You are on page 1of 3

Alamat ng Butiki

Noong araw sa isang liblib na nayon ay may mag-ina na


naninirahan sa tabi ng kakahuyan.

Ang ina na si Aling Rosa ay isang relihiyosang babae. Palagi


siyang nagdarasal, at sinanay din niya ang kanyang anak na lalaki
na magdasal at mag-orasyon bago sumapit ang dilim.

Ang anak na si Juan ay isang mabuti at masunuring anak. Palagi


niyang sinusunod ang utos ng kanyang ina tungkol sa pagdarasal.
Bago dumilim, kahit saan sya naroon ay umuuwi siya upang
samahan ang ina sa pag-oorasyon sa tapat ng kanilang bahay.

Maagang namatay ang asawa ni Aling Rosa. Natutuwa naman siya


at naging mabait ang kanyang anak na si Juan, na nakatuwang
niya sa pagtatanim at paghahanap ng mga makakain.

Sa paglipas ng panahon, mabilis na tumanda si Aling Rosa, at si


Juan naman ay naging isang makisig na binata.

Si Aling Rosa ay nanatili na lamang sa bahay at palaging


nagpapahinga, samantalang si Juan ay siyang naghahanap ng
kanilang makakain sa araw-araw. At kahit mahina na si Aling Rosa
ay hindi pa rin nila nakakalimutan ni Juan ang magdasal.

Minsan, habang si Juan ay nangunguha ng bungangkahoy sa


gubat, isang babae ang kanyang nakilala; si Helena.

Si Helena ay lubhang kaaki-akit kung kaya’t agad umibig dito si


Juan. At dahil sa panunuyo ni Juan kay Helena, gabi na ito nang
makauwi.

“O anak, ginabi ka yata ng uwi ngayon. Hindi mo na tuloy ako


nasamahang mag-orasyon,” ang wika ni Aling Rosa sa anak.

Pasensiya na po, Inay! Nahirapan ho kasi akong maghanap ng


mga prutas sa gubat,” ang pagsisinungaling ni Juan.
Dumalas ang pagtatagpo ni Juan at Helena sa gubat. Nahulog ng
husto ang damdamin ni Juan sa dalaga. Hangang minsan, nabigla
si Juan sa sinabi ni Helena.

“Hanggang ngayon ay hindi ko pa nararamdaman na tunay ang


pag-ibig mo sa akin, kaya nagpasya ako na ito na ang huli nating
pagkikita.”

“Ngunit, bakit? Sabihin mo, paano ko mapapatunayan sa iyo na


tunay ang aking pag-ibig. Sabihin mo at kahit ano ay gagawin ko,”
ang pagsusumamo ni Juan.

“Maniniwala lamang ako sa pag-ibig mo, kung dadalhin mo sa akin


ang puso ng iyong ina na nasa iyong mga palad!” ang matigas na
wika ni Helena.

Hindi makapaniwala si Juan sa narinig. Malungkot itong umuwi


dahil binigyan siya ng taning ni Helena. Kailangan niyang madala
ang puso ni Aling Rosa bago maghatinggabi

Nang dumating si Juan sa kanilang bahay ay agad siyang niyaya ni


Aling Rosa na mag-orasyon. Nagtungo ang mag-ina sa harap ng
kanilang bahay. Ngunit habang nagdarasal iba ang nasa isip ni
Juan. Naiisip niya ang pag-iibigan nila ni Helena. At bigla, hinugot
ni Juan ang kanyang itak at inundayan si Aling Rosa sa likod.
Bumagsak sa lupa ang ina ni Juan, at kahit nanghihina na ay
nagsalita ito.

“Anak, bakit? Ngunit anupaman ang iyong dahilan ay napatawad


na kita. Ngunit humingi ka ng tawad sa Diyos! Napakalaking
kasalanan ang nagawa mo sa iyong sariling ina,” ang umiiyak na
wika ni Aling Rosa.

“Diyos ko po, Inay! Patawarin n’yo ako!” ang nagsisising nawika ni


Juan na nagbalik sa katinuan ang isip. Umiyak nang husto si Juan
lalo na nang pumanaw ang kanyang ina.
Kasabay niyon ay bigla na lamang nagbago ang anyo ni Juan. Siya
ay naging isang maliit na hayop na may buntot. Si Juan ay naging
isang butiki; ang kauna-unahang butiki sa daigdig.

Mula sa malayo, natanaw ni Juan si Helena na papalapit. Nasindak


si Juan nang makita niyang si Helena ay naging isang
napakapangit-pangit na engkanto. Humalakhak itong lumapit.

Sa takot, dagling gumapang si Juan papanhik ng bahay hanggang


makarating sa kisame.

Nakita rin ni Juan ang engkanto, sa labis na katuwaan ay naging


iba’t ibang uri ng kulisap at insekto, at naglaro sa paligid.

Agad na pinagkakain ng butiking si Juan ang mga kulisap na


napagawi sa kanya. At dahil doon ay hindi na nakabalik sa dating
anyo ang engkanto, at nagtago na lamang ito sa mga halamanan
bilang kulisap.

Nagsisi ng husto si Juan ngunit huli na. At bilang pag-alala sa


kanyang ina, sinasabing si Juan at ang sumunod pa niyang lahi ay
patuloy na bumababa sa lupa bago dumilim upang mag-orasyon.

At hanggang sa ngayon nga ay patuloy pa ring pinupuksa ng mga


butiki ang mga kulisap na sa paniniwala nila ay mga engkanto.

You might also like