You are on page 1of 4

PÚPOL-SENYORA

-ni Shanara Altamera

Mula sa sinag ng timog at silangan


Hanggang sa pitong-libong mga kapuluan
Umusbong ang munting pag-asa
Sa puno ng Molave na tila nag-iisa.
Sa liit mong parang isang gintong korona
Kaharian mo’y matatagpuan sa ibabaw ng sanga
Hindi ka natitinag sa kabila ng pagsubok
Matatag ka sa pagharap sa hamon ng mga nag-aamok
Tinitingala ang iyong galing, puso at talino
Pag-asa’y nasa iyo. Mahusay ka ngang pinuno.

Sa pagsisimula ng isang pagsibol


Unti-unting yumayabong sa mga sanga ng Mulawin
Isang buko na may maangas at kakaibang hugis
Sumusunod sa yapak ng kaniyang amang mabangis
Pagnanais ng karamihan, pabilisin ang paglaki
Ang pagsibol at pag-usbong ng bulaklak ng Molave
Nananatili sa kaniyang puwesto, hantayin ang sandali
Hindi sapat ang ilang araw na tag-ulan o tag-init
Ang pagyabong ay nasa oras na ipinagkaloob ng langit
Sana’y maunawaan, huwag tayong pabigla-bigla.

Isa tayo sa mga dahon ng puno ng Tugas


Ang puno ng Malaruhat na pinangagambahang mauubos
May mga dahon sa itaas, sa gitna at sa ibaba
Hindi sila nagtatagal, unti-unting natutuyo
Nalalaglag at nalalanta sa ilalim ng lupa
Karamihan sa mga dahon ay lumilipad, tinatangay
Sa kabilang dako ng mga punong may matitingkad na kulay
Ang iba’y bumabalik, ngunit karaniwan ay hindi na
Nagpapalamig sa lilim ng mga punong dayuhan
Dahil hinahanap nila ang kulay berdeng kapaligiran

Ibang puno’y mabilis ang paglaki at pagyabong


Hindi katulad ng Molave na natatabunan, natatakpan ang araw
Pinalilibutan ang puno upang hindi na ito umunlad
Walang tigil na inaagawan ng teritoryo ang kinatatayuan nito
Sa isang hibla ng sikat ng araw mula sa silangan
Dahan-dahang tutubo ang buko sa bawat kasangahan
Hangad nito ang anim na taong pamamayagpag
Sa ibabaw ng punong matayog ang pangarap
Hindi inaasahan, kagandahan ng labas at kalooban
Makuha ang pandaigdigan korona, maitaas ang dangal

Tinatayang lumiliit ang sustansiyang nahihigop ng puno


Hindi sapat ang nakukuha nitong sinag mula sa haring araw
Mula sa mga malilit nitong buko na nagiging dahon o bulaklak
Nanghihina ang puno, hindi ito magtatagal
Kailangang alisin ang hadlang o umiwas sa mga harang
Hindi sa lahat oras kanila dahil nagbabago ang panahon
Masisilayan din ng puno ang buong liwanag mula sa bolang apoy
Kasabay ng pagtaas, mga dahon ay papagapagaspas
Nagbabago ang klima, nagbabago ang takbo ng sistema
Pagtaas sa kinatatayuan, pinangangambahan

Naging makabuluhan ang pagiging matatag


Sa gitna ng pagsubok, ang puno’y patuloy sa pagtaas
Malayo pa ang langit, ngunit malayo na ang narating
Mga dahon sa tuktok ng puno’y pinamumugaran ng mga ibon din
Ang sipol ng mga sisiw nitoy hudyat na may pag-asang darating
Sumasabay ang galaw ng puno sa ihip ng hangin
Tahimik at nakikinig lang ang puno sa huni ng Inang Kuwago
Tila may babala ito sa mga may balak kumandidato
Gamitin ang talino, hindi sa bawal na pamamaraan
Huwag gumamit ng bato kung may nais kang patamaan

Hindi maiiwasan ang mga insekto at kahit ang mga ahas


Dumadapo sa puno, lumilingkis ang bahag nitong buntot
Umaatake nang dahan-dahan sa ibong nagtatago sa pugad
Makamandag na ahas na may dalang pakiusap
Huwag daw siyang ituring na isang masamang hayop
O isiping nanunuklaw kapag nakatalikod
Dahil mabait siya at may dalawampung pesong pangako
Nais lang niyang alisin ang mga bara sa puno
Nang may bumato sa puno, agad niya itong nilamon
Ang mga ibon, ang bato, at maging ang mga dahon

Naglalaglagan ang mga dahon dahil sa batong tumama


Mula sa tirador ng mga ibong gala
Sa halip na matamaan ang ibon, tumama ito sa mga sanga
Nabali at naputol ang malambot nitong parte
Nahulog din ang ahas at sumabay sa mga baling sanga
Bumagsak sa lupa ngunit buhay pa rin at gumagala
Ang naiwang putol na sanga sa puno ay nanginginig
Aasahang may tutubong bagong buko sa bawat dulo
Ang bukong magsisiling isang simbolo
Ng katatagan at pag-asa ng buong sangkadahunan
Matibay ang puno, ginagawang balangay
Naglalayag mula sa laylayan hanggang sa alta syudad
Ginagawang muwebles, o di kaya’y kubyertos
Ang punong Molave, sa iba ay Mulawin
Binansagang Malaruhat, at Tugas kung tawagin
Sa bawat buko nito’y may dalang pag-asa
Ang bawat pag-usbong na magbibigay ng mga maliliit na bukong
Hindi mawawala ang kagandahan ng isang puno
Sa kabila ng pagsubok, mananatili pa rin itong nakatayo
Magsasama-sama ang mga dahon at bubuo ng isang kalasag

Mga dahon ay magiging balute at pananggalang


Upang tumubo at lumago hanggang marating ang kalangitan
Titingala ang ibang dayuhang puno
Dahil sa gandang taglay ng mga dahon at bulaklak
Magiging likas na yaman
Magiging kapakipakinabang
Ang pagsulpot ng munting buko sa kasangahan
Ang pagsibol ng bagong dahon at puting bulaklak sa dulo
Harapin ang pagsubok magiging matatag tayo
Magkaisa, tumindig at magsilbing liwanag sa lilim.

You might also like