You are on page 1of 3

Oliver Anthony A.

Hasta G11-Escher

“Beach, Okay Ka Lang?”

"Maging matalino sa paggamit ng kalikasan, wag abusuhin, kundi ito'y sinupin at


pagyamanin." - Dr. Jose Rizal

Kapag naririnig ang salitang “dolomite,” karamihan sa atin ang iisipin agad ay ang
kilalang “Dolomite Beach” na matatagpuan sa Maynila. Dahil sa hindi magandang imahe
ng Manila bay noong mga nakaraang taon, sinimulan ang ilan sa mga proyekto upang
pagandahin ang kaanyuan ng national treasure na ito. Isa sa mga ito ay ang paglagay ng
dolomite sand, na nanggaling pa sa Cebu. Dahil dito, ito ay kilala na rin sa bansag na
"Artificial Beach." Ito ay proyekto ng DENR na may layong mas makilala ang Manila bay
upang mas dumami pa ang mga turistang dumadayo rito.

Simula nang marinig ko ang proyektong ito, napaisip ako kung bakit mas
pinahahalagahan pa ng gobyerno ang pagsasaayos ng Manila bay kaysa sa kalagayan
ng mga Pilipino, lalo na't halos lahat ay naghihirap dahil sa pandemya. Sa halip na gamitin
ang pondo para sa mga kababayang nahihirapan ng dahil sa kawalan ng trabaho, ginamit
pa nila ito sa pagbili ng dolomite sa munisipalidad ng Alcoy sa probinsya ng Cebu. Sa
kung tutuusin, kahit na sabihin na inilaan talaga nila ang pondong ito para sa proyektong
Dolomite Beach, hindi pa rin magandang aksyon ang kanilang ginawa dahil kung
ikokonsidera natin ang kalagayan ng Pilipinas nang panahong nakatuon ang pokus nila
sa nasabing proyekto, lugmok na lugmok sa kahirapan ang halos buong populasyon ng
bansa. Halos lahat ay umaasa lamang sa ayudang ipinamimigay.

Nabasa ko rin mula sa isang artikulo sa SunStar (2020), na ang dolomite na


kinukuha ng gobyerno para sa kanilang proyekto ay nagmula sa mga bundok na
matatagpuan sa Alcoy, Cebu. Ang sakit isipin na kailangan pang sirain ang mga bundok
sa kalikasan para lang mapaganda ang iisang bahagi ng Manila bay. Bakit hindi sila
maghanap ng mas magandang solusyon? Kailangan pa bang palalain ang problema sa
ating kalikasan? Kailan nila tunay na maiisip ang nakabubuti para sa atin?

Dagdag pa rito, napag-alaman ko rin na ang dolomite na ikinalat sa Manila bay ay


nakakaapekto sa buhay ng iba’t ibang uri ng organismo sa dagat. Partikular sa Cebu,
nasira ang ilan sa mga korales dahil sa pagmimina ng dolomite. Sa totoo lang,
nakakaalarma ang mga epekto ng dolomite sa ating kalikasan. Sinisira nito ang
biodiversity ng mga tubig sa Cebu pati na rin sa maynila.

Hindi lang iyan, bukod sa mga buhay dagat, naapektuhan din nito ang kalusugan
ng mga tao. Ayon sa DOH, ang pag langhap ng dolomite dust ay maaaring mag resulta
sa kanser at iba pang sakit sa baga (Cabico, 2020). Oh diba? Sabi nila gusto nilang
gawing “tourist attraction” ang Manila bay, pero kung iisipin, maraming tao ang maaaring
matakot pumunta rito dahil sa sakit na hatid nito.

Sa kabuuan, hindi pa rin ako gaanong nasisiyahan sa proyekto na “dolomite


beach”. Kapag naiisip ko ito, parang ginawa lang ito ng gobyerno upang masabi na may
maganda silang nagawa para sa ating bansa. Para mapabango ang kanilang pangalan
upang mas makilala pa sila, hindi ang Manila bay. Mas naging makabuluhan sana ang
paggamit ng pondong kanilang ginastos, kung inuna nilang isipin ang sitwasyon ng
mamamayang Pilipino. Kanila sanang kinonsidera ang opinyon ng nakararami lalo na ng
mga eksperto bago sila gumawa ng desisyon, dahil sa huli, pare-parehas tayong
magdurusa nang dahil sa kamalian ng isa.
Sanggunian:

SunStar. (2020, September 8). Cebu gov stops dolomite mining for Manila Bay
project. SUNSTAR. https://www.sunstar.com.ph/ampArticle/1869640

Gaea Katreena Cabico. (2020, September 7). DOH cites health risk posed by
crushed dolomite, says DENR approval means “white sand” project safe. Philstar.com;
Philstar.com. https://www.philstar.com/headlines/2020/09/07/2040710/doh-cites-health-
risk-posed-crushed-dolomite-says-denr-approval-means-white-sand-project-safe

You might also like