You are on page 1of 1

Repleksyong Sanaysay sa Malikhaing Pagsulat

Ayon kay Sauco at al… 1998 ang pagsulat ay pagsasalin sa papel o sa anumang kasangkapang maaaring
magamit na pagsasalinan ng mga nabuong salita, simbolo, at illustrasyon ng isang tao o mga tao sa
layuning naipapahayag ang nasa kanyang kaisipan.

Ang pagsulat ng isang sulatin ay nangangailangan ng malawak na kaalaman at hasa ng isipan upang ang
mga ideya, saloobin, o mga nais nating ipahayag na hindi natin mabigkas o maisatinig ay malaya natin
itong nailalahad sa masining na pamamaraan. Nagagamit natin ang ating malikot na imahinasyon at
marubdob na pangangailangang makalaya sa kung anumang nakakasagabal sa ating isipan o damdamin
na hindi natin magawang supilin. Sa pamamagitan ng malikhaing pagsusulat, nabibigyang laya natin ang
ating mga sarili na magkaroon ng sariling mundo. Nasa ating mga kamay ang kontrol sa kung paano natin
likhain ang isang buhay, na humihinga at malayang nakakagalaw sa ating tagpuan na nilikha.

Sa aking naging karanasan sa pagsulat ng maikling kuwento, marami akong natutunan at tiyak na
magagamit ko ito balang araw. Ang una, upang makabuo at makasulat ng isang sulatin, nararapat na
magkaroon tayo ng sapat na kaalaaman at karanasan upang makapag-isip at makalikha ng isang obra na
siyang tatatak at mag-iiwan ng impresyon sa mambabasa. Mahalaga ang impresyon ng mambabasa,
sapagkat ito ang magsisilbing panggatong upang mas lalo pa nating mapag-alab ang ating
nararamdaman at maipagpatuloy natin ang ating nasimulan. Ang mga mambabasa, ang siyang dahilan
kung bakit tayo nagsusulat, sapagkat naipapahayag natin sa kanila ang nilalaman ng ating puso at isipan
na hindi magawang bigkasin. Pangalawa, magkaroon tayo ng interes sa pagbabasa dahil ito ang ating
puhunan kung nais nating makapagsulat ng isang kuwento. Dahil sa pamamagitan ng pagbabasa,
nahahasa ang ating pag-iisip at hinahamon nito ang ating imahinasyon upang lubusang maunawaan at
malinang ang ating pagkamalikhain. Natutulungan tayong magkaroon ng malawak na kaalaman tungkol
sa iba’t ibang pamamaraan o teknik ng mga manunulat kung paano nila naisasabuhay ang kanilang mga
tauhan, nailalarawan sa masining na paraan ang mga tagpuan at namumulat ang ating isipan sa mga aral
o mensahe na nakapaloob sa akda. Pangatlo, ang pagkakaroon ng layunin o inspirasyon kung bakit tayo
nagsusulat. Para kanino natin iaalay ang ating mga kuwento? Sino ang nais nating makaalam sa mga
sikretong nakakubli sa bawat mga letra?

Ito ay ilan lamang sa aking mga natutunan habang sinusulat ko ang aking maikling kuwento. Lubos kong
nauunawaan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng interes sa pagbabasa ng mga iba’t ibang uri ng mga
kuwento. Ngayon, nagagamit ko ito upang mailahad din ang aking nararamdaman. Sapagkat, hindi
lamang ito nagbibigay ng kasiyahan o isang libangan bagkus nakakatulong ito upang mas mapalawak pa
nito ang ating kamalayan sa mga kultura, paniniwala, at sa mga iba’t ibang pangyayari na nagaganap sa
ating lipunan, sa mga karatig bansa, at sa buong mundo.

You might also like