You are on page 1of 2

Babaan, Andrew Luis V.

FIL 0012-9

BAC 2-2

Bakla, bakla. Kaya mo pa ba?

Sa pagbukang-liwayway ng aking kaisipan, nalaman ko sa aking sarili


na, ipananganak akong naiiba sa mga katulad ko. May mga bagay na hindi
normal sa isang lalaki ang nagiging normal sa aking pakiramdam –
pagkagusto sa aking kapwa lalaki, pagkabuhay ng aking pag-aari sa tuwing
nakakakita ng mga hubad na larawan, at ang pagkilos ng mas banayad
kumpara sa matigas at machong dapat makita ng aking lipunan,. Anong
magagawa nila, ito ako.

Pangalawa ako sa apat na magkakapatid. Anak ng isang maybahay at


isang sundalong pulpol, ang aking ama. Solo akong lalaki sa aming
magkakapatid, ika nga nila, unico hijo. Sa palagay ng ama ko sabi niya
noon, noong nalaman niyang lalaki ang iniluwal ng nanay ko, nagalak siya
dahil sa wakas, may magtutuloy ng lahi nila, pero iyon ang akala niya.

Ang hanay ng aking ama ay puro sundalo, mula sa aking lolo na kilala
sa ngalan niyang Pedro, sumunod ang kanyang ama, si Rubyo na siyang
ama ng aking ama, lolo ko sa makatuwid. Matapos sumunod naman ang
aking tatay si Tonio at ang kanyang kakambal. Panganay si papa sa
magkakapatid, at ako ang unang lalaki sa buong magpipinsan, kaya ang
wika nila “Ayan, Tonio. May sundalo na ulit tayo”. Pero ang hindi nila alam,
ibang baril ang nais kong hawakan, ngunit itinago ko ito dahil sa hiya at
takot.

Kumpleto ako sa gamit - laruang baril, damit ng sundalo, maging ang


sapatos at ilang kagamitan nila, pero sa tuwing wala sila, manikang Barbie
ng kapatid ko ang aking nilalaro at binibihisan gamit ang mga retaso ng
aking lola, anong magagawa ko, dito ako naging mas komportable.

Sa paglipas ng panahon, pumasok ng hayskul, natutunan ko na hindi


pala normal para sa lahat ang normal para sa akin. Laganap sa pelikula at
lansangan ang walang habas na panlalait pang-iinsulto, at pananakit sa mga
kagayang kong naniniwalang iba sila kaysa sa nakararami. Naalarma ako
kung kaya’t mahirap man sa aking loob, pilit ko itong itinago sa matitigas
kong pagkilos, sabihing may gusto ako sa isang babae kahit wala naman.
Mga bagay na sa tingin ng mga heterosekswal ay tipikal para sa mga kagaya
nila. Minsan di ko maintindihan ang lipunan, kapag maganda at seksi ang
lalaking nakadamit pambabae, kulang na lang ay alalayan sa daan sa
kanyang pagtawid, ngunit kapag ang isang ordinaryong bading ay nagsuot
ng pulang lipstick at headband, ay nako asahan mo, katakot-takot na
panlalait ang mararasan niya.

Hindi naman na bago sa akin iyan, dahil bago ko aminin sa aking sarili
ang tunay na ako, natanggap na akong una ng pamilya ko. Yong tatay ko
ngang sundalo bigla-biglang magtatanong, “Anak, nasaan ang nobyo mo?”,
at minsan si mama maggtatanong rin, “Anak, bading ka ba?”. Makailang
beses ko naming sinabi sa kanila ang matamis kong “Oo”. Wala naman
silang magagawa, isa pa, hindi naman ako sakit sa mga ulo nila – marahil
isa itong dahilan kung bakit mabilis nila akong natanggap, bukod sa alam
nilang napapalibutan ako ng mga babae, magaling at masipag naman ako sa
aking pag-aaral, kaa sa isip nila, malabong malagay ko ang aking sarili sa
gina ng pang-aabuso at pamamahiya ng mga taong ayaw sa mga katulad
ko. Tila isa akong matamis na bulaklak sa hardin n gaming bahay.

Sa aking pamumukadkad, nakilala ko ang ilang lalaking nagturo sa


akin kung paano magmahal at masaktan. Ganon talaga ang buhay ng mga
bading, masalimuot pero makulay. Ang tangi ko lang hiling, sana lahat ng
bading may buhay na meron ako. Tanggap ng pamilya, masaya sa kanyang
ikinikilos anuman ang kanyang ngalan na ginamit at damit na isinusuot, at
higit sa lahat, isang bading na tanggap ang kanyang sarili sa anumang
estado at aspeto man siya naroroon.

Ang aking karanasan ay maihahalintulad ko sa isang akda ni Meredith


Talusan, ang “When a Father’s Son Becomes His Daughter”. Isa itong
adang nakasulat sa banyagang wika, kung saan ang nag-iisang lalaking anak
ay nagpakilala sa kanya bilang isang babae. Nandoon ang ama niya nung
naging babae siya ngunit hindi naging mabilisan ang pagtanggap ng
kanyang ama sa kanya, kung kaya’t ilang hakbang ang ginawa niya upang
lubos na maunawaan ng kanyang ama ang kanyang tunay na pagkatao.

Kagaya sa akin, hindi ito naging mabilisan kung kaya’t ilang pag-Oo
ang aking ginawa sa kanila bago nila tuluyag nakilala ang tunay na ako.
Parang isang telang pinagtagpi-tagpi kung kaya nakabuo ng isang larawan.
Ang aking kilos ang mga retaso, at ang isang buong larawan ay ako.

Sa paglunas ng lipunan sa isyung kinakaharap ng mga miyembro ng


LGBTQIA+ Community, pagtanggap ang nag-iisang solusyon. Magsisimula
ito sa ating sarili, palabas ng lipunan. Kaakibat ng pagtanggap ang respeto.
Kaya sa mga kapwa ko bading, ipakilala niyo lang ang inyong sarili kung sino
ang tunay na kayo, dadating ang araw na sama-sama tayong
mamumukadkad sa isang harding puno ng matatamisna bulaklak, kung saan
Malaya ang paro-paro at bubuyog na bisitahin tayo. Sa tamang panahon,
mamumukadkad din tayo. Mabuhay ang sangkabadingan! Mamuhay tayo sa
paraang totoo sa mga sarili natin!

You might also like