You are on page 1of 4

FILIPINO SA PILING LARANG (AKADEMIK)

Pagsusulat
Ang pagsulat ay isa sa mga makrong kasanayang dapat mahubog sa mga mag-aaral
ayon kay Cecilia Austera et al. 2009, may-akda ng Komunikasyon at Akademikong Filipino, ang
pagsusulat ay isang kasanayang maglulundo ng kaisipan at damdaming nais ipahayag ng tao
gamit ang pinakaepektibong midyum ng paghahatid ng mensahe, ang wika. Ayon naman kay
Edwin Mabilin (2012) sa aklat na Transpormatibong Komunikasyon sa Akademikong Filipino
(2012), ito ay isang pambihirang gawaing pisikal at mental dahil sa pamamagitan nito ay
naipapahayag ng tao ang nais niyang ipahayag sa pamamagitan ng paglilipat ng kaalaman sa
papel o anumang kagamitang maaaring pagsulatan. Sa pamamagitan ng pagsusulat
naisasatitik ang nilalaman ng isipan, damdamin, paniniwala at layunin ng tao sa tulong ng
paggamit ng mga salita, ayos ng pangungusap sa mga talata hanggang sa mabuo ang isang
akda o sulatin.

Dahilan ng tao sa pagsusulat

May iba't ibang dahilan ang tao sa pagsusulat para sa iba ito ay nagsisilbing libangan sa
pagitan ito ay naibabahagi nila sa iba ang kanilang mga ideya at mga kaisipan sa paraang
kawili- wili o kasiya-siya para sa kanila. Sa mga mag-aaral na katulad mo ang kalimitang
dahilan ng pagsusulat ay ang matugunan ang pangangailangan ng pag-aaral bilang bahagi ng
pagtatamo ng nakasanayan. Sa mga propesyonal namang manunulat tulad ng mga awtor,
peryodista, sekretarya, guro at iba pa, ito ay kanilang ginagawa bilang bahagi ng pagtugon sa
bokasyon o trabahong kanilang ginagampanan sa lipunan.

Anuman ang dahilan ng pagsusulat, ito ay nagdudulot ng malaking tulong sa nagsusulat


sa mga taong nakababasa nito at maging sa lipunan sa pangkalahatan sapagkat ang kanilang
mga isinulat ay magiging dokumento ng nakalipas na pangyayari o panahon na magsisilbing
tulay para sa kabatiran ng susunod na henerasyon. Ayon naman kay Mabilin (2012), ang
pagsulat ay isang pagpapahayag ng kaalamang kailanman ay hindi maglalaho sa isipan ng mga
bumabasa at babasa sapagkat ito ay maaaring magpasalin-salin sa bawat panahon. Maaaring
mawala alaala ng sumulat ngunit ang kaalaman kanyang ibinahagi ay mananatiling kaalaman.

Kaya naman sa limang makrong kasanayang pangwika ang pagsusulat ay isa rin sa
mga dapat pagtuunan ng pansin na malinang at mahubog sa mga mag-aaral sapagkat dito
masusukat ang kanilang kahandaan at kagalingan sa iba't ibang disiplina. Sa mga makrong
kasanayang tulad ng pakikinig, pagbabasa, at panonood madalas ang isang indibidwal na
gumagawa nito ay kumukuha o nagdaragdag ng mga kaalaman sa kanyang isipan subalit sa
pagsasalita at pagsusulat ang taong nagsasagawa nito ay nagbabahagi ng kanyang mga
kaisipan at nalalaman tungkol sa isang tiyak na paksa sa pamamagitan ng kanyang sinabi
isinulat.
Layunin at Kahalagahan ng Pagsulat

Ayon kay Royo (2001), malaki ang naitutulong ng pagsulat sa paghubog ng damdamin at
isipan ng tao. Sa pamamagitan nito naipahayag niya ang kanyang damdamin mithiin pangarap
agam-agam, bungang-isip at mga pagdaramdam. Dahil din sa pagsulat, nakikilala ng tao ang
kanyang sarili, ang kanyang mga kahinaan at kalakasan, ang lawak at tayog ng kanyang isipan
at ang mga naabot ng kanyang kamalayan. Ang pangunahing layunin ng pagsulat ay ang
mapabatid sa mga tao o lipunan ang paniniwala, kaalaman at mga karanasan ng taong
sumusulat. Kaya naman, napakahalaga na bukod sa mensahe ng taglay ng akdang susulatin,
kailangan ang katangiang mapanghikayat upang mapaniwala at makuha ang atensyon ng mga
mambabasa. Mahalagang isaalang-alang ang layuning ito sapagkat masasayang ang mga
isinulat kung hindi ito magdudulot ng kabatiran at pagbabago sa pananaw, pag-iisip at
damdamin ng makababasa nito.

Ayon kay Mabilin (2012), ang layunin sa pagsasagawa ng pagsulat ay maaaring mahati
sa dalawa una personal o ekspresibo kung ang layunin ng pagsulat ay nakabatay sa
pansariling pananaw karanasan naiisip, o nadarama ng manunulat. Pangalawa panlipunan o
sosyal kung saan ang layunin ng pagsulat ay ang makipag-ugnayan sa ibang tao sa lipunang
ginagalawan.

Sa pangkalahatan narito ang kahalagahan ang mga benepisyong maaaring makuha sa


pagsusulat:

1. Masasanay ang kakayahang mag-organisa ng mga kaisipan at maisulat ito sa


pamamagitan ng obhetibong paraan.
2. Malilinang ang kasanayan sa pagsusuri ng mga datos na kakailanganin sa
isinasagawang imbestigasyon pananaliksik.
3. Mahuhubog ang isipan ng mga mag-aaral sa mapanuring pagbasa sa pamamagitan ng
pagiging obhetibo sa paglalatag ng mga kaisipang isusulat batay sa mga nakalap na
impormasyon.
4. Mahikayat at mapaunlad ang kakayahan sa matalinong paggamit ng aklatan sa
paghahanap ng mga materyales at mahahalagang datos na kakailanganin sa pagsulat.
5. Magdudulot ito ng kasiyahan sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at pagkakaroon ng
pagkakataong makapag-ambag ng kaalaman sa lipunan.
6. Mahuhubog ang pagpapahalaga sa paggalang at pagkilala sa mga gawa at akda ng
kanilang pag-aaral at akademikong pagsisikap.
7. Malilinang ang kasanayan sa pangangalap ng mga impormasyon mula sa iba't ibang
batis ng kaalaman para sa akademikong pagsusulat.

Mga Gamit o Pangangailangan sa Pagsulat


Hindi lahat ng tao ay may kakayahang makapagsulat ng isang makabuluhang
komposisyon. Talagang hindi madali ang pagsusulat para sa nakararami ngunit ito ay maaaring
mahubog o malinang. Upang mangyari ito, mahalaga ang pagkakaroon ng interes at ng
wastong kaalaman kung paano magiging isang mahusay na manunulat. Una sa lahat dapat
mabatid ang mga bagay na dapat isaalang-alang sa pagsusulat partikular ng akademikong
pagsulat. Narito ang ilan sa mga ito:

1. Wika - ang wika ang nagsisilbing behikulo upang maisa titik ang mga kaisipan
kaalaman damdamin karanasan impormasyon at iba pang nais ilahad ng isang taon na
is sumulat.
2. Paksa - mahalagang magkaroon ng isang tiyak na paksa o tema ng isusulat. ito ang
magsisilbing pangkalahatang ikutan ng mga ideyang dapat mapa loob sa akda.
3. Layunin - ang layunin ang nagsisilbing giya mo sa paghabi ng mga datos o nilalaman
ng iyong isusulat.
4. Pamamaraan ng pagsulat - Tumutukoy ito sa pamamaraan ng pagsulat upang
mailahad ang kaalaman at kaisipan ng manunulat batay rin sa layunin o pakay ng
pagsusulat.
● Paraang impormatibo - magbigay ng impormasyon o kabatiran sa mga mambabasa.
● Paraang ekspresibo - magbahagi ng sariling opinyon paniniwala ideya, obserbasyon at
kaalaman hinggil sa isang tiyak na paksa batay sa kanyang sariling karanasan o
pag-aaral.
● Pamamaraang naratibo - magkwento o magsalaysay ng mga pangyayari batay sa
magkakaugnay at tiyak na pagkakasunod-sunod.
● Pamamaraang deskriptibo - maglarawan ng mga katangian anyo hugis ng mga bagay o
pangyayari batay sa mga nakita narinig natunghayan naranasan at nasaksihan.
● Pamamaraang argumentatibo - manghikayat o mangumbinsi sa mga mambabasa;
naglalahad ng proposisyon at mga isyu ng argumentong dapat pagtalunan o
pag-usapan.

Mga Uri ng Pagsulat o Anyo ng Pagsulat

1. Malikhaing Pagsulat - maghatid ng aliw, makapukaw ng damdamin at makaantig sa


imahinasyon at isipan ng mga mambabasa.
2. Teknikal na Pagsulat - layuning pag-aralan ang isang proyekto o kaya naman ay
bumuo ng isang pag-aaral na kailangan para lutasin ang isang problema o suliranin.
3. Propesyonal na Pagsulat - ito ay may kinalaman sa mga sulating may kinalaman sa
isang tiyak na larangang natutuhan sa akademya o paaralan.
4. Dyornalistik na Pagsulat - ito ay may kinalaman sa mga sulating may kaugnayan sa
pamamahayag.
5. Reperensyal na Pagsulat - layunin ng sulating ito na bigyang pagkilala ang mga
pinagkukunang kaalaman o impormasyon sa paggawa ng konseptong papel, tesis at
disertasyon.
6. Akademikong Pagsulat - ang akademikong pagsulat ay isang intelektwal na pagsulat.
Nakatutulong ito sa pagpapataas ng kaalaman ng isang indibidwal sa iba't ibang
larangan. Ayon kay Carmelita Alejo (2005), ang akademikong pagsulat ay may
sinusunod na partikular na kumbensyon tulad ng pagbibigay suporta sa mga ideya ng
pangangatwiran layunin nitong maipakita ang resulta ng pagsisiyasat ang ginawang
pananaliksik. Ayon kay Mabilin (2012) ang lahat ng uri ng pagsulat ay produkto o bunga
lamang ng akademikong pagsulat. Lubos ding pinatataas ng uri ng pagsulat na ito ang
kaalaman ng mga mag-aaral sa iba't ibang larangan bunga ng masusing pag-aaral sa
pamamagitan ng pagsisiyasat at pananaliksik.

Sangguninan:
Julian, A. et al. (2017), Pinagyamang Pluma: Filipino sa
Piling Larang (Akademik)(p.1-8), Quezon City, Phoenix
Publishing House, Inc.

You might also like