You are on page 1of 31

PHILIPPINE NORMAL UNIVERSITY

National Center for Teacher Education


The Indigenous Peoples Education Hub
North Luzon Campus

“SA BANDANG HULI’Y INA PA RIN”


(Isang Yugtong Dula)

nina:

FERLIN A. TALLOD

at

CARLA TRICIA MAE P. SERRANO


“SA BANDANG HULI’Y INA PA RIN”

MGA TAUHAN:

Lita- ina nina Roland, Arnold at Narol

Aneth- Pamangkin ni Lita

Arnold-Panganay na anak ni Lita

Roland- Pangalawang anak ni Lita

Narol-Bunsong babaeng anak ni Lita

Aling Bebang-isang tindera ng botika

Amy-Asawa ni Arnold

Jr.-Nagiisang anak ni Arnold

Mga Pulis

TAGPO:

Walang ibang props ang makikita sa tanghalan maliban sa

mesang kinalalagyan ng dalawang imahe ng birheng Maria at sa

gitna ng dalawang imahe ay isang batang Ninyo na may hawak na

rosaryo, at sa bandang kanan ng mesa ay isang lumangsilyang

tumba-tumba.

Sa pagubukas ng tabing ay makikita si Lita, nasa 72 taong

gulang, may pagkaalon ang magkahalong puti at itim na buhok,

may kalabuan na ang mata, at kulubot na ang morenang


balat.Tangan-tangan nito ang isang larawan at rosaryo, habang

tahimik na nakaupo at nagdarasal sa kanyang silyang tumba-

tumba.

Sa ikalawang bahagi ng tanghalan ay lalabas si Aneth,na

pamangkin ni Lita, siya’y nasa dalawamput walong taong gulang,may

balingkinitang pangangatawan, makapal din ang kanyang kilay na

halos kasing itim ng uling, hindi katangkaran at laging mababakas sa

kanyang mukha ang mga mapupula nitong labi na parating nakangiti.

Yayayain nito ang kanyang Tiya Lita..

Lita: Ama namin sumasalangit ka, sambahin ang ngalan

mo, mapasaamin ang…(bahagyang mauudlot ang kanyang

pananalangin dahil sa tawag ni Aneth )

Aneth: Tiya! Tiya! Nakahanda na po ang inyong pagkain , pati na rin

po ang inyong gamot sa dulang.

Lita: Saglit ka riyan at kita mong ako’y nagdarasal.(nangangatal na

sagot habang hinahaplos haplos ang larawang hawak)


Aneth: Baka po iyo’y lumamig na, hindi na masarap kung

magkaganoon.Kumain na po muna kayo, habang mainit-init pa

po iyong sabaw ng tinola.

Lita: E, ala, sige..makulit ka.Iabot mo sa akin ang aking tungkod at

alalayan ako sa aking paglalakad at baka ako’y matumba.

(dali-daling pupunta si Aneth at tutulungan ang matanda)

Aneth: Kaya nga po marapat na kayo’y kumain na at inumin ang

inyong gamot para hindi na po umatake iyang rayuma niyo’t

sakit sa puso.(inaalalayan ang matanda patungo sa kusina)

Lita: Abay, e, ganito na siguro talaga kapag tumatanda Ine.Marami

ng pagbabagong mararanasan sa katawan.Bukod sa panlalabo

ng mata, pananakit ng kasu-kasuhan ay bigla na ring naging

mapili ang aking panlasa sa mga pagkain at minsan pa nga’y

pati ang aking ugali. Kaya naman ikaw…hanggat bata pa’y

ingatan mo ang iyong kalusugan.

Aneth: Opo, Tiya. Kaya nga po kumakain ako ng maraming gulay at

prutas. Iniiwasan ko na nga rin pong uminom ng mga softdrinks

at mga pagkaing labis ang kolesterol. Nakatatakot na rin,

sapagkat kamakailan lamang ay may nabalitaang namatay dahil

sa labis na pagkain ng makokolesterol.


(Marahang iuupo at aalalayan ni Aneth ang matanda)

Aneth: Tiya, maupo na ho kayo.

Lita: Salamat ‘Ne .Hindi mo ba ako sasabayan sa pagkain?

Aneth: (bahagyang mapapangiti)Tapos na ‘ho ako Tiya. Kanina

lamang nang kumain ako.

Lita: A..e..kung gano’y mabuti naman (habang ginigiray ang karne

ng manok).Siya nga pala, ‘Ne, natawagan mo na ba si

Roland?

Aneth: Number busy naman po palagi tiya. Ilang beses ko ng

tinatawagan ang batang iyon simula ng mamatay si Tiyo, ay

hindi pa rin makontak.Siguro’y nagpalit na po ng numero.

Lita: Tignan mo ang maladikyang batang iyon! Maski ang kaarawan

ng pagpanaw ng kanyang ama ay kinalimutan na rin niya!

(pasigaw na sabi, habang may laman pa ang bibig)

Aneth: Uminom ‘ho muna kayo ng tubig, at baka kayo’y mabulunan.

(iaabot ang tubig sa matanda)

Lita: (iinom, bakas ang galit sa mukha) Eh, si Arnold, may balita ka

ba sa kanya?
Aneth: Wala rin po Tiya.

Lita: Hay naku! ang mga batang iyan talaga.Simula nang magkaroon

sila ng sari-sariling pamilya ay nakaligtaan na nilang dumalaw

o mangamusta man lamang dito.Mabuti na lamang at nariyan pa

ang aking unica hijang si Narol.Pero ang ikinatatakot ko’y kung

magkakaroon na rin siya ng pamilya ay makalimot na rin siya,

huwag naman muna sana.(susubong muli ng pagkain)

Aneth: Ay siya nga pala tiya, naubusan na pala kayo ng gamot. At

panghuling tableta na po iyang iinumin ninyo ngayun. Saglit

lamang po at ako’y bibili ng gamot sa botika nina Aling

Bebang diyan sa may kanto.Maiwan ko ho muna kayo riyan.

Lita: Saglit lang ‘Ne,hintayin mo ako at kukuha ako ng perang pambili

mo.Iabot mo sa akin ang tungkod ko’t alalayan mo ako papunta sa

kwarto.

Aneth: Ay, sige po tiya.Mukhang hindi na rin po ata sapat itong natitirang

pera, sapagkat naipalengke ko na po kanina ng mga kailangan sa

bahay ang ilan.

(aalalayan ni Aneth si Lita papuntang kwarto)


Lita: (may huhuguting bagay sa ilalim ng kanyang kama-ang kanyang

baul na kulay asul) O ito ang pera, magkakasya na ba ang

isang libo para riyan?

Aneth: Opo, tiya.Kasyang-kasyang na po iyan.

Lita: (itatagong muli ang kanyang baul) Halla, sige.Alalayan mo muna

ako sa aking pagtayo.

(Aalalayan ni Aneth ang matanda pabalik ng kusina at muling

ipagpapatuloy ni Lita ang kanyang pagkain)

Sa botika ni Aling Bebang…

Aneth: Tao po, tao po!

(lalabas ang tinderang si Aling Bebang, nasa edad 40,may katabaan,

bahagyang nakausli ang dalawang malalaking ngipin sa harap, at

medyo may kaitiman ang balat)


Aling Bebang: Oh, Aneth ikaw pala, mabuti naparito ka’t may mahalaga

akong balitang sasabihin sa iyo.Pero ano nga ba ang iyong

bibilhin?

Aneth: Peri-carrr-di..di..i..pasensya na ho anti, hindi ko po

mabigkas nang maayos,ang hirap po kasing

basahin.Tingnan na lamang po ninyo itong

reseta.(ipapakita ang reseta) Narito po.

Aling Bebang: Ay pericardiocentesis naman pala.Saglit ka lang diyan at

maghahanap ako.(iaabot ni Aling Bebang ang gamot kay

Aneth)

Aneth: Ano nga po pala iyong sasabihin ninyo sa akin, Anti?

Aling Bebang: Nasabi kasi ng asawa kong si Ismael, noong nakaraang

linggo na ang panganay na anak raw ng tiya mo ay

may ibang babae sa Maynila at ang matindi pa rito’y

gumagamit at nagbebenta pa raw siya ng ilegal na droga.

Aneth: Baka naman ho napagkamalhan niya lang Anti.Imposible

naman po ata iyon.


Aling Bebang: Nakita mismo ng dalawang mata ng asawa ko ‘Ne,

nagtratrabaho ito sa Maynila at malapit lamang ang

opisinang pinagtatrabahuan ni Ismael sa tinitirhan ni

Arnold kasama ng babae niya’t mga barkada.

Aneth: A..e.. ganun po ba? Sige ho mauna na po

ako!(nagmamadali sa paglalakad)

Sa bahay…

Aneth: Kanina’y iniwan ko po kayong kumakain, hanggang ngayon

po’y hindi pa rin po kayo natatapos? Mukhang napasarap po

ata ang kain natin Tiya ah.(tutungo sa may sala, sa tabi ng

isang maliit na cabinet at ilalagay ang gamot sa ibabaw nito)

Lita: Eh, paano ba namang hindi ako magtatagal sa pagkain e, hindi

ko manguya nang maayos ang pagkain ko dahil dito sa

pustiso ko.Hanggang ngayon ba naman kasi ay hindi pa rin

hiyang nitong gilagid ko.

Aneth: Siya nga po pala tiya,may nasabi po sa akin si Aling Bebang

kanina.
Lita: Ano iyon?

Aneth: Wala po pala tiya.Huwag na po ninyong alalahanin iyon.

Lita: Kilala kita Aneth,sige na sabihin mo na.Ano ba iyon?

Aneth: A..e…si kuya Arnold po. Sinabi po ni Aling Bebang na

nagtutulak po siya at gumagamit ng droga sa Maynila.

Mayroon din daw po siyang kinakasamang babae roon.

Lita: (halos magliyab sa narinig)Ano kamo? Baka naman puro

tsismis lang iyan? Ang paalam sa akin ay maghahanap siya

ng maayos na trabaho roon. Paano na lamang sina Amy at

ang kaniyang anak na si Jr. sa probinsya? Nakakahiya ang

batang iyon!

Aneth: Hindi ko rin po alam tiya, subalit araw-araw daw po iyong

nasasaksihan ni angkel Ismael sa tuwing siya’y papasok sa trabaho.

Lita: (mapapabuntong hininga) Natawagan mo na ba siya?

Aneth: Hindi rin po sumasagot, gaya ni Roland.


Lita: Ahy! Santisima! Wala ng ibang idinulot kundi problema ang mga

batang iyan! Nawalan na ako ng ganang kumain. Iligpit mo na

ito ‘Ne.

Aneth: Hindi pa po ninyo iniinom ang inyong gamot tiya.(marahang

iaabot ang gamot sa matanda)

Lita: Huwag na, wala ng silbi iyang mga gamot na iyan, dahil nalalabi

na lamang ang aking panahon sa mundong ito. Matanda na

ako ‘Ne, subalit…subalit…(bahagyang mapapaluha) ayaw ko

namang lisanin ang mundong ito nang hindi naaayos ang mga

sigalot na ito, lalo na sa mga anak ko.Nakapanlulumo sapagkat

hindi na nga tumatawag at dumadalaw si Roland ay nalulong

naman ngayon sa masamang bisyo ang kapatid niya.

(Hindi nakapagsalita si Aneth sa halip ay niyakap niya na lamang ang matanda)

Lita: Ang mga anak ko ‘Ne! Ano bang nagawa kong pagkukulang sa

kanila? Ginawa ko naman ang aking makakaya para maging

mabuting ina sa kanila. (umiiyak)


(Kasabay ng pagbulusok ng luha ni Lita ay ang bigla ring

pagbuhos ng malakas na ulan. Maya-maya’y darating si Narol, ang

bunsong anak ni Lita na basang-basa.)

Narol: (magmamano) Mano po, Inay. Mano po Anti.

Lita: Abay, pagpalain ka ng Panginoon.Basang-basa ang batang

ine.Aneth! Kunin mo nga ang tuwalya sa kuwarto! (tatalima si

Aneth). Oh, napaaga ata ang iyong pag-uwi? Hindi ba’t may pasok

ka pa ngayon?

Narol: Wala po ang aming mga propesor, ‘nay.At isa pa’y kaarawan

ngayon ng pagkamatay ni Tatay, nais ko sana siyang ipagtirik ng

kandila sa kanyang puntod kanina, ngunit hindi nakisama ang

panahon. Kaya’t duumeretso na lamang ako rito

Aneth: Heto na ho ang tuwalya.(iaabot kay Narol ang tuwalya)

Narol: Salamat anti.Teka,umiyak ba kayo ‘Nay? Namumula po ang

inyong mga mata.

Lita: Wala ito ‘nak.Naalala ko lang ang iyong Itay.


Narol: Ako nga rin po ‘Nay, naaalala ko rin si Itay.

Lita: Mabuti ka pa’y naalala ang iyong ama, ngunit ang dalawa mong

nakatatandang kapatid na lalaki, mukhang nakalimot! Sige

magpalit ka na muna ng iyong damit at baka ika’y magkasakit.

Narol: Baka po pala makaligtaan ko Inay,mayroon po pala kaming

babayaran para sa aming gaganapin na programa sa school sa

susunod na linggo atsaka , nangungulit na rin po iyong

mabungangang landlady namin para sa bording house.

Lita: Sige anak, ako ng bahala roon.(papasok sa kwarto at muling

maglalabas ng pera sa kanyang baul na kulay asul)

Magbihis ka na at baka matuyuan ka.Mahirap ng magkasakit

sa panahon ngayon.

(Pumasok sa kwarto si Narol, para magpalit. )

Lita : Narol, heto na ang kailangan mong pera para sa umano’y

babayaran mo. Mag-aral kang mabuti at magtipid ka, sapagkat

mahirap kumita ng pera.Galing pa iyan sa pawis at pagod ko

sa pananahi.

Narol: Opo, Inay .Salamat po.


(Mga ilang sandali, ay may kakatok sa kanilang pinto)

Lita: May tao yata, matingnan mo nga kung sino iyon.

Aneth: Sige po tiya.(bubuksan ang pinto at magugulat)

Roland: Nariyan ba si Inay?

Aneth: Ro-Roland? Ikaw pala, tuloy ka,pasok, pasok.Tiya!si Roland

po naririto!((pasigaw)

(aalalayan ni Narol ang ina papunta sa sala)

Narol: (iuupo ang ina) Kuya, kamusta na? Ang tagal mo ng hindi

nakadadalaw sa bahay ah. Kaya ka ba napasadya rito eh dahil

kaarawan ng pagkamatay ni itay ngayon?

Lita: Ang akala ko’y nakalimutan mo na ang iyong itay.

Roland: Sa katunayan po’y hindi iyon ang aking sadya inay.

Lita: Ha? Kung hindi ang kaarawan ng pagkamatay ng iyong itay ang

sinadya mo rito, eh ano?


Roland: Ahmm…hihingi po sana ako ng kaunting tulong ‘nay.

Lita: Ano iyon?

Roland: Si Lorna po kasi,kabuwanan na niya.Iyong ipon po naming

mag-asawa na gagastusin para sa kanyang panganganak

ay …ay.. nagastos ko.

Lita: Ano? Saan mo naman ginamit ang pera, ha? May kalokohan

ka bang ginawa?

Roland: Natalo pong lahat sa sabungan ’Nay.Sinubukan ko na

rin pong mangutang sa mga kapit-bahay ngunit hindi na

nila ako pinautangan dahil masyado ng mahaba ang

listahan ng aking utang sa kanila. Lumapit na rin po ako

sa mga kaibigan ko, pero gahol din po sila sa

pera.Nahihiya naman po akong humingi ng tulong sa

aking biyanan dahil sa nagawa ko.

Lita Ano ba naman ‘yan Roland! Hindi ka na natuto sa Tatay mo.

Alam mo namang na dahil sa sabong na iyan ay nakipagbasag-ulo

ang iyong Itay , kaya ‘yun namatay.


Roland: Alam ko po iyon ‘Nay. Parang awa na po ninyo.Sa pagkakataong

ito’y kayo na lang po ang malalapitan ko.

Lita: Ni hindi ka man lang nakaisip na dumalaw at mangamusta rito,

tapos ngayon lalapit -lapit ka dahil sa may kailangan ka.

Roland: ‘Nay patawarin po sana ninyo ako sa mga nagawa kong

pagkukulang. Gustuhin ko mang makadalaw ay hindi ko

magawa dahil sa sobrang kayod sa trabaho, lalo na ‘ho ngayong

magtatatlo na ang anak ko, kailangan ko pong magdoble kayod..

‘Nay babayaran ko na lang po kapag nakapag-ipon- ipon.

Lita Baka naman maisabong mo uli iyang ipon na sinasabi mo? Sana

kasi ay inisip mo muna ang iyong pamilya bago mo ginawa ang

bagay na iyon.Matanda ka na Roland at may responsibildad

ka .Isipin mo naman ang magiging kinabukasan ng mga anak mo,

hindi ‘yung nakukuha mo pang magsabong samantalang

naghihikahos pala kayo sa pera.

Roaland: Pasensya na po ‘Nay.(iiyak) Matatanggap ko naman po, dahil

kasalanan ko. Pero nagbabakasakali lang naman ako na ako’y

inyong matutulungan .Kung wala po’y ayos lang naman..Sige ho,

hindi na po ako magtatagal.


Lita: Teka…magkano ba ang kailangan mo?

Roland: Labinlimang libong piso po ‘nay.

Lita: Maghintay ka riyan at titingnan ko kung mayroon pang

natitirang pera sa aking baul.(tutungo kwarto at kukuha ng pera )

(iaabot ang pera kay Roland)

Roland: (biglang mapapahagulgol at mapapayakap sa kanyang ina)

Salamat ‘nay..maraming maraming salamat po..

Lita: Basta’t mangako kang hindi mo na isusugal ang perang ito dahil

ito’y mula pa sa pagod at pawis ko sa pananahi. Alagaan mo ang

iyong pamilya . Sana’y natuto kana sa iyong pagkakamali .

(Maya-maya’y sa paguusap ng dalawa ay may kumatok muli sa pinto

at pinagbuksan ito ni Roland )

Roland: Sandali lang (bubuksan ang pinto at bahagyang magugulat)

‘nay si Arnold narito!

Narol: (mapapangiti) Kuya narito karin ? Panigurado kung buhay

pa si itay ay tiyak na matutuwa iyon dahil kompleto tayo.


Lita: (mabibigla) Mabuti nama’y naisipan mong dumalaw ha?

Arnold magsabi ka nga ng totoo, totoo ba na nagtutulak ka ng

droga ?

Arnold: (malumanay ang boses)May pera ‘ho ba kayo riyan, ‘Nay?

Lita: Ang tanong ko ang sagutin mo! (pabulalas)

Arnold: Kailangan ko ng pera Inay, bibigyan ba ninyo ako o hindi? (pataas

ang boses)

Lita: (akmang hahampasin ng tungkod si Arnold)Walang hiya kang

bata ka! Aanhin mo naman ang pera, aber? Pambababae mo?

Pambili mo ng marijuana at kung ano- ano pang droga?

o baka pangsusugal mo rin gaya ng ginawa ng kapatid mo?

Arnold: Nay! Si Jr. po (biglang hahagulgol) ‘Nay si Jr…isinugod po sa

hospital, naghihingalo, duguan,

Lita: (nanginginig , nauutal) A-a..no bang nangyari? A..a..ang apo ko,

anong nangyari sa kanya?

Arnold: ‘Nay ang anak ko..hindi ko sinasadya. Patawarin po ninyo ako.


Lita: Saglit lang, aking titingnan kung may natitira pa ‘kong pera sa

aking baul.

(Matataranta si Lita at papasok sa kanyang kwarto, upang tingnan kung mayroon

pang natitirang pera sa kanyang asul na baul ngunit mabibigla ito sa makikita)

Lita: (bubuksan ang baul) Santisima! Iilan na lamang ang natitirang

pera sa aking baul, naibigay ko na nga pala ang halos lahat ng

ipon ko kay Roland.(tatawagin ang pamangkin) Aneth!Magligpit

ka ng mga gamit magmadali ka at tutungo tayo sa

hospital.Narol,bantayan mo ang bahay.

Narol: Opo ‘nay!

Aneth: (habang nagliligpit) Roland! Magtawag ka ng

traysikel sa kanto’t magmadali ka.

Roland: Sige po anti (tatakbo papalabas)


Sa hospital…

(Dali-daling bumaba mula sa sasakyan sina Lita, Roland ,Aneth at Arnold)

Lita: (tatakbo papuntang nurse station) Nurse, Arnold Magsaysay

Jr. po,saang room?

Nurse: (titignan ang mga list)Ahmm..kasalukuyang nasa ICU po,liko ho

po kayo sa may bandang kanan.

Lita: Maraming salamat po.

(Maya-maya’y lalabas ang doktor mula sa ICU)

Arnold: (Gulantang) Dok, kamusta po ang anak ko?

Doktor: (kalmado ang boses)Ginawa na po namin ang aming makakaya,

ngunit ikinalulungkot kong sabihin sa inyo, hindi na po siya

umabot. Masyado pong malakas ang pagkakabagok ng

kanyang ulo, at marami na rin pong nawalang dugo sa

kanya,resulta ng kanyang pagkamatay.


Arnold: (humahagulgol) Hindi totoo iyan! Buhay pa siya! Buhay pa ang

anak ko. (akmang kukuwelyuhan ang Doktor) Sabihin ninyo

magkano? Magkano ang kailangan ninyo? Ha?magkano!!!

Lita: (aawatin ang anak)Maghulos dili ka Arnold! Dok,

pagpasensyahan na po ninyo ang aking anak.

Doktor: Nauunawaan ko po ang inyong kalagayan. Sige, maiwan ko na ‘ho

kayo.

Lita: Salamat po.

(Hahagkan ni Lita ang anak na kanina pa humahagulgol sa iyak.Iaabot nito ang

perang kanyang kinuha sa kanyang baul kanina)

Lita: (iaabot) Pagpasensyahan mo na ito, ‘nak. Nangailangan din kasi

ng pera ang iyong mga kapatid, kaya’t heto na lamang ang

mailalaan ko sa iyo.

(Walang ano-ano’y dumating ang mga pulis at si Amy)

Pulis: (nakabaling kay Arnold) Magandang tanghali po, kayo po ba si

Arnold Magsaysay?
Lita: (Gulat at naguguluhan sa mga pangyayari) Siya nga po, ano

‘hong kailangan ninyo sa aking anak?

Pulis: Inaaresto po namin siya dahil sa paggamit ng ilegal na droga at

pagbebenta rin po ng mga ito. Nagsampa rin po ng kaso ang

kanyang asawang si Amy Malanan, dahil umano sa pambubugbog

sa kanya, nang gabing umuwi itong lasing at naka high na dahilan

din po ng pagkakabagok ng kanilang anak.

Lita: Amy? Totoo ba ang sinasabi nila?

Amy: (iiyak) Opo, ‘nay. Pasensya na po hindi ko na po kasi kaya ang

ginagawang pagpapahirap ng anak ninyo.Pati po ang

kaawa-awang si Jr. ko ay nadamay.

Arnold: ( magmamakaawa) Amy, parang awa mo na, huwag mong

gawin sa akin ito.Amy, patawarin mo ako hindi ko sinasadya

lasing lang ako noon.

Amy: Alam mo Arnold, matatanggap ko pa kung ako lang eh..kung ako

lang yung nasaktan.Kaya kong tiisin lahat ng iyon,pero pati anak

natin na si Arnold..walang kamalay-malay iyong bata!Pinatay

mo siya Arnold! Pinatay mo siya!


Lita: (halos mawalan ng hininga) Maria Santisima! Ano itong ginawa

mo Arnold?Hindi ka na nagbago! Dahil sa iyo’y nawala ang

anak mo!

Roland: (aalalayan ang ina)‘Nay, baka po atakehin kayo sa puso,huminga

ho muna kayo nang malalim.

Arnold: (mapapaluhod) Hindi ko po sinasadya ‘Nay..Nay! Hindi ko po

sinasadya, patawarin po ninyo ako.Ang kaawa-awa kong anak na si

Jr…anak patawarin mo ako, hindi ko sinasadya.

Lita: Tumayo ka riyan anak, tumingin ka sa akin.Anak, kailangan mong

pagbayaran ang nagawa mong kasalanan. Naiintindihan ko si Amy,

babae rin siyang katulad ko.Hindi mo dapat ginawa iyon sa

kanya, dahil para mo na rin akong sinaktan na iyong ina.Parang

awa mo na anak, sumuko ka na…alang-alang sa akin at sa iyong

pamilya.

Roland: (yayakapin ang kapatid) Kuya, tama si inay, sumuko ka na sa

kanila.Kami ng bahala sa lahat.Maaayos rin ang lahat ng ito.

Arnold: Salamat ‘tol…salamat ‘nay. Amy patawarin mo ako, mahal na

mahal kita.(poposasan ng mga pulis si Arnold )


Arnold: Saglit lang,sasama ako ng maayos,pero pwede ko bang makita ang

aking anak kahit sa huling pagkakataon lamang?

Pulis: Oh, sige.

Arnold: (iiyak) Jr. ‘nak, patawarin mo si tatay ah? Pasensya ka na dahil

napakawalang kwenta ng tatay mo. ‘nak kung naririnig mo si ‘tatay

ngayun, patawad.Mahal na mahal ko kayo ng nanay mo.

Pulis: O ano,tara na?

Arnold: Opo.

Roland: Dadalawin ka na lang namin kuya.Sige na.

Lita: Anak,Arnold. Mag-iingat ka roon, manalig ka lagi.

Arnold: Opo, ‘nay. Salamat po.Kayo na pong bahala kay Amy.Sige po.

(Mabilis na aalis ang mga pulis kasama si Arnold)

Roland: ‘nay gamitin na lang po muna ninyo itong perang hiniram ko sa

inyo. Mas kailangan po ninyo ito.

Lita: Hindi na anak, mas kailangan mo iyan. Siya nga pala, kailan ka

luluwas ng Maynila?
Roland: Ngayon na po sana ‘nay, kaso masyado ng gabi.Kaya

magpapalipas ho muna ako ng gabi sa atin.Tatawagan ko na lang

po sina Lorna sa bahay para kamustahain.

Lita: Abay, pag may oras kayo, ipasyal mo naman ang buong pamilya

mo rito sa probinsya.

Roland: Sige po ‘nay.

Aneth: Tiya, kumain ho muna tayo.Bumili ako ng mainit na pandesal at

inumin diyan sa tabing panaderia.(iaabot ang pandesal)

Lita: Maraming salamat ‘Ne

(sa kanilang pag-uusap ay darating ang isang nakaputing lalaki)

Lalaki: Kayo po ba si Ginang Lita Magsaysay?

Lita: Oo, ako nga.

Lalaki: Nasa morge na po ang katawan ng inyong apo, maghintay na

lamang po tayo ng dalawamput kalahating oras para po sa

pageemaembalsamo ng kanyang katawan.


Lita: (bahagyang mapapaluha) Sige po, maraming salamat.

Sa morge.…

Roland: Kaawa-awang pamangkin ko.Nag-iisa pa man ding anak ni kuya.

Lita: Oo nga.Ni hindi ko man lang lubos na nasaksihan ang paglaki ng

batang ito.Pero napakalambing at napakakulit na na bata nito

simula pa lamang noong siya’y tatlong taong gulang.Kamukha

niya ang kanyang lolo.

Roland: Kung nasaan man sila ngayon,nawa’y magkasama na sila

at masaya.

(Lalabas si Roland mula sa silid at mapapansin si Amy na kanina pa umiiyak

sa isang sulok simula pa kanina. Lalapitan nito si Amy..)

Roland: Bakit hindi ka pumasok sa loob?

Amy: (mapapahagulgol ) Hindi ko kayang tingnan ang kalagayan ng

anak ko Roland. Hindi ko kayang makitang isang malamig na

bangkay na lamang siya ngayon. Wala ng mas sasakit pa sa


pakiramdam ng isang ina ang mawalan ng isang anak.Ang

sakit Roland! Ang sakit sakit!

Roland: May dahilan ang lahat ng bagay kung bakit nangyayari ang mga ito

sa ating buhay. Kung ano man ang nagawa ni kuya, isa na ako sa

humihingi ng kapatawaran.Alam nating mali ang kanyang nagawa,

subalit tulad ko, tulad natin, siya’y tao lamang din.Sana’y sa

bandang huli ay mabigyan mo pa siya ng isang pagkakataon, Amy.

Amy: Sa ngayo’y hindi ko pa masasagot ang bagay na iyan, pero sana

dumating ang panahon na mahihilom ng panahon ang lahat ng

sakit at pighating aking nararamdaman sa ngayon.

Roland: Alam kong mahirap para sa iyo, pero minsan ang tanging lakas na

lamang na maaari nating baunin sa ating araw-araw na pakikiharap

sa mga pagsubok ay tiwala, pagpapatawad, pagmamahal at ang

lakas na nagmumula sa Kanya.

(lalabas si Lita mula sa morge )

Lita: Nariyan pala kayo.Amy, kumain ka na ba? May biniling mainit na

pandesal si Aneth..eto, kanin mo na.


Amy: Salamat po ‘nay.

Lita: Walang anuman iyan.

Roland: ‘Nay, ate Amy, maiwan ko ho muna kayo riyan.Magpapahangin

lang po ako saglit sa labas.

Lita: Sige lang. Siya nga pala Roland, umuwi ka saglit sa bahay at

tingnan mo si Narol .Walang kasama ang bunso mong

kapatid doon, mabuti sa na kung hindi babae.Sumaglit ka na rin ng

pagkain diyan sa may karinderya sa labas at paniguradong gutom

na iyon.

Roland: Sige po, ‘nay.

Sa bahay….

Roland: (kakatok) Narol! Narol! Ang kuya Roland mo ito.

Narol: Saglit lang po kuya! Nariyan na!

Roland: Kumain ka na ba?

Narol: Hindi pa po kuya.


Roland: Ho, eto.Pinabili ni Nanay kanina sa akin para sayo. Kumain ka

na.Babalik pa ako roon sa ospital mamaya, huwag mong

kakaligtaang isara at i-lock lahat ng pinto ah?

Narol: Opo kuya. Kamusta na po pala si Jr.?

Roland; Wala na si Jr. Narol. Sige na, aalis na ‘ko.Iyong bilin ko huwag

mong kakaligtaan ah!

Narol: (malungkot) Opo, kuya.

Sa pagsasara ng tabing ay makikita si Lita na nakaupo sa kanyang silya sa

tabi ng munting altar..nananangis, nagdadalamhati’t nagdarasal habang tangan-

tangan ang dalawang larawan na basang basa dahil sa pagkakapatak ng kanyang

mga luha.

Dahan dahan siyang magtitirik ng dalawang kulay puting kandila.Unti-unti

niyang ibababa ang mga larawan. Saglit na mauudlot ang kanyang pagdarasal

dahil kay Aneth..

Aneth: (pasigaw)Tiya! Tiya! Tumatawag po si Roland.

Lita: Oh, hello? Roland ‘nak kamusta na ang pamilya mo?


Roland: Ayos naman po ‘nay. Maraming salamat nga po pala sa pera na

ibinigay ninyo ‘nay.

Lita: Ano ka ba..wala iyon. Responsibilidad ko iyon bilang ina.Kahit

ano pang nagawa ninyong kamalian sa buhay ay tanggap ko, dahil

mga anak ko kayo at sa bandang huli’y ina pa rin ninyo ako.Siya

nga pala, kamusta ang iyong bunso?

Roland: Kamukha ko po ‘nay…lalaki rin.

Lita: Abay nadagdagan nanaman pala kung gayon ang lalaki ng ating

pamilya.Kailan kayo magbabakasyon rito?

Roland: Sa katunayan ‘nay.Nandito na po kami sa labas ng bahay.

(Bubuksan ni Aneth ang pinto)

Roland: Surprise! O, magmano kayo sa inyong lola Lita.

Lita: (maluha-luha ang mga mata)Pagpalain kayo ng Panginoon.Ang

lalaki na ninyo, kailan lamang nang gumagapang pa lamang kayo.

****

You might also like