You are on page 1of 3

Tanikalang Guinto 

ni Juan Abad
Isa ang  Tanikalang Guinto  sa pinakakilalang "seditious play" na isinulat ni Juan Abad
noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Ano nga ba ang isang seditious play o
sedisyosong dula? Nakuha ang patawag na ito mula sa mga Amerikano. Ito ay isang dula na
nagpapakita ng nationalismo at di pagsang-ayon sa kanilang pamamahala. Tulad nga ng
naturan, sa dulang ito makikita ang mga tagong mensahe ukol sa pagmamahal sa bayan.

Nag-umpisa ang dula sa isang monologo ng isa sa pangunahing tauhan na si Liwanag. Si


Liwanag ay nalilito sa kung ano ang gagawin : pakasalan ang nag-iisang mahal na si K’ulayaw
o ang pagtanaw ng utang na loob sa kanyang amain na si Maimbot. Hindi nais ni Maimbot na
magpakasal si Liwanag kay K’ulayaw nais niyang makasama at pagsilbihan siya ni Liwanag
hanggang siya ay sumakabilang buhay Inatasan niya si Nagtapon, ang kanyang alipin na
bantayan at pagbawalan ang pagkikita ng dalawa. Ginawa ni Maimbot ang lahat ng kanyang
makakaya upang hadlangan ang pag-iibigan ng dalawa. Binigyan niya si Liwanag ng
Tanikalang ginto at pinangakuan ng marami pang kasaganahan sa buhay upang makuha ang
hiling niyang ampunin si Liwanag. Ang tanikalang ginto ang nagsilbing isang kontrata na
pinanghahawakan ni Maimbot kay Liwanag. Subalit nanaig ang kagustuhan ni Liwanang na
sumama at magpakasal kay K’ulayaw. Dahil dito nauwi sa marahas na paraan ang
pagpupumilit ni Maimbot. Sa huli’y si Nagtapon din ang nakapatay sa sariling kapatid.

Sa literal na pagtingin mistulang pangkaraniwang dula ng pag-ibig ito; ang


magkasintahan hindi nag-katuluyan dahil sa magulang. Subalit ang kagandahang taglay nito
ay napapaloob sa mga kontekstwal na kahulugan ng bawat elemento sa dula lalung-lalo na
ang mga tauhan dito.

Ang kakaiba at makahulugang pangalan ng mga tauhan sa dula ang nagbigay buhay at kulay
sa simpleng dula na ito. Halimbawang gawing Laura si Liwanag, mawawalan ng silbi ang
sinisimbolo ng tauhan ni Liwanag. Ang mensahe tungkol sa pagmamahal sa bayan at
pagtiwalag sa mga mananakop ay ang nakatagong mensahe sa likod ng mga tauhan na ito.
Hindi na magiging pareho ang kahulugan ng dula kung iibahin ang ang mga pangalan ng
mga tauhan. Tulad nga ng nabanggit, magiging simpleng dula ukol sa pag-ibig na lamang ito.

Pansinin lahat ng elemento tulad ng props, paggamit ng stage at ang musikang ginamit
ay nakatulong sa pagbuo sa tunay na mensahe sa likod ng mga kontrobersyal tauhan.
Tingnan kung papaano ang bawat detalye sa mula sa pangalan ng tauhan, sa mga linyang
kanilang isinasambit hanggang sa mga damit na suot nila ay bumubuo sa katauhan nila at
tunay na kahalagahan nila na nais iparating ng makata.

Unahin natin si Maimbot. Ang literal na pakahulugan ng maimbot ay pagiging madamot


o di kaya’y pagiging masiba. Akmang-akma ang pangalang ng tauhan sa mga katangiang
ipinamalas niya sa dula. Napatotoo ito sa mga pangyayari sa dula. Kanyang ipinagdadamot
si Liwanag kay K’ulayaw o maaaring sa kahit sino pang nagnanais na makasal sa dalaga.
Upang masigurong na mapasakanya si Liwanag, binigyan niya ito ng tanikalang ginto na
hindi naman matanggihan ni Liwanag. Kapansin-pasin ang paggamit ng yaman at
kapangayarihan upang makuha ang gusto niya.Ito ay konsistent hanggang sa katapusan ng
dula. Upang ipakita na mayaman at makapangyarihan si Maimbot epektibong ginamit ang
tauhan na si Nagtapon. Ang alipin niyang ito’y binabayaran upang maging tapat at gawin
anuman ang ipinag-uutos niya. Isa pang eksena na makikita ang pagiging makapangyarihan
niya, nang palayasin niya ang mag-inang si K’ulayaw at Dalita mula sa kanyang pamamahay.
Maging ang pagsambit ng mga linya ay may astang mayabang na kapansin-pasin. Alinsunod
sa mga pangyayari at paraan ng pagbikas ng linya, ang mga props ay nakatulong sa
pagpapatunay sa mga katangian ni Maimbot. Kung inyong mapapansin isang dalawang-
palapag na bahay lamang ang makikita sa dula. Siya lamang ang pinakilalang may sariling
lupain na maipagmamalaki. Mapapansin din na kakaiba ang kanyang damit sa suot ni
K’ulayaw o ni Nagtapon, at hindi rin ito ang barong na magsisimbolo na isa siyang Pilipino.
Ang paggamit din ng  cane  ay hindi isang bagay na karaniwan sa ating mga Pilipino,kaya’t
mahihinuha na isa siyang dayuhan. Sapagkat ang panahon ng pagkakasulat sa dulang ito ay
sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano masasabing tinutukoy ng manunulat ang
pamahalaang Insular ng Amerikano.

Isa pang tauhan sa dula ay si Liwanag. Liwanag, na nangangahulugang pag-asa o kalayaan,


siya ang minimithi ni K’ulayaw at ipinagdadamot naman ni Maimbot. Akma rin ang
pangalang Liwanag sa mga katangiang ipinamalas ng tauhan at sa mga pangyayari sa dula.
Hindi niya gustong habambuhay na mapasailalim sa mga kundisyon ni Maimbot. Gusto
niyang lumaya at magkaroon ng pagkakataong lumigaya sa piling ni K’ulayaw. Makikitang
kahit sa bingit ng kamatayan o sa gitna ng pagpapahirap hindi siya nawalan ng pag-asa at
pagmamahal kay K’ulayaw. Ibaling ang pansin sa sitwasyong pinalaki at inaruga si Liwanag
ni Maimbot at ngayo’y ayaw na niyang pakawalan at nais na niyang angkinin.
Maihahalintulad ang sitwasyong ito sa nangyari sa pagitan ng mga Pilipino at ng mga
Amerikano. Kung inyong maalaa, noong una silang pumunta sa Pilipinas ay tinulungan nila
ang mga Pilipino ipaglaban ang kanilang kalayaan mula sa mga Kastila. At tulad nga ni
Maimbot, di nagtagal ay sila naman ang kumuha ng kalayaang minimithi ng mga Pilipino.
Nagsilbing suporta ang pananamit ni Liwanag, baro’t saya, sa pagsimbolo niya nang hindi
basta-bastang kalayaan kundi kalayaan ng mga Pilipino. Maging ang ilaw na laging
nakatapat kay Liwanag tuwing siya ay may eksena ay nakatulong sa pagiging simbolo ng
pag-asang makalaya.

Sumunod naman ay si K’ulayaw. K’ulayaw ay literal na nangangahulugan na karelasyon


o kaugnayan na siya namang ginampanan ng tauhan sa kabuoan ng dula. Tulad ng isang
masidhing mangingibig hindi siya tumigil sa paghahangad na mapakasal kay Liwanag. Hindi
siya natatakot sa anumang banta ni Maimbot. Ang pag-ibig ni niya kay Liwanag ang
pinagkukunan niya ng lakas ng loob at katapangan. Ang barong na suot ni K’ulayaw ang
sumusimbolo sa mga Pilipino o pagiging Pilipino. At ang panyong na kanyang inialay kay
Liwanag ay sumusimbolo sa Pilipinas na matagal na siyang hinihintay. Ang kanyang
pagpupursigi ay nagpapakitang isa siya sa mga bayani na ipinaglalaban ang kalayaan ng
Pilipinas. Nabanggit sa dula na nakilala siya dahil sa katapangan niyang ipinamalas,
makikitang sa dula namatay siya para kay Liwanag, namatay para sa kalayaan ng bayan.

Si Nagtapon ay kapatid ni K’ulayaw na lumayas at iniwan ang kanyang ina para sa pera’t
ginto. Si nagtapon ang sumisimbolo sa mga Pilipinong sumalungat o sa madaling salita
taksil sa sariling bayan. Siya ay nagpaalipin kay Maimbot para lang kumita at matustusan ang
luho ng pagsusugal. Makikita ang namamayaning kaugalian ng pagiging takot o duwag kay
Nagtapon. Una, tinakbuhan niya ang problema niya sa kanyang buhay na kasama ang ina at
kapatid. Ikalawa, kung sinuman ang makapangyarihan doon siya papanig, wala siyang lakas
ng loob na ipaglaban ang sa tingin niyang tama. Madali siyang masuhulan, kaunting ginto o
pagbanta lamang ay tiyak na susunod na siya. Ibinagay ang kanyang damit sa kanyang mga
katangian. Ang kanyang damit ay pang-alipin. Ang pagkakayos sa kanya ay itsurang madumi,
madungis, at kulang sa tulog na parang adik. Mas napalitaw ang pagiging mahina ni
Nagtapon sa itsurang ito. Siya rin ang nakapatay kay K’ulayaw. Tulad ng nangyari sa ating
kasaysayan kung saan marami sa mga napatay sa panahon ng pananakop ay buhat din sa
kamay ng kapwa Pilipino.

Ang huling mahalagang tauhan ay si Dalita. Dalita, na nangangahulugang kahirapan o


pagdurusa ay katangiang taglay ng tauhang si Dalita. Si Dalita ang ina ni K’ulayaw at ni
Nagtapon. Mahina na siya at may malubhang sakit. Lubos siyang nangungulila sa anak
niyang naglayas, si Nagtapon. At nangangamba siyang baka iwanan rin siya ni K’ulayaw
kapag ito ay nagpakasal kay Liwanag na sa dula ay nasa pangangalaga ni Maimbot. Si Dalita
ay nakasuot ng baro’t saya, na makasusuporta sa simbolo niya bilang inang bayan. Ang
kanyang mga anak ang bumubuo naman sa bayan. Kung inyong maalala ang panyong
inialay ni K’ulayaw kay Liwanag ay pag-aari ni Dalita. Ang panyo na nagtataglay ng kulay ng
bandila ng Plipinas ay ang natatanging yaman niya. Kaya’t ganoon na lamang ang halaga
nito kay K’ulayaw para iaalay ka Liwanag Kung mapapansin rin ang kanyang pagsambit ng
mga linya ay padaing, tulad ng Pilipinas, na dumadaing na sa kahirapan na dinaranas.

Masasabing ang dulang ito ay tipong maaring isabuhay paulit-ulit upang ipaalala sa atin
ang pagdurusa ng ating bayan sa kamay ng Amerikano. Kahit sa ngayon kung saan may sarili
na rin tayong pamahalaan, nabubuhay pa rin tayo sa anino ng mga Amerikano. Dahil dito
ang dula ay hindi lamang paggunita sa nakaraan, kundi may katuturan pa rin sa
kasalukuyan. Ito ay magmimistulang pag-papaalala sa pagkakamali noon na di dapat maulit
sa kasalukuyan.

You might also like