You are on page 1of 23

1

KABANATA I

Introduksiyon

Sa usaping pundasyon ng edukasyon, hindi maitatangging nagtataglay na ng isa sa

mahalagang makrong kasanayan ang karamihan sa mga mag-aaral sa sekondarya, ito ay

ang pagbasa. Gayunpaman, isang malaking katanungan kung ang mga mag-aaral ay

nakababasa nang may pag-unawa. Anuman ang maging layunin ng tao sa kaniyang

pagbabasa, ang mahalaga ay makuha o maunawaan niya ang esensya o kahalagahan nito

sa kaniyang buhay.

Benepisyal ang magkaroon ang isang tao ng kasanayang pagbasang may pag-unawa.

Ito ay isang komplikadong interaksiyon mula sa awtomatiko, estratehiko at kognitibong

proseso na nagpapagana sa mambabasa upang makalikha ng isang mental na

representasyon ng isang teksto, (Espin, 2012). Ito ang nagsisilbing susi upang mabuksan

ang pinto ng kaalaman sa maraming bagay sa mundo at malaki ang ambag nito sa pag-

unlad ng isang tao hindi lamang sa kaniyang mental na aspekto kun’di pati na rin sa pisikal,

emosyonal at maging ispirituwal na kamalayan ng isang tao.

Kung susuriin ang estado ng bansa sa pagbasa, pinakamababa sa 79 bansa ang

nakuhang marka ng mga Filipinong mag-aaral sa reading comprehension o pag-intindi sa

binabasa, base sa resulta ng isang assessment na isinagawa ng Organisation for Economic

Cooperation and Development (OECD) ayon sa ABS-CBN news, sa panulat ni Lacuata

(2018). Idagdag pa rito ang isinagawang 2015 Functional Literacy Survey ng National

Statistics Office, kung saan may siyam na milyon ang hindi nakababasa o kung nakababasa
2

man ay hindi nauunawaan, mula ito sa edad na sampu hanggang animnapu’t apat na may

kabuuang limampu’t walong (58) milyong katao.

Nagsagawa ng hakbang ang Kagawaran ng Edukasyon upang tulungan ang mga mag-

aaral sa pagbabasa sa pamamagitan ng pagpapaigting ng kampanyang, “Hamon: Bawat

Bata, Bumabasa” mula pa noong 2019 hanggang sa kasalukuyan. Inatasang gawing

priyoridad ng bawat paaralan na matulungan ang mga mag-aaral na paunlarin ang kanilang

kasanayan sa pagbasa gamit ang iba’t ibang uri ng interbensyon. Kaakibat nito ang

pagdaraos ng Pambansang Buwan at Araw ng Pagbasa tuwing Nobyembre na may temang

“Bawat Bata, Bumabasa sa Kabila ng Hamon ng Pandemya”. Ilan sa mga aktibidad na

nakapaloob sa programa ay Mystery Readers, Dugtungang Pagbasa, Reading Cup, Reading

Challenge, Reading Family, at Araw ng Pagbasa Challenge.

Sa isinagawang programang may kinalaman sa pagtatasa sa pagbasa ng mga mag-aaral

sa Eduardo L. Joson Memorial High School (ELJMHS) sa bayan ng Quezon, lalawigan ng

Nueva Ecija sa taong-panuruang 2019-2020, lumabas sa pagtataya ng mga guro sa Filipino

na 48% ng mga mag-aaral sa ikawalong baitang ang nakababasa nang maayos subalit

nangangailangan pa ng pag-unlad sa pag-unawa. Isinagawa ito sa pamamagitan ng oral at

tahimik na pagbasang sinusundan ng mga katanungang literal, interpretasyon, kritikal at

mapanuri, at malikhaing pagbasa. Sa pagtatapos ng taon, marami pa ring mga mag-aaral

ang hindi gaanong makaunawa sa tekstong binasa na naging resulta ng mababang iskor sa

mga panahunang pagsusulit.

Maraming maaaring hadlang sa pagkamit ng mataas na antas ng pag-unawa ng isang

mag-aaral. Isa na rito ang mabilis na pagkawala ng interes sa pagbabasa ng mga akdang

pampanitikan. Tinawag itong aliteracy, kung saan ang tao’y may kakayahang bumasa
3

subalit walang interes na gawin ito (Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, Tenth

Edition).

Isa sa nakakukuha ng interes ng mga mag-aaral ang pagkalulong sa internet tulad at

social media lalo na ang paglalaro ng iba’t ibang online games gaya ng Mobile Legends:

Bang Bang. Sa taong 2021 tumuntong sa 100 milyong Pilipino ang nag-download at

nagrehistro sa MLBB samantala, 25 milyon naman ang aktibong gumagamit nito kada-

buwan (Rossel, 2021). Ayon sa pag-aaral ni Go, na may titulong “Dahilan ng Mababang

Reading Comprehension ng mga Mag-aaral”, lumabas na isa ang pagkakalulong sa internet

at online games sa dahilan kung bakit nawawalan ng interes sa pagbabasa ang mga mag-

aaral. Dahil dito, hindi nahahasa ang isipan ng mag-aaral na nagiging sanhi ng pagkakaroon

ng limitadong bokabolaryo kaya’t hirap umunawa sa mga komplikadong babasahin.

Kung kaya’t pangunahing layunin ng pag-aaral na ito na bumuo, magpakilala at

sumubok ng isang dulog na gamification na isasagawa sa pamamagitan ng educational

software na bibigyan ng titulong “Reading Legends” kung saan ang paraan ng pagbabasa

at nilalaman ng software ay kinapapalooban ng mekaniks, disenyo, elemento at ilang

terminolohiya ng isang partikular na online game, ang MLBB o Mobile Legends:Bang

Bang particular na ang pagbibigay ng mga badge, pagkakaroon ng mga ranggo na may

mga katumbas na gantimpala, pagpapakita ng leaderboard, pagbibigay ng feedback at

pakikipagtunggali ng mga pangkat. Ang mga pagsasanay na nakapaloob sa kagamitan ay

may kinalaman sa pagkamit ng apat na antas ng pag-unawa ayon kay Smith (1969), ang

pag-unawang literal, interpretasyon, kritikal at malikhain. Layunin nitong makatulong sa

mga guro at mag-aaral sa ikasiyam na baitang sa pagkakaroon ng interes at motibasyon sa

pagbasa tungo sa pagtaas ng antas ng kanilang pag-unawa.


4

Ang mga makabago at umuusbong na paradigma ukol sa pagtuturo na pinalakas ng

paggamit ng ICT ay patuloy na lumilikha ng bagong mukha ng pagtuturo sa tulong ng

integrasyon ng teknolohiya. Isa sa pinakamainam na halimbawa nito ay ang konsepto ng

Gamification. Isang malaking bentahe kung ang paggamit ng estratehiyang Gamified

Learning at Gamification sa kasalukuyang sitwasyon o maging sa hinaharap upang

mapanatili ang sigla ng mga mag-aaral hindi lamang sa pag-aaral kundi maging sa

pagbabasa sa kabilang banda, nahahasa ang kanilang kasanayan upang maunawaan ang

binabasa sapagkat ang mga mag-aaral sa kasalukuyan ay maituturing na digital natives

sapagkat sila’y namulat na sa panahon ng pag-usbong ng iba’t ibang teknolohiya.

Nang mailunsad ang Gamification sa larangan ng edukasyon, nagsimula nang

manawagan sa mga guro na gamitin ang nasabing dulog sa loob ng silid-aralan. Malaki ang

magagawa nito sa patuloy na pagpapasigla ng edukasyon sa pamamagitan ng paglikha ng

bagong mukhang may saya, malikhain at makabuluhang pagtuturo at pagkatuto.

Paglalahad ng Suliranin ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay may layuning sukatin ang kabisaan Gamification Approach

sa pagpapaunlad ng kasanayan sa pagbasang may pag-unawa ng ng mga mag-aaral sa

ikasiyam na grado na sasagot sa mga sumusunod na katanungan:

1) Ano ang antas ng kasanayan sa pagbasang may pag-unawa ng mga mag-aaral sa

ikasiyam na grado bago at matapos ang interbensyon batay sa:

1.1) pag-unawang literal?

1.2) interpretasyon?

1.3) kritikal at mapanuring pagbasa?


5

1.4) malikhaing pagbasa?

2) Anong interbensyon ang maimumungkahing gamitin para sa pagtaas ng antas ng

kasanayan sa pagbasang may pag-unawa ng mga mag-aaral sa ikasiyam na grado?

3) Ano ang naging kalakasan at kahinaan ng kagamitang pang-interbensyong naglalaman

ng Gamification Approach?

4) Papaano tutukuyin ang kabisaan ng nabuong interbensyon ayon sa eksperimental at

kontroladong pangkat matapos ang interbensyon?

5) Ano ang implikasyon ng mga natuklasan ng pag-aaral sa pagtuturo ng pagbasa sa

asignaturang Filipino 9?

Mungkahing Palagay

1. Walang makabuluhang kaibahan ang antas ng pag-unawa ng mga mag-aaral bago at

matapos isagawa ang interbensyong ginamitan ng Gamification Approach batay sa pag-

unawang literal, interpretasyon, kritikal at mapanuri at malikhaing pagbasa.

Kahalagahan ng Pag-aaral

Sa pabasang may pag-unawa nakasalalay ang pagkamit ng mas mataas na antas ng

pagkatuto ng mga mag-aaral. Kung walang matibay na pundasyon at mga estratehiyang

tutulong sa mag-aaral ay maaaring magdulot ng kahirapan sa pagkatuto sa pagbabasa nang

may pag-unawa lalo’t higit sa kabuuan ng kanilang pag-aaral. Sa tulong ng mga

makabagong estratehiya maaaring makapagbigay ng kontribusyon sa mga sumusunod:


6

Sa mga Mag-aaral, ang kasanayang kanilang makakamit ay makatutulong upang

sila’y makatuklas ng mga bago at makabuluhang bagay, matuto nang mag-isa at

magsagawa ng sariling pananaliksik sa mga bagay-bagay. Sa pamamagitan ng pagbasang

may pag-unawa, uunlad ang kanilang isipan, imahinasyon at malikhaing pag-iisip.

Magdudulot ito ng paglago ng kanilang bokabularyo at pagbabaybay maging ang

kasanayan sa pakikipagkomunikasyon.

Sa mga Guro ng Asignatura, makatutulong ang pananaliksik na ito upang

magbigay ng karagdagang estratehiya at pamamaraan sa mga guro sa paraang nakaangkla

sa interes at kakayahan ng bata sa kasalukuyan. Makatutulong ito sa problema ng mga guro

pagdating sa pagkuha ng atensyon ng mga mag-aaral sapagkat ang estratehiyang ginamit

ay nakabatay sa napapanahong online game na kinahuhumalingan ng mga kabataan.

Makakatulong din sa kanila upang makalikha ng mga bagong estratehiya upang mas lalong

maging epektibo ang pagtuturo ng Filipino.

Sa mga Magulang, makatutulong ang pananaliksik na ito upang mabigyang-

kaalaman ang mga magulang sa kalagayan ng kanilang mga anak pagdating sa pagbabasa

at pag-unawa. Sa pamamagitan nito, masusubaybayan ng mga magulang ang kanilang anak

tungo sa pagpapaunlad ng kasanayan sa sa pagbabasang may pag-unawa.


7

Sa mga Administrador, gawing huwaran ang paggamit ng ganitong uri ng

estratehiya sa pagpapaunlad ng pag-aaral upang bigyan ng halaga ang kontribusyon at

kaparaanan sa pagtamo ng edukasyong minimithi.

Sa Susunod na Mananaliksik, maaaring sumalamin ang mga mananaliksik base

sa naging konklusyon ng pag-aaral. Maaari nilang magamit ang kahinaan ng pananaliksik

bilang kanilang kalakasan sa kanilang gagawing pananaliksik at upang mapataas ang

baliditi ng kanilang pag-aaral.

Saklaw at Delimitasyon ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay limitado lamang sa pagpapaunlad ng antas ng kasanayan sa

pagbasang may pag-unawa ng mga mag-aaral sa siyam na grado ng Eduardo L. Joson

Memorial High School S.Y. 2020-2021 gamit ang pamamaraang Reading Legends:

Gamification Approach.

Nakatuon ito sa pagsusuri sa antas ng komprehensyon ng mga mag-aaral bago at

matapos gamitin ang Gamification Approach batay sa pag-unawang literal, interpretasyon,

kritikal mapanuring pagbasa at malikhaing pagbasa. Layon ding tukuyin ang kabisaan,

kalakasan at kahinaan ng kagamitang pang-interbensyon at ang implikasyon ng mga

natuklasan ng pag-aaral sa pagtuturo ng pagbasa sa asignaturang Filipino 9.

Nililimitahan ang pag-aaral na ito sa animnapung (60) mga mag-aaral lamang mula sa

ikasiyam na may mababang iskor sa isinagawang pagtatasa sa pagbasa (Phil-IRI) para sa

antas ng pagbasang may pag-unawa sa nakaraang taong-panuruan 2020-2021. Gagamitin

ang purposive sampling sa pagpili ng magiging kalahok upang mabuo ang eksperimental
8

at kontroladong pangkat na may tigtatlumpung (30) mag-aaral at isasagawa ng dalawang

guro sa Filipino-9.

Rebyu ng mga Kaugnay na Literatura at Pag-aaral

Katuturan ng Pagbasa at Pag-unawa

Maituturing na walang saysay ang mabilis na pagbasa kung walang ganap na pag-

unawa sa kaniyang binasa. Ito ang nagsisilbing pangunahing kasangkapan sa pagtuklas ng

karunungan mula sa pinakapayak patungo sa pinakakomplikadong impormasyong

maaaring matamo galing sa iba’t ibang babasahin.

Ayon kay Baltazar (2017), ang pagbasa ay kasangkapan sa pagkatuto ng mga kabatiran

ukol sa iba’t ibang larangan ng pamumuhay. Sa katunayan, 90% sa napag-aralan ng tao ay

mula sa kaniyang karanasan sa pagbasa.

Ngunit hindi lamang sapat na marinig ang tamang pagkakabigkas ng mga mag-aaral

sa mga titik at mga salitang ipinababasa sa kanila kundi mahalaga rin ang pag-unawa sa

kahulugan at mensaheng hatid ng mga katagang kanilang binasa. Sa ibang salita,

nangangailangan ng komprehensyon (Ravago, 2018).

Kinumpirma ng pag-aaral nina Akbash at Sahin (2016), ang importansya ng

maunawang pagbasa sapagkat kanilang inalam ang epekto ng komprehensyon ng mag-

aaral sa kanilang performans sa dalawang asignatura na may titulong “The Effect of

Reading Comprehension on the Performance in Science and Mathematics”. Napatunayang


9

mayroong ugnayan sa pagitan ng komprehensyon at performance ng mga mag-aaral sa

klase. Indikasyon ito na ang pagkakaroon ng mababang antas ng komprehensyon ay

maaring magresulta ng negatibong epekto sa pag-aaral ng agham at matematika.

Sumasang-ayon dito ang pananaliksik nina Aclan et. Al (2019) na nagpatunay na ang

mababang antas ng komprehensyon ng mga mag-aaral ay may kinalaman sa mababang

akademikong performans samantala, ang pagkakaroon ng mataas na lebel ng pag-unawa

ay may kinalaman sa pagkamit ng mataas na akademikong performans ng mga mag-aaral

sa Senior High School sa Nasugbu East Central School.

Mga Salik na may Kinalaman sa Suliranin sa Pagbasang may Pag-unawa

Nakababahala para sa kalidad ng edukasyon ng bansa ang maraming bilang ng mga

mag-aaral na nangangailangan ng atensyon sa pag-unlad ng komprehensyon. Isang

malaking hamon ito para sa edukasyon sapagkat ang pagbasa ay isang napakahalagang

kasanayang maglalantad sa maraming kaalaman sa mundo at mag-uugnay sa iba pang

makrong kasanayang maaaring matamo.

Ayon rin sa resulta ng PISA 2018, 1 sa 4 na mag-aaral ang nahihirapan sa iba't ibang

aspeto ng pagbabasa, katulad ng pagkuha sa pangunahing ideya ng binabasa, maging ang

pagdudgtong sa mga impormasyong kanilang nakukuha mula sa kanilang binabasa.

Lumabas din na karamihan sa mga mag-aaral ang mas may kakayahang makahanap

ng impormasyon (locating information) kaysa maintindihan ito. Kabilang ang mga bansang

Pilipinas, Brunei Darussalam, Ireland, Malaysia, Malta at the Netherlands sa may ganitong

resulta sa pagsusulit.
10

Ilan sa mga salik na nakaaapekto sa hindi pagtaas ng antas ng komprehensyon ng

mga mag-aaral ay napatunayan mula sa pag-aaral ni Francisco at Sanford (2015), kung

saan ang indibidwal na pagkakaiba ay natukoy bilang mga salik na nakaiimpluwensya sa

pagpapaunlad ng komprehensyon. Ilan sa mga ito ay ang motibasyon, learning style,

personalidad at edad ng isang mag-aaral.

Sa kabilang banda, ang pananaliksik ni Iqbal (2015), ay naging partikular sa

pagtukoy ng iba’t ibang salik na nakaaapekto sa mahinang komprehensyon ng mag-aaral

gaya ng limitadong bokabularyo, cramming at kawalan ng interes ng ang tanging layunin

ay maipasa lamang ang pagsusulit. May kaugnayan dito ang pag aaral ni Fitria (2019)

maging ang pag-aaral nina Santos et. Al (2018), na nagsabing may makabuluhang ugnayan

sa pagitan ng interes sa pagbasa at pag-unawa sa binabasa. Nangangahulugan ito na ang

interes sa pagbabasa ay isa sa mga salik na nakakaapekto sa pag-unawa sa pagbasa.

Napatunayan naman sa pananaliksik ni Llorico (2019), na ang napakahabang teksto

ay nakakapagpapabagot sa mga mag-aaral, kaya ang mga ito ay nakakaranas ng mga

kahirapan pag-unawa ng konsepto ng teksto. Ito rin ang dahilan kung bakit binabasa nila

ito nang paulit-ulit. Samantala, ayon sa pag-aaral na isinagawa ni Patricio (2018),

pinakamabigat na dahilan ng mababang Reading Comprehension ay ang mababang

bokabularyo ng mag-aaral kung kaya’t may mga salitang hindi maunawaang lubusan ng

mambabasa kung kaya’y makaka-apekto rin ito sa pag-unawa sa buong tekstong binasa.

Malaking bagay ang pagsasaalang-alang sa interes at kakayahan ng mga mag-aaral

sa pagpapaunlad ng nasabing kasanayan. Isang malaking hamon para sa mga guro ang

pagbuo ng mga estratehiya’t pamamaraang makakukuha ng interes at magbibigay ng

motibasyon sa mga mag-aaral upang seryosohin ang pag-unawa sa binabasa.


11

Inilahad naman sa akda ni Sanchez (2017) na may pamagat na “Pagbasang may Pang-

unawa o Reading Comprehension”. Binigyang-diin niya na sa kasalukuyang panahon, ang

pangunahing tungkulin ng mga guro sa wika ay mapaunlad ang kasanayan ng mga mag-

aaral sa pag-unawa sa pagbasa o reading comprehension.

Implikasyon ng mga Pamamaraan at Estratehiya sa Antas ng Pag-unawa

Dahil sa suliraning ito ng edukasyon, marami ng estratehiya, pamamaraan at dulog ang

binuo ng iba’t ibang dalubhasa, gayundin ng mga guro upang magamit sa silid-aralan at

matulungan ang kanilang mga mag-aaral na mapataas ang antas ng komprehensyon.

Kapuwa gumamit kani-kaniyang estratehiya ang mga mananaliksik na si Kucukoglu

(2012), sa kaniyang pag-aaral na tungkol sa “Effective Reading Skills Through Effective

Reading Strategies”, gayundin sina McKown at Barnett (2012), na gumamit naman ng

estratehiyang nakapokus sa Higher Order Thinking Skills o HOTS. Parehong

napatunayang ang paggamit ng nasabing mga estratehiya ay may positibong impak sa pag-

unlad ng komprehensyon ng mga mag-aaral.

Samantala, sa pag-aaral naman ni Ballou (2012), na may pamagat na “Using Explicit

Strategy Instruction to Improve Reading Comprehension”, lumabas sa pag-aaral na hindi

nagkaroon ng pagbabago sa antas ng komprehensyon ng mga mag-aaral.

Iba’t ibang pamamaraan naman ang ginamit sa pag-aaral nina Perez (2019) na ginamit

ang pamamaraang sama-samang pagkatuto at ang pag-aaral nina Calibayan at Gasang

(2019) na gumamit naman ng Instrumental OPM habang nagpapabasa nang tahimik. Base
12

sa resulta nagbigay ang mga mananaliksik ng konklusiyon na nagsasabing nakatulong ang

pamamaraang kanilang ginamit sa pagkatuto sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga mag-

aaral sa pagbasang may pag-unawa.

Bumuo naman ng makabagong estratehiya sina Laurente, et. al (2014), sa kanilang

pag-aaral na tinawag na “Gallery Walk Human Approach”. Lumabas na ang lebel ng

kakayahan ng mga mag-aaral sa pretest ay “Katamtaman ang Husay” samantalang “

Mahusay” naman sa posttest. Ang resultang ito ay nagsasad na may epekto sa pag-unlad

ng lebel ng kakayahan ng mga mag-aaral sa pag-unawa sa pagbasa ng kwento.

Samantala, isang dulog naman ang ginamit nina Rivera at Collado (2019) na may

paksang “Dulog Suggestopedia at Antas ng Komprehensyon sa Pagbasa ng mga Mag-aaral

sa Ika-11 Baitang ng Coronadal National Comprehensive High School”. Ang kaibahan ng

mean gain scores ay mataas kaysa sa inaasahan, nangangahulugan ito na may kapansin-

pansing pag-angat sa komprehensyon pabor sa eksperimental na pangkat. Ibig sabihin nito

ay may pagkakaiba ang pagkatuto sa pagtuturong ginamitan ng interbensyon kumpara sa

hindi ginamitan. Dahil dito masasabing naging mas epektibo ang paggamit ng dulog

Suggestopedia sa pagpapaunlad ng komprehensyon ng mga mag-aaral.

Ipinakikita ng iba’t ibang pag-aaral na ito ang implikasyon sa kasalukuyang pag-aaral

at kung paanong ang mga susunod na mananaliksik ay bubuo at susubok ng isang

makabagong estratehiya para sa mas malawak na pag-aaral at pag-unlad ng kasanayan sa

pagbasang may pag-unawa mula sa mga tekstong binasa.


13

Integrasyon ng Gamification sa Pagtuturo Bilang Motibasyon

Binigyang-kahulugan ni Kapp (2012) ang gamification bilang paggamit ng mga

mekaniks, estetika at iba pang elemento ng laro upang maaliw ang mga tao, magdulot ng

pagkilos, makapagsakatuparan ng pagkatuto at makapagbigay-solusyon sa mga problema.

Bagama’t hango ang konsepto sa iba’t ibang anyo ng laro, ang gamification ay ginagamit

sa konteksto ng pagtuturo at pagkatuto.

Ayon sa artikulo ni Lagarta (2014) na pinamagatang “The Gamification of Education:

Why Playing is the future of Learning?”, mas kapakipakinabang sa mga mag-aaral ang

gamification o paggamit ng iba’t ibang game mechanics sa pagtuturo kaysa sa tradisyunal

na pamamaraan ng pagtuturo. Sa pamamagitan ng mga game mechanics na ito, mas

nakawiwili, nakakagana, kakaiba at nakatutuwa ang talakayan para sa mga mag-aaral.

Pinatunayan ito ng pag-aaral nina Mohamad at Sazali (2018), na may titulong

“Gamification Approach in Education to Increase Learning Engagement”, ayon sa resulta

ipinakitang mas gusto ng karamihan sa mga respondente na makakuha ng mga reward sa

panahon ng proseso ng pag-aaral, kasunod naman nito ang antas, avatar, at mga puntos na

maaaring makamit at magamit ng mag-aaral na nagbibigay interes sa mag-aaral. Kaugnay

nito ang pag-aaral ni Cheng (2014), na may paksang “A Mobile Gamification Learning

System for Improving the Learning Motivation and Achievements” Mula sa mga resulta ng

pre-at post-test lumabas na ang pagsasanib ng mga mobile at gamification technology sa

isang botanikal na proseso ng pag-aaral ay maaaring magkamit ng mas mataas na

performans sa pag-aaral at mas mataas na antas ng motibasyon kaysa sa tradisyonal na

pagtuturo. Dagdag pa, inihayag nila na nagkaroon ng positibong ugnayan sa pagitan ng

pagkatuto at motibasyon ng mga mag-aaral.


14

Samantala, sinaliksik naman nina Smiderle et. Al (2020), ang dulot ng gamification sa

sa pag-aaral, pag-uugali, at pakikipag-ugnayan ng mga mag-aaral batay sa kanilang mga

gawi sa pag-aaral na batay sa web. . Napatunayan sa kanilang pag-aaral na ang gamification

ay nakakaapekto sa mga gumagamit batay sa kanilang pag-uugali, gawi at pagkatao.

Ipinahiwatig ng mga resulta na ang epekto ng gamification ay nakasalalay sa mga tukoy

na katangian ng mga gumagamit.

Sa kasalukuyang pag-aaral nais pagsanibin ng mananaliksik ang gamification at

pagbabasang may pag-unawa sa pamamagitan ng isang software application na maaaring

gamitin sa distance learning man o maging face-to-face classes. Ito ay dahil sa hindi

natatapos na suliranin sa pag-unawa sa binasa dahil sa kawalan ng interes.


15

Konseptwal na Balangkas

Input Proseso Awtput


Ang pag-aaral na ito ay may -Pagbibigay ng paunang - Kabisaan ng kagamitang
layuning sukatin ang kabisaan pagsusulit. panginterbensyong
Gamification Approach sa naglalaman ng
pagpapaunlad ng kasanayan sa -Paghahati sa dalawang Gamification Approach
pagbasang may pag-unawa ng pangkat, ang eksperimental
at kontroladong pangkat. -Pag-unlad ng antas ng
ng mga mag-aaral sa ikasiyam na
grado na sasagot sa mga kakayahan sa pagbasang
-Implementasyon ng may pag-unawa matapos
sumusunod na katanungan: Estratehiya. ang interbensyon
1.Ano ang antas ng
komprehensyon ng mga mag- -Pagbibigay ng Pangwakas -Implikasyon ng pag-aaral
aaral bago gamitin ang reading na Pagsusulit sa pagtuturo ng pagbasa
legends bilang isang estratehiya sa Filipino 9.
sa pagbasa batay sa paunang
pagsusulit sa sumusunod:
1.1. Pag-unawang Literal
1.2. Interpretasyon
1.3. Kritikal at Mapanuring
Pagbasa
1.4. Malikhaing Pagbasa
2) Anong interbensyon ang
maimumungkahing gamitin
para sa pagtaas ng antas ng
kasanayan sa pagbasang may
pag-unawa ng mga mag-aaral
sa ikasiyam na grado?
3) Ano ang naging kalakasan
at kahinaan ng kagamitang
pang-interbensyong
naglalaman ng Gamification
Approach?
4) Papaano tutukuyin ang
kabisaan ng nabuong
interbensyon ayon sa
eksperimental at
kontroladong pangkat
matapos ang interbensyon?

Figyur 1
Iskima ng Paradima ng Pag-aaral
16

Ang balangkas ng pag-aaral na ito ay nagsasaad ng mga proseso ng pananaliksik at

mga varyabol na gagamitin sa pag-aaral. Ito ang magsisilbing gabay ng mananaliksik mula

sa pagkokonsepto hanggang sa pagbuo ng kongklusyon at mga rekomendasyon. Ang pag-

aaral na ito ay nakatuon sa isang makabagong kagamitan tungo sa pag-unlad ng lebel ng

kakayahan sa pagbasang may pag-unawa ng mga mag-aaral sa ikasiyam na grado. Ang

pag-aaral na ito ay gumamit ng input-process-output na modelo. Ang magiging bunga ng

pag-aaral ay may kinalaman sa epekto ng estratehiya sa lebel ng kakayahan sa pagbasang

may pag-unawa ng mga mag-aaral na siyang gagawing batayan sa pagbibigay ng

rekomendasyong mas lalo pang magpapaunlad sa komprehensyon ng mga mag-aaral.

Makikita sa Pigyur 1 ang Paradim ng isinagawang pag-aaral. Ang input na nasa unang

kahon ay naglalaman ng mga suliranin ng pag-aaral.

Sa ikalawang kahon makikita ang prosesong naglalaman ng sunod-sunod na hakbang

na isinagawa upang makalap ang mga datos kabilang na ang pagbibigay ng paunang

pagsusulit (pre-test), paghahati sa dalawang pangkat, ang eksperimental at kontrolado,

pagsasagawa ng estratehiya, pagbibigay ng pangwakas na pagsusulit at pagpapasagot ng

talatanungan.

Ang ikatlong kahon ay ang awtput na naglalaman ng kinalabasan ng interbensyon, ang

maaaring pagtaas ng antas ng komprehensyon pagkatapos maisagawa ang estratehiya at

ang kabisaan ng nasabing estratehiya sa pag-unlad ng kakayahan sa pagbasang may pag-

unawa ng mga mag-aaral at ang ng implikasyon ng pag-aaral sa pagtuturo ng pagbasa sa

Filipino 9.
17

KABANATA II

Metodolohiya at Pinagmulan ng mga Datos

Sa kabanatang ito nakapaloob ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa

proseso ng pagbuo at paggawa ng plano ng pananaliksik. Ilalahad din dito ang disenyo,

lokal o kaligiran, instrumento ng pananaliksik, paraan ng pagkalap ng datos at istatistikal

na pagsusuri sa mga datos.

Disenyo ng Pananaliksik

Gagamitin ng mananaliksik ang Pretest-Posttest, Quasi-Experimental na disenyo ng

pananaliksik upang matukoy ang antas kakayahan sa pag-unawa sa binasa bago at matapos

ang interbensyon. Masusing hahatiin sa dalawang pangkat ang mga mag-aaral para sa

eksperimental at kontroladong pangkat. Sa pag-aaral na ito gagamitan ng educational

software na Reading Legends:Gamification Approach ang eksperimental na pangkat

samantalang ang kontroladong pangkat ay hindi gagamitan at bibigyan ng tradisyonal na

pagbasa at pagsagot sa mga katanungan. Kapwa bibigyan ng pangwakas na pagsusulit

matapos ang interbensyon upang paghambingin ang pagkakaiba ng mga nakuhang iskor

mula sa dalawang pangkat na kasangkot. Ang kontroladong pangkat ay binubuo ng

tatlumpung (30) mag-aaral gayundin naman ang eksperimental na pangkat.


18

Lokal ng Pag-aaral

Mangangalap ng mga datos at isasagawa ng mananaliksik ang pag-aaral sa Eduardo

L. Joson Memorial High School na matatagpuan sa Brgy. Bertese, Quezon, Nueva Ecija.

Ang ELJMHS ang paaralang may pinakamalaking populasyon at ang nag-iisang

pampublikong paaralang pansekondarya sa bayan ng Quezon. Sa kasalukuyan, mayroong

86 na mga guro ang nagtuturo rito habang ang mga mag-aaral ay umabot na sa mahigit

dalawang libo. Ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nasa ikasiyam na baitang ay

435 sa kasalukuyang taong-panuruan. Nahahati ito sa labing-isang pangkat o seksyon.

Maraming programa ang inihahain ng paaralan para sa iba’t ibang interes at kakayahan ng

mga mag-aaral sa Junior High School gaya ng Science, Technology and Engineering

(STE), Special Program for Information, Communication and Technology (SP-ICT), at

Special Program for the Arts (SPA)\, samantalang ang dominanteng bilang ng mga mag-

aaral ay nasa regular na mga pangkat kung saan magmumula ang mga respondente ng pag-

aaral.

Figyur 2
Mapa ng Eduardo L. Joson Memorial High School
19

Sampling Teknik
Ang pamamaraan ng pagpili ng mga partisipant ay sa pamamagitan ng purposive

sampling sapagkat nakatuon ang pananaliksik sa mga mag-aaral sa ikasiyam na baitang na

may mababang antas ng pag-unawa sa binasa. Masusing pipiliin ng mananaliksik ang

animnapung (60) mag-aaral na nakakuha ng pinakamababang iskor mula sa resulta ng

isinagawang pagtatasa sa pagbasa (Phil-IRI) noong nakaraang taong-panuruan 2020-2021.

Partisipant

Gagamit ang mananaliksik ng animnapung (60) partisipant mula sa mga mag-aaral

sa Eduardo L. Joson Memorial High School na nasa ikasiyam na baitang ng taong

panuruang 2021-2022. Hahatiin ang mga mag-aaral sa dalawang pangkat na tutukuyin sa

pagsasagawa ng experimental matching sa pamamagitan ng pagbibigay ng pretest. Batay

sa magiging resulta ng pretest ay tutukuyin ang mga mag-aaral na mapapabilang sa

eksperimental at kontroladong pangkat na gagamitin sa pag-aaral.

Instrumento ng Pananaliksik

Gagamitin din ng mananaliksik ang isang educational software na nakaangkla sa

Gamification Approach at tatawaging Reading Legends bilang kagamitan sa isasagawang

interbensyon sa pagpapaunlad ng kasanayan sa pagbasang may pag-unawa ng mga mag-

aaral sa baitang-9. Mahahati sa apat na bahagi ang nilalaman ng kagamitan kung saan ang

mga Gawain at pagsasanay ay nakabatay sa apat na antas ng pag-unawa ayon kay Banton

Smith (1969). Ang literal na pag-unawa, interpretasyon, kritikal at mapanuring pagbasa at

ang malikhaing pagbasa.


20

Magsisilbi ring instrumento sa pagsukat ng antas ng pag-unawa sa binasa ng mga mag-

aaral ang pretest at posttest na kapwa mayroong 20 katanungang nakabatay rin sa apat na

antas ng pag-unawa at sasagutan ng mga mag-aaral bago at matapos ang interbensyon.

Gagamitin din ang talatanungan sa pagtataya ng binuong kagamitang pang-

interbensyon sa pagbasang may pag-unawa. Gagamitin ang tseklist na hinalaw sa pag-aaral

ni Club (2014) sa pagtataya ng kagamitang pang-interbensyon sa pagbasa na minodipika

batay sa pag-aaral na isinasagawa ng mananaliksik. Susundin ang iskalang likert bilang

panukat sa mga katugunan na may kaukulang tumbas na puntos.

Iskor Weighted Mean Berbal na Deskripsyon

5 4.5 – 5.49 Pinakamataas na

Katanggap-tanggap

4 3.5 – 4.49 Mataas na Katanggap-

tanggap

3 2.5 – 3.49 Katanggap-tanggap

2 1.5 – 2.49 Bahagya/ di Katanggap-

tanggap

1 0.5 – 1.49 Di-tanggap

Likert’s Scale o Eskalang Likert

Pamamaraan ng Pagkalap ng Datos

Upang maisakatuparan ang pag-aaral at makuha ang wastong bilang ng mga mag-

aaral, bago pa man isagawa ang estratehiya, hihingi muna ng permiso ang mananaliksik sa
21

Ulong-Guro ng Departamento ng Filipino gayundin sa Punongguro ng Eduardo L. Joson

Memorial High School na magsasagawa ng isang interbensyon sa itinakdang araw, oras at

lugar. Ipapabalido ang mga pagsusulit at estratehiyang gagamitin, magiging batayan ng

mananaliksik ang resulta ng nakaraang pagtatasa sa pagbasa sa taong-panuruan 2020-2021

upang malaman ang antas ng komprehensyon ng mga mag-aaral. Isasagawa ang pretest

upang matukoy ang kasalukuyang antas ng pag-unawa ng mga mag-aaral na magiging

basehan upang mahati sa dalawang pangkat. Gagamitin ng mananaliksik ng dalawang

pangkat ng mag-aaral mula sa ikasiyam na baitang sa pag-aaral na isinasagawa.

Ang eksperimental na pangkat ay pagagamitin ng estratehiyang Reading

Legends:Gamification Aproach at ang kontroladong pangkat naman ay bibigyan ng

tradisyonal na pamamaraan ng pagpapabasa ng kaparehong akda at pagsasagot ng mga

katanungan. Tatagal lamang ng dalawang linggo ang interbensyon. Pagkatapos isagawa ay

magbibigay ng posttest o pangwakas na pagsusulit ang mananaliksik upang masukat ang

antas ng komprehensyon at kaalamang natutunan ng dalawang pangkat. Itatala ng

mananaliksik ang mga iskor sa isinagawang pagsusulit upang masuri at mabigyan ng

pagpapakahulugan ang mga ito. Sa ganitong paraan, malalaman ang kabisaan ng

estratehiyang Reading Legends:Gamified Learning Aproach sa antas ng komprehensyon

ng mga mag-aaral sa pagbasa.

Ang mananaliksik ay nagtungo sa silid-aklatan katulad ng Carlos P. Romulo Library

and Museum, gayundin ay gumamit ng kompyuter sa pananaliksik ng iba pang datos na

makukuha sa pamamagitan ng internet.


22

Istatistikal na Pagsusuri ng mga Datos

Sa pagtatala at pagkuha ng resulta sa pag-aaral na ito, gagamitin ang sumusunod na

istatiskang tritment:

1. Ang Mean ay gagamitin sa pagtukoy sa pagkakaiba sa kakayahan ng mga mag-aaral sa

pag-unawa sa binasa.

2. Ang Bahagdan ay gagamitin sa pagtukoy sa lebel ng kakayahan ng mga mag-aaral sa

pagbasa nang may pag-unawa sa tekstong binasa gamit ang estratehiya.

3. Gain score ang gagamitin upang matukoy ang pagtaas ng marka ng mga mag-aaral

mula pre-test hanggang posttest.

4. Ang T- Test ay gagamitin sa patnubay kung epektibo ang Reading Legends: gamified

Learning Approach sa pagpapaunlad ng kakayahan sa pag-unawa sa kwentong binasa

at kung mayroon bang kaibahan sa antas ng pag-unawa ng mga mag-aaral sa

eksperimental at kontroladong pangkat bago at pagkatapos isagawa ang interbensyon.

Quasi Experimental Design

(Non Equivalent Control Group Design)

Etikal na Konsiderasyon

Bilang pagsunod sa mga alituntuning etikal ay isasaalang-alang ng mananaliksik

ang dignidad at kapakanan ng mga mag-aaral sa lahat ng oras. Binigyang pagkilala at


23

kikilalanin ang sinumang mananaliksik, dalubhasa o iskolar na nagsilbing pundasyon at

nagbigay-linaw sa kasalukuyang pag-aaral.

Bago simulan ang interbensyon, ipaliliwanag sa mga kalahok na hindi pinipilit ang

sinoman na magbigay ng kanilang impormasyon o anumang partisipasyon sa pananaliksik.

Bibigyang-diin din ang kabuuang layunin ng pananaliksik at halaga ng partisipasyon ng

mga kalahok.

Ang anomang impormasyong magmumula sa mga kalahok ay gagamitin lamang sa

kapakinabangan ng pananaliksik at sisiguruhin ang pagiging kumpidensyal nito.

You might also like