You are on page 1of 4

TALAMBUHAY NI MANUEL L.

QUEZON

Si Manuel Luis Quezon ay kilala bilang “Ama ng Wikang Filipino.” Tinagurian


ding “Ama ng Republika ng Pilipinas”, siya ang naging unang Pangulo ng
Commonwealth ng Pilipinas sa ilalim ng pamahalaang Amerikano noong simula
ng ika-20 siglo. Bagamat hindi kinilala ng ibang bansa ang naunang Republica
Filipina na siyang pamahalaang rebolusyunaryo ni Emilio Aguinaldo, si Quezon
ay itinuturing ng mga Filipino bilang ikalawang Pangulo lamang ng bansa,
sumunod kay Aguinaldo. Si Quezon ay tinatawag ding “Ama ng Republika ng
Pilipinas” at “Ama ng Kasarinlang Pilipino” dahil sa kanyang mga ginawa upang
isulong ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa pamahalaang Amerikano.

Ang mestiso Espanyol na si Manuel Luis Quezon ay ipinanganak noong ika-19


ng Agosto, 1877 (bagamat ang kanyang opisyal na kaarawan ay ang ika-19 ng
Agosto, 1878) sa Baler, Tayabas (ngayon ay nasa lalawigan na ng Aurora), kina
Lucio Quezon, isang guro mula sa Paco, Manila, na isa ring retiradong sarhento
sa sandatahang kolonyal ng Espanya, at Maria Dolores Molina, isa ring guro sa
kanilang bayan.

Tinuruan siya ng isang pribadong guro mula 1883 hanggang 1887; pagkatapos
ay pumasok siya sa San Juan de Letran kung saan siya nagtapos sa
sekondarya noong 1889. Namatay ang kanyang ina sa sakit na tuberkulosis
noong 1893, bago siya nagtapos ng summa cum laude sa kursong Bachelor of
Arts sa Unibersidad ng Sto. Tomas (UST) noong 1894. Noong 1898, ang
kanyang amang si Lucio at kapatid na si Pedro ay tinambangan at pinatay ng mga armadong kalalakihan noong pauwi sila ng Baler
galing ng Nueva Ecija, dahil sa kanilang katapatan sa pamahalaang Espanyol.

Nag-aral si Quezon ng abogasya sa UST, ngunit pansamantalang natigil ito nang sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano.
Sumanib si Quezon sa kilusang rebolusyonaryo at nagsilbi bilang aide-de-camp ni Emilio Aguinaldo mula 1899 hanggang sa nabihag si
Aguinaldo ng mga Amerikano noong 1901. Pagkatapos ng digmaan, tinapos niya ang kursong abogasya sa UST at nakakuha siya ng
pang-apat na puwesto sa Bar Exams noong 1903. Nagtrabaho muna siya bilang isang clerk at surveyor bago naglingkod sa gobyerno
bilang fiscal ng Mindoro noong ika-19 ng Setyembre, 1903, at di kalaunan ay naging fiscal siya ng Tayabas noong Marso 1904. Sa
maikling panahong fiscal siya ng Tayabas, naghain siya ng 25 na kasong estafa laban kay Frank J. Berry, isang impluwensiyal na
abogado at manlilimbag na Amerikano, bago siya nagbitiw sa tungkulin noong Nobyembre 1904 at pumasok sa private practice mula
1904 hanggang 1906.

Noong ika-13 ng Hulyo 1906, ibinaba ng Korte Suprema ang hatol sa kasong U.S. vs. Querijero (G.R. No. L-2626), na nagsasabing
noong pinatay ang ama at kapatid ni Quezon, ang mga salarin ay mga sundalong rebolusyunaryong lumalaban sa Espanya at ang
pagpaslang ay alinsunod sa utos ng nakatataas na opisyal at ginawa para sa mga layunin ng himagsikan.
Pulitika

Noong 1906, si Quezon ay inihalal bilang konsehal at kalaunan ay bilang Gobernador ng Tayabas. Noong ika-25 ng Hulyo 1907,
nagbitiw siya bilang Gobernador at tumakbo para sa Philippine Assembly. Mula 1907 hanggang 1909, siya ay naging miyembro ng
Philippine Assembly, at Majority Floor Leader at Chairman ng Appropriations Committee. Noong 1909, siya ay inihalal ng Lehislatura
ng Pilipinas bilang resident commissioner sa Kongreso ng Estados Unidos.

Bilang resident commissioner, maaaring magsalita at sumali si Quezon sa talakayan, ngunit wala siyang karapatang bumoto.
Gayunpaman, masigasig si Quezon sa pagsusulong ng kagustuhang lumaya ang Pilipinas. Pagkatapos ng isang talumpati sa
Tammany Hall para sa Fourth of July noong 1911, sinabi ni Quezon sa New York Times na “Kami ay nagpapasalamat kay Ginoong
Taft at sa mga Amerikano para sa kanilang mga ginawa para sa amin, ngunit ayaw naming maging isang kolonya. Gusto namin ng
kalayaan.”

Bilang sagot sa inilathala ng New York Times na “Philippines the Key to our Success in the Far East”, sinabi ni Quezon (nailathala sa
NY Times noong ika-15 ng Setyembre 1912), “Panahon na para sa mga tumitingin sa Pilipinas bilang isang negosyo, na lumantad at
sabihin ito kapag kanilang sinusulong ang pananatili ng mga isla bilang sakop ng Amerika, sa halip na tabunan ang kanilang totoong
hangarin ng mga dahilang nakakainsulto sa pambansang dangal ng mga Pilipino. Huwag nilang sabihin na ang Estados Unidos ay
nananatili sa Pilipinas hindi dahil sa gusto nitong magpalawak ng teritoryo, hindi dahil sa naghahangad itong kumita, kundi upang
bigyan ang mga isla ng isang mabuti at matalinong Pamahalaan, na hindi kayang itatag at panatilihin ng mga Pilipino ng kusa.”

Noong 1916, iniuwi ni Quezon sa Pilipinas ang Batas Jones, na nangangakong kikilalanin ang kasarinlan ng mga Pilipino.
Senado

Si Manuel L. Quezon ay inihalal bilang Senador ng Ikalimang Distrito noong 1916 at naging Pangulo ng Senado hanggang 1935.
Umabot ng labinsiyam na taon ang kanyang pagiging Pangulo ng Senado.

Noong ika-9 ng Disyembre, 1918, naglayag si Quezon patungong Amerika bilang pinuno ng unang Independence mission sa Kongreso
ng Estados Unidos. Dumaan muna siya ng Hongkong, kung saan pinakasalan niya ang kanyang pinsang-buo na si Aurora Aragon y
Molina noong ika-17 ng Disyembre. Sila ay biniyayaan ng apat na supling, si Maria Aurora (“Baby”) (1919-1949); Maria Zeneida (“Nini”)
(1921-); Luisa Corazon Paz (“Nenita”) (1923-1923); at Manuel L., Jr. (“Nonong”) (1926-1998).

Ika-10 ng Mayo, 1920, nang unang magtalumpati si Quezon sa harap ng Kongreso ng Estados Unidos. Kasama sa talumpati niya ang
mga katagang “Sa kabila ng lahat, nais pa rin namin ng kasarinlan”, at “Kung ang nakatakdang kapalaran ng aking bansa ay ang
maging sakop ngunit mayaman, o ang maging malaya ngunit mahirap, walang pag-aalinlangang pipiliin ko ang huli.”

Noong 1922, kinuwestiyon ni Quezon ang aniya’y “unipersonal leadership” ni Tagapagsalitang Sergio Osmena, kung ihahambing sa
tinatawag na “collective leadership” na kanya namang itinataguyod. Noong ika-24 ng Pebrero 1922, umalis si Quezon sa Partido
Nacionalista, kung saan kasapi din si Osmena, at ang kanyang sabi: “Ang partido ay hindi kailanman naging at hindi kailanman
magiging ang bayan. Ang aking katapatan sa aking partido ay natatapos kung saan ang aking katapatan sa aking bayan nagsisimula.”
Nanatili si Quezon bilang Pangulo ng Senado, at si Osmena naman ay naging Pangulo ng Senado Pro Tempore.

Matapos naihalal si Warren Harding bilang Pangulo ng Estados Unidos noong 1920, si Francis Burton Harrison ay pinalitan ni Leonard
Wood bilang Gobernador-Heneral ng Pilipinas. Si Gobernador-Heneral Wood ay nagpairal ng mga patakarang sa paningin ng mga
Pilipino ay masyadong marahas. Noong 1923, panahon ng pangangampanya para sa espesyal na halalan para sa ikaapat na
senatorial district (sakop ang Manila at mga karatig-lalawigan), si Jose P. Laurel, na noo’y Kalihim ng Kagawarang Panloob, ay
nagbitiw sa tungkulin bilang protesta sa aniya’y pangingialam ni Wood sa kanyang kagawaran. Ang Partido Democrata, na siyang nasa
oposisyon, ay nangako namang makikipagtulungan kay Wood. Tinawag ni Quezon na Americanistas ang Partido Democrata. Ayon sa
kanya, ang isang boto para sa kandidato ng partidong iyon ay isang botong laban sa kasarinlan ng Pilipinas, at ika pa niya’y: “Mas
gugustuhin ko pa ang isang bayang pinamahalaang parang impiyerno ng mga Pilipino, kaysa sa isang bayang pinamahalaang parang
langit ng mga Amerikano, sapagkat gaano man kasama ang isang pamahalaang Pilipino ay magagawa nating baguhin.”

Noong 1931, ang Misyong OsRox na pinamunuan nina Sergio Osmena at Manuel Roxas ay tumungo ng Estados Unidos upang
isulong ang hangaring kasarinlan. Iniuwi nila ang Batas Hare-Hawes-Cutting, na mariin namang tinutulan ni Quezon sa dahilang
naglalaman ito ng kondisyong mananatili pa rin sa Pilipinas ang mga base militar ng Amerika matapos maipahayag ang kasarinlan.
Bagamat ang Batas Hare-Hawes-Cutting ay naaprubahan na ng Kongreso ng Estados Unidos, ito ay ibinasura naman ng Lehislatura
ng Pilipinas noong Oktubre 1933. Pagdating ng Nobyembre 1933, tumulak na si Quezon patungong Washington. Iniuwi niya noong
1934 ang Batas Tydings-McDuffie, na hindi na naglalaman ng kondisyon ukol sa mga base militar ng mga Amerikano, at ito ay
inaprubahan ng Lehislatura ng Pilipinas.

Noong ika-30 ng Hulyo, 1934, pormal na sinimulan ang Constitutional Convention, at noong ika-14 ng Mayo 1935, pinagtibay na ang
Saligang Batas ng 1935.

Pagka-Pangulo

Si Quezon ay tumakbo sa unang halalan sa pagka-Pangulo ng Pilipinas noong Nobyembre 1935 at nanalo siya laban kay Emilio
Aguinaldo (dating Pangulo ng Rebolusyunaryong Republica Filipina, na dati ay pinagsilbihan niya bilang aide-de-camp), at Gregorio
Aglipay.

Sa kanyang unang termino bilang Pangulo, si Quezon ay nakipagtulungan kay High Commissioner Paul V. McNutt ng Estados Unidos
upang mapadali ang pagpasok sa Pilipinas ng mga Hudyong tumatakas sa mga rehimeng pasista sa Europa. Isinulong din ni Quezon
ang isang proyekto upang makapanirahan sa Mindanao ang mga takas na Hudyo.

Mula 1901 hanggang 1935, bagamat isang Pilipino ang palaging nahihirang bilang Punong Mahistrado, mga Amerikano ang karamihan
sa mga miyembro ng Mataas na Hukuman (Supreme Court). Ang ganap na Pilipinisasyon ng Hukuman ay nakamtan lamang nang
itatag ang Commonwealth ng Pilipinas noong 1935, nang si Quezon, bilang Presidente, ay mabigyan ng kapangyarihan upang
maghirang ng kauna-unahang Mataas na Hukuman na ang lahat ng miyembro ay Pilipino. Kabilang sa mga unang itinalaga ni Quezon
upang pumalit sa mga Amerikanong mahistrado ay sina Claro M. Recto at Jose P. Laurel. Ang bilang ng miyembro ng Hukuman ay
dinagdagan at ginawang labing-isa: isang Punong Mahistrado at sampung Katulong na Mahistrado, na umupo ng en banc o di kaya sa
dalawang Sangay na may tiglilimang miyembro.

Noong 1935, ang dating Chief of Staff ng Estados Unidos na si Heneral Douglas MacArthur, na matagal nang kakilala ni Quezon, ay
bumalik sa Pilipinas bilang tagapayo ng Commonwealth tungkol sa sandatahan. Naatasan si MacArthur upang bumalangkas ng isang
national defense plan at upang itatag at sanayin ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas. Nang magretiro si MacArthur sa Sandatahan
ng Estados Unidos noong 1937, kaagad na inalok siya ni Quezon ng isang posisyon bilang Field Marshal.

Noong 1936, inilabas ni Quezon ang E.O. No. 23, na naglalaman ng technical description at detalyadong espisipikasyon ng watawat ng
Pilipinas.

Pagdating ng Enero 1937, itinayo ni Quezon ang Surian ng Wikang Pambansa, na naglalayong lumikha ng isang pangkalahatang
pambansang wika para sa mga Pilipino. Noong Nobyembre 1937, inirekomenda ng Surian na gawing pambansang wika ang Tagalog,
kung kaya noong ika-30 ng Disyembre 1939 ay idineklara ni Quezon na Tagalog ang magiging pambansang wika ng Pilipinas. Noong
Hunyo 1940 naman, iniutos niyang ituro ang pambansang wika bilang isa sa mga asignatura sa mga paaralan.

Masigasig na isinusulong ni Quezon ang panlipunang katarungan o social justice, kung kaya minsan ay kanyang winika: “Ang
panlipunang katarungan ay higit na mas makatutulong kapag ang ginamit na batayan ay ang damdamin at pang-unawa at hindi ang
batas.” Noong 1937, nilagdaan ni Quezon ang kauna-unahang batas para sa minimum wage sa Pilipinas. Noong taon ding iyon, unang
bumoto ang kababaihang Pilipino sa isang plebisito tungkol sa karapatan ng mga babaeng bumoto o ang tinatawag na women’s
suffrage.

Noong ika-12 ng Oktubre, 1939 naman, nilagdaan ni Quezon ang Batas Commonwealth 502, na lumikha ng isang lungsod sa Diliman,
na nasa dakong labas ng Manila. Ang lungsod na kanyang itinatag at pinagyaman upang maging kabisera ng bansa, kalaunan ay
ipinangalan sa kanya – ang Lungsod ng Quezon.

Ang orihinal na termino ni Quezon na anim na taon bilang Pangulo ay pinahaba sa pamamagitan ng pag-amiyenda ng Saligang Batas,
kung kaya’t nagsilbi pa siya ng karagdagang dalawang taon bago siya nahalal muli bilang Pangulo noong Nobyembre 1941.
TALAMBUHAY NI CORAZON C. AQUINO

Si María Corazón Cojuangco-Aquino na lalong mas kilala sa palayaw na Cory ang ikalabing-isang Pangulo ng Pilipinas ng Republika
ng Pilipinas at kauna-unahang naging babaeng pangulo ng Pilipinas (Pebrero 25, 1986–Hunyo 30, 1992). Ipinanganak siya noong
Enero 25, 1933 sa Tarlac ng kanyang mga magulang na sina Jose Cojuangco Sr. at Demetria Sumulong. Kilalang may kaya ang
kanilang angkan na nagmamay-ari ng malawak na lupain sa Tarlac.

Nagtapos siya sa isang paaralang Katoliko na para lamang sa mga kababaihan bago pinalad na makapag-aral sa Estados Unidos at
nakapagtapos nang may digri sa Wikang Pranses at Matematika sa New York's Mount Saint Vincent College. Nagbalik siya ng
Pilipinas noong 1953 upang kumuha ng kursong abugasya. Doon niya nakilala ang kabiyak na si Benigno Aquino, Jr. ("Ninoy"), ang
pinaslang na lider ng oposisyon noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Nailuklok siya sa pamamagitan ng isang mapayapang rebolusyon (Unang Rebolusyon sa EDSA) noong Pebrero 25, 1986 at ibinalik
niya ang demokrasya sa bansa. Siya ay kilala rin bilang ina ng artistang si Kris Aquino.

Si Cory Bilang Asawa ni Benigno Aquino, Jr.

Kilalang angkan ang Aquino sa politika. Nahalal bilang mayor si Benigno Aquino, Jr. o kilala sa tawag na Ninoy isang taon matapos
ang kanilang pag-iisang dibdib. Naging pinakabata rin itong gobernador hanggang sa maging senador.

Naging pangunahing kritiko ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ang kanyang asawa at isa sa mga nakulong matapos
maideklara ang Martial Law noong Setyembre 21, 1972. Dahil sa ilang taong pagkakakulong ng kanyang asawa ay siya ang naging
tagapagsalita at katuwang nito sa pakikipag-usap sa mga aktibista at mamamahayag. Pansamantala silang nanirahan sa Boston
matapos na palayain ang kanyang asawa upang sumailalim sa operasyon sa puso.

Taong 1983 ng buwan ng Agosto ng mapagpasiyahang bumalik sa Pilipinas ng kanyang asawang si Benigno Aquino, Jr. upang
tulungan ang mga taong hindi sang-ayon sa pamumuno ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Sa kasamaang-palad ay ipinapatay
siya matapos makalapag sa paliparan ang eroplanong kanyang sinasakyan.

Si Cory Bilang Unang Babaeng Pangulo ng Pilipinas

Taong 1985 ng mapili siya ng National Press Club ng Maynila upang tumakbo bilang Pangulo ng Pilipinas. Nangako siyang tatakbo
sakaling makakalap ang grupo ng isang milyong lagda ng mga taong nagnanais na maging Pangulo siya. Matagumpay namang
nakalap ang higit sa isang milyong lagda kung kaya't sinuportahan din siya ng anim pang partido. Napagpasiyahan niyang tumakbo
hindi upang maghiganti kundi upang magkamit ng katarungan. May kalakihan ang tsansa niyang mahalal sapagkat bukod sa bago
lamang siya sa pulitika ay katulad niya ang mga paniniwala at adhikain ng nasirang asawa.

Sa kasamaang palad ay hindi na natuklasan pa ang kinahinatnan ng eleksyong Pampanguluhan. Matapos ang isang mapayapang
rebolusyon (Unang Rebolusyon sa EDSA) noong Pebrero 25, 1986, at mapatalsik sa posisyon ang dating Pangulong Ferdinand E.
Marcos ay nailagak siyang Pangulo ng Pilipinas ng Pilipinas.

Halos pitong pag-aaklas ang naganap upang siya'y mapatalsik ang dinanas ng kanyang liderato. Ang ilan pa sa mga ito'y pinamunuan
ng mga taong nagluklok sa kanya sa pwesto. Taong 1991 nang maglabas ng kasulatang nagpapahintulot sa kanyang manatili sa
pwesto hanggang Hunyo 30, 1992. Pinalitan siya ni Fidel V. Ramos bilang Pangulo noong matapos ang kanyang termino.

Si Cory at ang CARP


Dalawang taon matapos siyang maluklok bilang Pangulo ng Pilipinas ng Pilipinas, ipinatupad niya ang Comprehensive Agrarian
Reform Act o CARP sa ilalim ng Republic Act No. 6657. Ilang kontrobersiya ang kinasangkutan nito lalo pa't kilalang haciendero ng
ekta-ektaryang lupain ang kanyang pamilya. Sa ilalim ng programang ito ay mabibigyan ng lupa ang humigit kumulang sa 8.5 milyong
magsasaka at manggagawa ng lupa sa loob ng sampung taon upang kumawala sila sa kahirapan at pagiging alipin.

Sa kasamaang palad, ang naipangakong 24 na milyong ektaryang lupa na ipamamahagi sana ay naging 4.7 milyon na lamang. Hindi
na natuloy ang maayos na pamamahagi ng lupa dahil na rin sa kakulangan sa pondo at iba pang kadahilanan. Ang ilan namang
pinalad na makatanggap ng lupa ay napilitang ibenta itong muli sa iba. 3 sa 5 katao na nagkamit ng lupa ang nagbentang muli nito
dahil na rin sa wala silang sapat na pondo upang mapanatili ang kanilang lupain na sana'y planong gawing lupang pang-agrikultura.

Pagkakasakit at Kamatayan

Marso 24, 2008 unang natuklasan ang pagkakaroon ng colon cancer ng dating pangulong Corazon Aquino. Humingi ng dasal at
suporta para sa kanyang maysakit na ina si Kris Aquino, ang artista at TV host na bunso niyang anak.

Nagsimula ang karamdaman ng dating pangulo sa paulit-ulit na pagtaas ng blood pressure nito, paglalagnat at hirap sa paghinga. Hindi
nagtagal ay naiulat ang kawalang-gana nito sa pagkain, hindi gumagaling na pag-ubo at ang kapansin-pansing pagbaba ng timbang na
naging sanhi ng kanyang pagkapayat. Ito ang nagbunsod sa magkakapatid na Aquino na ipailalim sa malawakang pagsusuri ang
kalusugan ng kanilang ina at dito natuklasan ang pagkakaroon niya ng cancer cancer sa colon.

Nakiusap ang pamilya na irespeto ang pribadong buhay ng kanilang ina at samahan sila sa pagdarasal upang gumaling ang
karamdaman nito. Umabot sa mahigit na 14 na buwan ang pakikipaglaban ng pangulo sa sakit na cancer kaalinsunod ang
pagpapasailalim sa Chemotherapy sessions.

Noong Hulyo 2009, iniulat na si Aquino ay nasa seryosong kalagayan, nagdurusa sa pagkawala ng gana, at nasa Makati Medical
Center. Sa kalaunan ay inihayag na nagpasya si Aquino at ang kanyang pamilya na itigil ang chemotherapy at iba pang mga medikal
na interbensyon para sa kanya.

Namatay si Aquino sa Makati Medical Center noong 3:18 ng umaga noong Agosto 1, 2009 dahil sa cardiorespiratory arrest; Siya ay 76.

You might also like