Pagkaraan ng dalawang buwan ng matinding kalungkutan para kay Florante ay
dumating ang ikalawang sulat ng kaniyang ama, kasama ang sasakyang sumundo sa kaniya. Bago umalis pinagbilinan si Florante ng gurong si Antenor na pakaingatan si Adolfo sapagkat tiyak na siya ay maghihiganti. Idinagdag pang huwag padadala si Florante sa magiliw na pakikiharap. Pinayuhan siyang lihim na maghanda nang hindi nagpapahalata. Pinayagan ni Antenor si Menandro na sumama kay Florante. Ang magkaibigan ay inihatid ng kanilang mga kamag-aral hanggang sa daungan.
Kabanata 18: Paghingi ng Tulong ng Krotona
Hindi nagtagal, nakarating sa Albanya ang magkaibigan. Pagkakita sa ama ay napaluha si Florante at muling nanariwa ang sakit ng loob sa pagkamatay ng ina. Nang mga sandaling iyon ay dumating ang sugo ni Haring Linceo, dala ang sulat ng Hari ng Krotona na humihingi ng tulong sapagkat sila ay nilusob ni Heneral Osmalik ng Persiya, ang pangalawa sa bantog na si Prinsipe Alladin na hinahangaan ni Florante, at ayon sa balita ay kilabot sa buong mundo. Sa narinig, napangiti ang Moro at nagsabing bihirang magkatotoo ang mga balita at karaniwang may dagdag na. Nagtungo sa palasyo ng Albanya ang mag-ama. Doon masakit man sa loob, pumayag din si Duke Briseo nang hirangin ng hari si Florante bilang heneral ng hukbo.
Kabanata 19: Kagandahang Walang Kawangis
Nakilala ni Florante ang anak ng hari na si Laura, isang dalagang kaagaw ni Venus sa kagandahan, isang kagandahang mahirap isiping makapagtataksil. Sa harap ng kagandahan ni Laura, laging nagkakamali ng sasabihin si Florante sapagkat natatakot siyang baka hindi maging marapat sa dalaga.
Kabanata 20: Pangarap na Pag-ibig
Tatlong araw ang piging ng hari para kay Florante. Sa loob ng panahong ito ay di man lamang nakausap ni Florante nang sarilinan si Laura. Sa kabutihang-palad, isang araw bago umalis sina Florante upang makidigma, nakausap niya ang dalaga at nagtapat siya ng pag-ibig. Hindi sumagot ng “oo” ang dalaga ngunit lumuha siya nang umalis si Florante patungong digmaan.
Kabanata 21: Sa Krotona
Dahil sa luhang pabaon ni Laura, natiis ni Florante ang kalungkutang bunga ng pagkawalay sa minamahal. Pagdating sa digmaan, naabutan ng hukbo nina Florante na halos mawasak na ng kaaway ang kuta ng Krotona. Ngunit magiting na nagtanggol si Florante at ang kaniyang mga kawal hanggang sa hamunin ni Heneral Osmalik si Florante na silang dalawa ang magharap. Limang oras silang naglaban hanggang sa mapatay ni Florante si Osmalik.