You are on page 1of 2

B – El Filibusterismo 2

Ang dalawang tanyag na nobela ni Dr. Jose Rizal ay magkaiba sa maraming aspeto. Ngunit ito ay
magkarugtong na kwento, at isinulat ng iisang manunulat. Bagama’t ito’y mayroong magkakaparehong
mga tauhan, hindi maipagkakailang madami parin itong pagkakaiba.

Ang aklat na Noli Me Tangere ay nangangahulugang "Huwag Mo Akong Salingin." Ang nobelang ito
ay isang Romantikong Nobela na gawa mula sa puso, isang aklat na mayroong damdamin, mayroong
kasariwaan, kulay, katatawanan, kagaanan at kislap ng talino. Habang ang aklat naman na El Filibusterismo
ay nangangahulugang “Ang Paghahari ng Kasakiman." Ito ay isang nobelang politikal na gawa mula sa isip,
isang aklat ng kaisipan na nagtataglay ng kapaitan, pagkakasuklam, sakit, karahasan at kalungkutan.

Ang orihinal na intension ni Rizal ay gawing mas mahaba ang El Filibusterismo kaysa sa Noli Me
Tangere, ngunit ng ito ay kaniyang maimprenta, naging mas maikli ito kaysa sa Noli Me Tangere. Mayroon
lamang itong 39 na kabanata sa El Filibusterismo kumpara sa Noli Me Tangere na mayroong 64 na
kabanata. Kinailangang iksian ni Rizal ang El Filibusterismo dahil sa kakulangan niya sa pondo.

Katulad ng sinasabi ng nakakarami, para sa akin ay talagang mas angat sa mga katangiang
pampanitikan at panlipunan sa Noli Me Tangere kaysa sa El Filibusterismo. Ang El Filibusterismo ay may
layuning panlipunan. Ang dalawang nobelang ito ay kapwa bunga ng isang uri ng pagbabangon sa
katauhan ng bayani, na noong panahong iyon ay maituturing na isang matapang na hakbang sapagkat
alipin ang mga Pilipino. Ngunit kakaiba sa Noli Me Tangere. Ang paghahain ng katotohanan sa El
Filibusterismo ay naglalayong ang bayan ay magising at maghimagsik, at hindi upang mangarap lamang
ng pagbabago. Sa Noli Me Tangere ay may pangarap, may ganda, may damdamin ng pag-ibig, at may awa.
Sa El Filibusterismo ay walang madarama kundi ibayong poot, kapaitan na tumitindi sa bawa't munting
bahagi ng aklat, na bahagi ng bawat karanasan ng mga mahahalagang tauhan ng nobela.

Ang mga Rizalista ngayon ay mayroong magkakaibang opinyon sa alin ang mas mahusay na nobela.
Ang Noli Me Tangere ba o ang El Filibusterismo. ngunit para sa nakararami at para sa akin ay parehas itong
mainam na nobela mula sa punto de-vista ng kasaysayan. Pareho itong may mahusay na paglalarawan sa
totoong kondisyon ng Pilipinas at nang mga Pilipino noong panahon ng mga Kastila.
Ang El Filibusterismo at Noli Me Tangere ay mga nobelang nagpapakita ng kalagayan ng Pilipinas sa
panahon ng mga Kastila. Isa itong pampulitikang nobela na pumukaw at nagpahiwatig ng matinding sakit
sa lipunan at bakit nangangailangan ng pagbabago ang bansa, at ang hangaring makapagtamo ng tunay
na kalayaan at karapatan ng ating bayan. Ito'y pumapaksa sa mga problema ng mga Pilipino sa nakaraan
tulad ng pang-aabuso at diskriminasyon sa kamay ng mga Kastila. Ibinahagi ni Rizal ang mga sakit sa
lipunan na pilit kinukubli ng nasa kapangyarihan. Nagbahagi rin ito ng ating kultura bilang Pilipino.

Sa pagsulat niya ng nobelang ito, naniniwala si Rizal na may pagkakataon pang magbago at mapabuti
ang lagay ng kanyang mamamayan. Napamulat nya ang mga ordinaring Pilipino sa mga ideolohiya na
maaari pang mapabuti ang lagay ng bansa. Sa ganitong paraan nagsindi siya ng apoy sa puso ng bawat
Pilipino at tumulong sa pag-angat at pagbangon ng ating bansa. Gusto niyang mamulat ang mga Pilipino
sa pang-aabuso at pagmamalupit ng mga dayuhan sa atin. Mariing niyang ipinunto sa nobela ang ibang
pakikitungo ng mga Kastila sa mga ordinaryong Pilipino, at ang mga ginagawa nila para sa kanilang sariling
kapakinabangan. Wala silang iniisip patungkol sa mga indio na naninira rin dito at tanging mga Pilipino
lamang ang kanilang pinupuntirya.

Sa paraan ng nobelang ito, naniniwala si Rizal na ang kabataan ang makakagawa ng solusyon upang
mapabuti ang bansa dahil naniniwala siyang sila ang pag-asa ng bayan. Naniniwala si Rizal na malapit na
ang panahon upang manindigan at igiit ng mga ordinaring Pilipino ang kanilang mga karapatan sa kanilang
sariling bansa. Batid ni Rizal na may posibilidad na magkaroon ng pagkakataon ang mga Pilipino sa isang
rebolusyon at dapat lamang maging mapanuri at mapamatyag ang bawat isa upang ang interes ng bayan
ang magwari sa huli.

You might also like