You are on page 1of 2

Pangalan: Villamero, Jhamaica T.

                                                          Seksyon: CED-03-301A
Kurso: Maikling Kuwento at Nobelang Filipino

Uri ng Pagdulog: Pagdulog Moralistiko

Ang Sayawan sa Kasalan

Ang maikling kwento na ito ay isinulat ni Amado Daguio mula sa kanyang orihinal na
titulong “Wedding Dance” na isinalin sa Filipino ni Anna C. Nadora. Ang kuwento ay umiikot sa
dalawang karakter na sina Awiyao at Lumnay na miyembro ng isang katutubo at dating
magkabiyak ngunit, ang matibay at matatag na relasyon ay sinubok ng panahon at tradisyon.

Si Awiyao ay isang lalaking makisig at magaan kung kausap. Siya ang isa sa inaasahan
ng kanilang tribu na magkaroon ng isang supling; na magmamana sa kanilang bukirin. Si
Lumnay naman ay isang babaeng hinahangaan sa angkin nitong kagandahan, kasipagan, at
kagalingan sa pagsayaw ay naging kabiyak ni Awiyao. Noon, sinubukan nila sa loob ng pitong
taon ang nais ng tribu na magkaanak subalit, sa kasamaang-palad ay hindi sila nabibiyayaan at
kahit mag-alay pa ng alagang hayop sa pinaniniwalaang Kabunyan ay wala pa ring supling na
ibinigay sa kanila. Sa pangalawang pagkakataon, ikinasal sa ibang babae si Awiyao na naging
dahilan kung bakit labis na naghihinagpis ang puso ni Lumnay. Isang gabi, pinuntahan niya ito sa
kanilang dating tirahan upang imbitahan sa nagaganap na sayawan subalit, hindi nagsasalita ang
babae. Ayon pa kay Awiyao, nais niyang makita si Lumnay sa sayawan dahil paniguradong may
lalaking magkakagusto rito dahil sa angking galing nito sa pagsayaw. Ayaw iyon ni Lumnay,
ayaw niya ng ibang lalaki at gayundin si Awiyao. Ayaw niya ng ibang babae. Si Lumnay, nais
niyang magmakaawa sa dating kabiyak subalit, hindi niya ito mabibigyan ng anak. Itinuring niya
ang sarili na isang babaeng walang silbi at hinihiling na mamamatay na lang sana. Gayunpaman,
hindi nais ni Awiyao na sabihin iyon ng dating kinakasama sapagkat, maaaring hindi na rin
magkakabunga si Lumnay. Nang dumating na ang oras na kailangan ng bumalik ni Awiyao sa
selebrasyon ay napayakap na lamang si Lumnay sa kanya. Sinabi rito kung gaano kasakit na
mawalay sa taong kanyang lubusang iniibig kaya naman isinabit na lamang ni Awiyao ang
abaloryo sa leeg ni Lumnay, abaloryo na niregalo pa ng kanyang mga ninuno at may katumbas
na dalawang bukirin. Ang kwintas na iyon ay tanda ng pagmamahal niya kay Lumnay. Noong
tuluyan nang makaalis si Awiyao ay umukit kay Lumnay ang posibilidad na hinding-hindi niya
na makikita ang dating kabiyak dahil mapupunta na ito sa babaeng posibleng makapagbibigay sa
kanya ng anak. Ngunit, bigla siyang nagkaroon ng tapang at sinabi sa sarili na mali ang ginagawa
ng kanilang tribu. Kaya naman nais niyang pumunta sa sayawan at bawiin si Awiyao. Wala na sa
kanya kung ang pagpuntang ito ay paglabag sa kanilang paniniwala at maging kauna-unahang
babae na titiwalag sa kanilang tradisyon dahil labis niyang iniibig si Awiyao kaya hindi siya
makakapayag na mawala ito sa kanya. Subalit, nang makarating na siya sayawan at pagdiriwang,
tila pinigilan siya ng nagliliyab na apoy. Apoy na naglalaho sa liwanag kaya naman naglakad na
lamang siya papalayo sa lugar kasama ang sariling mga paa; walang kaagapay at humahawak sa
mga kamay kapag tatawid siya ng ilog. Lilisanin niya na ang lugar at babalik sa kanyang mga
magulang. Naisipan niya munang maupo sa isang bato na napapalibutan ng mga bulaklak ng
halamang butil. Butil na tila sutla kapag hinahawakan, malambot at mamamasa kapag
hinahawakan, at kapag tumama ang liwanag ay halos pilak ang kagandahang kulay. Ang paglaki
ng mga butil sa puso ng nalalantang talulot ay magpapatuloy.

Ito ay isang moralistikong pagdulog sapagkat, ang dalawang karakter ay napapagitnaan


ng isang paniniwalang nagdidikta sa kanilang mga desisyon sa buhay. Kung ano nga ba ang tama
o mali. Ipaglalaban ba ang kanilang pag-iibigan o sundin ang batas ng kanilang tradisyon? Ang
karakter ni Lumnay, ang dating kabiyak ni Awiyao ay labis na umiibig sa lalaki kaya naman
naging mahirap sa kanya na mawalay rito at isuko na lamang ang minamahal sa iba. Kaya naman
naisipan niyang labagin ang kanilang tradisyon at maging kauna-unahang babaeng titiwalag sa
kanilang tribo, at isama na lamang si Awiyao. Nais niyang ipakita sa kanilang nayon na mali ang
kanilang ginagawa; na mali ang batas na hindi naman nakasulat upang sundin ng lahat. Subalit,
hindi iyon ginawa ni Lumnay. Hindi niya itinuloy dahil alam niya sa kanyang sarili na
hinding-hindi niya hahayaang mabigo si Awiyao na magkaroon ng supling sa ibang babae.
Gayunpaman, hindi mawawala ang bakas ng kalungkutan at hinagpis sa nararamdaman; na
habambuhay niya ng mararanasan. Pinili man niyang isakripisyo ang pagmamahal sa dating
kabiyak ay pinili niya pa rin itong hayaan para sa ikabubuti ng lahat, ng kanilang tribu. 

Bago pa man dumating ang mga espanyol sa Pilipinas, laganap na sa bansa lalong-lalo na
sa mga sinaunang Pilipino ang iba’t ibang klase ng paniniwala at tradisyon. Mga paniniwalang
hindi lubusang isinusulat o legal upang sundin ng nakararami. Una, ang mga Pilipino noon ay
naniwala sa mga anito at minsan na ring sumamba sa malalaking puno’t inaalayan ng mga patay
na hayop bilang pambayad nang sa gayon ay matupad ang kanilang mga kahilingan at mabigyan
nang maayos na pamumuhay. Pangalawa, isa rin sa nabanggit ay ang estado ni Awiyao kung saan
ang layunin niyang magpakasal ay ang pagkakaroon ng supling dahil para sa kanila, walang
kabuluhan ang buhay ng isang lalaki kung walang susunod sa kanilang lahi. At Pangatlo, ang
hindi makatarungang pag-iwan ng isang lalaki sa kanyang asawa gaya ng ginawa ni Awiyao kay
Lumnay. Subalit, hindi man naging makatarungan ang mga paniniwalang ito, wala pa rin silang
nagawa sa hindi patas na batas ng kanilang tribu.

Bilang konklusyon, ang kuwentong ito ay isang representasyon ng mga paniniwalang


nagaganap sa isang komunidad na malayo sa modernisasyon. Mga paniniwalang labag sa
karapatang-pantao kung saan ang isang indibwal ay walang karapatang makapagpasya para sa
kanyang sarili. Labagin man niya ang nakasanayang gawain, magdadala lamang ito sa kanya sa
kapahamakan lalong-lalo na sa tribung kanyang kinabibilangan. Mga paniniwalang sa
kasalukuyan ay unti-unti nang winawaksi ng mga Pilipinong repormista na nananawagan ng
pagbabago sa lipunan at tumatayo para sa karapatan ng lahat. Ang ganitong gawain ay kailangan
nang mawala dahil magdadala lamang ito ng kapahamakan at pagdurusa sa lahat.

You might also like