Professional Documents
Culture Documents
Aling Pasing: Aba! Tingnan mo ang lalaking ito ay agang-aga! Akin na ang bayad mo at wala na
ang utang-utang ngayon!
Ka Marte: Ay oho! Are ga ah ang kuwarenta. (Iaabot ang kuwarenta pesos kay Aling Pasing)
Aling Pasing: Aba, Marte, wala nang kuwarenta ngay’on! Kulang ka pang baynte!
Joben: Magandang umaga, Aling Pasing! (Habang animo’y rumarampa at ikot na parang
modelo)
Ka Marte: Aba, ay ako, hindi mo babatiin? Ang batang are ah! Samahan mo akong tumagay
dine!
Joben: In your dreams po, Ka Marte! Lagot ka na naman sa asawa mo at jijinom ka na naman
there ha!
Joben: Ka Marte, stop ka na so much pls — Ate Tere?! (Masaya at dagling sinalubong ni Joben
si Teresa.)
Teresa: Joben! Ang laki mo na ah! Parang kailan lang ay natulo pa ang sipon mo! (Inakbayan ni
Teresa si Joben at ginulo ang buhok)
Pasing: Talaga nga naman, ang napakatapang at talino naming nene! Aba ay tay’ka, ano ba
ang sadya mo rito?
Teresa: Ayun nga ho, taga-rito pala ang pamilya ng kliyente ko, dine sa barong natin.
Teresa: Kaka, alam nyo naman ho kung bakit ko ito patuloy na ginagawa, hindi ba?
Pasing: Alam ko. May tiwala naman ako sa mga desisyon mo. Pero ang akin lang, mag-iingat
ka, ha?
Pasing: O’sya, Joben, samahan mo muna ang ate Tere mo sa pupuntahan nya. Baka mamaya
ay ligaw na yan dine sa mga sikot!
Habang nag-aayos siya ng paninda ay dumating na ang mga marites ng barangay Huwete,
habang nakasipit pa ang mga pitaka’t eko-bag sa kilikili.
Aling Pasing: Aba! Kayo na naman at talagang complete attendance na naman kayo ha!
Milet: Talagang ganyan ho ang buhay naming mga ilaw ng tahanan, kapag wala ang haligi, ay
maaari din naman kaming maging tainga ng chismisan, hindi ba’ga?
Hulyana: Tunay ka naman nga! Ay maiba ako, Aling Pasing. Sino ho ‘yung dalagang kadadaan
lamang dine? Dayo?
Aling Pasing: Ala, ay ikaw ang dayo rine! Ang batang iyon ay laki na sa barangay na ire. Si
Teresa. Pero huwag ka, at iyon ay abogada na!
Milet: Ang wari ko ay anak yan ng yumaong Tonyo, yung adik daw!
Aling Pasing: Ay sobra ka naman ah! Aba ang ina nyan, si Isay? Ay tuong ang talino din naman.
Nauwi kay Tonyo, aydi ayun at napadpad dine.
Ibyang: Aba marekoy, kung ako naman ay may anak na abogada ay aalis din naman ako sa
ganireng tapis tapis ang bubungan!
Aling Pasing: Hindi madali ang pinagdaanan ng pamilyang iyan, lalo na si Teresa. Talagang suot
sa karayom at kapos pa sa kapos. Pero tingnan mo naman ngay’on, abogada na ay pwede pa
pang Miss Yunibers!
Milet: Ay kaganda nga ho, ano. Pero Ka Pasing, ano nga ga ang ganap noon?
Aling Pasing: Ay sya ganire, kayo ay tumime muna rine’t magkape, nang kayo ay
makuwentuhan ko. (Naghain ng termos at paborita sa mesa)
(Focus sa stage)
Isay: Tere! Teresa! (Pagod na pagod si Isay mula sa trabahong panunulungan sa karinderya)
Batang Teresa: Bakit po, Ma? (Agad namang sinalubong ni Teresa ang kanyang ina sa pintuan
at kinuha ang bitbit na pang-ulam)
Isay: Ay sya sige. Makikisaing muna anak ha at yan uulamin natin. Ihanda ko lang ang labahin
bago pa makarating ang ama mo ha.
Isay: Aba, ikaw talagang bata ka. Lagi ka may sagot ah, abogada ka siguro paglaki, ano?
Batang Teresa: Ayoko nga nun, maiistres lang ako tapos magastos. Mag-aasawa na lang ako
ng Abogado! (Pabirong sambit ni Tere)
Isay: Aba! Loka ka talagang bata ka! Sige na, maghain na at marami pa din akong kukusuting
tubal.
(Hawak hawak na ni Isay ang planggana at papunta na sana sa labahan nang may mga taong
nagtatawag at paparating)
Nato: Mare! Are si Tonyo, ay napadami laang. Pasensya ka na ha. (Akay-akay ni Nato si
Tonyong suray-suray dahil sa alak, ngunit nasa huwisyo pa ng kaunti.)
Isay: Naku naman, Nato! Alam mo naman na hindi magandang nag-iinom si Tonyo eh! Pero
hala sige, salamat. (Nilapitan agad at kinulbit ni Isay si Tonyo)
Isay: Ang kapal naman ng mukha mo! Sino ba sa atin ang nagpapalamon dito, ha? Maghapon
ka ngang nasa labas, pero puro ka alak! Kung ‘yang iniaambag mo sa Gin eh iniaabot mo sa
akin nang may maisaing ang anak mo!
Tonyo: Huwag mo pakialaman kung paano ko gustong gastahin ang pera ko! Ikaw nga itong hila
sa saya ng mga traysikel drayber sa may karinderya! (Dinuduro-duro at tinutulak si Isay)
Isay: Hayop ka. Nagtatrabaho ako ng marangal. Pagsalitaan mo na ako ng masama pero hindi
ako de-hilang babae ng mga lalaking naghahanap ng raos!
Tonyo: Ang kapal ng mukha mong hayop ka! (Kamay ay nasa pisngi at lumabas ng bahay dahil
sa pagkahiya)
Isay: Anak, yung sa amin ng Papa mo, nagkakaaway kami pero mahal ka nya. Kaya pasensya
na anak at nadadamay ka sa gulo namin, kahit hindi naman dapat. Kung sana hindi kami
nagmadali agad, edi sana hindi mo nararanasan lahat ng ito.
Batang Teresa: Alam mo, Ma, kumain na muna tayo. Para di na natin maabutan pa si Papa
mamaya. Halika na, Ma. (Exit)
(Focus sa baba, kina Aling Pasing/Present Time. Curtain Down/Takluban ang stage ng tela)
Milet: Hindi naman natin masisisi si Isay, kagaya nga ng kwento ng Aling Pasing, mahal nga raw
ang mag-ina, masama lang pag nakakainom.
Aling Pasing: Sya kang totoo… Akin nang itutuloy ang kwento ha at are nama’y patapos na din.
Isay: Anak, Tere, napasobra ata ako kay Papa mo kanina. (Bakas dito ang pag-alala at
pagsisisi)
Batang Teresa: Ma, kalma ka lang po. Babalik din si Papa. Nabigla lang kayo pareho.
Isay: Hindi talaga ako mapakali eh. Teresa, dito ka lang ha. Hahanapin ko muna ang Papa mo.
Batang Teresa: Pero, Ma. Gabing gabi na po, masyadong delikado. Baka nakina Tito Nato lang
si Papa.
(Lalabas na sana si Isay dala-dala ang kanyang payong nang lumitaw sa kanyang harapan sina
Belen at Liza, ang kanyang mga kasamahan sa karinderya at kaibigan sa buhay.)
Isay: Oh, anong sadya ninyo? Gabi na. Pero palabas din ako ngayon. May problema ba?
(Hindi maitimpla ang ekspresyon nina Belen at Liza)
Isay: Ano? Ha, bakit? (Nag-aalala na ang boses nito bunsod ng kutob na may masama nang
nangyari ngunit ipinagdadasal sa loob-loob na sana ay mali ang kutob nito)
Liza: Isay… Si Pareng Tonyo… (Agad na napatunghay ang tingin ni Isay kay Liza)
Teresa: Ma…
Ibyang: Are namang si kumare ay hindi nakikinig kanina kay Milet, yumao nga raw! Ay di sa
malamang ay napatay nga!
Ibyang: Pero kung ako naman ay nararapat laang naman iyon kung ako ay ginagay’on ng aking
mister!
Aling Pasing: Aba hoy! Hindi pa tapos ang kwento at wala pa ang tutuo! Huwag kayong mga
palinis diyan ha.
Milet: Kung tama ako, ay yun din ang gabing iyon, diga ho, Kaka?
Aling Pasing: Oo, di naman inaasahan nung mag-ina. Grabe naman ang nangyaring iyon eh…
*La Pieta* Talong-kalong ni Isay ang bankay ng kanyang asawang si Tonyo, katabi ang plakard
na nagsasabing, “Pusher Ako”. Magp’play ang voiceover.
Mga Pulis: Tatawagan na lamang ho kayo ng aming team. Limang minuto ho, misis. (Exit)
Batang Teresa: (Luluhod katabi ng kanyang ina) Ma… (Aaluhin naman ni Isay ang kanyang
anak)
Milet: Pero kung kay Mang Tonyo, hindi ba’ga ay nararapat naman sa mga adik ang
kamatayan?
Teresa: Mawalang galang na po. Pero sa katotohanan ay hindi po adik si Papa. Oo, madalas
sya sa inuman, nag-aaway sila ni Mama noon, may pagkukulang sya sa akin, sa amin. Pero
mabait syang tao. Hindi po adik ang ama ko.
Teresa: Alam ko naman po na madali ang daloy ng impormasyon sa pahanon na ito at wala
namang masama doon. Ngunit sana ay huwag po kayong magpakalat ng hindi naman totoo.
‘Wag po nating dustain ang alaala ni Papa.
Aling Pasing: Totoo ang sinasabi ng bata. Kaya rin sya nag-abogada dahil sa nangyari sa
pamilya niya.
Teresa: Alam nyo ho, napakahirap po sa akin na mag-isip ng mga susunod na hakbang noon…
Kung ano ang gagawin ko o kung para saan nga ba ako. Kasi noong nawala ang Papa,
napakalaki ng pagsisisi ko at halos nawalan ako ng direksyon sa buhay. Hanggang sa
paunti-unti ay natutunan kong patawarin ang sarili ko, pero hindi sa mga gumawa no’n kay
Papa. Kaya heto ako ngayon, ginagawa ang trabaho bilang alagad ng batas, para sa mga
nilalamangan ng nakatataas, — sa mga na-frame-up lang, sa mga tinaniman, sa mga
pinagkaitan ng hustisya at buhay, para sa mga katulad namin.
(Hinimas ni Aling Pasing ang balikat ni Teresa kasama ng sinserong ngiti, pagpaparamdam ng
suporta. Tumayo si Teresa at pumunta sa gitna.)
Teresa: Ako si Teresa. Taga-huwete, rine sa barong na ito. Nasaksihan naman ninyo kung ano
ang nangyari sa amin. Ang aking ama ay nasakdal. Pero binaliktad sa amin ang katotohanan.
Isa lamang si Papa sa mga biktima ng baluktot na sistemang mayroon tayo. Binaboy nila ang
dignidad ng pamilya ko. Naligaw ako. Para na rin akong patay ng mga panahon na iyon. Pero
salamat sa gabay ni Mama, pinaalala kung saan kami nagsimula. Unti-unti ay tinulungan ko ang
sarili ko upang hanapin ang direksyon sa buhay, para saan nga ba ako? Para kanino ako?
Ako si Teresa, mag tatatlong taon na akong abogada, sinusubukang linisin ang sistema na
mayroon tayo. Sa mga nilamangan, sa mga biktima, para sa kanila ako. Para kay Papa.
WAKAS