You are on page 1of 2

Naglahong Himutok

“Tsk! Tsk! Tsk! Hiya! Bilisan mo ang takbo! Hiya! Kailangang makarami tayo ng
pasahero. Hiya!” Ang utos na narinig ni Karyong Kabayo mula sa kanyang among kutsero
habang tinatahak nila ang kalsadang kasabay ng pagbubukang-liwayway.
Araw-araw niyang hila ang kalesa. Mula umaga
hanggang dapithapon ay nasa kalye siya at naghahanapbuhay.
Mabait at maalaga sa kanya ang amo. Bago sila lumakad ay
sinisiguro ng amo na siya ay busog at laging nasa kondisyon
dahil sa kanya nakasalalay ang ikabubuhay ng pamilya.
Pagdating ng hapon ay kapwa sila pagod. Bagama’t
mas matindi ang pagkapagal ng katawan ni Karyo ay
natutuwa na rin siya dahil nakatutulong siya sa kanyang amo
sa pagtataguyod sa mag-anak nito. Sa isang banda’y
nalilibang din naman siya sa mga kuwentuhang kanyang
naririnig sa mga pasaherong kanyang inihahatid at sa amo niyang walang dadaig basta
kuwentuhan ang pag-uusapan. Sabihin pa, puro ito kuwentong-kutsero. Sa loob ng kuwadra ay
parang nalilimutan niya kahit sandali ang pananakit ng katawan kapag naaalala niya ang
masasaya at nakaaaliw na istoryang kanyang naririnig sa maghapon.
Sa pagmumuni-muni niya’y biglang sumagi sa kanyang isip ang araw-araw na pang-
inggit ni Bertong Baka. Sa tuwing madaraanan niya ito sa tabing-daan habang pumapasada siya
ay pulos panunudyo at pagmamalaki ang iparirinig nito sa kanya.
“Bakit ba may takip ang mga mata mo? Baka mabangga ka sa kanto! Hindi mo ako
gayahin. Wala akong ginagawa kundi manginain. Wala ring latigong lumalatay sa aking
katawan. Sana naging baka ka na lang,” ang maanghang na panunukso ni Bertong Baka.
Itinutungo na lamang ni Karyo ang kanyang ulo at nagtataingang-kawali sa tuwing maririnig
ito. Paano’y hindi naman siya maaaring huminto at patulan ang palalong baka.
Hindi tuloy maalis kay Karyo ang maawa sa sarili dahil sa naririnig kay Berto. Minsa’y
nagtatanong din siya kay Bathala,” Ako ba’y isinilang upang magdusa at magpakahirap habang
ang iba’y nabubuhay para magpasarap?” May luhang namuo sa kanyang mata at hindi naglaon
ay nakatulugan na niya ang paninikip ng dibdib dahil sa sama ng loob.
Kinabukasan, nag-uurong-sulong man si Karyong Kabayo ay binuo niya ang
pasiya,”Huling araw na ito ng aking pamamasada. Bukas na bukas din ay lalayas na ako sa
kuwadrang ito. Tama na ang pagpapakabayan!” Ang sumpa niya sa sarili. Nagtatampo man ay
hindi siya nagpahalata sa kanyang amo. Gaya ng dati ay maaga silang bumiyahe. Nakadaanan
nila si Berto subalit hindi na niya ito pinansin. Ni hindi nga niya alam kung anong pangungutya
na naman ang bibitawan nito.
Hindi man lang nakaramdam ng
pagkahapo si Karyo sa maghapon nilang
pamamasada. Ngayong papauwi na sila’y wala
na siyang ibang inisip kundi ang kanyang
binabalak. Kung di pa nga hinila na kanyang
amo ng dalawang ulit ang renda’y hindi niya
mapapansin ang pagsakay ng amo ni Bertong
Baka. Nagkataong pauwi na rin ito buhat sa
palengke.
“Saan ka ba galing?” Naulinigan niyang tanong ng amo niya sa bagong sakay.”Malapit na
ang pasukan at malaking halaga ang kailangan para sa matrikula ng mga anak ko.
Napagpasiyahan kong ipagbili ang kaisa-isa kong alagang baka at kinausap ko ang bibili nito,”
ang paliwanag na kausap,” Sa darating ng Linggo’y nakatakdang katayin ang baka ko at sa
Lunes ko raw makukuha ang karagdagang bayad,” dagdag pa nito.
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Karyo dahil sa narinig. Lahat ng binabalak
niya’y naglahong parang bula.

You might also like