You are on page 1of 3

Ang Hiwaga ng Pudpod na Lapis

Si Sabel ay isang batang mahilig sa pagguhit gustong gusto niya na nakikitang


nakasabit sa dingding ng kanilang bahay ang kanyang mga iginuhit. Lumaking
malapit sa kanyang lola si Sabel sa kadahilanang ito na ang nagpalaki sa kanya dahil
nagtatrabaho sa ibang bansa ang kanyang mga magulang. Masaya silang
namumuhay ng kanyang lola kahit sila lamang dalawa, palagi siyang tumutulong sa
gawaing bahay at pagkagaling sa eskwela ay tinuturuan siya nitong gumuhit. Isang
magaling na manguguhit ang kanyang lola at hangang-hanga siya dito kaya naman
nais niya itong tularan. Ang pagguhit ang kanilang naging libangan at ito din ang
naging daan para mas maging malalim ang kanilang ugnayan.
Isang araw binigyan si Sabel ng lapis ng kanyang lola, “Gamitin mo ito
palagi apo, ang lapis na ito ay may mahika na mas magbibigay buhay sa mga iguguhit
mo” ang sabi ng kanyang lola. “Totoo po lola? May magic po ang lapis na ito?” Ang
sabi ni Sabel habang nagniningning ang kanyang mga mata. Simula noon ang lapis
na iyon ang palaging ginagamit ni Sabel sa kanyang pagguhit, naniniwala siya sa
sinabi ng kanyang lola na ito ay may mahika. Sa tuwing gumuguhit si Sabel gamit
ang pudpod na lapis, nadarama niya ang pagmamahal at suporta ng kanyang Lola.
Naniniwala siya na ang lapis na ito ang nagbibigay sa kanya ng galing sa pagguhit.
Habang lumilipas ang araw patuloy na guamagaling sa pagguhit si Sabel subalit
nananatiling ang lapis na bigay ng kanyang lola ang kanyang ginagamit hangang sa
mapansin niya ang lapis na iyon ay malapit nang maubos. “ Naku pudpod na ang
lapis ko, paano na ako makakaguhit nito kapag tuluyan itong naubos? Wala na akong
magagamit at hindi na ako makakagawa ng kasing-ganda ng mga dati kong iginuhit”
ang nag-aalalang sambit niya sa kanyang sarili. Naisip niyang puntahan ang kanyang
lola upang tanungin ito kung mayroon pa ba itong natatagong mahiwagang lapis. “
Lola pudpod na po ang bigay niyo sa aking lapis maaari po ba ninyo akong bigyan ng
bago yung may magic pa din?’’ ang tanong ni Sabel sa kanyang lola. Subalit ito ang
naging sagot ng huli sa kanya “ Naku! Mahal kong apo, wala na akong lapis ang
ibinigay kong iyon sa iyo ay isang ordinaryong lapis lamang at hindi totoong may
mahika, ang iyong galing sa pagguhit ay natural at hindi galing sa anumang magic o
kung ano pa man.” Nalungkot si Sabel sa kanyang narinig hindi siya naniniwala sa
sinabi ng kanyang lola bagkus ay nanatili siya sa kanyang paniniwala na ang pudpod
na lapis ay may taglay na mahika at ito ang dahilan kaya magaganda at buhay na
buhay ang lahat ng kanyang mga iginuhit gamit ito.

Sa paaralan, matagal nang napapansin ng kanyang guro ang angking galing


ni Sabel sa pagguhit at nais ng kanyang guro na mas mahasa niya ang kanyang
talento upang mas mapaunlad niya ito ngunit sa pagdaan ng mga araw unti-unti
napapansin niyang parang tinatamad na itong gumuhit kaya tinanong niya ito. “
Sabel, napansin kong hindi ka na malimit gumuhit at palagi ka na ding matamlay,
maaari ko bang malaman kung mayroon kang suliranin” ang tanong ni Gng.
Catapang. Hindi naman siya nabigo sa inaasam na kasagutan dahil ipinagtapat ni
Sabel sa kanya kung ano talaga ang tunay na dahilan. “ Pudpod na po ang aking
mahiwagang lapis kapag naubos po ito wala na po talaga akong magagamit” ang
paliwanag ni Sabel sabay hikbi . Nang marinig iyun ng kanyang guro sinabi niya dito
na kung may mahika man o wala ang isang lapis ang mahalaga ay magtiwala sa
sariling kakayahan at patuloy itong pagyamanin at kapag nangyari iyun hinding hindi
na niya kakailanganin ang tulong ng kahit na anong mahika sabay alok sa kanya ng
isang bago at mas magandang lapis. Ngunit hindi niya ito tinanggap sa halip ay
nagpasalamat na lamang at sinabing nahihiya siya sa guro. Pero ang totoo naniniwala
si Sabel na ang pudpod na lapis ang nagbibigay ng kanyang galing at kahusayan sa
pagguhit kaya ayaw niya itong palitan. Subalit sa kabila ng kanyang pagtanggi ipinilit
ito ng kanyang guro sabay sabing “ Itago mo ito at gamitin mo kung kailan mo gusto,
basta naniniwala ako sayong talento at alam kong mas huhusay ka pa sa larangang
ito” Kinuha naman ito ni Sabel at isinilid sa kanyang lalagyan ng lapis at
nagpasalamat.
Isang hapon bago maguwian sa kani-kanilang tahanan ang mga mag-aaral ay
nagbigay ng mahalagang anunsiyo ang guro na magkakaroon ng patimpalak sa
pagguhit. Sinabi ng guro na ang lahat ng interesadong sumali ay magpalista upang
mairehistro ang kanilang mga pangalan bilang kasali sa naturang patimpalak.
Hinihintay ng guro na magpalista si Sabel ngunit hindi ito lumapit sa kanya sa halip
ay nagpaalam lamang ito na siya ay uuwi na sa kanilang tahanan. “ Hindi ba
pangarap mong maging isang sikat na manguguhit hahayaan mo na lang ba na hindi
mo iyon matupad diba may natitira pa naman sa lapis mo at maaari mo pa din itong
magamit, bakit hindi mo subukan tutal magagamit mo pa din naman ang pudpod na
lapis mo?” ang tanong ni Gng. Catapang kay Sabel. Sa narinig ay nagkaroon ng pag-
asa si Sabel at nagdesisyong sasali siya sa patimpalak sa pagguhit.
Dumating na ang araw ng paligsahan sa sining. Ito ay isang malaking
pagkakataon para ipakita ng mga kasali ang kanilang talento sa pagguhit sa mas
malawak na publiko. Punong puno ng kaba ang dibdib ni Sabel subalit naniniwala
siya na kayang kaya niyang gumuhit ng napakagandang obra dahil gagamitin niya
ang kanyang pudpod na lapis. Nagsimula na ang kompetisyon at nagumpisa na din
siyang gumuhit ngunit sa kabila ng kanyang kumpiyansa, dumating ang pagsubok na
nagpahirap sa kanya. Sa gitna ng kumpetisyon, nawala ang kanyang pudpod na lapis
na siyang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon at kahulugan sa kanyang mga likhang-
sining. Nang mawala ito, nawalan din siya ng kumpiyansa sa kanyang sarili. Natakot
siya na hindi niya kayang iguhit ang kung ano mang bagay gamit ang ibang lapis.
Kaya ginawa niya ang lahat upang mahanap ito. Sa kanyang paghahanap naalala niya
ang lapis na ibinigay ng kanyang guro sa kanya. Sa kanyang pagnanais na manalo sa
paligsahan kinuha niya ito at unti-unti muli siyang gumuguhit gamit ang bagong lapis
na iyon. Nagulat siya at napuno ng pagkamangha lalo na ng matapos niya ang
kanyang obra. Kahit hindi ang pudpod na lapis ang kanyang ginamit ay natapos niya
ito nang napakaganda. Madami ang humanga at pumuri sa kanyang iginuhit na
animo’y parang totoong totoo.
Sa wakas, dumating na din ang kanyang pinakahihintay ito ay ang
paganunsiyo kung sino ang nagwagi sa paligsahan. Makapigil hininga habang
binubuksan ng guro ng palatuntunan ang sobre. Sa isang iglap isang maugong na
palakpakan ang kanyang narinig at isinisigaw ang kanyang pangalan, siya ang
nagwagi!!!! Walang pagsidlan ng kaligayahan si Sabel, hindi siya makapaniwala sa
nangyayari. Nang tawagin ang kanyang pangalan upang umakyat sa entablado para
tanggapin ang tropeyo, pumatak ang kanyang luha, ito ay luha ng kaligayahan at
pasasalamat. Habang siya ay nasa entablado nakita niya ang kanyang guro na
nakangiti at lumuluha din kaya pagbabang pagbaba niya mula sa entablado tinakbo
niya ito at niyakap sabay sabing “ salamat po sa bigay ninyong lapis at sa paniniwala
sa aking kakayahan, simula po ngayon mas pagbbutihan ko pa po para sa inyo at
para sa aking Lola at nangangako din po ako na palagi na akong magtitiwala sa aking
kakayahan” Simula noon mas nagkaroon ng kumpiyansa sa sarili si Sabel at mas
naging pursigidong ipagpatuloy ang pag-abot sa kanyang pangarap.

Sa huli, si Sabel ay nagpatuloy sa kanyang pagguhit at naging isang kilalang


mangguguhit. Ang kanyang mga likhang-sining ay nagbigay ng inspirasyon at
kasiyahan sa maraming tao. Siya ay naging isang huwaran ng determinasyon at
pagmamahal sa sining.

Ang tagumpay ni Sabel ay hindi lamang nasa pagkakapanalo sa paligsahan,


kundi sa pagkakaroon ng pagmamahal at pasasalamat sa sining na kanyang
ginagawa. Ang kanyang talento at determinasyon ay nagdulot ng inspirasyon sa iba
pang mga batang mangguguhit na nagnanais na ipakita ang kanilang mga
kakayahan.

MELC-Nakapagpapakita ng mga natatanging kakayahan nang may pagtitiwala sa sarili EsP3PKP-


Ia – 14

Drawing Contest

You might also like