You are on page 1of 8

ETIKA NG PAG-IBIG SANG-AYON KAY STO.

TOMAS
Rainier A Ibana
Pamantasan ng Ateneo de Manila

Nakaranas daw ng personal na pagkamangha sa kahiwagaan ng buhay si Sto. Tomas de


Aquino tatlong buwan bago siya namatay. Ito ang dahilan kung kaya hindi na siya
nagsusulat ng anumang diskursong pilosopiko o teolohiko hanggang sa sandali ng
kanyang kamatayan. Nang hiningan siya ng paliwanag ukol dito, wala siyang ibang
sinabi kundi: “Mistulang dayami lamang ang lahat na aking naisulat kung ihahambing sa
aking nakita at sa inihayag sa akin.“ (Omnia, quae scripsi, videntur mihi paleae respectu
eorum, quae vidi et revelata sunt mihi).1

Pagkamangha sa Pagkanagmemeron
Hindi tayo sigurado kung ano nga ba ang nakita at ipinahayag kay Sto. Tomas sa
katapusan ng kanyang buhay dahil nanahimik na nga siya at ni hindi niya ito pinag-
usapan. Ayon sa kanyang mga kasama, tanging isang komentaryo ukol sa “Awit ng mga
Awit” ang kanyang pinagkaabalahan. Subalit sa kasamaang palad, nawala rin at naibaon
na sa pagkalimot ng kasaysayan ang komentaryong ito. Ayon sa mga pantas, tungkol sa
pagkakaisa ng mangingibig at ng iniibig ang kalipunan ang mga awiting ito.2 May isang
linya nga rito na paulit-ulit na inaawit: “nasa ilalim ng aking ulo ang kanyang kaliwang
braso at niyayakap ako ng kanyang kanan. Iniuutos ko sa inyo, mga anak na babae ng
Herusalem, … huwag galawin ang aking pag-ibig, ni ibangon ito, hanggat hindi nito
ninanais magising.” (Mga Awit: 2:8).
Maitutugma ang talinghagang nabanggit sa loob ng balangkas ng pamimilosopiya
ni Sto. Tomas kung ihahambing ang pag-iibigang ito sa pagkupkop ng
Pinakanagmemeron sa lahat na nagmemeron. Kung hindi nagbabahagi at nag-aaruga ng
pagmemeron ang pinakanagmemeron, walang magmemeron. Ang ibon, ang hangin, ang
ulap, ang langit, ang lupa, ang dagat, ang buong sansinukob, ....pawang nagpapayakap,
iniibig, kung baga, silang lahat, sa pagpapameron ng Pinakanagmemeron.
Nakikibahagi sa pagmemeron ang mga bagay-bagay nang ayon sa tindi ng
kanilang kaganapan: merong bigat ang mineral, merong bigat at pagtubo ang halaman,
merong bigat, pagtubo at udyok ang hayop, merong bigat, pagtubo, udyok at
pagmumunimuni ang tao. May iba’t ibang tindi ang pagmemeron habang umaakyat sila
sa tugatog ng sangkameronan. Kaya nga ipinapalagay na higit na matindi ang kaalaman
ng mga anghel at ng Diyos kaysa sa tao dahil kinakailangan pa nating dumaan sa
pandama at pakikipagdiskurso upang makaalam habang tuwirang intwisyon ang uri ng
pag-alam ng mga anghel at lubos na kaalaman naman ang sa Diyos. Subalit maging
gaano pa man katindi ang pagmemeron ng isang uri ng nagmemeron, ang kaganapan ng
pagmemeron ang katangiang nagsisilbing buod ng mismong kaganapan ng lahat, maging
ng Diyos.3
Mahalagang bigyang-diin ang kalagayan ng Diyos bilang isang halimbawa
lamang, bagaman Siya nga ang pinakamatinding halimbawa, ng pagmemeron dahil
ipinakikita nito ang orihinal na ambag ni Sto. Tomas sa kasaysayan ng Pilosopiya.
1
John D. Caputo, Heidegger and Aquinas: An Essay on Overcoming Metaphysics (New York: Fordham
University Press, 1982), pp. 252-3.
2
The Jerusalem Bible (Garden City: Doubleday and Company, 1966), p. 991
3
W. Norris Clarke, Explorations in Metaphysics, (Notre Dame: Notre Dame University Press, 1994), p. 6.

1
Madalas na natatabunan ang metapisikong balangkas sa kanyang pamimilosopiya at
nakalilimutan ang esse o akto ng pagmemeron bilang kinauugatan ng kanyang mga
pagmumunimuni. Madalas na napangungunahan ang kanyang pamimilosopiya ng
awtoridad ng kanyang pagkaitinatanging pilosopo ng Simbahang Katoliko.
Subalit dahil maaaring « matauhan » ang tao sa sarili niyang karanasan sa
pagmemeron, hindi maiiwasang muli’t muling mamulatan ng mga mananaliksik ni Sto.
Tomas ang orihinal na kamulatan sa esse bilang pangunahing kaisipang nananalaytay sa
kanyang mga naisulat. Madalas na nakagugulat ang karanasan sa sariling pagmemeron
dahil nakalubog ang tao sa kaanuhan ng mga bagay-bagay : ng aso, ng silya, ng halaman,
ng hangin, ng compyuter, at iba pa, nang hindi itinatanong o nagpapasalamat man lamang
sa kanilang pagkameron at hindi pagkawala. Gayundin, madalas na natatabunan ang
pagkatao ng tao ng kanyang panlabas na katangian : taas, bigat, anyo, lahi, kasarian,
pamilyang pinag-ugatan, trabaho, edad, pinag-aralan, at iba pa. Madalas na
nakalilimutan ng tao ang pagmemeron mismo bilang bukal ng kanyang mga katangian at
naaalaala lamang ito kung naaagnas at naglalaho na ang kanyang panlabas na anyo.
Gayunpaman, maaari tayong mamulat na bago pa natin maranasan ang anumang
bagay, kasama na ang karanasan ng ating sarili, kinakailangang makibahagi muna tayo sa
pagmemeron. Kinakailangang magmeron muna tayo bago tayo makaunawa, bago tayo
makapagpasya, bago tayo makadama, bago tayo umibig, bago tayo makakita, makarinig,
makalasa, makahinga. Nararanasan, bagaman hindi mahulihuli ng ating konseptwal na
kaalaman, itong pagmemeron. Madalas na kinakailangang isa-isang-tabi muna natin ang
ating mga katangian, ang ating mga ipinagyayabang, bago natin mamulatan ang ating
pagkanagmemeron. “Heto ako! Anong Suwerte!” ang paalaala ni Gabriel Marcel, sa
gitna ng ating pagkaabala sa modernong karanasan ng burukrasya at paghahanap-buhay.4
Ayon sa mga dalubhasa sa kaisipan ni Sto. Tomas, ang pagkaeksistensyal ng
pagmemeron ang bukod-tanging ambag niya sa kasaysayan ng Pamimilosopiya,5 kung
kaya karapatdapat lamang na magsimula tayo sa pagkamulat na ito kung ninanais nating
maunawaan ang anumang bahagi ng kanyang pagmumunimuni, lalo na ang kanyang
pagmumuni ukol sa etika.

Ang Tatlong Tuntunin ng Ley Natural (Summa Theologica I-II q. 94, a. 2)


Ipinahahayag ang katindihan ng pagmemeron sa tatlong tuntunin ng Ley Natural:
anag pagpapanatili sa sariling buhay, ang pag-aalaga ng iba, at ang likas na oryentasyon
ng pangangatwiran ng tao patungo sa katotohanan.
Mula sa pangunahing pagkahilig ng lahat ng bagay patungo sa pagpapanatili ng
sariling pagmemeron, nangunguna sa mga tuntunin ng Ley Natural ang likas na pagkilala
ng tao sa kabutihan ng pagtataguyod sa sariling buhay at ang pag-iwas mula sa
kamatayan. Nakasalalay sa pagkahilig na ito ang buong sistema ng ekonomiya:
agrikultura, medesina, mga kumpanya ng pagpapasiguro, pabahay, pagnanamit, pagkain,
at iba pa. Gumagawa ang tao ng kung ano-ano upang mapahaba ang kanyang buhay :
pag-eehersisyo, yoga, chigong, iba’t ibang uri ng masahe, mga bitamina at tsaa, at kung
ano-ano pang napagkakakitaan mula sa mga natatakot tumanda o mamatay nang maaga.
Maging sa harap ng hukuman, kinikilala ang pagpatay sa kalaban kung mapatutunayang

4
Ferriols, Patnugot, Magpakatao (Quezon City: Ateneo de Manila University ORP, 1999) p. 129.
5
Mary T. Clark, An Aquinas Reader (Garden City, New York, 1972), p. 7.
Norris Clarke, Explorations in Metaphysics, Ibid., p. 6.

2
ginawa ito bilang pagtatanggol sa sarili. Binibigyang katwiran din ang digmaan bilang
pagtatanggol sa inang bayan o pagtataguyod sa sangkatauhan.
Gayunpaman, may isa pang antas ng pagkahilig ang tao na humihigit pa sa
pagpapanatili ng buhay, isang pagkahilig na ipinagkatulad niya sa mga hayop: ang mga
udyok na katulad ng pakikipagkaisa ng mag-asawa, pagbibigay-edukasyon sa mga anak,
at iba pa. May likas ngang kakayanan ang tao na kumalinga sa kanyang kapwa (Summa
Theologica I-II, q. 91a.2,c.). Higit pa rito, maaaring palawakin ng tao ang sakop ng
kanyang pag-aalaga kung kaya nakikibahagi nang higit na matindi ang tao sa probidensya
ng eternal na batas: maaaring alagaan ng tao hindi lamang ang kanyang sarili at yaong
mga katulad niya, kundi ang sinuman o anumang kanyang nasasakupan. Ayon na rin nga
raw kay Josef Pieper: “Habang tumataas ang tindi ng pagmemeron, higit na nagiging
masalimuot ang mga kaugnayan nito sa reyalidad, at higit na nagiging malalim at
malawak ang sakop ng kaugnayan nito sa mundo.”6 Ito rin ang tinatawag na batas ng
solidaridad: higit na malaki ang inaasahan sa mga taong higit na matindi at malalim ang
kamulatan sa sangkameronan. Hindi katakataka kung gayon, kung bakit nababagabag
ang mga taong mulat sa higit pa sana nilang magagawa kaysa sa mga hindi na makakita
sa yaman at lalim ng iba pang mga posibilidad.

Sa katapusan, may bukod-tanging pagkahilig ang kalikasan na tao lamang ang


makagagawa: “ang pagkahilig na umalam sa katotohanang ukol sa Diyos at ang
pamumuhay sa lipunan.... lalo na ang karapatan ng taong iwasan ang kamangmangan, na
hindi niya dapat saktan ang kanyang kapwa, at lahat ng iba pang kilos na katulad nito.“
Dahil sa rasyonal ang bukod-tanging katangian ng tao, may likas na oryentasyon siya
patungo sa katotohanan. Isang malaking dagok sa kanyang pagkatao, kung gayon, ang
pagsinungalingan at pagtaguan ng impormasyon. Sa katapusan, napalilitaw din ang
katotohanan dahil sa natural na pagkahilig ng tao rito at sa likas na pagbubunyag ng
katotohanan sa kamalayan ng tao.7 Ipinaliliwanag nito ang pagkakaisa ng salitang
ginagamit ng mga Sebuanon upang tukuyin ang kanilang “kamalayan” at “kapaligiran.”
Tinatawag nila itong “kalibutan” bilang pagpapahiwatig na ang ating kinalilibutan din
ang kinasasakupan ng ating kamalayan. Maaaring maging makitid ang kalibutang ito
dahil sa hangganan ng karanasan ng tao. Subalit maaari ring tumubo ang kamalayan ng
tao sa pagpapalawak, sa halip na pagpapakitid, ng kanyang “kalibutan.”

Makataong Kilos
Hindi natin maitatanggi ang mga limitasyon ng tao. « Sapagkat tayo ay tao
lamang, » ang madalas na ginagamit na dahilan sa mga panahon ng pagkakamali. Subalit
sa mismong mga panahon ding ito ng kahinaan sumisinag ang posibilidad ng pagwawasto
at pagkilala sa kung ano nga ba talaga ang tama. Bago tayo magkamali, inaakala nating
tama tayo. Pagkatapos lamang magkamali maaaring masabi na mali pala ang inakalang
tama. Kaya nga bago pa man kumilos, kinakailangan munang manimbang at
sumangguni upang mapalawak ang kaalaman. Wala tayong ibang maaaring ipasya kundi
ang naaayon sa ating nalalaman. Ito marahil ang dahilan kung bakit ipinalangin ni Jesus
sa kanyang Ama ang kanyang mga berdugo: “Patawarin mo sila dahil hindi nila alam ang
kanilang ginagawa.”
6
Norris Clarke, Person. Being and Ecology (Quezon City: Ateneo de Manila University ORP, 1996), p. 45.
7
May kasabihan ang mga Tagalog: “May tenga ang lupa, may pakpak ang balita.” Isa marahil ito sa mga
dahilan ng pagkatsismoso at tsismosa ng tao.

3
Mahalagang tungkulin ng pagpapakatao, kung gayon, ang palawakin ang ating
kaalaman dahil ito ang gumagabay sa ating pagpapasya. Walang ibang ginagawa ang
ating kalooban kundi sundin ang mga ideyang inihahain sa atin ng ating pangangatwiran.
Katulad ng isang pain na umaakit sa ating ating kalayaan, nagbibigay direksyon ang mga
ideyang inihahain ng katwiran bago natin sila piliin. Pinipili lamang ng kalooban ang
inaakala nitong mabuti dahil may likas na oryentasyon din ito, katulad ng anumang
bagay, na tuparin ang sariling kaganapan. Katulad ng batong nahuhulog, ng halamang
tumutubo, ng hayop na inuudyukan, may likas na pagnanais ang tao na marating ang
katotohanan dahil ito ang likas na kabutihang nilalayon ng kanyang katwiran.
Dahil sa pagkahilig ng tao sa katotohanan, hindi siya humihinto sa pananaliksik
hanggang hindi nararating ang likas na hantungan ng katwiran. Nagpapalit-palit siya ng
punto-de-bista upang makilatis ang mga katunayan ng sitwasyong kanyang kinalalagyan.
Kaya bagaman limitado ang kanyang mga punto-de-bista, hindi siya naaalipin ng mga ito
dahil maaari naman siyang magpalit ng pananaw. Nakakatulong, lalo na, ang
pagkonsulta o pakikipagdeliberasyon sa iba pang mga tao upang marating ang
pinakamalawak o pinakamaraming punto-de-bistang nagbibigay liwanag sa isang
masalimuot na usapin.

Pagsangguni at Pagpapalitaw sa Kabutihang Komun


Kinakailangan nating maging bukas sa argumento ng kabilang panig upang
maging tunay ang anumang pagsangguni, lalo na kung ninanais nating maging
makatarungan sa mga taong maaapektuhan ng isang pagpapasya. Sa delibersayon, hindi
na gaanong mahalaga kung kanino nanggaling ang isang magandang ideya dahil naging
bunga na ito ng diskurso ng buong grupo. Madalas ngang napalilitaw ang
pinakamagandang ideya sa pamamagitan ng pagsagot sa mga pagtutol at sa pagtanggap
ng mungkahi mula sa iba pang kasangkot sa usapan. Kaya nga nangangailangang
bitawan ang sariling punto-de-bista alang-alang sa pagpapalitaw sa isang higit na
malawak at malalim na pananaw. Ayon pa nga kay Sto. Tomas, “isang uri ng hindi-
nagpapatibay na pananaliksik ang pagsangguni... isang pagkabukas sa kabilang panig.”
(Ukol sa Masama 6).
Isa sa mga tungkulin ng mambabatas, kung gayon ang pakinggan ang maraming
panig ng isang panlipunang usapin upang matagpuan ang kabutihang komun na siya
naman talagang layunin ng anumang batas. Kung ninanais nating umunlad ang ating
bansa bilang bansa, kinakailangan nating maunawaan at alagaan ang pangkalahatang
kabutihan nito at hindi lamang mapako sa makikitid na interes ng ating mga tribu.
Umuunlad ang mga bansa dahil ipinagpapatuloy nila ang pagtubo ng kaalaman patungo
sa mga pagpapahalagang nakahihigit sa kanilang mga personal na interes. Patuloy na
maiiwan ng kaunlaran ang ating bayan kung hindi tayo magiging mulat sa kabutihang
kumon nito.
Sa kasamaang palad, madalas na hindi nakaaangat ang tao sa kanyang makikitid
na interes at madalas na paglaruan pa ang kanyang guniguni ng paniniwalang ang
kanyang pansariling interes na rin ang katumbas ng pangkalahatang interes. Kaya
kinakailangan nating sumisid pa sa isang higit na malalim na larangan ng pagmemeron :
ang pagmemeron na sadyang pinakamalapit subalit pinakamalalim sa atin, ang ating
sariling pagkatao. Ayon na rin nga kay Fr. Ferriols: “Kapag pinagsisikapan kong
magpakatao, pinatitibay at pinalalakas ko ang meron. Iyan ang pag-oo sa meron. Kapag

4
pagpapakatao ang aking tinanggihan, meron ang aking pinahihina. Iyan ang pagtanggi sa
meron. »8 Dito maaari nating maramdaman ang positibong lakas ng mga kabutihang
nagbibigay-inspirasyon at ang negatibong pakiramdam ng panghihina o desperasyon
dahil sa ating pagtalikod sa kung ano nga ba ang karapat-dapat. Maririnig natin, sa
kaibuturang ito ng ating tunay na sarili, ang bulong ng konsiyensiya na nag-uutos na ito
ang karapatdapat nating gawin at ito ang pagkakamaling dapat nating iwasan.
Bagaman ang mismong taong magpapasya, at wala ng iba pa, ang makaririnig sa
boses na ito, hindi ito basta damdamin lamang. Isa itong “pangkaloobang hukom” na
humahatol sa pamamagitan ng pangangatwiran.9 Nakabatay pa rin sa kaalaman ng tao
ang pasyang nagmumula sa konsiyensiya. Nakokonsiyensiya lamang tayo kung mulat
tayo na may tinatalikuran tayong higit na mabuting posibilidad dahil matatalikuran
lamang natin ang sinasadya nating talikuran. Ibinabalik tayo, kung gayon, nitong usaping
ukol sa konsiyensiya, patungo sa pangangailangang paunlarin ang ating sariling kaalaman
at linangin ang ating kakayanang mangilatis sa mga katotohanang inihahayag ng
masasalimuot na sitwasyon ng ating buhay. Kung hindi natin alam ang ating ginagawa at
wala tayong kakayanang kilatisin ang mga ebidensiyang inihahayag sa atin, patawarin
nga nawa tayo sa mga pagkakamaling maaari nating magawa at sa kabutihang hindi natin
naipatupad.
Higit na tumitindi ang karanasan natin sa ating sariling pagmemeron sa
pamamagitan ng ating pangingilatis at pag-alam. Lumalabas tayo sa ating sarili kapag
binibigyan natin ng pansin ang talaga ngang naririyan at hindi lamang kung ano ang
hiling ng ibang tao o hilig ng ating kapritso. Sa ganitong pagpapasya, higit na
natatagpuan natin ang ating tunay na sarili dahil nagiging malaya tayo mula sa dikta ng
ating mabababang antas ng kalikasan o pagbubuyo ng iba.

Walang Hanggang Paglalakbay sa Larangan ng Pagmemeron


Bagaman masugid ang paghahanap ng tao sa katotohanan, mulat din siya na
maaaring panandalian lamang ang katotohanang kanyang natutuklasan. Palagi nang may
nakahihigit at palagi nang may pagkukulang pa. Subalit kinakailangang ipagpatuloy niya
ang pananaliksik dahil maging sa bawat yugto ng pakikipagtagpo sa hangganan ng
kaalaman, nararanasan din ng tao ang kakayanang lumampas at sumaibayo pa rito.
Walang-hanggan ang lawak at lalim ng sangkameronan kung kaya kinakailangang
matumbasan din ito ng walang humpay na pag-akyat at sisid. Maaaring hindi matupad
ang paghahanap na ito sa loob ng hangganan ng ating biyolohikong buhay. Subalit
maipagpapatuloy ang paghahanap na ito ng susunod pang salin-lahi, katulad ng
pangkasalukuyang pagpapaunlad ng kaalaman at kabutihan mula sa mga minana natin
mula sa mga nauna sa atin.
Dito natin matatanto na may ispiritwal na katangian ang tao na hindi magigipit ni
maiipit sa iisang lugar at panahon lamang. May kakayanan siyang makibahagi sa ibang
lugar at sa ibang panahon sa pamamagitan ng kalaliman at kalawakan ng kanyang diwa.
Kapag umaalam ang tao ng anumang bagay, hindi siya naiipit ng bagay na iyon kundi
natututunan din niya ang anumang bagay na katulad, kaiba, at kaugnay ng bagay na iyon.
Kaya nga naniniwala si Sto. Tomas na « inordenahan ang tao patungo sa hantungan ng

8
Roque Ferriols, S.J. Pambungad sa Metapisika (Quezon City : Ateneo de Manila University ORP, 2002),
p. 16.
9
W. Norris Clarke, “Conscience and the Person” Budhi Vol 1 No. 3 (1997), p. 159.

5
eternal na kaligayahan na lumalabis sa proporsyon ng natural na lakas ng tao « (Summa
Theologica I-II, q. 91, 2.4, c).
Gayunpaman, hindi isang panakip-butas lamang itong « lumalabis sa natural na
lakas ng tao. » Makikita natin sa mismong dinamismo ng lahat na nagmemeron at sa
dinamismo rin ng kasaysayan ng tao na nakahihigit pa sa suma-total ng lahat na umiiral
ang saysay ng lahat na pangyayaring ito. Katulad ng kabutihang komun na humihigit sa
pagsasamasama ng mga indibidwal na kabutihan, may isang pinakamatindi at
pinakaganap na nagmemeron na isinasalamin ng dinamikong kilos ng mga nagmemeron.
Maihahalintulad ito sa isang simponiya na sinisikap buoin ng bawat kabahagi nito. Ito
ang buong kaganapan na siyang kaganapan din ng bawat isa dahil natatagpuan sa
kaganapan ng buong sangkameronan mismo ang bukod-tanging kaganapan ng bawat isa.
Hindi hiwalay ang pagmemeron ng bawat isa dahil nakikibahagi ang bawat isa sa
pinakanagmemeron, na tinatawag nating Diyos.
Sa pakikibahagi natin sa pagmemeron, hindi iniuuwi ng Pinakanagmemeron ang
ibang nagmemeron sa Kanyang sarili kundi binabahaginan sila ng katindihan ng sariling
pagmemeron upang matupad nila ang kanilang sarili. Nagiging ganap ang
Pinakanagmemeron sa mismong kaganapan ng kanyang mga binahaginan. Ito na nga
marahil ang ibig sabihin ng Pag-ibig: maging ikaw ikaw, tuparin ang sariling kaibuturan,
maging maligaya ka, dahil iyon din mismo ang ninanais, para sa iyo, ng Pinakadakilang
Mangingibig.
Kakaiba, kung ihahambing sa ibang mga nagmemeron, ang pagtugon ng tao sa
pag-ibig na ito dahil maiaalay niya, sa pamamagitan ng kanyang katawan, ang buong
materyal na daigdig patungo sa higit nitong kaganapan tuwing itinutuon niya ang
kanyang pag-iisip, pagpapasya, at paggawa sa kaganapan ng pagkanagmemeron ng lahat.
Bilang tagapamagitan sa materyal at ispiritwal na mga antas ng buhay, may bukod-
tanging misyon ang tao na bigyang-direksyon, sa abot ng kanyang makakaya, ang
kaganapan ng lahat na umiiral, kaisa ng Sinaunang mangingibig na nagbahagi ng
pagmemeron sa lahat na nagmemeron.
Sa pakikiisang ito, inaawit ng tao ang titik ng Awit ng mga Awit :“huwag galawin
ang aking pag-ibig, ni ibangon ito, hanggat hindi nito ninanais magising.” At walang
masasabi sinuman, sa harap ng pag-ibig na ganito, kundi : “Mistulang dayami lamang
ang lahat na aking naisulat kung ihahambing sa aking nakita at sa inihayag sa akin.”
Walang katagang makabibigkas sa pakikipagkaisa sa katindihan ng pagmemeron dahil
manggagalaw, mambabangon, manggigising at mambabasag lamang ang anumang
pagbigkas dito mula sa pakikipagkaisa ng Pag-ibig. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na
nawala nga ang Komentaryo ni Sto. Tomas sa “Awit ng mga Awit.” Dayami ang lahat
kung ihahambing sa tunay na Pag-ibig.

Etika ng Pag-ibig
Mula sa pananaw ng hindi-mabigkas na pakikipagkaisa ng Mangingibig, maaaring
pagbalik-aralan ang etika ni Sto. Tomas bilang pakikibahagi ng pinakanagmemeron sa
lahat ng mga nagmemeron kasama ng pakikibahagi ng lahat na nagmemeron sa isa’t isa.
Dahil hindi lubusang ganap ang bawat nilalang sa daigdig, kinakailangan nilang
magbahaginan sa isa’t isa upang mapunuan ang kanilang pagkukulang sa kaganapan sa
pamamagitan ng pagtanggap sa iba. Malinaw na makikita ito sa matagumpay na
pagpapatakbo sa larangan ng ekonomiya o ng pulitika: nagtutulungan ang mga kasapi sa

6
pamamagitan ng bukod-tanging kuntribusyon ng bawat isa upang matupad ang
pangkabuoang galing ng komunidad. Gayundin ito sa larangan ng kaalaman at
edukasyon: nagtutulungan ang bawat agham at sining upang makaabot ang lahat patungo
sa isang pangkabuoang pag-uunawa sa reyalidad.
Maaari ring maunawaan mula sa pananaw ng pag-ibig ang pamamahagi ng bawat
nilalang ng kanilang sarili para sa kanilang kapwa. Ibinabahagi ng bato ang kanyang
bigat, ibinabahagi ng mga halaman ang kanilang bulaklak at prutas, ibinabahagi ng hayop
ang kanilang kalamnan, ibinabahagi ng tao ang kanyang pagkatao. Ibinabahagi ng bawat
isa ang katindihan ng kanilang sariling pagmemeron.
Higit na masagana ang kakayanang mamahagi ng tao dahil sa kanyang
pagkamalikhain. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba, nakalilikha ang tao ng
kagilagilalas na teknolohiya na nagpapalawak ng kanyang kakayanang makibahagi:
napararami niya ang mga ani mula sa halaman, nakatutuklas siya ng mga gamot na
nakapagpapahaba ng buhay at nakagagawa siya ng mga makinang nakalilipad sa
kalawakan. Totoong mapalalawak din ng isipan ng tao ang sakop ng kanyang
pagkamapangwasak. Subalit kung pakikibahagi ang magiging layunin ng kilos ng tao,
makararating din ang kilos na ito patungo sa higit na makabubuti.
Sa pagkilos ng mga bagay nang ayon sa disenyo ng pakikibahagi, maaaninagan
natin ang mga bakas ng Sinaunang Tagapagbahagi na siyang nagbahagi ng kanyang
sariling pagmemeron upang magmeron ang lahat. Tinutularan lamang ng lahat ang
sinaunang pagbabahagi ng Pinakanagmemeron kung kaya nagbabahagi rin ng kanilang
sarili ang lahat ng bagay sa mundong ito.

Metapisika ng Pagtanggap
Kung nakaugat na sa kalikasan ang pakikibahagi, maaari rin nating mamulatan
ang kabilang panig ng prinsipyong ito: na may kakayanang tumanggap ang bawat isa
mula sa mga nagbabahagi. Walang bagay na sadyang ganap na ganap na upang hindi na
ito mangailangan pa ng tulong mula sa iba. Mapupunuan lamang ang ating mga
kakulangan kung bukas tayo sa posibilidad ng pagtanggap ng ating ikagaganap mula sa
iba. May kinahuhulugang lupa ang batong mabigat. Malamig sa balat ang hanging
ipinamamahagi ng mga halaman. Nagdiriwang ang mga namimiyesta sa pagkain ng
litsong inihahain ng may-pahanda. Hindi matutupad ang mga pagbibigay na ito kung
wala namang makatatanggap. Sumasamà pa nga ang loob ng mga nagsipaghanda kung
hindi tatanggapin ng mga bisita ang kanilang inihain, katulad ng pagsamà ng loob ng mga
panauhing hindi pinatutuloy o tinanggap ng may-bahay.
Isang positibong katangian, kung gayon, maging ang kakulangan natin dahil
nagsisilbing puwang ito upang makatanggap tayo ng biyaya na magpupuno sa ating
pagkukulang. Makikita ang katunayan nito sa pagpapasalamat natin sa iba tuwing
nakatatamo tayo ng tagumpay sa buhay. Hindi natin mararating ang rurok ng tagumpay
kung walang tulong na nanggaling sa ating mga kasama.
Itong kakayanan nating tumanggap ang nagsisilbing tagapagbukas ng posibilidad
na makiisa sa buhay natin ang ibang mga nagmemeron sa kanilang mismong kaibahan sa
atin. Ang kanilang pagkakaiba mismo ang pumupuno sa ating mga kakulangan.
Pinatutunayan nito ang likas na panlipunang katangian ng buhay na nakaugat sa
intrinsikong pagkabukas ng pagmemeron mismo sa mga kakaiba nito. Itong pagkabukas

7
sa mga kakaiba ang siyang susi sa posibilidad ng buhay na nakikipagkaisa na matatawag
nating buhay-pag-ibig.
Higit na tumitindi pa nga ang pamumuhay habang nakatatanggap ng pakikibahagi
mula sa iba. Higit na lumalawak ang ating pang-uunawa at lumalalim ang ating
pagkalinga habang higit na natatanggap natin ang mga kakaibang katangiang nagmumla
sa bawat nakakatagpo natin sa buhay. Tumitindi at lumalawak ang pakikipagkaisa nating
ito sa mga kakaiba hanggang sa makarating tayo sa maladiyos na kakayanang tumanggap
sa lahat-lahat. Kaya nga masasabi lamang natin na nagiging kawangis at katulad tayo ng
Diyos tuwing natututo tayong umunawa at tumanggap sa bukod tanging pagkakaiba ng
iba. Itong dakilang pagtanggap na ito ang siya ring tanda ng kadakilaan ng ating
pagiging mapagbigay. May payak na mensaheng nakatanim sa mismong kalikasan ng
mga bagay na nagbibigay sa atin ng kakayanang sabay na tumanggap at magbigay.

Platonikong-Agustiniano nga si Sto. Tomas de Aquino


Isang halimbawa ng kakayanang tumanggap ng bagong pananaw sa buhay ang
mismong pilosopiyang moral ni Sto. Tomas kung uunawain ang kanyang pamimilosopiya
bilang isang Platoniko at Agustinong balangkas na may kakayanang tumatanggap sa
panibagong mga kaalamang katulad ng pilosopiya ni Aristoteles. Masasabi pa nga nating
may sariling uri ng pamimilosopiya si Sto. Tomas na makatatanggap ng iba pang mga
balangkas ng kaisipan, bukod pa sa Aristotelyanismo. Dahil lubog na lubog si Sto.
Tomas sa kanyang sariling panahon, maaaring hindi niya gaanong pinagkaabalahang pag-
usapan ang sarili niyang pag-iisip ukol sa pagkakaugat ng esse sa balangkas ng sinaunang
pananaw nina Platon at San Agustin.
Hindi lamang basta idinagdag ni Sto. Tomas, kung gayon, ang konsepto ng esse sa
pamimilosopiya ni Aristoteles, kundi organikong niyang itinanim ang tuod na
pamimilosopiya ng huli sa mayamang lupa ng umiiral na kaisipang Katoliko, na
nagkataong pinamamayanihan ng Platoniko at Agustinong pananaw noong kanyang
panahon. Isang malaking pagkakamali kung gayon ang hindi mapanuring paghahati sa
kasaysayan ng pamimilosopiya sa pagitan nina Aristoteles at Sto. Tomas sa isang banda,
at sina Platon at San Agustin, sa kabilang banda dahil lumilitaw higit na malakas ang
lihim na impluwensiya ng huli sa pamimilosopiya ni Sto. Tomas. (Hindi ito katakataka
dahil malalim din ang utang na loob ni Aristoteles kay Platon, gaano man kalaki ang
pinalalabas na hidwaan na pinalilitaw ng mga komentarista.)

Mamumulatan ang pakikipagkaisang ito ni Sto. Tomas sa pilosopiya nina Platon


at San Agustin kung babasahin natin hindi lamang ang kanyang tuwirang mga sinasabi
kundi kung pagmumunimunihan din natin ang hindi niya masabi sa pagitan ng kanyang
mga sinasabi. Katulad ng mangingibig na hindi lubusang mabigkas ang kanyang pag-
ibig, kinakailangang makibahagi rin tayo, at hindi lamang basta manood, sa hindi
mabigkas na pag-ibig ng sinumang pilosopo. Dahil isang uri rin ng pag-ibig itong
pamimilosopiya, maaring makatulong sa ating pag-uunawa rito ang lubog na
pakikibahagi ng mga namimilosopo sa kanilang mga iniibig.

You might also like