You are on page 1of 11

FILIPINO: Talaban ng Wika at Identidad sa Ating Panlipunang Danas

Alona Jumaquio-Ardales, Ph.D.

Sa panahon ng rebolusyong industriyal, malaking hamon ang lumahok


sa kasalukuyang agos ng mga pagbabago kaya binalikan ko ang payo ni Jose Rizal
(20 December 1893), “to live is to be among men and to be among men is to
struggle…on this battlefield man has no better weapon than his intelligence, not other
force but his heart” (nasa Quibuyen 2008). Sa matandang payo at pamanang
karunungan ni Lolo Jose, paano ba gagamitin ang isip at puso na lapat sa sariling
identidad? Ayon kay Mahatma Mohandas Gandhi, “our languages [are] the reflection
of ourselves” (Benares Hindu University, 4 February 1916), ang ganitong pananaw
tungkol sa ugnayan ng wika at mga taong nagmamay-ari nito ay mababakas
sa tradisyon ng cultural nationalism ng German iskolar na si Johann Gottfried Herder
(1744-1803), aniya,“the language of people (volk) embodies the totality of their
cultural life and history” (nasa Quibuyen 2008, 168) kaya layunin ng papel na
maipaliwanag kung bakit nakabuhol nang mahigpit ang wikang Filipino sa ating
identidad bilang mga Filipino.

Matagal nang napatunayang malaki ang kinalaman ng wika sa pag-iisip


at pamumuhay ng mga tao mula pa kina Humboldt at Boas, Malinowski at Vygotsky,
Sapir at Whorf, Wittgenstein at Austin (nasa N.J. Enfield 2013). Mahalagang kilala
ng tao ang katangian ng kaniyang wika. Katulad ng kaibigan o kapamilya, kailangang
kilala ang personal na ugali ng mga mahal sa buhay upang magkaunawaan at makabuo
nang malalim na ugnayan. Ayon sa pahayag ni Wilhelm von Humboldt, “language
should always be looked at from the point of view of its activity and its living influence,
if we want to grasp its real essence” (nasa S. Takdir Alisjahbana 1986, 39).
Kung tutuusin simula umaga hanggang gabi, higit na kumukonsumo ang karaniwang
tao ng wika kaysa pagkain, tubig, kuryente, at iba pa, kaya makabubuting makilala
at maging pamilyar sa katangian ng sariling wika sapagkat hindi lamang
ito naglalarawan ng karanasan ng mamamayan kundi nakaiimpluwensiya rin
sa pagbabago ng mapaniil na mga pananaw sa lipunan (Norman Fairclough at Ruth
Wodak 1997, 258).

1
Batid ng mga taong palasuri na ang kalagayang politikal at ekonomikal
ng bansa ay sumasalamin sa pagpapahalagang pangkultura ng mga nasa poder
ng kapangyarihan dahil sila ang nagbabalangkas ng mga batas at polisiya na maaaring
sumuporta (o sumira) sa identidad ng mga pamayanang nasa kapatagan, kabundukan,
kagubutan, o maging sa tabi ng ilog, lawa, o dagat. Sadyang mahalaga ang kaalaman
tungkol sa sariling kasaysayan at kalinangan upang makalikha ng mga desisyong
makabubuti sa mga Filipino (Corpuz 1989; Azurin 1993; Salazar, 1998; Quibuyen
2008). Malaking maitutulong ng wikang Filipino dahil “…through their authentic
language can a people realize their literary genius” (Herder nasa Quibuyen 2008, 168).
Sang-ayon dito si Jose Rizal kaya ito ang kaniyang unang adyenda sa pagbuo
ng nasyon: (1) isang pamayanang may taglay na wika at kultura; at (2) mamamayang
handang magtaya-kilos para sa ikabubuti ng lahat (Quibuyen 2008).

Naalala ko ang aking karanasan nang magturo ng Filipino sa SEASSI, University


of Wisconsin, USA, sa patnubay ni Ms. Sheila Zamar. Bilang Filipino, natuklasan kong
hindi sapat na gramatika lang ng wika ang alam ko dahil magkukulang ang maaari kong
ibahagi sa espasyo ng multikultural na komunidad sa ibayong dagat. Sa kabutihang
palad, pinanday ako nina Dr. Ruth Elynia Mabanglo, Dr. Teresita Ramos at nang
yumaong Dr. Clemencia Espiritu nang pinagturo nila ako sa Advanced Filipino Abroad
Program (AFAP) ng University of Hawai’i. Sa karanasan ng pakipagtrabaho sa kanila,
natutuhan kong magmasid at magsuri na nakaugat sa wikang Filipino ngunit hindi
limitado sa gramatika upang mailapat ang mga araling pangkultura, pang-ekonomiya,
at pampolitika. Dahil dito, laging kakambal ang wikang Filipino sa pagproseso ng aking
paghanap-danas sa identidad ng lahing Filipino. Naging mahalagang tanong para sa
akin: “Ano ba ang katangian ng wikang Filipino na may kaugnayan sa ugali nating
mga Filipino?”

Sa bahaging ito, mangangahas akong ilarawan ang identidad ng mga Filipinong


may kaugnayan (kundi man nakaugat) sa katangian ng wikang Filipino bilang bunga
ng pagmamasid at pagninilay-suri sa karanasang panlipunan ng ating lahi upang
patuloy na umasang mahubog ang karunungang nakaugat sa sariling lupa at
katutubong diwa. Ayon sa respetadong intelektuwal ng Indonesia sa larangan ng wika
para sa pag-unlad na si S. Takdir Alisjahbana, “at a glance…thousands of words seem
to stand by themselves, scattered and separated, but actually they represent a unity
which is a clear expression of the unity of a culture” (1986, 39) na mababakas
sa talaban ng ating wika at identidad dahil “language exists…as the medium in which
identity is constituted, in which we understand and define ourselves (Khalil-ur-Rehman
2012, 8) .

2
[1] Konsistent na sistema ng palabaybayan ng wikang Filipino,
katambal ng pakikipagkapuwa ng mga mamamayang Filipino

Noong nasa elementarya ako, paulit-ulit kong naririnig sa aking guro,


“kung ano ang bigkas, gayundin ang sulat.” Noong araw, kuntento na akong bigkasin
ang mga salita pagkatapos isulat sa papel. Lalapit ako kay titser para ipatsek ang gawa
ko at tama lahat: kung ano ang bigkas, gayundin ang sulat. Ang tanda ko noon,
masaya akong bumalik sa upuan dahil sa tingin ko, natuto na ako. Nakaabot ako
ng hayskul hanggang sa kolehiyo, ganoon ulit ang turo, “kung anong bigkas, gayundin
ang sulat.” Ani ng propesor ko sa pamantasan, konsistent ang sistema ng ispeling
o palabaybayan ng ating wika kaiba ito kaysa wikang Ingles na ‘di konsistent dahil
minadali nila ang panghihiram kaya maraming silent sounds ang kanilang wika.
Naglista siya sa pisara ng mga halimbawa na katulad nito: campaign /kæmˈpeɪn/;
two /tu/; forfeit /ˈfɔːrfət/; silhouette /ˌsɪluˈet/; pneumonia /njuːˈməʊniə/.
Samantala, hindi ito nangyayari sa wikang Filipino sapagkat may pagpapahalaga
ang ating wika sa lahat ng titik na bahagi ng salita kaya binibigkas at sinusulat
ang bawat letra dahil konsistent ang sistema ng pagbaybay. Ilang halimbawa ang mga
sumusunod: pag-asa /p-a-g-á-s-a/; puno /p-u-n-ò/; tala /t-a-l-â-/. Kinikilala ang lahat
ng letra kapag ginamit sa pagbuo ng mga salita sapagkat isinusulat ang bawat titik na
binibigkas bukod sa tuldik para sa impit na tunog. Sa punto de bista ng lingguwistika,
konsistent ang Sistema ng palabaybayan o ispeling ng wikang Filipino kaya madali
itong matutuhan ng mga mag-aaral kung ihahambing sa hindi konsistent na sistema
ng ispeling o palabaybayan ng wikang Ingles. Naalala ko tuloy ang usapan ng isang
mommy at speech therapist na kapuwa Filipino nang minsang tahimik akong nakaupo
at nagbabasa sa waiting area, pareho silang sumang-ayon na mas madaling
matutuhan ang wikang Ingles dahil sa tingin nila kumplikado ang wikang Filipino.
Alam kaya ng dalawang nag-uusap na kapuwa ko Filipino na konsistent ang sistema
ng palabaybayan ng sarili nilang wika kaya madaling sundan at matutuhan
ang linguistic pattern?

Lumipas ang panahon, patuloy kong nasaksihan ang iba’t ibang kaganapan
sa ating bayan. Hinahanapan ko ng kaugnayan ang itinuturo kong gramatika sa
aktuwal na buhay nating mga Filipino. Batay sa aking pagmamasid, panonood,
pakikinig, pagbabasa, at pakikisalamuha, ang katangian ng wikang Filipino na bigkasin
at isulat ang bawat titik sa pagbuo ng mga salita ay sumasalamin sa likas na
pagpapahalaga ng mamamayang Filipino sa kaniyang kapuwa. Likas na ugaling Filipino
na pansinin, batiin, ngitian, kilalanin, tulungan [kung kailangan] ang kaniyang kapuwa
na tila karugtong ng sarili. Ani Fr. Albert Alejo SJ, “…umaabot ako sa mga
makahulugang ugnayan sa aking kapuwa at kung anu’t anuman ang mangyari
3
sa kanila, kasangkot ako (1990, 94)” dahil para sa lahing Filipino mahalagang bahagi
ng sarili ang kapuwa kaya hindi nakapagtataka (bukod sa iba pang dahilan) tumagal
nang husto sa telebisyon at sinubaybayan ng taong bayan ang programang “Kapwa
Ko, Mahal Ko.”

Ipinaliwanag nang mabuti ni Virgilio Enriquez, ama ng Sikolohiyang Pilipino,


na ang ‘kapuwa’ ay nahahati sa dalawang kategorya: (1) ang Ibang-Tao (outsider)
at (2) Hindi-Ibang-Tao (one-of-us). Kung ang turing sa kapuwa ay ibang tao,
makikitungo, makikisalamuha, makikilahok, makikibagay, at makikisama ang mga
Pilipino; samantala, kung ang turing naman ay hindi ibang tao, makikipagpalagayang-
loob, makikisangkot, at makikiisa ang mga Pilipino (nasa Pe-pua at Protacio-Marcelino
2000, 56). Alinman sa nabanggit na dalawang kategorya, malinaw na kinikilala
at pinahahalagahan ng mga Filipino ang kaniyang kapuwa bilang bahagi ng sarili.
Katulad din ito ng pagkilala ng wikang Filipino na bigkasin at isulat ang bawat titik
na bahagi ng isang salita.

Halimbawa sa pangkat etniko, aktuwal na masasalamin ang pakikipagkapuwa


ni Datu Tinuy-an Alfredo Dumucoy ng mga Manobo-Mandaya sa paraan ng kaniyang
pagpapahalaga sa mga nasasakupan. Kilala niya ang bawat miyembro nang higit
sa kanilang mga pangalan at ang pinakamahalagang batas sa kanilang pamayanan,
aniya, paggalang sa kapuwa, nakakuwentuhan ko siya sa kanilang tahanan
sa Mindanao noong 6 Abril 2010. Dagdag pa rito, si Kara David na kilalang broadcast
journalist ay kusang loob na tumutulong sa kaniyang mga kababayan dahil aniya,
“ang malasakit ay nakakahawa” (karapatria.com 2009-2013). Lagpas sa inaasahang
trabaho na magbalita at bumuo ng dokumentaryo, binuo niya ang Project Malasakit
na may layuning tumulong sa kapuwa sa pamamagitan ng mga proyektong
Ambulansyang de Paa, Balay Mangyan, Hingalo ni Bunso, Solar for the Dumagat,
Liwanag sa Dilim, Silaki, School for Adult Literacy, Revisit Sitio Dyangdang, May Tubig
na sa Masbate, at iba pa. Bukod kina Datu Dumucoy at Ms. Kara David, marami pang
Filipinong marunong magpahalaga sa kanilang kapuwa sa maliit o malaking paraan.
Hindi maitatangging likas na ugali ito ng mga mamamayan sapagkat bata o matanda
ay alam ang salitang ‘kapuwa’ dahil bahagi ito ng pang-araw-araw na karanasan
sa ating pamayanan.

4
[2] Fleksibol ang estruktura ng pangungusap ng wikang Filipino,
katulad ng kakayahang umangkop/ makibagay ng mga OFW

Maituturing na fleksibol ang estruktura ng pangungusap ng wikang Filipino


sapagkat alinman sa karaniwan o hindi karaniwang ayos ay maaaring gamitin dahil
magkatulad pa rin ang kahulugan nito. Sa estruktura ng pangungusap na PANAGURI
+ PAKSA o gawing PAKSA (ay) + PANAGURI ay hindi mababago ang tuon ng
pangungusap sapagkat ibahin man ang ayos o estruktura ng pangungusap, iisa ang
tinutukoy na paksa. Pansining nanatili ang mga halaman bilang paksa kahit nasa
karaniwan o ‘di karaniwang ayos ang pangungusap. Tingnan ang halimbawa:

Karaniwang ayos: Diniligan ni Jose ang mga halaman.


Panaguri + Paksa

Di-karaniwang ayos: Ang mga halaman (ay) diniligan ni Jose.


Paksa + Panaguri

Sa kabilang dako, nagkakaroon ng pagbabago kung active o passive voice ang


pangungusap sa wikang Ingles. Lumilipat ng posisyon ang subject mula active voice
ay nagiging bahagi ng predicate kapag passive voice. Tingnan ang halimbawa:

Active voice: Jose watered the plants.


Subject + Predicate

Passive voice: The plants were watered by Jose.


Subject + Predicate

Bagaman fleksibol ang estruktura ng pangungusap sa wikang Filipino, mahalagang


tandaan na likas ang karaniwang ayos sa aktuwal na mga diskurso sa ating lipunan.
Mapapansing madalas, ngunit hindi naman sa lahat ng pagkakataon, na pandiwa
ang unang sinasabi o isinusulat sa pagbuo ng pangungusap. Tingnan ang mga
halimbawa:

Nag-email ako ng mga kahingian para sa aking aplikasyon sa kolehiyo.


Papasok si Jerem ng alas 7:30 ng umaga sa trabaho.
Tinulungan ng pribadong sektor ang gobyerno sa panahon ng pandemya.

Sa aking panonood at pagbabasa ng mga kaganapan sa ating bansa, ang katangian


ng pagbuo ng pangungusap sa wikang Filipino ay masasalamin din sa ugali ng mga
Filipino. Kung fleksibol ang estruktura ng pangungusap at madalas magsimula

5
sa pandiwa (o pagkilos), ganoon din ang taglay na katangian ng maraming Overseases
Filipino Workers (OFW) na masipag na nagtatrabaho at nakikipamuhay sa kultura ng
ibang lahi. Hindi nakapagtatakang marami ang bilang ng mga OFW na nagtatrabaho
at nakatatagal sa ibang bansa (tingnan ang Talahanayan 1).

Talahanayan 1. Bilang ng mga OFW sa ibayong dagat.


Magkasamang
Lokasyon ng Trabaho Kasarian Kalalakihan Kababaihan
Pilipinas
Number (In Thousands) 2,299 1,016 1,284
KABUUAN 100.0 100.0 100.0
AFRICA 0.9 1.3 0.5
ASIA 82.6 72.8 90.4
East Asia 18.7 17.3 19.9
Hong Kong 6.3 0.8 10.6
Japan 3.3 5.7 1.4
Taiwan 5.5 5.0 5.9
Others: South Korea, China 3.7 5.8 2.1
Southeast and South Central Asia 9.0 6.8 10.7
Malaysia 2.4 2.0 2.7
Singapore 4.9 3.0 6.4
Others: Brunei, Indonesia, 1.7 1.9 1.6
Cambodia
Western Asia 54.9 48.7 59.8
Kuwait 5.7 2.3 8.4
Qatar 5.2 5.0 5.3
Saudi Arabia 24.3 24.6 24.0
United Arab Emirates 15.7 15.2 16.1
Others: Bahrain, Israel, 4.0 1.5 5.9
Lebanon, Jordan
AUSTRALIA 2.1 3.8 0.8
EUROPE 7.8 11.4 5.0
NORTH & SOUTH AMERICA 6.6 10.7 3.3
Pinagkunan: Philippine Statistics Authority, 2018. Statistical Tables on Overseas Filipino Workers
(OFW): 2018.

Marunong makibagay ang mga Filipino sa kanilang boss at kasamahan sa trabaho,


gayundin sa paraan ng pamumuhay at klima ng lugar. Kinakaya ng mga OFW
ang lungkot na mapalayo sa sariling bayan dahil bahagi ito ng buhay sa ibayong dagat
para suportahan ang kanilang pamilyang iniwan sa Pilipinas. Narito ang ilang pahayag
ng mga OFW.

6
“Minsan mahigit pa sa oras ang trabaho pero…
kailangang tiisin ang pagod, puyat, at haba ng oras sa trabaho.
Dahil Pilipino tayo, kailangan nating maging maunawain
at maging masaya kahit na homesick tayo.”

OFW #1
London, United Kingdom
mula sa Kuwentong Kapuso,
Buhay OFW, GMA Network
14 Mayo 2013

“Dito sa Qatar simple lang ang buhay.


Ang aliwan lang dito ay mall o kaya mga salusalo
sa bahay ng mga kaibigan…sa bansang iba ang paniniwala
at kultura. Sangga mo ang mga pagsubok sa buhay.”

OFW #2
21 November 2011
mula sa akoayOFW.blogspot.com

“[Mag]trabaho ka, makisama, ganun. Magsipag.


Alagaan yung trabaho para magtagal sa barko.”

OFW #3
Nasa Marasigan et al 2016
Diwa E-Journal, Tomo 4, 39-58

Napatunayan ng ating lahi ang kakayahang makibagay sa iba’t ibang uri ng tao
saan mang panig ng mundo sapagkat nagagawa nilang umangkop kahit ang paraan
ng pamumuhay ay mahirap at naiiba kaysa kinagisnan sa sariling bayan, ‘di nga ba,
bahagi ng identidad ng mga Filipino ang pagiging fleksibol na kayang umangkop sa
sitwasyon.

Ang huling katangian ng wikang Filipino na nais kong iugnay sa identidad


ng mga mamamayang Filipino ay mula sa pakikinig kay Dr. Alfonso Santiago sa isa
sa kaniyang mga lektyur sa aming klase sa Dalubhasaang Normal ng Pilipinas noong
dekada ‘90. Aniya, “matatag ang pundasyon ng wikang Filipino dahil sa sistema
ng panlapi…”

7
[3] Bukas sa salitang hiram ang panlapi ng wikang Filipino,
kahawig ng mabuting pagtanggap ng mga Filipino sa bisitang banyaga

Tunay na mabilis ang palitan ng impormasyon sa panahon ng rebolusyong


industriyal. Bumubuhos ang impormasyon at mga produkto kasabay ng mga salitang
nalilikha para ilarawan ang samu’t saring kaganapan sa loob ng 24/7 na interaksiyon
at transaksiyon. Kailangang sumabay ang wikang Filipino sa mabilis na palitan
ng impormasyon nang hindi maiwang talunan o maging sunud-sunuran sa gitna
ng malakas na agos ng impormasyon. Ayon kay Santiago, matatag ang pundasyon ng
wikang Filipino kahit magdagsaan pa ang maraming dayuhang termino, hindi
mabubuwag o masisira ang wikang Filipino. Aniya, ang umiiral na kaguluhan
sa ispeling o pagbaybay ay ‘tip of the iceberg’ lamang sapagkat ang ilalim na bahagi
ng wikang Filipino ay buo at matatag, ang sistema ng panlapi.

dayuhang termino

sistema ng panlapi

Ang mga salitang Ingles at iba pang dayuhang termino na ating hinihiram ay maaring
maging bahagi ng wikang Filipino sa pamamagitan ng paggamit ng mga panlapi
at gitling. Narito ang ilang halimbawa:

Dina-download ko pa ang bidyo.


Ligtas bang makipag-eyeball sa ka-text mate?
Naputol ang koneksiyon kaya hindi siya makapag-surf.
Nagyo-yoga sina Dianne, Sche, at Lon sa NUVALI tuwing Lunes.

Sa kasong ito, nagsilbing tila tulay ang gitling (-) para sa mga salitang banyaga habang
nakaabang ang panlapi para dumugtong upang tanggapin ang mga dayuhang salita

8
at maging bahagi ng wikang Filipino. Sa katunayan, masasaksihan ito sa umiiral na
mga diskurso sa ating lipunan:

“…target nating i-upgrade at gawing mas modern ang 7,325


na mga ospital, klinika, at pagamutan.”

- Pang. Benigno S. Aquino III


Talumpati sa Anibersaryo ng DOH,
25 Hunyo 2013

“Nagka-dengue sa Iloilo, umabot na sa 1,800 katao.”

- GMA Network, Ulat Filipino


6 Hulyo 2013

Ang organisasyong Center for Art, New Ventures and Sustainable


Development (CANVAS) naman ay libreng nag-upload ng kanilang mga
inilathalang aklat pambata sa kanilang website.

- Eugene Y. Evasco
Daluyan 2012, 18 (1-2)

Matulungin ang mga panlapi sa pagdugtong ng mga salitang dayuhan


kaagapay ang gitling kaya mabilis na nagagamit sa panlipunang diskurso. Ano ang
kaugnayan nito sa ugaling Filipino? Batay sa aking pagmamasid, panonood,
at pagbabasa tungkol sa mga kaganapan sa ating bansa, ang paglalapi at paglalagay
ng gitling (kung kailangan) sa salitang dayuhan ay kahawig ng mabuting pagtanggap
ng mga Filipino sa mga panauhing banyaga.

Isang patunay rito ang programa ng pamahalaan para sa turismo, ang ‘It’s
more fun in the Philippines’. Batay sa naging ulat nina Albert, Regalado, at Poquiz
(Mayo 2013) sa National Statistical Coordination Board (NSCB), ang pinakauna sa
listahan ng mga bagay na nagustuhan ng mga turista sa pagbisita sa Pilipinas ay ang
mabuting pakikitungo at kabaitan ng mga Filipino (52.6%), isa itong napakahalagang
patunay na ang pagiging palakaibigan at magiliw tumanggap ng mga panauhin ng
ating lahi ay mayroong ambag sa pambansang ekonomiya, partikular sa larangan ng
turismo. Samantala, ang iba pang nagustuhan ng mga turista sa pagbisita sa Pilipinas
ay magandang mga tanawin at mga dalampasigan (22.6%), nakita ang mga kaibigan
at mahal sa buhay (8.7%), masarap ang pagkain/ alak/ prutas (9.9 %), maganda ang
klima (4.3%), at iba pa (tingnan sa Talahanayan 2).

9
Talahanayan 2. Ang mga bagay na nagustuhan ng mga dayuhang turista sa pagbisita
sa Pilipinas (2012).
Mabuting pakikitungo at kabaitan ng mga Pilipino 52.6%
Maganda ang mga tanawin at mga dalampasigan 22.6%
Nakita ang mga kaibigan at mahal sa buhay 8.7%
Masarap ang pagkain/ alak/ prutas 9.9%
Maganda ang klima 4.3%
May pagkakataong makapamili 2.3 %
Mainam ang akomodasyon/ kainan/ pasilidad/ serbisyo 2.0%
Mura ang mga bilihin 1.1%
Mainam na lugar para makapag-relax 4.5%
Pinagkunan: Albert, J., Regalado, C. at Poquiz, J. (Mayo 2013). Beyond Numbers.
Na-retrieved sa http://www.nscb.gov.ph/beyondthenumbers/2013/05102013_jrga_tourism.asp#Filver.

Sa pagmasid-lahok sa karanasang panlipunan ng ating lahi, sinubukan kong


pagtuunan ng pansin ang bahagi ng katangian ng mga mamamayang Filipino na may
kaugnayan sa tatlong katangian ng wikang Filipino: (1) ang konsistent na Sistema
ng pagbaybay ng ating wika ay katulad ng pakikipagkapuwa ng mga Filipino; (2) ang
fleksibol na estruktura ng pangungusap ay katulad ng kakayahang umangkop
sa sitwasyon at maging fleksibol; (3) ang matatag na sistema ng panlapi ay katulad
ng mabuting pagtanggap ng mga Filipino sa mga dayuhang bumibisita sa bansa.

Sa kabuuan, ang ugali ng mga Filipino na marunong makipagkapuwa,


umangkop sa sitwasyon, at mabuting tumanggap ng mga dayuhang bisita
ay mababakas din sa tatlong katangian ng wikang Filipino na konsistent ang sistema
ng pagbaybay, fleksibol ang estruktura ng pangungusap, at matatag ang sistema
ng panlapi. Napatunayan sa panlipunang danas na may talaban ang wika at identidad
kaya kung may malalim na pagmalay ang buong bansa sa katotohanang ito
ay aktibong gagamitin ang sariling wika upang palagi itong nakaugnay
at nakaiimpluwensiya sa ating pagkamamamayan. Kailangan nating harapin
ang malaking hamon sa panahon ng rebolusyong industriyal na pagyamanin
ang wikang Filipino sa gitna nang mabilis na palitan ng impormasyon dahil itinatanghal
ng wikang ito ang katatagan ng pagka-Filipino na mahalagang puwersa upang matamo
ang ganap at hindi selektibong pag-unlad sa Pilipinas.

10
Sanggunian:

Albert, Jose Ramon G., Regalado, Cynthia S., at Poquiz, John Lourenze S. Mayo 2013. Beyond
the Numbers. Na-retrieved 7 Hulyo 2013 sa http://www.nscb.gov.ph/beyondthe
numbers/ 2013/ 05102013jrgatourism.asp#Filver.
Alejo, Albert S.J. 1990. Tao pô! Tulóy! Isang Landas ng Pag-unawa sa Loob ng Tao. Pilipinas:
Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University.
Azurin, Arnold M. 1993. Reinventing the Filipino: Sense of Being and Becoming. Quezon City:
CSSP Publications and University of the Philippines Press.
Barth, Fredrik. 1969. Ethnic groups and boundaries. The social organization of culture difference.
Oslo: Universitetsforlaget. ISBN 978-0-04-572019-4
Corpuz, O.D. 1989. The Roots of the Filipino Nation(vol. 1). Quezon City: AKLAHI Foundation, Inc.
David, Kara. 2009-2013. Project Malasakit by Kara David. Na-retrieved 05 Hulyo 2013
sa http://karapatria.com/about.html.
Department of Tourism. 2009. Philippine Beaches. Na-retrieved 05 Hulyo 2013 sa http://www.
tourism. gov.ph/sitepages/PhilippineBeaches.aspx.
Enfield, N.J.2013. Language, Culture, and Mind: Trends and Standards in the Latest Pendulum
Swing. Journal of the Royal Anthropological Institute 19, 155-169. USA: Wiley Blackwell.
Fairclough, Norman at Wodak, Ruth. 1997. Critical Discourse Analysis. Nasa van Dijk (ed.),
Discourse as Social Interaction. Discourse Studies: A Multidisciplinary Introduction 2:
258-284. London: SAGE.
Khalil-ur-Rehman. (31 March 2012). Mind, Language & Culture. The Dialogue 7 (1). D.I. Khan,
Pakistan: Qurtuba University of Science & Information Technology. Khan, Pakistan
Marasigan, Ariane Pauline V., Buenafe, Marie Stephanie E., Tiangson, Maegan P. at Aguiguid,
Marnelie M. 2016. Sarap at Hirap: Mga Kuwentong Pakikipagsapalaran ng mga
Filipinong Seaman at Filipinang Household Service Worker. Diwa E-Journal 4: 39-58.
Na-retreived 27 Agosto 2020 sa http://www.pssp.org.ph/diwa/wp-content/uploads/
2016/11/Sarap-at-Hirap.pdf
National Statistical Coordination Board. 4 Hulyo 2013, huling na-update. Tourism. Visitors
Arrival. Na-retrieved 07 Hulyo 2013 sa http://www.nscb.gov.ph/secstat/d_tour.asp.
Pe-Pua, Rogelia at Protacio-Marcelino, Elizabeth. 2000. Sikolohiyang Pilipino (Filipino
psychology): A Legacy of Virgilio G. Enriquez 3: 49-71. USA: Blackwell Publishers Ltd.
with the Asian Association of Social Psychology and the Japanese Group Dynamics
Association. Na-retrieved 05 Hulyo 2013 http://www.indigenouspsych.org/
Members/PePua,%20Rogelia/ PePua_Marcelino_2000.pdf
Philippine Statistics Authority. 2018. Statistical Tables on Overseas Filipino Workers (OFW):
2018. Na-retrieved 19 Oktubre 2019 sa https://psa.gov.ph/content/statistical-tables-
overseas-filipino-workers-ofw-2018
Quibuyen, F.C. 2008. A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony and Philippine Nationalism.
Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Salazar, Z.A. 1998. Wika ng Himagsikan, Lenggwahe ng Rebolusyon: Mga Suliranin sa Pagbubuo
ng Bansa. Nasa A. Navarro at R. Abejo (mga pat.), Wika, Panitikan, Sining at Himagsikan.
Lungsod Quezon: LIKAS.

11

You might also like