You are on page 1of 1

Pangarap at Pag-asa: Bakit mahalaga na ang bawat tao'y may pag-asa?

Ang dula ay isang uri ng sining at literatura na katulad ng tula ay nagbibigay ng pahayag sa
maraming isyung panlipunan na laging nararanasan ng maraming tao sa modernong lipunan. Sa aking
CRE, tatalakayin ko kung paano ipinakita ni Paul Dumol sa dulang pinamagatang "Ang Paglilitis ni Mang
Serapio", ang isyung panlipunan na kahirapan. Sa pamamagitan ng karakter na si Mang Serapio at ng
manika na simbolo ng pag-asa, epektibong naipahayag ng awtor ang kahalagahan ng pangarap at pag-asa
sa buhay ng isang tao.

Si Mang Serapio ay ang pangunahing tauhan sa dula. Isa siyang matanda at mahirap na tao na
nagpapalimos sa kalye araw-araw upang kumita ng pera. Ipinakita sa dula na nakatira siya sa isang
barungbarong at halos wala siyang pera na pambili ng pagkain dahil binibigay niya ang kanyang kinikita
sa Federacion. Bukod sa pagiging mahirap, siya ay nabubuhay nang sobrang malungkot at nag-iisa dahil
namatay ang kanyang asawa nang ipanganak ang kanilang anak at ang anak naman ay nasagasaan nang
diyip nang ito'y tatlong taon na. Wala rin siyang matatawag na kaibigan. Gayunpaman, sa kabila ng lahat
ng pagtitiis at paghihirap na nangyayari sa kanya, patuloy siyang nabubuhay at nananatiling positibo kahit
hindi maganda ang kalagayan ng kanyang hinaharap. Ito ay dahil sa kanyang pag-asang magiging
maganda ang buhay niya kapag hindi siya susuko at haharapin ang lahat ng problema sa buhay. Ang
pag-asa niya ay nagmumula sa alaala ng kanyang anak na nagbibigay sa kanya ng inspirasyong magsipag
sa trabaho at harapin ang buhay. Ang presensya ng alaala ng kanyang anak ay laging nagbibigay kay
Mang Serapio ng lakas at tapang upang patuloy niyang kayanin ang lahat ng pagtitiis at pang-aapi ng mga
taong makapangyarihan sa kanilang Federacion. Para kay Mang Serapio, ang tanging paraan upang
mapanatiling buhay ang alaala ng kanyang anak ay sa pamamagitan ng patuloy na pamumuhay nang
lubos at walang pagsisisi. Bukod sa paggamit ng karakter ni Mang Serapio, ginamit din ng may-akda ang
simbolo ng manika upang talakayin ang relasyon ng kahirapan at pag-asa. Gustong ipahatid ng awtor sa
mambabasa na kahit mahirap ang buhay, hindi dapat mawalan ng pag-asa, dahil ang pag-asa ay
nakakatulong sa mga tao upang harapin ang kanilang mga isyu at problema. Maliwanag itong nailahad sa
buhay ni Mang Serapio sa dula. Sobrang kahirapan ang tinitiis niya pero nakaya niyang dalhin ang lahat
ng ito dahil sa manika na naging simbolo ng alaala ng minamahal niyang anak. Ang gula-gulanit at
maruming manika na laruan ng namatay niyang anak ang nagsilbing inspirasyon niya upang hindi
panghinaan at labanan ang hirap ng buhay. Hindi siya sumuko at hinarap ang buhay sa pamamagitan ng
positibong pananaw sa kanyang kinabukasan.Kumapit siya sa manika na lubhang mahalaga sa kanya
upang hindi mawala ang pangarap at pag-asa niya sa buhay.

Bilang konklusyon, masasabi kong mahusay at mabisang naipahayag ng mandudula sa kanyang


akda, ang ideyang ng kung ang bawat tao ay may pangarap at pag-asa, ito ang magbibigay ng lakas
at tatag sa kanyang puso upang harapin ang anumang problema at kahirapan na darating sa kanyang
buhay. Bilang Xaverian, naging mahalaga sa akin ang dulang ito. Nagpamulat ito sa aking isipan na
sa kabila ng mga nararanasan kong hirap at "stress"( kolehiyo, magulang) sa pag-aaral sa
kasalukuyan, maabot ko rin ang aking mga pangarap kung lagi akong may pag-asa at paniniwala sa
aking sarili at sa aking kakayahan.

You might also like