You are on page 1of 6

Pakikidigma

sa Krotona
Inihanda ni Eugene Y. Evasco
Narating na nina Florante at Menandro ang kanilang kaharian. Agad
dinulog ni Florante ang amang si Duke Briseo. Kapwa nila
ipinagluksa ang kamatayan ni Prinsesa Floresca. Pagkaraan, dumating
ang lihan na dala ng embahador ng Krotona. Nagmula ang lihan sa
biyenan ng duke na hari ng Krotona. Humingi siya ng tulong upang
masugpo ang hukbo ni Heneral Osmalik, na nasa patnubay ng morong
si Aladin ng Persya.
Sa atas ni Haring Linseo ng Albanya, inatasan niya si Florante na
magsilbing heneral ng hukbong aagapay sa Krotona. Hinangad ng hari
na magtagumpay siya sa pakikidigma iyon. Pagkaraan nito, nagpulong
sila upang makalikha ng magandang plano sa pagtulong sa Krotona.
Nang ibabahagi ni Florante ang kanyang mga pagsasanay sa Atenas,
dumating naman si Laura, ang anak ni Haring Linseo. Tila nagsabog
ng ningning ang kagandahan ni Laura. Ang liwanag daw ng mukha ni
Laura ay walang ipinagkaiba kay Pebo. Dagdag pa ni Florante, si
Laura ang ikinasisira ng kanyang isip sa tuwing nagugunita. Siya rin
daw ang dahilan ng kanyang lungkot at pagdurusa.
Sa pagsasalaysay na iyon, nabanggit ni Florante na muling nag-
alab ang pagsinta niya kay Laura. Sa tatlong araw na kaloob ni Haring
Linseo bago ang pakikidigma sa Krotona, hindi nakausap ni Florante
si Laura. Nakausap lamang niya ito sa bisperas ng kanilang paglusob
sa Krotona.
Naglatag ng pagsinta si Florante kay Laura. Hindi man lantad na
nagbitiw ng "oo'' sa pagsinta, naluha si Laura sa paglisan ni Florante.
Masakit man, tinugon ni Florante ang hamon na makidigma, iwan ang
sinisinta, at iligtas ang Krotona sa hukbo ng morong si Heneral
Osmalik.
Sinalubong ng mga makinang pandigma ang hukbo ni Florante.
Pagkaraan, nilusob nila ang Krotona at pinaligiran ito. Halos walang
humpay ang sagupaan, ang patayan. Maraming napaslang si Heneral
Osmalik. Nagsalubong sina Osmalik at Florante. Sila'y nagtuos.
Pagkaraan ng limang oras, nagluksa ang langit nang napatay ni
Florante ang heneral mula sa Persya. Sa pamumuno naman
ni Menandro, nalupig nila ang mga morong kawal na naghasik ng
lagim sa Krotona.
Nagkaroon ng pagdiriwang sa loob ng tatlong araw. Idineklarang
isang magiting na bayan si Florante. Ngunit, nagluluksa pa rin si
Florante sa pagyao ng kanyang ina. Limang buwang nanatili sa
Krotona si Florante at ang kanyang hukbo. Sa panahong inilagi nila
dito, laging naaalala ni Florante ang iniwan niyang sinisinta sa
Albanya, si Laura.
GROUP 3

You might also like