You are on page 1of 1

Vergara, Kim Ericka D.

A1D
LMS 1: Wikang Filipino sa Panahon ng Internasyonalisasyon at Globalisasyon
Reaksyong papel 

Tila patuloy na tayong nilalamon ng modernong mundo kaya unti-unti na nating nalilimutan ang
wikang mula pa sa ating mga katutubo. Ano nga ba ang lagay ng ating wika sa panahon ng
internasyonalisasyon at globalisasyon? Tunay nga bang walang lugar ang ating wika sa panahong ito?
Yan ang mga katanungang sumasaklaw sa kabuuan ng bidyo na siyang sa tingin ko ay may punto.

Sa isinaad ni Dr. Crisanta Flores, masasabing napakalayo at unlad na nang narating ng ating
Wikang Filipino. Mula sa wikang Austronesyano, pagsulat ng Kawi Script at Baybayin, pagyabong ng wika
mula sa mga wikang banyaga dulot ng unang agos ng globalisasyon, pagbubukas ng kolonya sa
pandaigdigang kalakalan hanggang sa ngayon nga na moderno na ang ating mundo. Bukod dito, ang
Wikang Filipino ay itinuturo sa napakaraming prestihiyosong unibersidad nang may paggalang at
dignidad sa iba’t ibang bansa, may mga tao rin, Filipino man o banyaga, ang nagsusulat at nagsasalin ng
mga artikulo, libro at iba pa sa wikang Filipino, may mga salitang banyaga rin ang hango sa ating wika,
may mga banyagang pinipiling mag-aral at magturo ng ating wika imbis na alin pa mang ibang wika at
mga tao, Pilipino o banyaga man, ang kinilala dahil sa pagpapaunlad ng ating wika kaya masasabi nga ba
nating walang lugar ang ating wika sa panahon ng internasyonalisasyon at globalisasyon?

Wikang Ingles ang Pandaigdigang Lingua Franca na siyang ginagamit ng nakararami lalo’t higit ng
mga paaralan at unibersidad sa Pilipinas. Marami sa atin ang ninanais na gamitin na lamang ang Wikang
Ingles sa paniniwalang higit itong maunlad at angkop na midyum ng pakikipag-ugnayan lalo na sa
panahon ng globalisasyon. Bakit nga naman hindi ito ang gagamitin sa konteksto ng edukasyon kung ito
ang pandaigdigang wika kung saan mas maiintindihan tayo ng sinumang banyaga? Ngunit sinasabi man
ng nakararami na ang ating wika ay wikang bakya, o panlansangan lamang na hindi ito intelektwalisado,
napakaraming pangyayari sa loob at labas ng ating bansa ang nagpapahiwatig ng kaugnayan at
kaunlaran ng ating wika sa iba’t ibang larangan at pagkadalubhasa lalo na sa konteksto ng edukasyon.
Kaya’t sa tingin ko gaya ng sabi ni Dr. Flores, hindi ang wikang Ingles ang ating kalaban kung hindi ang
mentalidad na tayo’y uunlad sa Ingles. Oo nga at mahalaga ang Wikang Ingles ngunit hindi dapat nating
kalimutan at ituring na mababa ang sarili nating wika. Isinasabuhay ito ng nakararaming banyaga ngunit
tayo mismong mga Pilipino ay pilit pinaniniwalaang hindi tayo uunlad dito. Itigil na natin ang mentalidad
na mas nakatataas ang wika ng iba sa sariling atin dahil may lugar ang ating wika sa panahon ng
internasyonalisasyon at globalisasyon. Ito ay sariling atin na dapat nating panatilihin.

Tunay na isang hamon sa Wikang Filipino ang makasabay sa mga pagbabagong dulot ng
panahon ng internasyonalisasyon at globalisasyon upang hindi ito matabunan ng mga dayuhang wika sa
ating sariling bayan. Hindi naman masama ang gumamit ng ibang wika ngunit marapat nating isaisip na
taglay ng wika ang ating kultura kaya’t kung hindi makasasabay ang ating wika sa modernisasyon ay
hindi rin makasasabay ang ating kultura. Ito ay ating pagyamanin dahil nasa ating mga kamay ang hamon
ng hinaharap at pag-unlad ng ating wika sa panahon ng internasyonalisasyon at globalisasyon.

You might also like