaniyang posisyong papel sa korte suprema na
may iba’t ibang titulo ngunit may iisang layunin. Nakagagalak isipin at malaman na patuloy paring
pinahahalagahan at pinagtatanggol ng lahat ang ating wika at pagkakakilanlan. Sa katunayan,
nabuo ang alyansa na “Tanggol Wika” mula sa isang konsultatibong forum sa DLSU Manila.

Nakapaloob sa posisyong papel na isinumite ng mga unibersidad ang kanilang


paninindigan sa patuloy na pagtuturo o pag-aaral ng asignaturang Filipino. Napakaraming
kabutihan at kagandahan ang paggamit ng sariling wika ang inihayag sa bawat papel. Ang
asignaturang Filipino at panitikan ang magbubukas ng kaalaman para sa mga mag-aaral ukol sa
wikang pambansa. Batid nating lahat na pawang marami parin ang nahihirapan sa paggamit ng
mga simple man o kumplikadong panghalip sa isang pangungusap. Sa panitikan naman ay
mauunawaan ang tungkol sa ating angking kultura at kasaysayan. Maging ang uri ng pamumuhay
ng ating mga ninuno noon ay sumasalamin sa bawat piraso na ating mababasa o mapanonood
ngayon. Samakatuwid, ang asignaturang ito ay napakahalaga sapagkat tumatalakay ito sa
pagpapalalim ng identidad ng ating bansa.
Ayon pa sa posisyong papel na inihain ng Ateneo de Manila noong 2014, ang pagpapaalis
ng asignaturang Filipino ay para naring pagkitil sa ating identidad. Ang wika na sinasalita sa isang
bansa ay sya ring pagkakakilanlan nito at hindi kailanman maaring mapalitan ng iba. Kaakibat na
ng ating bansa at nating mga Pilipino ang wikang Filipino mula simula. Ito ang nagbubuklod sa
mga mamamayan ano man ang estado at kakayahan. Tunay ngang ang pagsasawalang bahala sa
asignaturang Filipino ay pagsawalang bahala na rin sa ating mga mamamayan na nagsakripisyo
ng kanilang buhay alang alang sa ating kalayaan. Hinding hindi masasabing madali lamang ang
ginawang sakripisyo ng ating mga bayani para maipreserba ang ating pagkakakilanlan. Kaya
naman, marapat lamang na hindi rin tayo dapat agad na magpatinag sa mga pagsubok gaya nito
ukol sa pagsantabi ng ating sariling wika. Oo nga’t pinaglaban tayo ng buong tapang ng ating mga
bayani laban sa mga dayuhan noon, ngunit ngayon ay muli tayong napasasakop sa mga banyaga
kung tayo ay magpapadala sa mga institusyong tila iba ang intensyon. Isa rin sa dahilan kung bakit
hindi dapat ipatigil ang pag aaral ng Filipino sa kolehiyo ay dahil hindi sapat ang mga taon sa
hayskul upang mapag aralan ng lubos ang asignaturang Filipino. Bukod pa rito ay marami parin
ang hindi pa ganoon kalawak ang nalalaman ukol sa pormal na wika at pananalita na siyang
nararapat nating taglay bilang mga Pilipino.

Bilang isang mag-aaral ay sumasangyon ako sa saloobin ng bawat unibersidad. Ang sarili
nating wika ang nagbubukod sa atin mula sa ibang bansa at ito ang nag sisilbi nating sandigan.
Kung wala ang ating wika ay malamang wala rin tayo sa ating kinatatayuan ngayon. Kaya imbis
na alisin ay marapat na dagdagan pa ang ating pagtuklas sa ating wika sapagkat ito ang susi sa mas
matibay na pundasyon ng ating inang bayan. Katulad ng sinabi ni G. Nolesco, kailangan natin ang
wikang dayuhan, ngunit mas mahalaga parin na huwag kalimutan o pabayaan ang ating sariling
wika. Magdudulot lamang ng pagmamalaki at kawalan ng pagpapakumbaba sa bayang sinilangan
ang hindi paggamit at pag aral ng Filipino.

Malinaw na naipabatid ng posisyong papel ng mga unibersidad ang kahalagahan ng


asignaturang Filipino at panitikan. Makapag bubukas ito ng isipan ng mga mamamayan na
nasisilaw na sa paggamit ng ibang wika kaysa sa kanyang sariling wika. Aking napagtanto na
napaka yaman ng salitang wika ng ibang bansa tulad ng bansang Korea, China, America at marami
pang iba. Ginagamit ng mga bansang ito ang kanilang sariling wika sa pagtuturo ng kahit anong
asignatura at batid kong lalo nilang pinayayabong ang kanilang wika. Samantala sa ating bansa ay
tila mas nakasentro sa wikang ingles ang pagtuturo ng mga asignatura. Bilang resulta, maraming
kabataan o estudyante ang hindi nakauunawa ng maayos sa mga asignatura lalo na sa matematika
at siyensya. Dahil nga sa sitwasyong ito, lalong lumalabas ang pangangailangan nating mga
Pilipino na patuloy na pagyamanin ang ating paggamit sa ating sariling wika. Kung magagawa
nating mapayaman ang wikang Filipino ay magiging mas madali ang pagkakaunawaan ng bawat
isa na magreresulta sa mas mabilis na pag unlad ng ating kultura maging ng ating bansa.

Ayon sa nakararami na ang edukasyon ay isa sa pundasyong humuhubog sa ating


pagkatao. Marapat lamang na pagtuunan ng pansin ang ating pinagmulan bago tayo tumingin sa
ibang bagay. Sa aking palagay, importante na mahalin at pagyamanin ang kung ano mang bagay
kung saan tayo nag-ugat sapagkat balang araw ay ito rin ang magdadala sa atin saan man natin
naisin. Hinding hindi makukuha ng kahit sino man ang ating pagkakakilanlan kaya’t huwag itong
isantabi, kundi ipagyaman.

You might also like