You are on page 1of 6

FIL 105 Yunit 6: Politika at Kulturang Popular

Politika at Kulturang Popular


ni Jeffrey Deyto

Pangkalahatang Ideya
Sa paksang ito ay sisiyasatin natin ang relasyon sa pagitan ng dominanteng
kaayusan at Kulturang Popular. Dito bibigyang diin ang epekto sa kultura ng
politika’t ekonomiya, at ang epekto ng politika’t ekonomiya sa kultura sa
pamamagitan ng pagtingin sa mga kongkretong manipestasyon.

Mga Layunin:
Sa pagtatapos ng aralin, inaasahang ang mga mag-aaral ay:
 naipaliliwanag ang ibig sabihin ng politika batay sa pakiwari ng akses ng
pinanggalingang uri dito.
 natutukoy ang epektong ekonomikal at politikal ng kulturang popular, at ang
epekto ng kulturang popular sa ekonomiya at politika gayundin ang ugnayan
sa pagitan ng dominanteng kaayusang panlipunan at mga institusyong
panlipunan sa kulturang popular.

Mga Piling Usapin at mga Gabay na Tanong


o Ano ang ugnayan ng kulturang popular sa dominanteng kaayusang
panlipunan? Sa mga institusyong panlipunan? Sa mga ritwal at tradisyon?
o Kailan nagiging politikal ang kulturang popular?
o Paano nagiging ganap ang ideyal na pakikilahok sa politika?

Talakayan
Sa isang banda, kapansin-pansin sa ating bansa ang interseksiyon ng politika
at kulturang popular, sa mga popular nitong pakiwari. Nariyan ang mga artista,
beauty queen, mang-aawit o basketball player na nagiging politiko. May punto rin
na nagiging pop culture icon kung tatawagin ang ilang mga politiko.
Sa kabilang banda, tulad ng ating pag-uusisa sa kulturang popular sa mga
nagdaang paksa, maaaring nagpapakita ito sa ating mga gawi at imahen, pero hindi
nakukulong sa ganito ang pag-uusap tungkol sa kultura at politika. At tulad ng mga

1
FIL 105 Yunit 6: Politika at Kulturang Popular
nagdaang paksa, maaari din nating usisain sa pakiwari ng ating akses ang paksa ng
politika. Mahalagang matukoy natin ang posisyon ng ating pinanggalingang uri
upang matukoy ang antas ng akses natin sa politika.
Ngunit maaaninag mula sa mga popular na pakiwari ang ating posisyon. Kung
tutukuyin natin ang mga taong tinuturing nating may kinalaman sa politika – mga
politiko – mabibilang lamang sa ating mga daliri kung sino ba doon ang totoong
mga kauri natin. Ngunit ang pagiging popular ng mga ito ang nagbibigay sa atin ng
fantasya na abot-kamay natin sila. Dito umaayon ang pinagsasaluhang katangian ng
kulturang popular at ng tipo ng politika na meron ang bansa: populista.
Tulad ng nabanggit sa ikalawang paksa, ang punto ng populismo ay umapela
sa damdamin at hindi sa rasyonal na pag-iisip ng mamamayan. Kung titingnan sa
aspektong ito, ang nagiging akses natin sa kultura at politika ay hindi politikal.
Magiging politikal lang ang isang bagay, praktika o bagay, ayon sa pilosopong si
Alain Badiou, kung ito ay tumutukoy sa posibilidad ng pag-iisip na kumikilala sa
“sabjek” at maaaring maabot at magamit ng lahat. 1 Ang pulitika ay ang pagkilala sa
kolektibong kakayahan ng sangkatauhan – kakayahang bukod tangi sa
2
sangkatauhan – pagkilala sa kakayahang makapag-isip.
Sa ganitong palagay, ang kulturang popular at kung anomang kinikilala nating
“politika” sa ngayon ay hindi ganap, o hindi talaga politika, dahil mas tumutukoy ito
sa pag-apela sa damdamin at hindi sa pag-iisip. Ang posibilidad ng politikal na
pagsisiyasat sa kulturang popular ay nakasalalay sa paghahalaw ng kondisyon na
isipin at uriratin ang kultura – o ‘di kaya’y ang pag-iisip mismo sa kultura upang
masabi nating ito ay kayang isipin at unawain higit sa paglalatag ng damdamin.
Bumabalik ito sa pormulasyon ng pilosopong si Plato sa tunay na
demokratikong katangian ng politika na sasagka sa pilosopiya: ang politika ay dapat
sumagka sa katalinuhan na isinasaalang-alang ang pagkakapantay ng lahat ng isip. 3
Bilang gawain ng pag-iisip, sa huli, ayon muli kay Badiou, ang politika bilang pag-
iisip ay isang kondisyon para sa katotohanan. 4 Hindi ito tulad ng siyensya, sining o
pag-ibig na ang kondisyon ng katotohanan ay nakasalalay sa isa, dalawa o iilang isip
lamang. Ang katotohanan ng pulitika ay hindi magiging posible kung hindi
isinasaalang-alang ang mamamayan, ang sanlibutan, sangkatauhan.

2
FIL 105 Yunit 6: Politika at Kulturang Popular
Pagpatay ng Ahensya
Bilang produktong pandamdamin, ang kulturang popular ay kontra-politikal.
Bagaman sa kakanyahan nito, ay populista ang kulturang popular, may mga
pagsulong sa kasaysayan nito na mas malala kaysa sa mga nauna. Matutukoy ito sa
mga imahen at naratibong ipinapa-konsumo sa atin ng naghaharing uri sa mga
nagdaang panahon.
Tinukoy ng kritikong si Carlo Cielo ang puntong ito sa kulturang popular mula
nang mapatalsik ang dating pangulo (na dating artista) na si Joseph Estrada. Ang
administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo ay nagpasa ng batas na kapantay ng
deklarasyon ng Martial Law sa pagkitil sa papausbong na pulutong na protesta ng
panahong iyon sa anyo ng Proclamation 1017 of 2006, ang proklamasyon ng State
of National Emergency, na naglalayong sikilin ang mga pagkilos at pagbatikos.
Mataas ang bilang ng extra-judisyal na pagpatay at mga desaparecido (enforced
disappearances). Dagdag ni Cielo:
Isang kondisyon ng takot at kawalang-pag-asa ang sumakal sa buong
bayan. Sa kultura, nagbungsod ito sa demonisasyon ng protesta at
reklamo. Sa pelikula, maipapakita ang takot na ito sa bugso ng
nakapamamanhid na mga romantic comedy at pangungundisyon ng
mga pelikulang horror.5
Sa puntong ito, pababa hanggang nawala ang mga pelikulang bakbakan sa
mga sinehan at natabunan ng mga romantic comedy.
Sa kabilang dako nito ay ang kritisismo laban sa People Power II na inuugat sa
reaksyunaryong pakiwari laban sa kolektibong pagkilos. Matutukoy itong ganitong
nihilismo laban sa direktang pagkilos at aksyon sa mga pelikulang inilalabas sa mga
nagdaang panahon. Nagamit ang estetikong socio-realista sa paggawa ng mga
pelikulang nagtatampok ng nihilismo laban sa pulitika.
Maaari nating tingnan ang mga pelikula tulad ng Never Not Love You (2015),6
halimbawa, na limitado sa gitnang-uring pakiwari ng kung ano ang “trabaho” ang
pagpapakita sa paggawa, na sinususugan ang mitolohiya ng pag-unlad. Ang
kinahihinatnan nito sa usaping kultural ay ang pagsusog sa ideya ng hindi na
pangangailangan ng kolektibong pag-kilos para sa pasahod at trabaho, at sapat na
ang diskarte upang umunlad ang indibidwal.

3
FIL 105 Yunit 6: Politika at Kulturang Popular
Pwede ring tignan ang pelikulang On The Job (2013)7 na binabahagi rin ang
parehong nihilismong ito. Mas direkta ang pahayag nito tungkol sa pulitika: ang may
kapangyarihan lang ang nagpapaikot ng mundo at wala kang puwang dito kundi
katawang madaling idispatya. Mapapansin sa mga kontemporaneong pelikula, kahit
sa mga tila nagsusulong ng isyung panlipunan, ang pagbabahagi ng parehong
nihilismo para sa kolektibong pag-aksiyon.

Pakiwaring Gitnang-uri
Nanggaling man sa naghaharing uri ang mga pagpapahalagang ibinabahagi
ng kulturang popular, dinadala tayo ng mga ito sa pakiwaring gitnang uri. Sa
katotohanan ng kapitalismo, ang pag-akses natin sa kulturang popular, na
nakasalalay sa kakayahan nating bayaran ito. Naka-kabit dito ang katiyakang tayo ay
umaayon sa daloy ng makabagong panahon.
Itong pakiwaring moderno-kuno, ay pakiwaring gitnang uri. Andito rin yung
punto ng tila ba nagiging bahagi at hindi na iba ang edukasyon sa kulturang
popular. May pagkakahawig ang kulturang popular sa formal na edukasyon ayon
kay Rolando Tolentino:
Ang afinidad ng kulturang popular at formal na edukasyon ay pareho
tayong nagbabayad para sa inaakalang mabibiling katotohanan
tungkol sa pagkatao, rekisito ng pagiging gitnang uring mamamayan. 8
Bahagi ng karanasang gitnang-uri ang karanasang pagkakalakal. Binibili natin
hindi lang ang karanasan, kundi maging ang posibilidad ng mas malayog pang
karanasan. Hindi nga ba ito ang dahilan kaya tayo nanunuod ng sine? Hindi naman
talaga tayo sigurado na matutuwa tayo sa palabas, pero binabayaran natin ito para
sa posibilidad na matuwa tayo.
Ngunit hindi naman talaga tayo napupunan nito, pero ang ating pagpapahalagang
natutunan mula sa pakiwaring gitnang-uri ay ang makuntento sa kung ano ang
naaabot ng ating bulsa, di na bale kung totoong may napapala tayo dito o wala.
Maging mapagpasalamat dahil ito ay biyaya, na para bang di pinaghihirapan ng
pagpapagal ang perang pinanggagastos sa paglilibang.

4
FIL 105 Yunit 6: Politika at Kulturang Popular
Sa usapin ng edukasyon, kasama din sa pakiwaring ito ang inaasahang matuto
ng pagiging matatas sa Ingles. Bahagi ito ng inaasahan sa atin bilang mahuhusay
ngunit murang lakas paggawa para sa pandaigdigang pangangailangan.
Mapapansin itong pagbibigay-halaga sa hinihingi ng pandaigdigang merkado sa
ating patuloy na pag-tangkilik sa mga banyagang kalakal na pangkultura(ng
popular).
Lahat ng ito ay matutunghayan nating binibigyang-diin sa mga produkto din
ng kulturang popular sa bansa. Kung ibabalik natin ang halimbawang Never Not
Love You, kung saan ipinapakita ang pagsisikap ng mga bida hindi lang sa pag-aaral
ng wika, kundi ang pag-ayon sa buhay sa banyagang lugar. Ngunit mapapansin din
na wala rin talagang kontradiksyon sa pagitan ng mga bida ng palabas at sa
banyagang bansang pinuntahan nila: sila ay nahulma para dito.
Ang gitnang-uri ay ang ideyal na produkto ng malakolonyal at malapyudal na
lipunan. Uring naniniwalang nasa maalwal na buhay sya na pinagsumikapan ang
kanyang naabot. Ngunit ang ideyal na ito ay malayo sa katotohanan ng produksyon
ng yaman, na nakasandig sa pang-aabuso ng lakas-paggawa ng iba at ng isa’t isa.
Ngunit hindi natin ito nakikita, kundi nakikita natin ang mga komoditi bilang
representasyon ng ating katauhan at paghihirap: bagong damit, bagong cellphone,
pagkain ng samgyupsal bilang selebrasyon sa unang sahod, halimbawa. Kahit na ‘di
ka naman talaga nanggagaling sa gitnang uri, umaasta kang gitnang uri, ito ay dahil
sa karanasan sa kulturang popular: “lehitimasyon ng ideal ng gitnang uri.”
Ikaw na nasa mundo ng mababang uring pagdanas sa kahirapan at
karahasan ay makakapamuhay lamang—ayon sa neoliberalismo at
fasismo—sa pamamagitan ng pag-astang gitnang uri, naka-chin up
sa aktwal na realidad dahil ang direksyon ng pananaw ay tungo sa
mundong may mas mataas na kalidad ng buhay.9
Sa dulo, ang pakiwaring gitnang uri ang umaawat sa atin para makibahagi sa
politika – o sa posibilidad ng kolektibong pag-iisip. Dumadaloy sa kulturang popular
ang pakiwaring ito, tinitiyak ang ganap na indibiduwalisasyon ng mamamayan na
mas lalong pumupunggok sa kakayahan nitong mag-isip. Dulot ng aliw sa anomang
porma – tuwa man o sa sakit – ang pag-apela sa damdamin ng kontemporaneong
kulturang popular ay isa lamang sa dahilan kung bakit nagiging imposible ang
aktwal na pakikilahok ng bawat isa sa pulitika. At dahil nawawalan ng kakayahang

5
FIL 105 Yunit 6: Politika at Kulturang Popular
makilahok, hindi rin tuluyang nakikinabang ang sinomang nagnanais makilahok sa
kulturang popular, kahit na siya mismo ang bumubuo nito.

Mungkahing Babasahin:
 Cielo, Carlo. “The Killing of Agency.” White AF. Pasig City: Shonenbat
Collective, 2019. 115-130.
 Tolentino, Rolando. “Kulturang Popular at Pakiwaring Gitnang-Uri.” Mula Tore
Patungong Palengke: Neoliberal Education In the Philippines. Quezon City:
IBON Foundation, 2007. 269-281.

Mga Tala:
1. Badiou, Alain. Metapolitics. Trans. Jason Barker. Lonodn & New York: Verso, 2006. p. 142.
2. Power, Nina and Alberto Toscano. “Politics.” Alain Badiou: Key Concepts. Ed. A. J. Bartlett
and Justin Clemens. Durham: Acumen Publishing Ltd., 2010. p. 103.
3. Negarestani, Reza. Intelligence and Spirit. Falmouth, UK & New York: Urbanomic &
Sequence Press, 2018. p. 409.
4. Badiou, Metapolitics, p. 141.
5. Cielo, Carlo. “The Killing of Agency.” White AF. Pasig City: Shonenbat Collective, 2019. p.
125.
6. Never Not Love You. Viva Films. 2015. [Dir. Antoinette Jadaone]
7. On The Job. Star Cinema & Reality Entertainment. 2013. [Dir. Erik Matti].
8. Tolentino, Rolando. “Kulturang Popular at Pakiwaring Gitnang-Uri.” Mula Tore Patungong
Palengke: Neoliberal Education In the Philippines. Quezon City: IBON Foundation, 2007. p.
270.
9. Tolentino, “Kulturang Popular at Pakiwaring Gitnang-Uri.”, p. 279.

You might also like