You are on page 1of 3

1 | FilPL

ANG PAGSUSULAT
May iba’t ibang dahilan ang tao sa pagsusulat. Para sa iba, ito ay nagsisilbing libangan sapagkat sa
pamamagitan nito ay naibabahagi nila sa iba ang kanilang mga ideya at mga kaisipan sa paraang kawili-wili o
kasiya-siya para sa kanila. Sa mga mag-aaral na katulad mo, ang kalimitang dahilan ng pagsusulat ay ang
matugunan ang pangangailangan sa pag-aaral bilang bahagi ng pagtatamo ng kasanayan. Sa mga
propesyonal namang manunulat tulad ng mga awtor, peryodista, sekretarya, guro, at iba pa, ito ay kanilang
ginagawa bilang bahagi ng pagtugon sa bokasyon o trabahong kanilang ginagampanan sa lipunan.
Anuman ang dahilan ng pagsusulat, ito ay nagdudulot ng malaking tulong sa nagsusulat, sa mga taong
nakababasa nito, at maging sa lipunan sa pangkalahatan sapagkat ang kanilang mga isinulat ay magiging
dokumento ng nakalipas na pangyayari o panahon na magsisilbing tulay para sa kabatiran ng susunod na
henerasyon.
Ayon nga kay Mabilin (2012), “Ang pagsusulat ay isang pagpapahayag ng kaalamang kailanman ay hindi
maglalaho sa isipan ng mga bumasa at babasa sapagkat ito ay maaaring magpasalin-salin sa bawat panahon.
Maaaring mawala ang alaala ng sumulat ngunit ang kaalamang kanyang ibinahagi ay mananatiling kaalaman.”
Kaya naman, sa limang makrong kasanayang pangwika, ang pagsusulat ay isa rin sa mga dapat pagtuonan
ng pansin na malinang at mahubog sa mga mag-aaral sapagkat dito masusukat ang kanilang kahandaan at
kagalingan sa iba’t ibang disiplina. Sa mga makrong kasanayan tulad ng pakikinig, pagbabasa, at panonood,
madalas ang isang indibidwal na gumagawa nito ay kumukuha o nagdaragdag ng mga kaalaman sa kanyang
isipan. Subalit, sa pagsasalita at pagsusulat, ang taong nagsasagawa nito ay nagbabahagi ng kanyang mga
kaisipan at nalalaman tungkol sa isang tiyak na paksa sa pamamagitan ng kanyang sinabi at isinulat.
Layunin at Kahalagahan ng Pagsulat
Ayon kay Royo (2001), na nakasulat sa aklat ni Dr. Eriberto Astroga, Jr. na Pagbasa, Pagsulat, at
Pananaliksik, malaki ang naitulong ng pagsulat sa paghubog sa damdamin at isipan ng tao. Sa pamamagitan
nito, naipapahayag niya ang kanyang damdamin, mithiin, pangarap, agam-agam, bungang-isip, at mga
pagdaramdam. Dahil din sa pagsulat, nakikilala ng tao ang kanyang sarili, ang kanyang mga kahinaan at
kalakasan, ang lawak at tayog ng kanyang kaisipan, at ang mga naaabot ng kanyang kamalayan. Ang
pangunahing layunin ng pagsulat ay ang mapabatid sa mga tao o lipunan ang paniniwala, kaalaman, at mga
karanasan ng taong sumusulat. Kaya naman, napakahalaga na bukod sa mensaheng taglay ng akdang
susulatin, kailangan ang katangiang mapanghikayat upang mapaniwala at makuha ang atensiyon ng mga
mambabasa. Mahalagang isaalang-alang ang layuning ito sapagkat masasayang ang mga isinulat kung hindi
ito magdudulot ng kabatiran at pagbabago sa pananaw, pag-iisip, at damdamin ng makakabasa nito.
Ayon naman kay Mabilin (2012), sa kanyang aklat na Transpormatibong Komunikasyon sa Akademikong
Filipino ang layunin sa pagsasagawa ng pagsulat ay maaaring mahati sa dalawang bahagi.
1. Personal o Ekspresibo
Ang layunin ng pagsulat ay nakabatay sa pansariling pananaw, karanasan, naiisip, o nadarama ng manunulat.
Ang ganitong paraan ng pagsulat ay maaaring magdulot sa bumabasa ng kasiyahan, kalungkutan, pagkatakot,
o pagkainis depende sa layunin ng taong sumusulat. Ang karaniwang halimbawa nito ay ang ginagawa ng
mga manunulat na sanaysay, maikling kuwento, tula, dula, awit, at iba pang akdang pampanitikan.
2. Panlipunan o Sosyal
Ang layunin ng pagsulat ay ang makipag-ugnayan sa ibang tao o sa lipunang ginagalawan. Ang ibang tawag
sa layuning ito ng pagsulat ay Ang mga halimbawa nito ay ang pagsulat ng liham, balita, korespondensiya,
pananaliksik, sulating panteknikal, tesis, disertasyon, at iba pa. Ginagawa ang mga sulating ito taglay ang
isang tiyak na layunin at ito ay walang iba kundi ang layuning makipag-ugnayan sa tao o sa lipunan.
Sa kabilang dako, maaari rin namang magkasabay na maisagawa ang layuning personal at panlipunan
partikular sa mga akdang pampanitikang naisulat bunga ng sariling pananaw ng may-akdang maaaring
magkaroon ng tiyak na kaugnayan sa lipunan tulad halimbawa ng talumpati na karaniwang binibigkas sa harap
ng madla upang maghatid ng mensahe at manghikayat sa mga nakikinig.
Sa pangkalahatan, narito ang kahalagahan o ang mga benepisyong maaaring makuha sa pagsusulat:
1. Masasanay ang kakayahang mag-organisa ng mga kaisipan at maisulat ito sa pamamagitan ng
obhetibong paraan.
2. Malilinang ang kasanayan sa pagsusuri ng mga datos na kakailanganin sa isinasagawang
imbestigasyon o pananaliksik.
2 | FilPL

3. Mahuhubog ang isipan ng mga mag-aaral sa mapanuring pagbasa sa pamamagitan ng pagiging


obhetibo sa paglalatag ng mga kaisipang isusulat batay sa mga nakalap na impormasyon .
4. Mahihikayat at mapauunlad ang kakayahan sa matalinong paggamit ng aklatan sa paghahanap ng
mga materyales at mahahalagang datos na kakailanganin sa pagsulat.
5. Magdudulot ito ng kasiyahan sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at pagkakaroon ng pagkakataong
makapag-ambag ng kaalaman sa lipunan.
6. Mahuhubog ang pagpapahalaga sa paggalang at pagkilala sa mga gawa at akda ng kanilang pag-aaral
at akademikong pagsisikap.
7. Malilinang ang kasanayan sa pangangalap ng mga impormasyon mula sa iba’t ibang batis ng
kaalaman para sa akademikong pagsulat.
Mga Uri ng Pagsulat
1. Malikhaing Pagsulat (Creative Writing)
Pangunahing layunin nitong maghatid ng aliw, makapukaw ng damdamin, at makaantig sa imahinasyon at
isipan ng mga mambabasa. Karaniwan itong bunga ng malikot na isipan ng sumusulat na maaaring batay sa
tunay na pangyayari o kaya naman ay bunga ng imahinasyon o kathang-isip lamang. Mabibilang sa uri ng
pagsulat na ito ang maikling kuwento, dula, tula, malikhaing sanaysay, gayundin ang mga komiks, iskrip ng
teleserye, kalyeserye, musika, pelikula, at iba pa.
2. Teknikal na Pagsulat (Technical Writing)
Ang uring ito ay ginagawa sa layuning pag-aralan ang isang proyekto o kaya naman ay bumuo ng isang pag-
aaral na kailangan para lutasin ang isang problema o suliranin. Bagama’t maituturing na malawak ang
kaisipang nasasakop ng ganitong uri ng sulatin, ang inaasahang higit na makauunawa lamang nito ay ang
mga mambabasa na may kaugnayan sa tinatalakay na proyekto o suliranin na may kinalaman sa isang tiyak
na disiplina o larangan. Ang ilan sa mga halimbawa nito ay ang Feasibility Study on the Construction of
Platinum Towers in Makati, Project on the Renovation of Royal Theatre in Caloocan City, at Proyekto sa
Pagsasaayos ng Ilog ng Marikina.
3. Propesyonal na Pagsulat (Professional Writing)
Ang uri ng pagsulat na ito ay may kinalaman sa mga sulating may kinalaman sa isang tiyak na larangang
natutuhan sa akademya o paaralan. Binibigyang-pansin nito ang paggawa ng mga sulatin o pag-aaral tungkol
sa napiling propesyon o bokasyon ng isang tao. Gaya halimbawa ng mga guro, mahalagang matutuhan nila
ang wastong pagsulat ng lesson plan, paggawa at pagsusuri ng kurikulum, pagsulat ng mga pagsusulit
o assessment. Ang mga tao namang kabilang sa larangan ng medisina kagaya ng mga doktor at nars ay
kinakailangang magkaroon ng sapat na kaalaman sa paggawa ng medical report, narrative report tungkol
sa physical examination ng isang pasyente. Ang mga mag-aaral habang nag-aaral pa ay mahalagang
masanay sa paggawa nito para maging handa sila sa trabaho o propesyong kanilang papasukan.
4. Dyornalistik na Pagsulat (Journalistic Writing)
Ito ay may kinalaman sa mga sulating may kaugnayan sa pamamahayag. Kasama na rito ang pagsulat ng
balita, editoryal, lathalain, artikulo, at iba pa. Mahalagang ang mga taong sumusulat nito tulad ng
mga journalist, mamamahayag, reporter, at iba pa ay maging bihasa sa pangangalap ng mga totoo, obhetibo,
at makabuluhang mga balita at isyung nagaganap sa lipunan sa kasalukuyan na kanilang isusulat sa mga
pahayagan, magasin, o kaya naman ay iuulat sa radyo o telebisyon.
5. Reperensiyal na Pagsulat (Referential Writing)
Layunin ng sulating ito na bigyang-pagkilala ang mga pinagkunang kaalaman o impormasyon sa paggawa ng
konseptong papel, tesis, at disertasyon. Layunin din ng pagsulat na ito na irekomenda sa iba ang mga
sangguniang maaaring mapagkukunan ng mayamang kaalaman hinggil sa isang tiyak na paksa. Karaniwang
makikita ang sulating ito sa huling bahagi ng isinagawang pananaliksik o kaya naman ay sa kabanatang
naglalaman ng Review of Related Literature (RRL). Ang RRL o kaugnay ng mga literature ay mga pag-aaral
na pinaghanguan ng mga prinsipyo at batayan upang makapagbalangkas ng mga konsepto sa pagbuo ng
isinasagawang pananaliksik.
3 | FilPL

6. Akademikong Pagsulat (Academic Writing)


Ang akademikong pagsulat ay isang intelektuwal na pagsulat. Ang gawaing ito ay nakatutulong sa
pagpapataas ng kaalaman ng isang indibidwal sa iba’t ibang larangan. Ayon kay Carmelita Alejo et al. (2005),
sa aklat na Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik, ang akademikong pagsulat ay may sinusunod na
partikular na kumbensiyon tulad ng pagbibigay ng suporta sa mga ideyang pinangangatwiran. Layunin nitong
maipakita ang resulta ng pagsisiyasat o ng ginawang pananaliksik. Ayon naman kay Edwin Mabilin et al.
(2012), ang lahat ng uri ng pagsulat ay produkto o bunga lamang ng akademikong pagsulat. Lubos ding
pinatataas ng uri ng pagsulat na ito ang kaalaman ng mga mag-aaral sa iba’t ibang larangan bunga ng
masusing pag-aaral sa pamamagitan ng pagsisiyasat at pananaliksik. Kaya naman, sa aklat na ito ay lubos na
tatalakayin ang mahahalagang paksa hinggil dito na tiyak na makatutulong nang malaki sa pagharap mo sa
totoong buhay lalo na sa larangan ng edukasyon at trabaho.

AKADEMIKONG PAGSULAT

 Ito ay isang masinop at sistematikong pagsulat ukol sa isang karanasang panlipunan na maaaring
maging batayan ng marami pang pag-aaral na magagamit sa ikatataguyod ng lipunan.
 Isinasagawa sa isang akademikong institusyon kung saan kinakailangan ang mataas na antas ng
kasanayan sa pagsulat.
 Layunin nito ang magbigay ng impormasyon sa halip na manlibang.
Kung ihahambing sa personal na pagsulat, ang akademikong pagsulat ay:

 Nangangailangan ng mas mahigpit na tuntunin sa pagbuo ng sulatin


 May isang paksa na may magkakaugnay na mensahe
 Maayos na inihahanay ang mga pangungusap upang maging malinaw ang pagkakabuo ng mga ideya
 Ang estruktura ay may simula, gitna, at wakas
Mga halimbawa ng akademikong teksto:

 Abstrak
 Bionote
 Talumpati
 Panukalang proyekto
 Replektibong sanaysay
 Sintesis
 Lakbay-sanaysay
 Synopsis
Kakayahan ng Mahusay na Manunulat:
Ang pagbuo ng akademikong pagsulat ay nakadepende sa kritikal na pagbasa ng isang indibidwal (Arrogante
et al. 2007).

 Mangalap ng mahahalagang datos


 Mag-organisa ng mga ideya
 Lohikal mag-isip
 Mahusay magsuri
 Marunong magpahalaga sa orihinalidad ng gawa
 May inobasyon
 Kakayahang gumawa ng sintesis
 Gumagamit ng pilimpiling salita
 Isinasaalang-alang ang target ng mambabasa
 Mahigpit sa paggamit ng tamang bantas at baybay ng salita

You might also like