You are on page 1of 3

Rizal in the Context of 19th Century Philippines Ni John Schumacher

Pagsusuring Papel

Sa pangalawang kabanata ng librong “The Making of a Nation: Essays on 19th Century


Filipino Nationalism” ni John Schumacher, na may pamagat na “Rizal in the Context of
Nineteenth-Century Philippines,” ipinaliwanag ni Schumacher ang importansya ng mga
pangyayari noong ikalabinsiyam na siglo sa paghubog ng pagkatao ni Rizal. Ayon sa kanya, sa
pamamagitan ng pag-aaral sa mga nagdaang pagbabago sa ekonomiya, pulitika, kultura, at
relihiyon ng Pilipinas na nakaimpluwensya sa paglago ni Rizal bilang isang nasyonalista at
nagkondisyon sa ebolusyon ng kanyang kaisipan, posibleng maunawaan siya nang lubusan. Sa
pag-unawa sa kapaligirang iyon, mababatid din ang patuloy na kahalagahan ni Rizal sa
bansang Pilipinas, sambayanang Pilipino, at ang kaugnayan ng kanyang mga ideya at mithiin
sa panahon natin ngayon. Sa tulong ng pangalawang kabanata ng librong ito,
mauunawaan ang mahahalagang pangyayari sa iba't ibang aspeto ng buhay ni Rizal at
kung paano ito nakaapekto sa kanyang buhay, pananaw, at naging pagkatao niya.

Unang ipinakita sa ikalawang kabanata ng librong ito ang naging mayabong na


kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas noong mga panahong iyon, salamat sa mga iniluluwas na
produktong pang-agrikultura. Dahil sa mabilis na pagtaas ng populasyon, ang mga produktong
pang-agrikultura mula sa Pilipinas ay higit na kinailangan — dahilan upang gumanda ang
ekonomiya ng bansa. Ang mga pamilyang may lupang sakahan sa Gitnang Luzon, Batangas,
mga bahagi ng rehiyon ng Bikol, Negros, Pariay, at mga prayle na nagmamay-ari ng malalaking
asyenda ng Bulacan, Laguna, at Cavite ang mga higit na nakinabang dito. Pero, bukod sa
kanila, isa rin ang mga inquilinos sa kumita. Lingid sa kaalaman ng ilan, sa pamamagitan ng
husay, pagtitipid, at pagsusumikap, naging maunlad na inquilinos ang pamilya Rizal. Sa tulong
ng panganay na anak na si Paciano, nakapagrenta sila ng halos 390 ektarya; hinati ni Don
Francisco ang mga lupain at ipinaupa ang mga ito sa mas mababang mga nangungupahan. Ito
ang nagbigay-daan sa pamilya na mamuhay ng maunlad at maginhawa, kaya nabigyan si Rizal
at ang iba pa niyang mga kapatid ng mas maraming oras at pagtuon sa edukasyon.
Gayunpaman, isa ang pamilya ni Rizal sa mga nakaranas ng pang-aabuso mula sa mga prayle.

Tuwing may magandang nangyayari sa ekonomiya ng isang bansa, madalas natin itong
ipinagpapasalamat sa gobyerno. Ngunit hindi ganito ang naging tingin ng may-akda, batid niya
na ang burukrasya ng Espanya ay puno ng korapsyon at katiwalian. Ang ilan sa mga
pagkukulang at iregularidad ng gobyerno ay ang mga sumusunod: (1) kawalan nito ng
kakayahan na magbigay ng mga pangunahing pangangailangan ng mga pampublikong gawain
at mga paaralan, maging ng kapayapaan at kaayusan; (2) ang paggamit ng Guardia Civil ng
kanilang puwersa para sa kanilang pansariling tubo; (3) ang mga buwis ay hindi kailanman
nakarating sa mga pampublikong gawaing kailangan para sa pag-unlad ng agrikultura; at (4)
ang mataas na taripa na pumilit sa mga pilipino na bumili ng mas mahal na mga produkto. Dahil
sa mga ito ay mas naging maliwanag na para sa karamihan na dapat nang tutulan ang
rehimeng ito. Ang sistema nito ay kapwa mapagsamantala at walang kakayahang magbigay ng
benepisyo sa bansa, naging dahilan upang mas lalong umigting ang kagustuhan ni Rizal na
umalsa sa laban sa mga espanyol. Ngunit hindi lamang siya ang nakaramdam nito, dahil sa
paglaganap ng edukasyon mula noong 1860, lumitaw ang ideya ng nasyonalismo sa mas
nakararaming pilipino.

Ang sistema ng edukasyon noong ika-19, sa ilalim ng kolonyal na pamumuno ng mga


Espanyol, ay unang idinisenyo upang pagsilbihan ang mga interes ng mga kolonyalistang ito.
Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, malaki ang naging papel ng sistema ng edukasyon sa
paglaban para sa kalayaan ng Pilipinas mula sa pang-aapi ng mga Espanyol. Ang ilang mga
Pilipino, kabilang si Jose Rizal, ay nagawang gamitin ang kanilang edukasyon upang
kwestyunin ang pagiging lehitimo ng pamahalaan at planong reporma ng mga ito. Sa kabilang
dako, ang mga akdang pampanitikan ni Rizal, partikular na ang mga nobelang "Noli Me
Tangere" at "El Filibusterismo," na isinulat sa wikang Espanyol, ay naglantad sa mga
kawalang-katarungan at pang-aapi ng kolonyal na rehimeng Espanyol. Binigyang-diin din ni
Padre Jose Burgos, isang paring Katoliko na pinatay ng mga espanyol dahil sa kanyang
nasyonalistang paniniwala, ang kahalagahan ng kasaysayan sa paghubog ng pambansang
kamalayan. Naniniwala siya na sa pamamagitan ng pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas,
mauunawaan ng mga Pilipino ang mga kawalang-katarungan at pagsasamantala ng mga
mananakop at, bilang bunga, magkakaroon sila ng kagustuhan na makalaya. Ang dalawa, Rizal
at Burgos, ay parehong naniniwala na ang pag-aaral ng kasaysayan, kultura, at kaugalian ng
mga pilipino ay kinakailangan upang magkaroon ng matibay na pambansang pagkakakilanlan
at kamalayan. Para sa kanila, ang kasaysayan ay nagbibigay ng pag-asa upang magpatuloy at
kumonekta sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap — isang mahalagang bahagi ng proseso ng
pagbuo ng isang maunlad na bansa.
Bukod sa mga pagbabago sa Politika, Ekonomiya, at Sosyo-Kultural na kalagayan ng
Pilipinas noong ikalabinsiyam na siglo, binigyang pansin din ang Relihiyon at ilang mga
mahahalagang pangyayari tungkol dito. Una, ang Katolisismo ang nangibabaw na relihiyon sa
Pilipinas sa panahong ito, at aktibong itinaguyod ng pamahalaang kolonyal ng Espanya ang
pananampalatayang Katoliko bilang paraan ng pagkontrol sa mga pilipino. Pangalawa, may
ilang makabuluhang relihiyosong kilusan at salungatan na naganap. Isa sa pinakamahalaga ay
ang Cavite Mutiny noong 1872, na nagsimula dahil sa pagbitay sa tatlong paring Pilipino na
inakusahang sangkot sa isang rebelyon laban sa kolonyal na paghahari ng Espanya. Ang
pagbitay sa mga pari ay nagbunsod ng alon ng nasyonalismo at anti-kolonyalismo, at nagdulot
din ito ng pagtaas ng anti-klerikalismo at sekularismo sa mga Pilipino na nagsimulang
magtanong sa tungkulin ng Simbahang Katoliko sa lipunan. At ang panghuli ay ang masalimuot
na relasyon sa relihiyon ni Jose Rizal. Siya ay pinalaki bilang isang Katoliko at tumanggap ng
kanyang edukasyon mula sa mga paaralang Katoliko, ngunit siya ay kritikal sa papel ng
Simbahang Katoliko sa lipunan ng Pilipinas. Sa kanyang mga nobela, Noli Me Tangere at El
Filibusterismo, inilantad ni Rizal ang mga katiwalian at pang-aabuso ng Simbahan at
nanawagan para sa reporma nito. Itinaguyod din ni Rizal ang isang mas liberal na pagtingin sa
relihiyon at naniniwala na ang tunay na pananampalataya ay dapat na nakabatay sa katwiran at
personal na paniniwala sa halip na bulag na pagsunod sa tradisyon at doktrina.

Sa pagtatapos ng kabanata, naging malinaw na kinilala ni Rizal ang mga pagbabago sa


lipunan sa Pilipinas, hindi lamang ang mga pagbabagong hatid ng mga espanyol kundi pati na
rin ng kapwa niya mga pilipino. Itinuring niyang hadlang sa kalayaan at pag-unlad ng bansang
Pilipinas ang mga prayle, kung kaya’t nilabanan niya ang mga ito sa mapayapa at hindi
marahas na paraan. Ngunit higit sa lahat, ang pagnanais niya na maging malaya ang kanyang
bansa, malaya sa mga malulupit sa loob at labas ng bansa, isang bansa kung saan walang mga
diktador dahil ang mga mamamayan ng Pilipinas ay hindi na kailanman magpapasakop at
magpapaalipin. Ang pananaw na ito ang nagtulak sa kanya upang pangunahan ang kilusang
nasyonalista noong kanyang panahon at, dahil doon, itinatag siya bilang pangunahing puwersa
sa likod ng Rebolusyon.

You might also like