Ang pagsulat ay isang intelektwal na gawain na mahalaga sa pagkatuto ng mga mag-aaral
upang malinang ang kakayahan sa pagsusulat at mapalawak ang kaalaman sa akademiks na gawain at personal na buhay. Sa pamamagitan ng pagsulat ng iba't ibang akademikong sulatin, nakapagbabahagi tayo ng mga mahahalagang impormasyon sa iba mula sa ating mga karanasan sa araw-araw na paglalakbay. Isa itong makabuluhang pagkakataon at karanasan sapagkat hindi lamang nakakatulong ang pagsusulat sa ating pagkatuto bagkus ay nagsisilbing instrumento sa pagpapalaganap ng mga aral at impormasyon sa lipunan.
Ang pagsusulat ay mahalaga rin sa ating buhay sapagkat nakapagbibigay ito ng
oportunidad upang magkaroon tayo ng kaalaman kung anong nagaganap sa ating mundo; gayundin, kung paano natin ipinapahayag ang ating sarili sa pamamagitan ng mga salita. Ang pagsusulat ay nangangailangan ng oras at dedikasyon. Ito ay isang kasanayan na natutunan natin sa paglalakbay. Hindi lamang masayang magbahagi ng kaalaman sa papel at lumikha ng makabuluhang akda, ito rin ay nagbibigay ng isang mahusay na kasanayan sa pagbuo ng malikhaing salita na nakaakit sa mga mambabasa. Nangangailangan rin ito ng malawak na kaalaman sa isang tiyak na paksa upang mahikayat ang interes ng mga mambabasa at magbigay ng kaalaman na magagamit sa patuloy na paglalakbay. Sa pamamagitan ng pagsulat na ipapahayag natin ang ating sarili, saloobin, at kaalaman upang mahubog ang karanasan at kasanayan sa mundong ginagalawan.
Ang layunin ng pagsusulat ay upang magbigay ng kaalaman sa iba't ibang larangan at
malinang ang ating kasanayan sa pagsusulat na makakatulong sa pagtuklas natin ng kaalaman. Natuto tayong gumamit ng wika upang ipahayag natin ang ating saloobin o damdamin at napaunlad ang sarili sa pakikipagkomunikasyon. Lagi nating tatandaan na ang pagsusulat ang daan sa ating pagkatuto kung kaya't mahalaga ito sa pag-unlad ng ating sarili.