You are on page 1of 3

Alamat ng Sampaguita

November 12, 2020 by Ki  Educational

Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang


alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong
pangalan, bagaman ayon sa matanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay
nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.
Noo’y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay
baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa
mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung
minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman
ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa
utos ng kani-kanilang puno.
Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa
sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na
siyang ina, datapuwa’t mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila
ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang nagingibig sa
kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng
datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.
Nakapagtataka kung bakit gayong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway
ay sila’y tinubuan ng pag-ibig sa isa’t isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita —
walang halong pag-iimbot, walang ano mang masamang hangarin.Sa isang sulok ng
bakod ng hangganang natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng
isang lihim na lagusan na kanyang madaraanan. Kaya’t kung gabing maliwanag ang
buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga.
Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaaya-ayang
mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga
magulang.
Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at
pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang
magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila’y magbalik,
tumanggap siya ng balita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may
limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang
lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.
“Sabihin ninyo,” anya sa mga utusan,” na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi
matuwid ang kanilang ginagawa, sapagkat tunay na isang pagnanakaw.”
Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa
Gagalangin ng sabihin sa kanya ang bilin ng datu roon. “Sabihin niyo sa inyong datu,”
ang wika niya sa mga sugo,” na ako’y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binabalik ko
lamang sa dapat kalagyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga
nuno.”
Ipinag-alab ng loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayong mga
alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.
Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa
pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang
mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay
digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng
paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang
dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay
Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng
Gagalangin.
Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya’y kinabahan. Si Delfin ay
batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang
ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang
kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito’y himuking
iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat.
Datapuwa’t wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo’y lalabas
na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.
Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming
nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat, at dahil sa masaganang
dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya
nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi
ng hangganang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing
maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kasama ng mga abay nito, ay mapayapang
namamasyal sa makapal na damuhan.
Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang
magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay
ganito: nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y
nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang
datung ama niya, ngunit sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang
dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya
magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon lamang ilibing sa
tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya
ang kahilingan ng minamahal niyang anak.
Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na
ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo’y marami ng tao sa
Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig
sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing
maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may
pagitan ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing
daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng
halaman. “Sumpa kita! …Sumpa kita!” ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao,
kung minsa’t sila’y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring
nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang
ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa’t maputi, maraming talulot at ang iwing
bango’y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan
ng Mayo, taun-taon.
Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang
matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang
sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni’t ang kanilang pagtataka’y lalo
pang nadagdagan nang makita nilang ang dalawang puno ng mababangong halaman
ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa
pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo’y nanariwa sa alala ng mga
matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad – Si Delfin at si Rosita.
Samantala….
Ang kuwento’y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang “Sumpa kita!” na inihahatid
ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging “Sampaguita” , na
siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing
ng magsing-irog.

You might also like