You are on page 1of 1

Sa pagsulat naitatala ng tao ang kaniyang mga kaalaman mula sa pansariling kaalaman hanggang

sa kaalamang pang edukasyon. Kapag tumigil sa pagsulat ang isang tao, tumitigil na rin siya sa pag-iisip.
Sa tuwing tayo ay nagsisimulang magsulat, iniisip natin ang mga salitang maaari nating isunod sa
pagsulat, at kapag naubusan na tayo ng ideya ay wala na tayong maisusulat. Maihahambing natin ito sa
isang sitwasyon kung saan ang isang manunulat ay tumigil sa pagsulat ng isang kuwento dahil wala na
siyang maisip na maaaring idugtong dito. Sa sitwasyong ito, pinapaliwanag na hindi tayo makakapagsulat
kung wala tayong naiisip, kaya ang pagtigil natin sa pagsulat ay nangangahulugang wala na tayong
maisip.

Para sa akin, ang depinisyon ng pagsulat ay paglilipat ng mga nabuong salita sa mga bagay o
kasangkapan tulad ng papel at naglalayong mailahad ang kaisipan ng mga tao. Isa itong anyo ng
komunikasyon kung saan ang kaalaman o mga ideya ng tao ay isinasalin sa pamamagitan ng mga titik at
simbolo. Tulad ng nabanggit sa unang talata, sang ayon ako na sa pamamagitan ng pagsulat ay maitatala
ng tao ang kanyang mga pansarili at pang edukasyong kaalaman. Bilang karagdagan, ang pagsulat ay
nagbibigay-daan para maihayag ng mga tao ang kanilang saloobin sa pamamagitan ng tekstuwal na
pamamaraan. Ito ay isang mental na aktibidad dahil ginagamit dito ang kakayahan ng taong maipahayag
ang kaniyang naiisip sa pamamagitan ng pagsasatitik nito at pisikal dahil ginagamitan ito ng paggalaw ng
kamay.

Mahalaga ang pagsulat sapagkat nagiging daan ito upang maihayag ng indibidwal ang kanyang
mga saloobin. Sa pamamagitan ng pagsulat, ang hindi natin masabi sa bibig ay naibabahagi natin ng
maayos sa iba. Nakakatulong ito sa ibang tao sapagkat ito ang kanilang ginagawang paraan upang
naiibsan at mailabas ang mabigat nilang nararamdaman. Nakakatulong din ito upang magkaroon ng
interaksyon ang mga tao kahit na malayo ang kanilang mga kausap. Sa modernong panahon, ang
pagsulat ay nahaluan na ng teknolohiya kung kaya’t mas napabilis at napadali pa ang ating
komunikasyon. Nakakatulong din ang pagsulat upang makapagpalaganap ng impormasyon tungkol sa
nangyayari sa kapaligiran tulad ng pagbabalita gamit ang mga dyaryo at gamit ang social media. Ang
pagsulat ay maari ding ituring bilang isang propesyonal na gawain. Sa pagkakaroon ng mataas na
kaalaman at kasanayan sa pagsulat, nagagamit ito ng isang indibidwal upang matanggap sa mga
trabaho. Maraming pwedeng pasuking propesyon ang mga manunulat tulad ng pagiging journalist, script
writer sa mga pelikula, pagsulat sa mga kompanya at iba pa na na maaring makatulong upang
magkaroon ng kita. Ito rin ay isa sa mga paraan upang mapangalagaan ang kasaysayan sa pamamagitan
ng pagtatala at pagdodokumento dito dahil ang mga nailimbag na mga libro at mga naisulat na balita sa
kasalukuyang panahon ay maaring magamit na reperensiya sa hinaharap.

Ang pagsulat ay ekspresyon ng pagpapagalaw ng isipan at emosyon ng tao. Ang mga bagay na
hindi kayang sabihing pasalita ay ginagawa sa paraang pasulat. Maaaring sumulat ng pansarili o
personal; kasabay ng pag-unlad ng sariling ideya tungkol sa sarili at karanasan. Ang ganitong uri ng
pagsulat ay makatutulong sa pagpapabuti ng kasanayang ito sapagkat ang paksang isinusulat ay
pinakamalapit sa interes mo. Malaki ang maitutulong ng pagsulat sa paghubog ng damdamin at isipan ng
tao. Sa pamamagitan nito, naipapahayag niya ang kanyang damdamin, mithiin, pangarap, agam-agam,
bungang-isip at pagdaramdam.

You might also like