You are on page 1of 13

BATAS REPUBLIKA BLG.

6657

BATAS SA PAGSASATATAG NG ISANG KOMPREHENSIBONG PROGRAMA SA REPORMANG PANSAKAHAN UPANG MAPAUNLAD ANG
KATARUNGANG PANLIPUNAN AT INDUSTRIYALISASYON, PAGTATAKDA NG PAMAMARAAN PARA SA IMPLEMENTASYON, AT PARA SA IBA
PANG MGA LAYUNIN

Pagtibayin ng Senado at ng Mababang Kapulungan ng Pilipinas na natitipon sa Kongreso. aDHScI


KABANATA I
Panimulang Kabanata
SEKSIYON 1. Pamagat — Ang Batas na ito ay makikilala bilang Batas sa Komprehensibong Repormang Pansakahan ng 1988.
SEKSIYON 2. Pagpapahayag ng mga Simulain at Patakaran. — Patakaran ng Estado na itaguyod ang Komprehensibong Programa sa
Repormang Pansakahan (CARP). Ang kapakanan ng mga magsasakang walang lupa at mga manggagawa sa bukid ay bibigyan ng pangunahing
pagsasaalang-alang upang mapaunlad ang katarungang panlipunan at mapasulong ang bansa tungo sa mahusay na pagpapaunlad ng
kanayunan at industriyalisasyon at ang pagtatatag ng may-ari/nagbubungkal ng katamtamang sukat ng lupa bilang batayan ng pagsasaka sa
Pilipinas.
Tungo sa layuning ito, isang higit na makatwirang pamamahagi at pagmamay-ari ng lupa, na may nararapat na pagsasaalang-alang sa mga
karapatan ng may-ari ng lupa sa makatarungang bayad at pang-ekolohiyang pangangailangan ng bansa, ay isasagawa upang mabigyan ang mga
magsasaka at manggagawa sa bukid ng pagkakataong mapataas ang kanilang dignidad at mapabuti ang uri ng kanilang pamumuhay sa
pamamagitan ng higit na pagkaproduktibo ng mga lupang pansakahan.
Ang programang repormang pansakahan ay nakasalig sa karapatan ng mga magsasaka at regular na mga manggagawa sa bukid, na walang mga
lupa, na tuwiran o sama-samang magmay-ari ng mga lupang kanilang sinasaka o sa kalagayan ng iba pang mga manggagawa sa bukid,
tumanggap ng karapatang kaparte sa mga bunga niyon. Tungo sa layuning ito, dapat mapasigla at maisagawa ng Estado ang makatwirang
pamamahagi ng lahat ng mga lupang pansakahan, na sasailalim sa mga prayoriti at sa matitirang sukat na itinakda ng Batas na ito, na
nagsasaalang-alang sa mga konsiderasyong pang-ekolohiya, pangkaunlaran, at pagkamakatarungan, at batay sa pagbabayad ng makatwirang
kabayaran. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng maliliit na may-ari ng lupa, at dapat maglaan ng mga insentibo para sa boluntaryong
pagbabahagi ng lupa.
Dapat kilalanin ng Estado ang karapatan ng mga magsasaka, mga manggagawa sa bukid, at mga may-ari ng lupa, gayundin ng mga kooperatiba
at iba pang malayang samahan ng mga magsasaka, na lumahok sa pagpaplano, pagbuo, at pamamahala ng programa, at dapat maglaan ng
suporta sa pagsasaka at pamamagitan ng angkop na teknolohiya at pananaliksik, sapat na salaping panustos, tulong sa produksiyon at
pagsasapamilihan at iba pang mga tulong na suporta.
Dapat ipatupad ng Estado ang mga simulain ng repormang pansakahan, o pamamahala, kailanma't mapaiiral, nang naaalinsunod sa batas sa
pamamahagi o paggamit ng iba pang mga likas na kayamanan, kasama ang mga lupaing pambayan, na angkop sa pagsasaka sa ilalim ng
pamumuwisan o konsesyon, batay sa mga karapatang nauuna, mga karapatan sa homestead ng maliliit na nananahanan at mga karapatan ng
katutubong mga pamayanan sa kanilang minanang mga lupain.
Maaaring ipanahanan ng Estado ang mga magsasakang walang lupa at mga manggagawa sa bukid sa sarili nitong mga lupaing pansakahan, na
ipamamahagi sa kanila sa paraang itinatakda ng batas.
Sa pamamagitan ng nararapat na insentibo, dapat hikayatin ng Estado ang pagbuo at pagpapanatili ng katamtamang sukat ng sakahan para sa
pamilya na bubuuin ng indibidwal na benepisyaryo at maliit na may-ari ng lupa.
Dapat pangalagaan ng Estado ang mga karapatan ng mga mangingisdang ito lamang ang ikinabubuhay lalo na ang mga lokal na pamayanan,
upang sila ang tanging makinabang sa kayamanan sa tubig at pangingisda na para sa lahat, kapwa sa mga tubigang panloob at sa dagat.
Maglalaan ng tulong sa gayong mga mangingisda sa pamamagitan ng nararapat na teknolohiya at pananaliksik, sapat na tulong sa pananalapi,
produksyon at pagsasapamilihan at iba pang mga lingkuran. Dapat din pangalagaan, paunlarin at pagyamanin ng Estado ang mga nasabing likas
na kayamanan. Dapat ding mapangalagaan para sa kapakanan ng maliliit na mangingisda ang ating mga karagatan laban sa pagpasok ng mga
dayuhan. Ang mga mangingisda ay dapat tumanggap ng makatwirang kaparte mula sa kanilang pagtatrabaho sa pakinabang sa mga
kayamanan sa tubig at pangingisdaan.
Ang Estado ay dapat patnubayan ng simulain na ang lupa ay may dapat gampanang tungkuling panlipunan at ang pagmamay-ari ng lupa ay
may pananagutang panlipunan. Ang mga may-ari ng lupang sakahan ay may tungkuling linangin nang tuwiran o sa pamamagitan ng
pamamahala sa paggawa ng lupang kanilang ari at sa gayon ay maging produktibo ang lupa.
Dapat maglaan ang Estado ng mga insentibo sa mga may-ari ng lupa sa pamumuhunan ng tinanggap na kabayaran sa programa sa repormang
pansakahan upang itaguyod ang industriyalisasyon, lumikha ng mga hanapbuhay at isapribado ang mga negosyo ng sektor publiko. Ang mga
kasangkapang pampananalapi na ginamit na kabayaran para sa mga lupain ay nagtataglay ng katangian na nakadaragdag sa pagbibili at
tinatanggap sa pamilihan.
Maaaring paupahan ng Estado ang mga nakatiwangwang na lupaing pambayan sa mga kwalipikadong entity para sa pagpapaunlad ng
sakahang malalaki ang puhunan at pagtatanim ng tradisyunal at paunang pananim lalo na yaong iniluluwas na sasailalim ng naunang mga
karapatan ng mga benepisyaryo alinsunod sa Batas na ito.
SEKSIYON 3. Mga Kahulugan. — Para sa layunin ng Batas na ito, maliban kung may ibang ipinahihiwatig ang nilalaman:
(a) Ang Repormang Pansakahan ay nangangahulugan ng muling pamamahagi ng mga lupain, maging anuman ang mga pananim o inaaning
bunga, sa mga magsasaka at mga regular na manggagawa sa bukid na walang lupa, na hindi isinasaalang-alang ang kaayusan ng pagmamay-ari,
kalakip ang kabuuang batayan at tulong na paglilingkod na nilalayon upang mapataas ang kalagayang pangkabuhayan ng mga benepisyaryo at
lahat ng iba pang kaayusang maaaring mapagpipilian sa muling pamamahagi ng mga lupain, gaya ng produksyon o pagpaparti ng kita,
pangangasiwa sa paggawa, at ang pamamahagi ng saping puhunan, upang matanggap ng mga benepisyaryo ang makatwirang kaparti ng bunga
ng kanilang lupang nilinang.
(b) Agrikultura, Mga Negosyong Pang-agrikultura o mga Gawaing Pang-agrikultura ay nangangahulugan ng paglinang ng lupa, pagtatanim
ng mga halaman, pagpapalaki ng mga bungang-kahoy, paghahayupan, pagmamanukan o palaisdaan, kabilang na ang pag-aani ng mga
produktong pansakahan, at iba pang mga gawain sa bukid at kinaugaliang isinasagawa ng mga taong likas o huridikal man.
(k) Ang Lupang Agrikultural ay tumutukoy sa mga lupang laan lamang sa mga gawaing pang-agrikultura na gaya ng ipinaliliwanag sa Batas
na ito at hindi inuuri bilang lupang mineral, kagubatan, panahanan, komersiyal o industriyal.
(d) Ang Sigalutang Pansakahan ay tumutukoy sa anumang alitan na kaugnay sa kaayusan ng pagmamay-ari, maging pamumuwisan, kasama,
stewardship o pamamahala o iba pa, dahil sa mga lupang nakalaan sa agrikultura, kabilang din ang sigalutan hinggil sa mga samahan o
kinatawan ng mga manggagawa sa bukid, sa pakikipagkasundo, pagtatakda, pagpapanatili, pagbabago o nagsisikap na maayos ang mga
tadhana o mga kondisyon ng gayong kaayusan ng pagmamay-ari.
Kabilang dito ang anumang alitan na nauugnay sa kabayaran ng mga lupang natamo alinsunod sa Batas na ito at iba pang mga tadhana at mga
kondisyon ng paglilipat ng pagmamay-ari mula sa may-ari ng lupa tungo sa mga manggagawa sa bukid kasama at iba pang mga benipisyaryo ng
repormang pansakahan, kahit ang magkabilang panig ay malapit ang ugnayan sa tagapangasiwa at benipisyaryo, may-ari ng lupa, at kasama o
nagpapabuwis at namumuwisan.
(e) Ang nakatiwangwang o pinabayaang lupa ay tumutukoy sa alinmang lupang sakahan na tuluyang hindi nililinang, binubungkal o
pinauunlad upang makapag-ani ng anumang pananim o hindi inilalaan sa anumang tanging layuning pangkabuhayan sa loob ng tatlong (3) taon
kagyat bago matanggap ang patalastas ng pagkatamo ng pamahalaan gaya ng itinatakda sa Batas na ito, subalit hindi kabilang ang mga lupaing
naging permanente o palagiang nakalaan sa mga layuning hindi pansakahan. Hindi kabilang ang lupaing hindi naging produktibo sanhi ng mga
pangyayaring hindi maiiwasan, sa pasubali na bago ang nasabing pangyayari, ang lupain, ay dating ginagamit na sakahan o sa iba pang layuning
pangkabuhayan.
(f) Ang Magsasaka ay tumutukoy sa likas na tao na ang Pangunahing hanapbuhay ay ang paglinang ng lupa o pagtanim ng mga pananim
pansakahan, sa kanyang sarili o sa tulong ng kanyang malalapit na kasambahayan, maging ang lupain ay pag-aari niya, o pag-aari ng ibang tao
sa kaayusang pamumuwisan o kasamang partihan o sa anumang pakikipag-ayos sa may-ari nito.
(g) Ang Manggagawa sa bukid ay likas na tao na nagkakaloob ng paglilingkod na binabayaran bilang isang kawani o manggagawa sa isang
negosyong pansakahan o sakahan na hindi isinasaalang-alang kung ang kanyang pasahod ay arawan, lingguhan, buwanan o pakyawan. Ang
kabilang sa katuturang ito ay ang isang indibidwal na ang gawain ay natigil sanhi ng o kaugnay ng isang nabibinbing alitang pansakahan at hindi
nakatagpo ng katumbas at regular na empleo sa sakahan.
(h) Ang Regular na Manggagawa sa Bukid ay isang likas na taong nagtatrabaho nang permanente sa isang gawaing pang-agrikultura o
sakahan.
(i) Ang Pana-panahong Manggagawa sa Bukid ay isang likas na taong nagtatrabaho nang paulit-ulit o pana-panahon sa isang gawaing pang-
agrikultura o sakahan, maging permanente o permanenteng manggagawa gaya ng "dumaan", sacada, at iba pang katulad nito.
(l) Ang iba pang Manggagawa sa Bukid ay yaong manggagawa na hindi kabilang sa talata (g), (h) at (i).
(n) Ang kooperatiba ay tumutukoy sa mga samahan na binubuo sa una-una ng mga maliit na prodyuser na pang-agrikultura, magsasaka,
mga manggagawa sa bukid, o iba pang mga benepisyaryo ng repormang pansakahan na kusang nagsama-sama para sa layuning pagsama-
samahin ang puhunang lupain, tao, teknolohiya, salapi o iba pang mga mapagkukunang pang-kabuhayan, at pinaiiral sa panuntunan na isang
kasapi, isang boto. Ang isang huridikal na tao ay maaaring maging kasapi ng kooperatiba, na mayroon rin mga karapatan at tungkuling bilang
isang likas na tao.
KABANATA II
Saklaw
SEKSIYON 4. Lawak. — Ang Batas sa Komprehensibong Repormang Pansakahan ng 1988 ay dapat sumaklaw sa lahat ng mga lupang
agrikultural na pampubliko at pribado, ano pa man ang kaayusan sa pagmamay-ari at inaani, ayon sa itinatadhana sa Proklamasyon Blg. 131 at
Kautusang Tagapagpaganap Blg. 229, kasama ang iba pang mga lupaing pambayan na angkop sa agrikultura.
Ang mga sumusunod na mga lupain ay tiyakang saklaw ng Komprehensibong Programa sa Repormang Pansakahan:
(a) Lahat ng nalilipat at naipamamahaging lupaing pambayan na laan sa o angkop sa agrikultura. Walang isasagawang muling pag-uuri ng
lupang kagubatan at minahan tungo sa lupang sakahan pagkaraang mapagtibay ang Batas na ito hangga't mapagpapasyahan ng Kongreso, sa
pamamagitan ng batas na nagsasaalang-alang sa mga konsiderasyong pang-ekolohiya, pangkaunlaran, at pagkamakatarungan, ang tiyak na
katakdaan ng lupaing pambayan. HCaIDS
(b) Lahat ng mga lupaing pambayan na labis sa tiyak na limit na itinakda ng Kongreso sa naunang talata.
(c) Lahat ng iba pang lupaing pag-aari ng Pamahalaan na laan sa o angkop sa agrikultura; at
(d) Lahat ng mga pribadong lupain na laan o angkop sa agrikultura anuman ang inaaning produkto o maaaring anihin doon.
SEKSIYON 5. Iskedyul ng Implementasyon. — Ang pamamahagi ng lahat ng lupaing saklaw ng Batas na ito ay dapat kagyat na ipatupad at
tatapusin sa loob ng sampung (10) taon mula sa pagkakabisa nito.
SEKSIYON 6. Mga Retensyon Limit. — Maliban kung may naiibang itinatadhana sa Batas na ito, walang sinumang tao ang maaaring magmay-
ari o magpanatili, tuwiran o di-tuwiran, ng anumang lupang pang-agrikultura na pambayan o pampubliko, ang sukat nito ay mag-iiba-iba
alinsunod sa mga salik na kailangan para sa isang sukat ng bukid na pampamilya, gaya ng inaaning kalakal, lupain, imprastraktyur, at katabaan
na itatakda ng Pampanguluhang Sanggunian sa Repormang Pansakahan (PARC) na nilikha alinsunod dito, subalit walang pangyayari na ang
matitira sa may-ari ng lupa ay hihigit sa limang (5) ektarya. Tatlong (3) ektarya ang ipagkakaloob sa bawat anak ng may-ari ng lupa, na
sasailalim sa sumusunod na mga kwalipikasyon: (1) na siya'y labinlimang (15) taong gulang man lamang; at (2) na aktuwal niyang binubungkal
ang lupa o tuwirang pinamamahalaan ang bukid; sa Pasubali, Na ang mga may-ari ng lupa ay saklaw ng Atas ng Pangulo Blg. 27 ay dapat
pahintulutang manatili sa kanila ang lupa alinsunod dito: Sa Pasubali pa, Na ang orihinal na pinagkalooban ng homestead o ang tuwirang
sapilitang tagapagmana na siya pang may-ari ng orihinal na homestead sa panahon ng pagpapatibay ng Batas na ito ay siya pa ring may-ari ng
dating sukat hanggang sa ipinagpapatuloy nila ang paglinang sa nasabing homestead.
Ang karapatang pumili sa lugar na ititira, na kailangan ay karatig o kalapit, ay nauukol sa may-ari ng lupa; Sa pasubali, gayunpaman na sa
pangyayari na ang lawak na napili para itira ng may-ari ng lupa ay may kasama, maaaring mamili ang kasama kung siya ay mananatili doon o
maging benepisyaryo doon din o ng iba pang lupang sakahan na may gayunding katangian. Sakaling pinili ng kasama ang manatili sa natirang
lupa, siya ay ipapalagay na nangungupahan at mawawala ang kanyang karapatan na maging benepisyaryo alinsunod sa Batas na ito. Sa
pangyayari na pinili ng kasama na maging benepisyaryo sa ibang lupang sakahan, mawawala ang kanyang karapatan bilang isang
nangungupahan sa lupang itinira ng may-ari ng lupa. Dapat gamitin ng kasama ang kanyang karapatan na mamili sa loob ng isang (1) taon mula
sa panahon na ipabatid ng may-ari ng lupa ang napili niyang lupa para itira.
Sa lahat ng pangyayari, dapat igalang ang katatagan ng pagmamay-ari ng mga magsasaka o manggagawa sa bukid sa lupa bago pinagtibay ang
Batas na ito.
Sa sandaling magkabisa ang Batas na ito, anumang pagbibili, pamamahagi, pamumuwisan, kasunduan sa pamamahala o paglilipat ng
pribadong mga lupa na isinagawa ng orihinal na may-ari na labag sa Batas na ito ay walang bisa: Sa pasubali, gayunman, Na yaong isinagawa
bago ang Batas na ito ay magkakaroon lamang ng bisa kapag ipinatala sa Patalaan ng mga Kasulatan sa loob ng tatlong (3) buwan pagkatapos
ng pagkakabisa ng Batas na ito. Pagkatapos nito, patatalastasan ng Patalan ng mga Kasulatan ang DAR sa loob ng tatlumpung (30) araw ng
anumang transaksyon hinggil sa mga lupaing sakahan na labis sa limang (5) ektarya.
SEKSIYON 7. Mga Prayoriti. — Ang DAR sa pakikipagugnayan sa (PARC) Pampanguluhang Sanggunian sa Repormang Pansakahan ay dapat
magplano at isaprograma ang pagtatamo at pamamahagi ng lahat ng lupaing sakahan sa loob ng sampung (10) taon pagkaraan ng pagkakabisa
ng Batas na ito. Ang mga lupa ay dapat matamo at maipamahagi gaya ng sumusunod:
Unang Bahagi: Ang mga palayan at maisan sa saklaw ng Atas ng Pangulo Blg. 27; lahat ng nakatiwangwang o pinabayaang lupa; lahat ng
pribadong lupaing kusang ipinagkaloob ng may-ari para sa repormang pansakahan; lahat ng mga lupaing nailit ng mga institusyong sa
pananalapi ng pamahalaan; lahat ng mga lupaing natamo ng Pampanguluhang Komisyon sa Mabuting Pamamahala (PCGG); at lahat ng mga
lupaing pag-aari ng pamahalaan na laan sa o angkop sa agrikultura, na dapat matamo at kagyat na ipamahagi sa sandaling magkabisa ang Batas
na ito, na ang pagpapatupad ay tatapusin nang hindi hihigit sa apat (4) na taon.
Ikalawang Bahagi: Lahat ng mga maililipat at maipamamahaging pambayang lupang sakahan; lahat ng nabubungkal na lupang sakahan na agro-
forest, pastulan at pamumuwisang pansakahan na nilinang na at natamnan na ng mga pananim alinsunod sa Seksiyon 6, Artikulo XIII ng
Konstitusyon; lahatang lupang sakahang pambayan na bubuksan para sa bagong pagpapaunlad at muling pananahanan; lahat ng pribadong
lupang sakahan na higit sa limampung (50) ektarya, kung ang labis na mga ektarya ang tinutukoy, upang unang maipatupad ang karapatan ng
mga magsasaka at regular na mga manggagawa sa bukid, na walang lupa, na magmay-ari nang tuwiran o sama-sama ng lupang kanilang
sinasaka, na kagyat na dapat ay ipamamahagi sa sandaling magkabisa ang Batas na ito, na ang pagpapatupad ay tatapusin nang hindi hihigit sa
apat (4) na taon.
Ikatlong Bahagi: Lahat ng iba pang pribadong lupang pansakahan na magsisimula sa malaking aring lupain at kasunod ang katamtaman at
maliliit na aring lupain sasailalim ng sumusunod na iskedyul:
(a) Mga aring lupain higit sa dalawampu't apat (24) na ektarya hanggang sa limampung (50) ektarya, na magsisimula sa ikaapat (4th) na
taon mula sa pagkakabisa ng Batas na ito at tatapusin sa loob ng tatlong (3) taon; at
(b) Mga aring lupain mula sa retensyon limit hanggang sa dalawampu't apat (24) na ektarya, na magsisimula sa ikaanim (6th) na taon mula
sa pagkakabisa ng Batas na ito at matatapos sa loob ng apat (4) na taon; unang maipatupad ang karapatan ng mga magsasaka at mga regular
na manggagawa sa bukid na walang lupa na nagmay-ari ng tuwiran o sama-sama ng mga lupang kanilang sinasaka.
Ang iskedyul ng pagtatamo at muling pamamahagi ng lahat ng lupang agrikultural na saklaw ng programang ito ay gagawin alinsunod sa
nabanggit sa itaas na mga prayoriti, na itatakda sa mga tuntunin ng pagpapatupad na ihahanda ng Pampanguluhang Sanggunian Sa repormang
Pansakahan (PARC), na isasaalang-alang ang mga sa mga magsasaka sa lalong madaling panahon; ang pangangailangan upang madagdagan ang
produktibo pang-agrikultura; at pagkakaroon ng laang mga pondo at mapagkukunan upang maipatupad at maitaguyod ang programa.
Sa anumang pangyayari, maaring ipahayag ng PARC, sa tagubilin ng Panlalawigan Komite na Nag-uugnay ng Repormang Pansakahan
(PARCCOM), ang ilang mga lalawigan o rehiyon bilang pook na bibigyan ng prayoriti sa reporma sa lupain, nang sa gayon ang pagtatamo at
pamamahagi ng mga pribadong lupang agrikultura ay maipatutupad ng mas maaga kaysa sa iskedyul sa itaas.
Upang maipatupad ang paglilipat alinsunod sa mga patnubay na ito, kailangan bigyan ng prayoriti ang mga lupang may kasama.
Ang Panguluhang Sanggunian sa Repormang Pansakahan (PARC) ay bubuo ng mga patnubay sa pagpapatupad ng mga nabanggit na prayoriti at
panukala sa pamamahagi, kabilang na ang pagtiyak kung sino ang kwalipikadong mga benepisyaryo: Sa pasubali, Na ang may-aring
nagbubungkal ng lupa ay maaring maging benepisyaryo ng lupa na hindi niya pag-aari subalit aktuwal niyang nilinang ang lawak ng pagkakaiba
ng sukat ng lupang kanyang pag-aari at ang ipagkakaloob na tatlong (3) ektarya.
SEKSIYON 8. Mga Korporasyon Multinasyonal. — Lahat ng lupaing bayan na inuupahan, hawak o ari ng mga korporasyon o asosasyong
multinasyonal at iba pang mga lupang pag-aari ng pamahalaan o ng mga korporasyon ari — kontrolado ng pamahalaan, mga asosasyon,
institusyon, o entidad, na laan sa umiiral na agri-business o mga negosyong agro-industrial, na pinamamahalaan ng mga korporasyon at
asosasyong multinasyonal, ay dapat isaprograma para sa kagyat na pagtatamo at pamamahagi sa sandaling magkabisa ang Batas na ito, na ang
pagpapatupad ay tatapusin sa loob ng tatlong (3) taon. Ang mga lupang saklaw ng talatang kagyat na sinundan, alinsunod sa kontrata ng
pamumuwisan, pamamahala, pagtatanim o paglilingkod, at iba pang katulad, ay dapat ipamahagi gaya ng sumusunod:
(a) Mga Kontrata sa pamumuwisan, pamamahala, pagtatanim o paglilingkod na sumasaklaw sa nabanggit na lupain na may kabuuang lawak
na mahigit sa 1,000 ektarya ay ituturing na sinusugan upang umalinsunod sa itinakdang limit sa seksyon 3 ng Artikulo XII ng Konstitusyon.
(b) Mga kontrata na sumasaklaw sa mga lawak na hindi hihigit ng 1,000 ektarya, sa pangyayari na ang mga nabanggit na tao, ay
pahihintulutang magpatuloy sa ilalim ng orihinal na mga tadhara at kondisyon subalit hindi lalampas ng Agosto 29, 1992, o ang kanilang
balidong pagtatapos, alinman ang mas maaga, na pagkaraan nito, ang nabanggit na mga kasunduan ay dapat magpatuloy lamang kapag
pinagtibay ng nararapat na ahensya ng pamahalaan. Gayon din ang mga kontrata ay dapat magpatuloy kahit ang lupain ay nailipat na sa mga
benepisyaryo o mga pinagkalooban nito, na ang paglilipat ay kagyat na magsisimula at ipatutupad, at tatapusin sa loob ng tatlong (3) taon na
mga binanggit sa talata 1 nito.
(c) Walang gayon mga pagpapaupa at iba pang kasunduan na ipinatutupad sa kasalukuyan ang lalampas ng Agosto 29, 1992, kung saan ang
lahat ng tinutukoy na lupain ay ganap ng naipamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo o pinagkalooban.
Ang gayon mga kasunduan ay maaaring magpatuloy lamang sa ilalim ng bagong kontrata sa pagitan ng pamahalaan o ng kwalipikadong
benepisyaryo o pinagkalooban, sa isang panig at ang nasabing bahay-kalakal sa kabilang panig.
Ang mga lupang inuupahan, hawak o pag-aari ng mga korporasyong multinasyonal, pag-aari ng mga pribadong tao at ng mga pribadong
korporasyon na di ari ng pamahalaan, mga asosasyon, institusyon at entidad, mga mamamayan ng Pilipinas, ay sasailalim ng kagyat na
sapilitang pagkuha at pamamahagi sa sandaling magwakas ang kontrata sa pag-upa, pamamahala, pagtatanim o paglilingkod na nagkabisa
noong Agosto 29, 1987, kung hindi, sa balidong pagwawakas, alinman ang mauna, subalit hindi lalampas ng sampung (10) taon kasunod ng
pagkakabisa ng Batas na ito. Gayunman, sa panahon ng nabanggit na pagkakabisa, ang pamahalaan ay magsasagawa ng mga hakbang upang
matamo ang mga lupang ito para sa kagyat na pamamahagi.
Sa pangkalahatan, ang mga lupain ay dapat ipamahagi ng tuwiran sa mga indibidwal na manggagawa-benepisyaryo. Sakaling hindi ito
maisagawa at ang paghahati ay hindi sapat na ikabubuhay, dapat silang bumuo ng isang kooperatiba o asosasyon ng mga manggagawa na
siyang makikipag-ugnay sa mga korporasyon o asosasyon pangnegosyo o sa sinumang nararapat na pangkat para makipagkasundo sa pag-upa
o pagtatanim at para sa lahat ng iba pang lihitimong layunin. Hanggang sa magkaroon ng isang bagong kasunduan ang kooperatiba o
asosasyon ng mga manggagawa at ang korporasyon o asosasyon pangnegosyo o alinmang iba pang nararapat na pangkat, ang anumang
kasunduan na umiiral sa panahong magkabisa ang Batas na ito sa pagitan ng dati at ang naunang may-ari ng lupain ay igagalang ng kapwa
asosasyon ng mga manggagawa at o iba pang nararapat na panig. Walang pangyayari na ang pagpapatupad o paggamit ng Batas na ito ay
magbibigay-katwiran o magbubunga ng pagbaba sa kalagayan o pagkabawas ng anumang pakinabang na tinatanggap o tinatamasa ng mga
manggagawa-benepisyaryo, o may kaloob silang karapatan, sa panahon na magkabisa ang Batas na ito.
Ang mga tadhana ng Seksiyon 32 ng Batas na ito, na hinggil sa produksyon at partihan ng kita ay dapat sundin sa mga bukirin na
pinamamahalaan ng mga korporasyong multinasyonal.
Sa panahon ng pagbabago ng kalagayan, dapat tulungan ang bagong may-ari sa kanilang pagsisikap upang matutuhan ang mga bagong
teknolohiya sa produksyon. Ang mga bahay-kalakal na nagpapakita ng pagnanais at kapangakuan at katapatan na kusang ibahagi ang gayong
makabagong teknolohiya ay bibigyan ng unang pagsasaalang-alang.
Walang pangyayari na ang isang dayuhang korporasyon, asosasyon, entidad o indibidwal ay magtatamasa ng anumang karapatan o mga
pribilehiyo na higit sa tinatamasa ng isang lokal na korporasyon, asosasyon, entidad o indibidwal.
SEKSIYON 9. Mga Minanang Lupain. — Para sa layunin ng Batas na ito, ang mga minanang lupain ng bawat katutubong pamayanang kultural
ay kabibilangan, subalit hindi natatakdaan sa, mga lupaing aktwal, patuloy at hayagan pagmamay-ari at inookupahan ng pamayanan at mga
miyembro nito; Sa pasubali, na dapat igalang ang Torrens System.
Ang karapatan ng pamayanang ito sa kanilang mga minanang lupain ay dapat pangangalagaan upang matiyak ang kanilang kagalingan
pangkabuhayan, panlipunan at pangkultura. Alinsunod sa mga panuntunan ng sariling pagpapasiya at awtonomi, dapat kilalanin at igalang ang
sistema sa pagmamay-ari ng lupain, paggamit ng lupain, at ang mga pamamaraan sa paglutas ng mga alitan sa lupain ng lahat ng pamayanang
ito.
Sa kabila ng nasasalungat na tadhana ng batas, maaaring pigilin ng PARC ang pagpapatupad ng Batas na ito hinggil sa mga minanang lupain
para sa layunin ng pagkilala at paglalarawan ng mga nabanggit na lupain: Sa pasubali, Na sa mga nagsasariling rehiyon, ang kani-kanilang mga
lehislatura ay maaaring magpatibay ng sarili nilang batas hinggil sa minanang lupaing bayan saklaw ng mga tadhana ng Konstitusyon at ang
mga panuntunang ipinahayag sa Batas na ito at iba pang mga batas pambansa.
SEKSIYON 10. Mga Eksemsyon at Eklusyon. — Ang mga lupaing aktwal, tuwiran at tanging ginagamit at natuklasang kailangan para sa parke,
buhay-ilang, laang kagubatan, pagmumulinggubat, kanlungan ng isda at palabian, mga watershed at bakawan, tanggulang-bansa, mga pook at
kampus ng paaralan kabilang ang mga eksperimental na bukid na pinamamahalaan ng mga paaralang bayan at pribado para sa mga layuning
pang-edukasyon, sentro ng pananaliksik at pamulang produksyon ang mga buto at binhi, lugar ng simbahan at kumbento, at kaugnay nito,
mosque at sentro ng Islam, at kaugnay nito, libingan, para sa lahat, mga kolonya penal at bukirin penal na aktwal na nililinang ng mga bilanggo,
mga sentro ng pananaliksik at kwarantina na pampamahalaan at pribado at lahat ng mga lupain na may labinwalong porsiyento (18%) dahilig
at higit pa, maliban yaon mga napaunlad na, ay hindi na saklaw ng Batas na ito.
SEKSIYON 11. Sakahang Pangkomersiyal. — Ang mga sakahang pangkomersyal, na pribadong mga lupaing pang-agrikultura na laan sa mga
pangkomersyal na paghahayupan, pagmamanukan at babuyan, at acquaculture kabilang ang asinan, palaisdaan at pangisdaan ng sugpo,
taniman ng mga bulaklak, at kakao, kape at taniman ng goma, ay saklaw ng kagyat na sapilitang pagtamo at pamamahagi pagkaraan ng
sampung (10) taon mula magkabisa ang Batas na ito. Sa kalagayan ng mga bagong sakahan, ang panahon na sampung taon ay magsisimula sa
unang taon ng produksyon at pagpapalakad pangkomersyo, na titiyakin ng DAR. Sa panahon ng sampung taon, pasisimulan ng pamahalaan ang
mga kinakailangan hakbang, na matamo ang mga lupaing ito sa sandaling mabayaran ng makatwirang bayad para sa lupa at sa mga mahora
dito, higit sa kapakinabangan ng mga naitatag na sa mga kooperatiba at asosasyon, na siyang mamamahala pagkaraan rito ng mga nabanggit
na lupain para sa mga manggagawa-benepisyaryo.
Kung pagpapasiyahan ng DAR na ang mga layunin para sa ipinagkaloob ng pagpapaliban ay hindi na umiiral, ang ganitong mga lawak ay
awtomatikong sasailalim sa muling pamamahagi.
Ang mga tadhana sa Seksiyon 32 ng Batas na ito, na hinggil sa produksyon at pagpaparti ng kita, ay susundin sa pagsasakang pangkomersyal.
KABANATA III
Pagpapabuti Ng Ugnayan Sa Pagmamay-Ari At Paggawa
SEKSIYON 12. Pagtitiyak sa Pag-upa. — Upang mapangalagaan at mapabuti ang kalagayang pagmamay-ari at pangkabuhayan ng mga
magsasaka sa mga lupaing may kasama sa ilalim ng retensyon limit at mga lupang hindi pa natatamo alinsunod sa Batas na ito, inatasan ang
DAR na kagyat na tiyakin at itakda ang halaga ng pamumuwisan doon alinsunod sa Seksyon 34 ng B.R. Blg. 3844 ayon sa pagkakasusog: Sa
pasubali, Na kagyat na magsasagawa ng pana-panahong pagsusuri at pag-aakma na kaayusan ng upa sa iba't-ibang pananim, kabilang ang
palay at mais, ng iba't-ibang rehiyong upang mapabuti at mapasulong ang mga kalagayan ng mga magsasaka, kasama o
namumuwisan. SEcAIC
SEKSIYON 13. Plano sa Pagpaparti ng Produksyon. — Ang alinmang negosyo na pinatutupad ang pamamaraang itinatakda sa Seksyon 32 nito
o nagpapalakad sa ilalim ng isang pakikipag-sapalarang produksyon, pamumuwisan, kontrata sa pamamahala o iba pang katulad na kaayusan
at ang alinmang bukid na saklaw ng mga Seksyon 8 at 11 nito ay inaatasang sa pamamagitan nito na sa loob ng siyamnapung (90) araw mula
magkabisa ang batas na ito, magsagawa ng isang plano sa pagparti ng produksyon, alinsunod sa mga patnubay na itinakda ng nararapat na
ahensiya na pamahalaan.
Wala rito ang ipakakahulugan na pinahihintulutan ang pagbawas ng anumang mga pakinabang gaya ng sahod, bonus, kaloob na mga pagliban
at mga kalagayan sa paggawa sa mga kawani-benepisyaryo alinsunod sa umiiral na mga batas, mga kasunduan, at kusang kaugalian ng bahay-
kalakal, ni ang bahay-kalakal at kawani-benepisyaryo ay hahadlangan na makipagkasundo na may mga tadhana na higit na pabor sa huli.
KABANATA IV
Pagpapatala
SEKSIYON 14. Pagpapatala ng mga May-ari ng Lupa. — Sa loob ng isandaan at walumpung (180) araw mula magkabisa ang Batas na ito, ang
lahat ng mga tao, likas o huridikal, kabilang ang mga entidad ng pamahalaan, na nagmamay-ari o nag-aangkin na may-ari ng mga lupaing pang-
agrikultura, maging ito ay nasa kanilang pangalan o sa pangalan ng iba, maliban doon sa mga nakatala na alinsunod sa Kautusang
Tagapagpaganap blg. 229, na may karapatan sa mga nabanggit na insentibo na maaring ipagkaloob ng PARC, ay dapat magharap ng isang
pinanumpaang pahayag ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan (DAR) na naglalahad ng mga sumusunod sa impormasyon:
(a) paglalarawan at sukat ng ari-arian;
(b) Karaniwang kabuuang kita mula sa ari-arian sa loob ng tatlong (3) taon;
(c) mga pangalan ng lahat ng mga kasama at manggagawa doon;
(d) mga pananim sa ari-arian at ang lawak ng taniman ng bawat pananim hanggang Hunyo 1, 1987;
(e) ang mga tadhana ng mga pagkakasangla, pamumuwisan, at mga kontrata sa pamamahala na umiiral hanggang Hunyo 1, 1987; at
(f) pinakahuling pahayag ng halaga sa pamilihan ng lupa na itinakda ng asesor panlungsod o panlalawigan.
SEKSIYON 15. Pagpapatala ng mga Benepisyaryo. — Ang DAR sa pakikipag-ugnay sa Pambarangay na Komite sa Repormang Pansakahan na
itinatag alinsunod sa Batas na ito, ay dapat itala ang lahat ng mga pamumuwisan pansakahan, mga kasama at manggagawa sa bukid na
kwalipikadong maging benepisyaryo ng CARP. Ang mga posibleng benepisyaryo sa tulong ng BARC at ng DAR ay magkakaloob ng sumusunod
na mga datos:
(a) mga pangalan at miyembro ng kanilang kagyat na kasambahay;
(b) mga may-ari o tagapamahala ng lupaing kanilang sinasaka at ang haba ng panahon ng kanilang ugnayan sa pagmamay-ari;
(c) pook at lawak ng lupaing kanilang sinasaka;
(d) mga pananim; at
(e) kaparti ng ani o halaga ng upa o sahod na tinatanggap.
Isang sipi ng listahan o talaan ng lahat ng posibleng benepisyaryo ng CARP? sa barangay ang ipapaskel sa bulwagan barangay, paaralan o sa
ibang mga gusaling pambayan sa barangay na bukas sa makatwirang oras sa lahat upang masuri ng publiko.
KABANATA V
Pagtamo Ng Lupain
SEKSIYON 16. Paraan ng Pagtamo ng mga Pribadong Lupain. — Para sa mga layunin ng pagtamo ng mga pribadong lupain, ang sumusunod na
mga pamamaraan ay dapat sundin:
(a) Pagkaraan matukoy ang lupain, dapat patalastasan ng DAR ang mga may-ari, sa pamamagitan ng personal na paghahati ng sulat o
nakarehistrong sulat, at ipaskel ito sa isang lantad na lugar sa gusali ng munisipyo at barangay ng pook kung saan naroroon ng ari-arian. Ang
nabanggit na patalastas ay dapat maglaman ng alok ng DAR na bayaran ng katumbas na halaga alinsunod sa paghahalagang itinatakda sa
Seksyon 17, 18 at iba pang may kinalamang mga tadhana nito.
(b) Sa loob ng tatlumpung (30) araw mula sa petsa ng pagkatanggap ng nakasulat na patalastas sa pamamagitan ng personal na paghahatid
ng sulat o nakarehistrong sulat, dapat ipaalam ng may-ari, kanyang tagapamahala o kinatawan sa DAR ang kanyang pagtanggap o pagtanggi sa
alok.
(c) Kung tinanggap ng may-ari ng lupain ang alok ng DAR, babayaran ng Bangko sa Lupa o Land Bank of the Philippines (LBP) ang may-ari ng
lupain sa halaga ng bilihan sa loob ng tatlumpung (30) araw pagkaraan niyang maisagawa at maibigay ang katibayan ng paglilipat sa kapakanan
ng pamahalaan at ipagkaloob ang katibayan ng Titulo at iba pang kaugnay na mga dokumento.
(d) Sakaling tumanggi o walang tinanggap na tugon, dapat magsagawa ang DAR ng pangwakas na usapin pampangasiwaan upang matiyak
ang kabayaran para sa lupa na hinihingi sa may-ari ng lupain, sa LBP at sa iba pang mga interesadong panig na maghaharap ng katibayan sa
loob ng labinlimang (15) araw pagkatanggap ng patalastas ng tungkol sa makatwirang kabayaran para sa lupa. Pagkalipas ng naturang
panahon, ang bagay na ito ay ituturing na iniharap na sa pagpapasiya. Pagpapasyahan ng DAR ang kaso sa loob ng tatlumpong (30) araw
pagkaraan maiharap ito upang pagpasiyahan.
(e) Sa sandaling matanggap ng may-ari ng lupain ang nararapat na kabayaran o, sakaling tumanggi o walang tugon mula sa may-ari ng
lupain, at sa pagkalagak sa pinakamalapit na bangko na itinakda ng DAR ng kabayan na kas o LBP bonds alinsunod sa Batas na ito, kagyat na
aangkinin ng DAR ang lupa at hihilingin sa nararapat ng Tagatala ng mga kasulatan na magbigay ng isang Katibayan ng Paglilipat ng Titulo ng
Republika ng Pilipinas. Pagkaraan nito ay isusunod ng DAR ang muling pamamahagi ng lupain sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
(f) Ang sinumang panig na tutol sa pasiya ay maaaring dumulog sa nararapat na hukuman na may nararapat na kasaklawan para sa
pangwakas na pagtitiyak ng makatwirang kabayaran.
KABANATA VI
Kabayaran
SEKSIYON 17. Pagtitiyak sa Makatwirang Kabayaran. — Sa pagtitiyak ng makatwirang kabayaran, isasaalang-alang ang halaga ng pagkatamo
lupain, ang kasalukuyang halaga ng katulad na mga ari-arian, ang uri nito, aktwal na gamit at kita, ang pinanumpaang paghahalaga ng may-ari,
ang pahayag ng bayad sa buwis, at ang pagtatasa na isinagawa ng asesor ng pamahalaan. Ang mga pakinabang panlipunan at pangkabuhayan
ng naitulong ng mga magsasaka at mga manggagawa sa bukid at ng Pamahalaan sa ari-arian gayundin ang hindi pagbabayad ng buwis o
pagkakautang na nakuha mula sa alinmang institusyon sa pananalapi ng pamahalaan sa nabanggit na lupain ay ipalalagay na karagdagang
batayan upang matiyak ang halaga.
SEKSIYON 18. Paghahalaga at Paraan ng Pagbabayad. — Dapat bayaran ng LBP ang may-ari ng lupain sa halaga na maaaring
mapagkasunduan ng may-ari ng lupain at ng DAR at ng LBP alinsunod sa mga batayang itinatakda sa Seksyon 16 at 17 at iba pang may
kinalamang mga tadhana dito, o sa pangwakas na pagtiyak ng hukuman sa makatwirang kabayaran para sa lupa.
Ang pagbabayad na dapat sa alinman sa sumusunod na mga paraan, ayon sa pinili ng may-ari ng lupain.
(1) Kas na bayaran, alinsunod sa sumusunod na mga tadhana at kondisyon.

(a) Para sa lupaing higit sa Dalawampu't limang (25%)


limampung (50) ektarya, porsiyentong kas, ang balanse
kung ang labis na ektarya ay babayaran sa mga
ang paguusapan kasangkapang pananalapi ng
pamahalaan na naipagbibili sa
anumang oras.
(b) Para sa mga lupaing higit sa Tatlumpung porsiyentong (30%)
dalawampu't apat (24) na porsiyentong kas, ang balanse
ektarya hanggang limampung ay babayaran sa mga
(50) ektarya. kasangkapang pananalapi ng
pamahalaan na naipagbibili sa
anumang oras.
(c) Para sa mga lupaing Tatlumpu't limang porsiyentong
dalawampu't apat na ektarya (35%) kas, ang balanse ay
at pababa babayaran sa mga kasangkapang
pananalapi ng pamahalaan na
naipagbibili sa anumang oras.
(2) Mga saping puhunan sa mga korporasyong-ari at kontrolado ng pamahalaan, mga saping tangi ng LBP, pisikal na ari-arian o iba pang
kwalipikadong pamumuhunan alinsunod sa mga patnubay na itinakda ng PARC;
(3) Tax credit na maaaring gamiting panagot sa anumang pagkakautang sa buwis;
(4) LBP bonds, na nagtataglay ng sumusunod na mga katangian:
(a) Halaga ng tubo sa pamilihan na kapantay sa interes ng 91-araw na treasury bill. Ang sampung porsyento (10%) ng nakatalang halaga ng
mga bono ay dapat bayaran taun-taon mula sa petsa ng pag-iisyu hanggang sa ikasampung (10th) taon; Sa Pasubali ng kung pinili ng may-ari ng
lupain na hindi tanggapin ang bahaging kas, maging buo o bahagi man, siya'y babayaran ng kaukulang LBP bonds;
(b) Maaaring mailipat at maipagbili. Ang gayon mga bono ng LBP ay maaaring gamitin ng maylupa, ng kanyang kahalili sa pakinabang o ng
kanyang pinaglipatan, hanggang sa halaga ng kanilang nakatalang halaga, para sa alinmang sa mga sumusunod:
(i) Pagtamo ng lupain o iba pang mga ari-ariang di-natitinag ng pamahalaan, kasama na ang mga ari-arian na saklaw ng Programa sa
Pagsasapribado ng Ari-arian at iba pang mga ari-ariang nailit ng mga institusyon sa pananalapi ng pamahalaan sa lalawigan o rehiyong iyon
kung saan naroroon ang lupaing babayaran ng mga bono;
(ii) Pagtamo ng mga saping-puhunan sa mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o saping-puhunan sa pribadong mga
korporasyon na ari ng pamahalaan;
(iii) Pamalit para sa panagot o piyansa para sa pansamantalang paglaya ng mga taong akusado, o para sa performance bonds;
(iv) Panagot para sa mga utang ng alinmang institusyon sa pananalapi ng pamahalaan, sa pasubali na ang makukuha sa pautang ay
gagamitin sa negosyong pangkabuhayan, kung maaari ay sa maliliit at katamtamang industriya, sa lalawigan o rehiyon iyon kung saan nandoon
ang lupain na binabayaran ng mga bono; TDCAHE
(v) Bayad para sa iba't ibang buwis at bayarin sa pamahalaan: Sa Pasubali, Na ang paggamit ng mga bono para sa layuning ito ay tatakdaan
sa isang tiyak na bahagdan ng natitirang utang ng kasangkapan sa pananalapi: Sa Pasubali, pa, Na dapat tiyakin ng PARC ang bahagdan
binanggit sa itaas;
(vi) Bayad para sa mga matrikula ng kagyat na pamilya ng orihinal na may-ari ng bono sa mga unibersidad, kolehiyo, trade schools at iba
pang mga institusyon ng pamahalaan;
(vii) Bayad ng mga kagyat na pamilya ng orihinal na may-ari ng bono sa mga ospital na pampamahalaan; at
(viii) Iba pang ganitong mga gamit na maaaring pahintulutan sa pana-panahon ng PARC.
Sa pangyayaring hindi pangkaraniwang implasyon, ang PARC ay dapat magsagawa ng mga nararapat na hakbang upang mapangalagaan ang
kabuhayan.
SEKSIYON 19. Mga Insentibo sa Kusang mga Alok sa Pagbili. — Ang maylupa, maliban sa mga bangko at iba pang mga institusyon sa
pananalapi, ng kusang mag-alok ng kanilang mga lupain para ipagbili ay may karapatan sa karagdagang limang porsyento (5%) bayad na kas.B
SEKSIYON 20. Kusang Paglilipat ng Lupain. — Ang mga may-ari ng mga lupang sakahan na saklaw ng pagtamo sa ilalim ng Batas na ito ay
maaaring makipagkasundo sa isang kusang tuwirang paglilipat ng kanilang mga lupain sa mga kwalipikadong benepisyaryo na saklaw ng
sumusunod na mga patnubay:
(a) Ang lahat ng patalastas para sa kusang paglilipat ng lupain ay dapat iharap sa DAR sa loob ng unang taon ng pagpapatupad ng CARP. Ang
negosasyon sa pagitan ng mga maylupa at kwalipikadong benepisyaryo na sumasaklaw sa alinmang kusang paglilipat ng lupain na nananatiling
hindi nalulutas pagkaraan ng isang (1) taon ay hindi dapat kilalanin at sa halip ang mga nabanggit na lupain ay tatamuhin ng pamahalaan at
ililipat alinsunod sa Batas na ito.
(b) Ang mga tadhana at kondisyon ng gayong paglilipat ay hindi kampi sa naglipat kaysa doon sa alok na pagbili ng pamahalaan mula sa
maylupa at muling ipagbili sa mga benepisyaryo, kung ang nasabing alok ay lubos na batid at nauunawaan ng magkabilang panig.
(c) Ang kusang kasunduan ay dapat magtaglay ng mga parusa ukol sa di-pagtupad ng alinmang panig at nararapat na nakatala at
nakamonitor.
SEKSIYON 21. Pagbabayad ng mga Benepisyaryo alinsunod sa Kusang Paglilipat ng Lupain. — Ang tuwirang pagbabayad ng kas o anumang
kauri nito ay maaaring gawin ng magsasaka-benepisyaryo sa maylupa alinsunod sa mga tadhana na magkasamang pinagkasunduan ng
magkabilang panig, na may bisa sa kanila, sa sandaling maipatala at pagtibayin ng DAR. Ang nababanggit na pagpapatibay ay ipalalagay na
ipinagkaloob, maliban kung may natanggap na patalastas na hindi pinagtibay ang mga magsasaka-benepisyaryo sa loob ng tatlumpung (30)
araw mula sa petsa ng pagkapatala.
Sa pangyayari na hindi sila magkasundo sa halaga ng lupain, ang pamamaraan para sa sapilitang pagtamo gaya ng itinatakda ng Seksyon 16 ay
susundin. Pauutangin ng LBP ang mga benepisyaryo para sa mga layuning pagtamo ng lupain.
KABANATA VII
Pamamahagi Ng Lupain
SEKSIYON 22. Mga Kwalipikadong Benepisyaryo. — Ang mga lupaing saklaw ng CARP ay dapat ipamahagi hangga't maaari sa mga residenteng
walang lupa sa barangay na iyon, o sa mga residenteng walang lupa ng bayang iyon sa sumusunod na kaayusan ng prayoriti.
(a) namumuwisang mga kasama at kasamang partihan;
(b) regular na manggagawa sa bukid;
(c) pana-panahong manggagawa sa bukid;
(d) iba pang mga manggagawa sa bukid;
(e) aktwal na naglilinang o omuukupa ng lupaing bayan;
(f) sama-sama o mga kooperatiba ng mga benepisyaryo sa itaas; at
(g) iba pang mga tuwirang nagtatrabaho sa sakahan.
Sa Pasubali, Gayunman, Na ang mga anak ng maylupa na kwalipikado alinsunod ng Seksyon 6 ng Batas na ito ay bibigyan ng higit na pagtatangi
sa pamamahagi ng lupain ng kanilang mga magulang; At Sa Pasubali, pa, Na ang mga aktwal na kasamang nagbubungkal sa ari-arian ay hindi
paalisin doon.
Ang mga benepisyaryo na saklaw ng Atas ng Pangulo Blg. 27 na may kasalanang nagbili, ipinamahagi, o inabandona ang kanilang lupa ay hindi
kwalipilikado para maging benepisyaryo alinsunod sa Programang ito.
Ang pangunahing katangian ng isang benepisyaryo ay ang kanyang kahandaan, at kakayahang linangin at gawing produktibo hangga't maaari
ang lupain. Ang DAR ay dapat magpatupad ng isang sistema ng pagmomonitor ng rekord o magawa ng bawat benepisyaryo, ng sa gayon ang
sinumang benepisyaryo na nagpabaya o ginamit ng mali ang lupain o ang alinmang tulong na ipinagkaloob sa kanya ay mawawalan ng
karapatan na magpatuloy bilang isang benepisyaryo. Dapat magharap ng pana-panahong ulat ang DAR sa mga nagawa ng benepisyaryo sa
PARC.
Kung, dahilan sa mga karapatan retensyon ng maylupa o sa bilang ng mga kasama, namumuwisan, o manggagawa sa bukid, walang sapat na
lupain upang mabigyan ang sinuman o ilan sa kanila, sila'y maaaring pagkalooban ng pagmamay-ari ng ibang mga lupain na maaaring
ipamahagi alinsunod sa Batas na ito, sa karapatan ng mga benepisyaryo na mamili.
Ang mga magsasakang maylupa na at yaon mga hindi nabigyan sa pamamahagi ng mga lupaing pribado bibigyan ng pangunang karapatan sa
pamamahagi ng mga lupain mula sa lupaing bayan.
SEKSIYON 23. Limit ng Pamamahagi. — Walang kwalipikadong benepisyaryo ang maaaring magmay-ari ng higit sa tatlong (3) ektaryang
lupang sakahan.
SEKSIYON 24. Pagkakaloob sa mga Benepisyaryo. — Ang mga karapatan at pananagutan ng benepisyaryo ay dapat magsimula sa sandaling
maipagkaloob sa kanya ng DAR ang lupa, na ang pagkakaloob ay dapat magtapos sa loob ng isang daan at walumpung (180) araw na
magsisimula sa sandaling makuha ng DAR ang aktwal na pagmamay-ari ng lupain. Ang pagmamay-ari ng benepisyaryo ay patutunayan ng
Gawad ng Katibayan sa Pagmamay-ari ng Lupon, na nagtataglay ng mga katakdaan at kondisyon na itinatadhana sa Batas na ito, at dapat
nakatala sa kinauukulang Patalaan ng mga Kasulatan at may notasyon sa Katibayang ng Titulo.
SEKSIYON 25. Pinakamalaking Maipagkakaloob sa Benepisyaryo. — Ang mga benepisyaryo ay pagkakalooban ng lawak na hindi hihigit sa
tatlong (3) ektarya, na maaaring karatig na sukat ng lupa o ilang lagay ng lupa na pagsasamahin ng hanggang sa itinakdang ipinagkaloob ng
limit.
Para sa mga layunin ng Batas na ito, ang isang benepisyaryong walang lupa ay yaong nagmamay-ari ng wala pang tatlong (3) ektaryang lupang
sakahan.
Maaaring piliin ng mga benepisyaryo ang sama-samang pagmamay-ari, gaya ng ka-may-ari o mga kooperatiba ng mga magsasaka o ilang iba
pang uri ng sama-samang organisasyon; Sa pasubali, Na ang kabuuang lawak na maaaring ipagkaloob ay hindi hihigit sa kabuuang bilang ka-
may-ari o kasapi ng kooperatiba o sama-samang organisasyon na pinarami ng pinagkaloob na limit na itinakda sa itaas, maliban sa mga
karapat-dapat na pangyayari na titiyakin ng PARC. Ang titulo ng ari-arian ay dapat ilagay sa pangalan ng mga ka-may-ari o sa kooperatiba o sa
sama-samang organisasyon alin man ang pangyayari.
SEKSIYON 26. Pagbabayad ng mga Benepisyaryo. — Ang mga lupaing ipinamahagi alinsunod sa Batas na ito ay dapat bayaran ng mga
benepisyaryo sa LBP sa loob ng tatlumpung (30) taunang hulog na anim (6%) na porsyento ang interes bawat taon. Ang mga bayad para sa
unang tatlong (3) taon pagkaraan ipamahagi ay maaaring sa binawasang halaga na itinatag ng PARC: Sa Pasubali, Na ang unang limang (5)
taunang pagbabayad ay hindi hihigit sa limang porsyento (5%) ng halaga ng taunang kita sa produksyon gaya ng itinakda ng DAR. Sakaling ang
iskedyul ng taunang pagbabayad pagkaraan ng limang taon ay higit sa sampung porsyento (10%) ng taunang kita ng produksyon at ang
pagkabigo na makapag-ani ng naaayon ay hindi kasalanan ng benepisyaryo, maaaring bawasan ng LBP ang halaga ng interes o bawasan ang
prinsipal na pananagutan upang makayanan ang mga pagbabayad.
Ang LBP ay dapat magkaroon ng angking-legal sa pamamagitan ng sangla sa lupang ipinagkaloob sa benepisyaryo; at ang sanglang ito ay
maaaring ilitin ng LBP kapag hindi nabayaran ang kabuuan ng tatlong (3) taunang hulog. Patatalastasan ng LBP ang DAR hinggil sa mga hakbang
nilang isinasagawa at ipagkakaloob ng huli ang nailit na lupain sa ibang kwalipikadong benepisyaryo. Ang isang benepisyaryo na ang lupa, gaya
ng itinatakda dito, ay nailit ay pagkaraan nito'y palagiang walang karapatan para maging benepisyaryo alinsunod sa Batas na ito.
SEKSIYON 27. Paglilipat ng mga Ipinagkaloob na Lupain. — Ang mga lupaing natamo ng mga benepisyaryo alinsunod sa Batas na ito ay hindi
maaaring ipagbili, ilipat o ipagkaloob maliban sa pagkasunud-sunod ng pagmana, o pamahalaan, o sa LBP, o sa iba pang mga kwalipikadong
benepisyaryo sa loob ng sampung (10) taon: Sa Pasubali, gayunman, Na ang mga anak o ang asawa ng naglipat ay dapat magkaroon ng
karapatan na muling bilhin ang lupain mula sa pamahalaan o sa LBP sa loob ng dalawang (2) taon. Dapat patalastasan ng LBP ang Komiting
Pambarangay sa Reporma sa Lupa (BARC) ang barangay kung saan naroroon ang lupang iyon. Ang Panlalawigang Komite na Nag-uugnay sa
Repormang Pansakahan (PARCCOM), na dito'y itinatadhana, ay dapat na patalastasan ng BARC tungkol dito.
Kung ang lupain ay hindi pa ganap na nababayaran ng benepisyaryo, ang karapatan sa lupain ay maaaring ilipat o ipagkaloob, na may paunang
pagpapatibay ng DAR, sa sinumang tagapagmana ng benepisyaryo o sa sinumang iba pang benepisyaryo na, sa isang kondisyon para sa
nabanggit na paglilipat o pagkakaloob, ay sarili niyang lilinangin ang lupain. Ang hindi pagtupad dito, malilipat ang lupain sa LBP na magbibigay
ng nararapat na patalastas sa pagtatamo ng lupain sa paraang tiniyak sa kagyat na naunang talata.
Sa pangyayari ng gayon paglilipat sa LBP, dapat bayaran ng huli ang benepisyaryo nang buo para sa halagang ibinayad niya, kasama na ang
halaga ng mga mehora na ginawa sa lupain.
SEKSIYON 28. Mga Natitirang Pananim sa Panahon ng Pamamahagi. — Dapat manatili ang kaparte ng maylupa sa anumang natitirang mga
pananim na hindi pa naaani sa sandaling makuha ng DAR ang pagmamay-ari ng lupain alinsunod sa Seksiyon 16 ng Batas na ito, at dapat bigyan
ng makatwirang panahon upang maani ang mga pananim.
KABANATA VIII
Mga Sakahang Ari ng Korporasyon
SEKSIYON 29. Ang mga Sakahang Ari o Pinamamahalaan ng mga Korporasyon o ng Iba pang mga Asosasyong Pangnegosyo. — Ang sumusunod
ng mga tuntunin ay dapat na sundin ng PARC sa kalagayan ng mga sakahang pag-aari o pinamamahalaan ng mga korporasyon o iba pang mga
asosasyong pangnegosyo;
Sa pangkalahatan, ang mga lupain ay dapat ipamahagi nang tuwiran sa mga indibidwal na manggagawa-benepisyaryo.
Sakaling hindi mabubuhay at makabubuti na hatiin ang lupain, sa gayon ito'y dapat ariing sama-sama ng mga manggagawa-benepisyaryo na
bubuo ng isang kooperatiba o samahan na haharap sa korporasyon o samahang pangnegosyo. Hanggang walang bagong kasunduan sa pagitan
ng kooperatiba o asosasyon ng mga manggagawa at korporasyon o asosasyong pangnegosyo, ang anumang kasunduang umiiral sa panahong
nagkabisa ang batas na ito sa pagitan ng dati at ang naunang may-ari ng lupain ay dapat igalang kapwa ng kooperatiba o asosasyon ng mga
manggagawa at ng korporasyon o asosasyong pangnegosyo.
SEKSIYON 30. Mga Loteng Pantahanan at Loteng Pansakahan para sa mga kasapi ng Kooperatiba. — Ang mga indibidwal na mga kasapi ng
mga kooperatiba o korporasyon binanggit sa sinundang seksyon ay dapat pagkalooban ng mga loteng pantahan at maliit na loteng pansakahan
para gamitin ng kanilang pamilya, na kukunin mula sa lupang pag-aari ng kooperatiba o korporasyon.
SEKSIYON 31. Mga Korporasyon Maylupa. — Maaaring kusang ilipat ng mga korporasyong maylupain ang pagmamay-ari ng kanilang mga
lupaing sakahan sa Republika ng Pilipinas alinsunod sa Seksiyon 20 nito o sa mga kwalipikadong benepisyaryo, na sasailalim, sa gayong mga
nabanggit na mga tadhana at kondisyon, na naaalinsunod sa Batas na ito, na maari nilang pagkasunduan, na sasailalim ng pagpapatibay ng
DAR.
Sa sandaling mapagtibay ng DAR, ang mga korporasyong nagmamay-ari ng lupang sakahan ay maaaring magloob sa kanilang kwalipikadong
benepisyaryo ng karapatan na mabili ang gayon bahagi ng saping puhunan ng korporasyon sa lupang sakahan na laan sa mga gawaing
pansakahan, na may kaugnayan sa kabuuan ari-arian ng kompanya, batay sa mga tadhana at babawasan ang bayad na tinanggap ng mga
manggagawa sa panahon ng pamamahagi ng saping puhunan. Gayundin mga panuntunan ang dapat sundin sa mga asosasyon hingil sa
kanilang equity o pakikilahok.
Ang mga korporasyon o asosasyong nag-alis ng isang bahagi ng kanilang saping puhunan, equity o pakikilahok sa kapakanan ng kanilang mga
manggagawa o ng iba pang mga kwalipikadong manggagawa alinsunod sa seksyong ito ay ipalalagay ng nakatupad sa mga tadhana ng batas na
ito: Sa Pasubali, Na ang sumusunod na mga kondisyon ay nakatupad: CDcaSA
(a) Upang mapangalagaan ang karapatan ng mga benepisyaryo na nagmamay-ari ng saping puhunan pati dibedendo at iba pang mga
pakinabang na pananalapi, ang libro ng korporasyon o asosasyon ay sasailalim sa pana-panahong pag-aawdit ng mga certified public
accountants na pinili ng mga benepisyaryo;
(b) Na hindi isinaaalang-alang ang halaga ng kanilang equity sa korporasyon or asosasyon, ang mga benepisyaryo ay nakatitiyak ng isang (1)
kinatawan man lamang sa lupon ng mga direktor, o sa pangasiwaan o asosasyon; at
(c) Anumang paglilipat ng saping puhunan ng orihinal na mga benepisyaryo ay dapat pawalang bisa ab initio maliban kung ang nasabing
transaksyon ay sa kapakanan ng isang kwalipikado at nakatalang benepisyaryo sa korporasyon iyon.
(d) Anumang saping puhunan ng orihinal na mga benepisyaryo ay dapat pawalang bisa ab initio maliban kung ang nasabing transaksyon ay
sa kapakanan ng isang kwalipikado at nakatalang benepisyaryo sa korporasyon iyon.
Kung sa loob ng dalawang (2) taon mula pagtibayin ang Batas na ito, hindi natupad ang nilalayong paglilipat ng lupain o sapi na binanggit sa
itaas o ang plano para sa nabanggit na pamamahagi ng sapi ay pinagtibay ng PARC sa loob ng panahon ding iyon, ang lupang sakahan na pag-
aari ng korporasyon o asosasyon ay sasailalim sa sapilitang pagkasaklaw ng Batas na ito.
SEKSIYON 32. Partihan sa Ani. — Habang hinihintay ang pangwakas na paglilipat ng lupa, ang mga indibidwal o entidad na nagmamay-ari, o
namumuwisan o may kontrata sa pamamahala, ng mga lupang sakahan ay inaatasan sa pamamagitan nito na magsasagawa ng isang plano sa
partihan ng ani sa kanilang mga manggagawa sa bukid o sa organisasyon ng mga manggagawa sa bukid, kung mayroon, na ang tatlong
porsyento (3%) ng kabuuang benta mula sa produksyon ng mga nasabing lupain ay ipamamahagi sa loob ng animnapung (60) araw sa
katapusan ng taong piskal bilang bayad sa mga regular at iba pang mga manggagawa ng nasabing mga lupain sa karagdagan pa sa kabayarang
kasalukuyang tinatanggap nila: Sa Pasubali, Na ang kabuuang pinagbilhan ng mga indibidwal o entidad ay higit sa limang milyong piso bawat
taon maliban kung titiyakin ng DAR, ang mababang ceiling sa pamamagitan ng nararapat na kahilingan.
Sa pangyayari na tumubo ang indibidwal o entidad, may karagdagang sampung porsyento (10%) ng netong tubo pagkaraang alisin ang buwis
ay dapat ipamahagi sa mga nasabing regular at iba pang mga manggagawa sa bukid sa loob ng siyamnapung (90) araw sa katapusan ng taong
piskal.
Upang maiwasan ang anumang pagkabalam sa normal na operasyon ng mga lupaing ipagkaloob sa mga manggagawa sa bukid/mga
benepisyaryong binanggit sa itaas, itatag ang isang panahong lilipas, na ang haba ay titiyakin ng DAR.
Sa panahong ito na itinatag ng DAR, isang porsyento (1%) man lamang ng kabuuang benta ng entidad ay dapat ipamahagi sa pangkat ng mga
mamamahala, superbisor at grupong teknikal na naroroon na sa panahong magkabisa ang Batas na ito, bilang kabayaran para sa mga
nabanggit na pansamantalang mga tungkuling pamamahala at teknikal, alinsunod sa kasunduang isinagawa ng mga manggagawa sa bukid-
benepisyaryo at ang pangkat ng mga namamahala, superbisor at tekniko, na sasailalim sa pagpapatibay ng DAR.
SEKSIYON 33. Bayad ng Sapi sa Kooperatiba o Asosasyon. — Ang sapi sa kooperatiba o asosasyon na natamo ng mga magsasaka benepisyaryo
o mga manggagawa-benepisyaryo ay ganap na babayaran sa halagang katumbas ng halagang tiniyak sa kagyat na kasunod na seksyon.
Tutulungan ng maylupa at LBP ang mga magsasaka-benepisyaryo at manggagawa-benepisyaryo sa pagbabayad sa nasabing sapi sa
pamamagitan ng pagkakaloob ng pautang.
SEKSIYON 34. Paghahalaga ng mga Lupain — Ang pamamaraan sa paghahalaga para sa lupain ay dapat buuin ng PARC, na isasaalang-alang
ang mga batayang inisa-isa sa Seksyon 17, bilang karagdagan pa sa pangangailangan na mapasigla ang pagunlad ng mga kooperatiba at ang
layunin itaguyod ang may pananagutang pakikilahok ng mga manggagawa-benepisyaryo sa paglikha ng kayamanan.
Upang malaman ng PARC ang halaga na hindi lamang makatwiran sa indibidwal kundi pati sa lipunan, ganap na sasangguniin nito ang may-ari
ng lupain at ang manggagawa-benepisyaryo.
Sakali na hindi nagkasundo, ang halaga na pinagpasyahan ng PARC, kung tatanggapin ng mga manggagawa-benepisyaryo, ay dapat sundin, na
hindi makapipinsala sa karapatan ng maylupa na magharap ng petisyon sa Tanging Hukuman Pansakahan (Special Agrarian Court) upang
lutasin ang usapin na paghahalaga.
KABANATA IX
Lingkurang Pantulong
SEKSIYON 35. Paglikha ng Tanggapan ng Lingkurang Pantulong. — Sa pamamagitan nito'y nililikha ang Tanggapan ng Lingkurang Pantulong sa
ilalim ng DAR na pamumunuan ng isang Pangalawang Kalihim.
Ang tanggapan ay magkakaloob ng pangkalahatang tulong at lingkurang pakikipag-ugnayan sa pagpapatupad ng programa, lalo na sa
pagpapatupad ng mga tadhana ng sumusunod na mga paglilingkod sa mga magsasaka-benepisyaryo at mga may lupang naapektuhan:
(1) Mga pasilidad sa patubig, lalo na iyong panghaliling pananim o mga pasilidad sa patubig kung tag-araw;
(2) Pagpapaunlad sa inprastrakyur at mga proyekto sa pagawaing bayan sa mga lugar at panahanan na saklaw ng repormang pansakahan,
at para sa layuning ito, ang paghahanda ng plano sa pagpapaunlad na pisikal ng nasabing panahanan na naglalaan ng naangkop na mga lugar
ng barangay, mapagkukunan ng malinis na tubig at koryente, sistema sa patubig at iba pang pasilidad para sa isang tumpak na plano sa
pagpapaunlad pansakahan;
(3) Mga tulong na pananalapi ng Pamahalaan para sa gamit ng mga pasilidad sa patubig;
(4) Importa at garantiya sa presyo para sa lahat ng aning pansakahan:
(5) Pagpapaabot sa mga maliliit na maylupa, magsasaka at mga samahan ng magsasaka ng kinakailangang pautang, gaya ng pagpapautang
na konsesyonal at walang kolateral, para sa agro-industrialization batay sa pangkalahatang kolateral panlipunan gaya ng garantiya ng mga
organisasyon ng magsasaka;
(6) Pagpapalaganap, pagpapaunlad at pagpapaabot ng tulong pananalapi sa mga maliliit at katamtamang laking industriya sa mga lugar ng
repormang pansakahan;
(7) Pagtatalaga ng sapat na bilang ng mga mangagawa sa pagpapalawak ng sakahan sa mga organisasyon ng mga magsasaka;
(8) Pagsasagawa ng pananaliksik, pagpapaunlad at pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa repormang pansakahan at sa mura at
mahusay na mga teknolohiya at mga input pansakahan upang mabawasan ang pag-asa sa mga mahal at inaangkat na input pang-agricultura;
(9) Pagpapaunlad ng mga kakayahan sa pamamahala ng kooperatiba sa pamamagitan ng puspusang pagsasanay;
(10) Tulong sa pagkilala ng mga handang pamilihan para sa aning pansakahan at pagsasanay sa iba pang aspeto ng pagsasapamilihan; at
(11) Pangangasiwa, pamamalakad, pamamahala, at pagtutustos sa mga programa ng lingkurang pantulong at mga proyekto kabilang na ang
mga panimulang proyekto at huwaran na kaugnay sa repormang pansakahan na ginawa ng DAR.
SEKSIYON 36. Pondo para sa lingkurang Pantulong. —Upang matustusan ang mga gastusin at halaga ng lingkurang pantulong, ang
dalawampu't limang porsyento (25%) man lamang ng lahat ng laang gugulin para sa repormang pansakahan ay kagyat na ihihiwalay at
gagamitin para sa layuning ito. Karagdagan dito ang DAR ay bibigyan kapangyarihan na magsagawa ng magkakaugnay na mungkahi at
tumanggap ng mga kaloob, tulong at iba pang uri tulong na pananalapi mula sa anumang mapagkukunan.
SEKSIYON 37. Lingkurang Pantulong sa mga Benepisyaryo. — Dapat tiyakin ng PARC na maipagkakaloob ang mga lingkurang pantulong sa mga
magsasaka-benepisyaryo gaya ng:
(a) Pagsarbey at pagtititulo ng lupain;
(b) Pagluluwag sa mga tadhana sa mga pasilidad sa pautang at utang sa produksyon;
(c) Paglilingkod na pagpapalawak sa pamamagitan ng paglilipat ng teknolohiya sa pagtatanim, paghahalaman, produksyon at pagkatapos
maani, gayundin ang tulong sa pagsasapamilihan at pamamahala at suporta sa mga kooperatiba at mga organisasyon ng mga magsasaka;
(d) Inprastrakyur gaya ng mga daan, maliliit na prinsa, mga gamit pambayan, mga pasilidad sa pagsasapamilihan at pag-iimbak; at
(e) Pananaliksik, produksyon at paggamit ng mga patabang organiko at iba pang mga lokal na sangkap na kailangan sa pagbubukid at
pagtatanim.
Dapat bumuo ang PARC ng mga patakaran upang matiyak na ang mga lingkurang pantulong sa mga magsasaka benepisyaryo at
maipagkakaloob sa lahat ng antas ng repormang pansakahan.
Ang kalihiman ng Bagong Kilusang Kabuhayan sa Kaunlaran (BKKK) ay ililipat at isasama sa LBP, para sa superbisyon nito kasama na ang lahat
ng magagamit at umiiral na mga pondo, tauhan, ari-arian, kasangkapan at mga kasulatan.
Ang maling paggamit o paglilinis ng tulong pananalapi at paglilingkod na itinakda dito ay magbubunga ng pagparusa laban sa nagkasalang
benepisyaryo, kasama na ang pagbawi sa lupang inilipat sa kanya o higit makapipigil sa paghaharap ng kaukulang sakdal.
SEKSIYON 38. Lingkurang Pantulong sa mga Maylupa. — Ang PARC sa tulong ng iba pang ahensiya at kasangkapan ng pamahalaan na maaring
mahilingan, ay dapat magkaloob sa mga maylupang naapektuhan ng CARP at iba pang naunang mga programa sa repormang pansakahan ng
sumusunod na mga tulong:
(a) Tulong sa impormasyon at pagpapayo tungkol sa pamuhunan at pananalapi;
(b) Mga pasilidad, programa at pamamaraan para sa pagpapalit ng mga bono na ipinalabas para pambayad sa mga lupang natamo sa
pamamagitan ng saping puhunan at bono na ipinagkaloob ng Pamahalaang Pambansa, ng Bangko Sentral at iba pang mga institusyon at
kasangkapan ng pamahalaan;
(c) Pagsasapamilihan ng mga LBP bono, gayundin ang pagpapalaganap ng pagsasapamilihan ng mga nabanggit na bono sa mga tradisyonal
at di tradisyonal na financial markets at pamilihan ng saping-puhunan; at
(d) Iba pang mga paglilingkod na ang layunin ay produktibong magamit ang pinagbilhan mula sa nabanggit na lupain para sa
industriyalisasyong pangrural.
Ang isang maylupa na namuhunan sa mga industriyang pangrural ay may karapatan sa insentibong ipinagkaloob sa isang nakatalang negosyo
na nakikilahok sa isang nangunguna o tanging larangan ng pamumuhunan gaya ng itinakda sa Omnibus Investment Code of 1987, o sa iba pang
mga insentibong itinatakda ng PARC, ng LBP, o ibang institusyong pananalapi ng pamahalaan.
Dapat tubusin ng LBP ang LBP bonds ng may-ari ng lupain sa nakatalang halaga sa pasubali na ang kita dito ay ipamumuhunan sa nakatalang
kompanya ang BOI sa alinmang sa mga negosyong agribusiness o agro-industriya sa rehiyon kung saan ang maylupain ay may dating
pamumuhunan, hanggang sa tatlumpong porsyento (30%) ng nakatalang halaga ng nasabing LBP bono, na sasailalim sa mga patnubay na
ipalalabas ng LBP.
SEKSIYON 39. Pagsasama-sama ng Lupain. — Ang DAR ay magsagawa ng mga proyekto sa pagsasama-sama ng lupain upang mapalaganap
ang pantay-pantay na pamamahagi ng mga ari-arian, makapaglaan ng kinakailangang inprastrakyur sa agrikultura, at mapanatili ang katabaan
ng lupa at maiwasan ang pagguho ng lupa.
KABANATA X
Mga Pag-Uukulan Ng Tanging Pagpapahalaga
SEKSIYON 40. Mga Paguukulan ng Tanging Pagpapahalaga — Bilang isang mahalagang bahagi ng Komprehensibong Programa sa Repormang
Pansakahan, ang sumusunod na mga panuntunan sa mga pag-uukulan ng tanging pagpapahalaga ay dapat sundin.
(1) Mga tawid-buhay ng pangingisda — Ang maliliit na mga mangingisda, kabilang na ang mga nag-aalaga ng halamang dagat, ay
pagkakalooban ng higit na pagkakataon upang makinabang sa mga kayamanang tubig.
(2) Konsesyon sa Pagtrotroso at Pagmimina. — Saklaw ng kinakailangan ng isang balanseng ekolohiya at pangangalaga sa kayamanang
tubig, ang karapat-dapat na mga lugar, gaya ng pagkaalam ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Kayamanan, ay bubuksan para sa
pagtrotroso, pagmimina at pastulan, para sa paninirahang pansakahan na ang mga benepisyaryo ay kinakailangang magsagawa ng mga
pamamaraan sa muling paggugubat at pangangalaga ng produksyon. Saklaw ng umiiral na mga batas, mga tuntunin at regulasyon, ang mga
naninirahan at mga miyembro ng mga pamayanang kultura ay dapat pahintulutang tamasahin at gamitin ang produkto ng kagubatan maliban
sa mga kahoy na nasa loob ng konsesyon troso.
(3) Lupaing-Bayan na Pansakahan na di pa gaanong matao — Ang lupaing-bayan na pansakahan na di pa gaanong matao ay isasarbey,
ipahahayag, pauunlarin bilang mga paninirahang pansakahan para sa mga kwalipikadong taong walang lupa batay sa programang binuo upang
matiyak ang kanilang maayos at maagang pag-unlad.
Ang alokasyon ng lupang sakahan ay dapat isagawa para sa katamtamang sukat ng bukid na pampamilya ayon sa pasiya ng PARC. Ang mga
taong unang nanirahan at iba pang mga naninirahan ay dapat pakitunguhan ng pantay-pantay sa lahat ng bagay.
Saklaw ng mga naunang karapatan ng mga kwalipikadong benepisyaryo, ang hindi pa nalilinang na mga lupaing-bayan ay maaaring matamo sa
paraang pamumuwisan ng mga pangkat na interesado at kwalipikado. Ang mga pangkat na lalahok sa pagpapaunlad na malaki ang puhunan,
mga tradisyonal o mga paunang pananim ay dapat bigyan ng prayority.
Ang panahon ng pamumuwisan, na hindi hihigit sa kabuuan ng limampung (50) taon, ay dapat katimbang ng halaga ng pamumuhunan at
hangarin sa produksyon ng mamumuwisan. Isang sistema ng ebalwasyon at pag-aawdit ang isasatatag.
(4) Mga lupaing nakatiwangwang, inabandona, nailit at nasekwester. — Ang mga lupaing nakatiwangwang, inabandona, nailit at
nasekwester ay dapat iplano para ipamahagi bilang loteng pantahanan at sukat pampamilyang bukirin sa mga aktuwal na naninirahan. Kung
malaki pa ang sukat ng lupain, ang iba pang mga pamilyang walang lupa ay maaring tanggapin sa lupaing ito.
(5) Mga Kababaihan sa Lalawigan. — Lahat ng mga Kwalipikadong miyembro ng kababaihan sa gawaing pansakahan ay dapat bigyan ng
pagkakataon at titiyakin na pagkakalooban ng kapantay na karapatan sa pagmamay-ari ng lupain, pantay na kaparti ng ani, at pagkatawan sa
lupang tagapayo o sa pagsasagawa ng nararapat na pagpapasiya.
(6) Mga Beterano at Retirado — Alinsunod sa Seksyon 7 ng Artikulo XVI ng Konstitusyon, ang mga beterano ng digmaan at beterano sa mga
kilusan militar, ang kanilang mga nabubuhay na asawa at mga naulila, retirado ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) at ang Pinagsanib na
Pambansang Pulisya (INP), mga nagsibalik, sumuko, at iba pang mga katulad na benepisyaryo ay isasaalang-alang sa pamamahagi ng mga
lupaing pansakahan ng lupaing bayan. cHCIDE
(7) Mga Nagtapos ng Agrikultura. — Ang mga nagtapos sa paaralang pang-agrikultura na walang lupa ay tutulungan ng pamahalaan, sa
pamamagitan ng DAR, sa kanilang pagnanasa na magkaroon ng sarili at malilinang na lupang pansakahan.
KABANATA XI
Programa Sa Pagpapatupad
SEKSIYON 41. Ang Pampanguluhang Sanggunian sa Repormang Pansakahan. — Ang Pampanguluhang Sanggunian sa Repormang Pansakahan
(PARC) ay bubuuin ng Pangulo ng Pilipinas bilang Tagapangulo, ang Kalihim ng Repormang Pansakahan bilang Pangalawang Tagapangulo at ang
mga sumusunod bilang mga kagawad: Mga Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka; Kapaligiran at Likas na Kayamanan; Badyet at Pamamahala;
Pamahalaang Lokal; at Pagawain at Lansangang Bayan; Pangangalakal at Industriya; Pananalapi; Paggawa at Empleo; Direktor-Heneral ng
Pambansang Pangasiwaan sa Kabuhayan at Pagpapaunlad; Pangulo ng Bangko sa Lupa ng Pilipinas; Tagapangasiwa, Pambansang Pangasiwaan
ng Patubig; at tatlong (3) kinatawan ng apektadong maylupa na kakatawanin ang Luzon, Visayas at Mindanao; anim (6) na kinatawan na mga
benepisyaryo ng repormang pansakahan, dalawa (2) bawat isa mula sa Luzon, Visayas at Mindanao, sa pasubali na ang isa sa kanila ay
nagbuhat sa pamayanang kultura.
SEKSIYON 42. Komiteng Tagapagpaganap. — Magkakaroon ng isang Komiteng Tagapagpaganap ang PARC na binubuo ng Kalihim ng DAR
bilang Tagapangulo, at iba pang mga kagawad na maaaring italaga ng Pangulo, na isasaalang-alang ang Artikulo XIII, Seksyon 5 ng Konstitusyon.
Maliban kung may naiibang ipag-uutos ng PARC, ang Komiteng Tagapagpaganap ay maaaring magpulong at magpasiya sa anuman at lahat ng
bagay sa pagitan ng mga pagpupulong ng PARC. Sa Pasubali, gayunman, Na ang kanilang pasya ay kagyat na iuulat sa PARC at hindi lalampas sa
susunod na pagpupulong.
SEKSIYON 43. Kalihiman. — Sa pamamagitan nito ang Kalihiman ng PARC ay itinatag upang magkaloob ng pangkalahatang tulong at pakikipag-
ugnayan gaya ng sanib-lupon ng iba't ibang tanggapan, pagpahalaga at ebalwasyon ng programa at proyekto at pangkalahatang pagmomonitor
ng operasyon para sa PARC.
Ang Kalihiman ay pamumunuan ng Kalihim ng Repormang Pansakahan na tutulungan ng isang Pangalawang Kalihim at tutulungan ng isang
kalipunan na ang kabuuan ay pagpapasihan ng Komiteng Tagapagpaganap ng PARC at ang pasahod ay ikakarga sa Pondo ng Repormang
Pansakahan. Lahat ng mga pinuno at kawani ng Kalihiman ay hihirangin ng Kalihim ng Repormang Pansakahan.
SEKSIYON 44. Panlalawigang Komite na Nag-uugnay sa Repormang Pansakahan (PARCOM). — Sa pamamagitan nito'y nililikha ang
Panlalawigang Komite ng Nag-uugnay sa Repormang Pansakahan sa bawat lalawigan, na binubuo ng Tagapangulo, na hihirangin ng Pangulo sa
tagubilin ng EXCOM, mga Pinunong Panlalawigan ng Repormang Pansakahan bilang Pinunong Tagapagpaganap, at tig-isang kinatawan mula sa
Kagawaran ng pagsasaka, at ng kapaligiran at likas na kayamanan at mula sa LBP, tig-isang kinatawan mula sa mga umiiral na organisasyon ng
mga magsasaka, mga kooperatibang pansakahan at mga organisasyon di pampamahalaan sa lalawigan; dalawang kinatawan mula sa mga may-
ari ng lupain, at kahit isa man lamang ay produser na kumakatawan sa pangunahing pananim ng lalawigan, at ang dalawang kinatawan ay mula
sa mga benepisyaryo na mga magsasaka at manggagawa sa bukid, at isa man lamang sa magsasaka o manggagawa sa bukid ng kumakatawan
sa pangunahing pananim ng lalawigan, bilang mga kagawad; Sa Pasubali, Na sa mga pook na may mga pamayanang kultura, dapat magkaroon
din ng isang kinatawan.
Ang PARCCOM ay siyang mag-uugnay at magmomonitor sa pagpapatupad ng CARP sa lalawigan. Magkakaloob ito ng mga impormasyon
tungkol sa mga tadhana ng CARP, mga patnubay na ipinalabas ng PARC at tungkol sa pagsulong ng CARP sa lalawigan.
SEKSIYON 45. Pagpapatupad sa Bawat Lalawigan. — Ang PARC ay magkakaloob ng mga patnubay sa pagpapatupad ng CARP sa bawat
lalawigan. Ang sampung taong programa sa pamamahagi ng mga lupaing publiko at pribado sa bawat lalawigan ay isaayos ng taun-taon ng
PARCCOM ng lalawigan alinsunod sa antas ng operasyon na dati ng itinatag ng PARC, sa bawat pangyayari titiyakin na ang lingkurang pantulong
ay matatamo o isaprograma bago isagawa ang aktwal na pamamahagi.
SEKSIYON 46. Pambarangay na komite sa Repormang Pansakahan (BARC). — Maliban kung may naiibang itinakda ang Batas na ito, ang mga
tadhana ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 229 hinggil sa pagbuo ng Pambarangay na Komite sa Repormang Pansakahan ay may bisa.
SEKSIYON 47. Mga Tungkulin ng BARC. — Karagdagan sa mga itinakda sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 229, ang BARC ay may sumusunod
na mga tungkulin:
a) Mamagitan at payapain ang magkabilang panig na nasasangkot sa alitang pansakahan kung ang mga bagay na nauugnay sa pagmamay-
ari at kaayusan sa pananalapi;
b) Tumulong sa pagkilala sa mga kuwalipikadong benepisyaryo at may-ari ng lupain sa loob ng barangay;
c) Magpatunay sa kawastuhan ng unang pagmamapa ng mga lagay ng lupa na nililinang ng benepisyaryo;
d) Tumulong sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa pagtatamo ng pautang mula sa institusyong nagpapautang;
e) Tumulong sa pangunang pag-aalam ng halaga ng lupain;
f) Tumulong sa kinatawan ng DAR sa paghahanda ng pana-panahong ulat hinggil sa pagpapatupad ng CARP na ihaharap sa DAR;
g) Makipag-ugnayan sa paghahatid ng mga lingkurang pantulong sa mga benepisyaryo; at
h) Gampanan ang iba pang mga tungkulin na maaaring italaga ng DAR.
2) Dapat pagsikapan ng BARC na mamagitan, payapain at lutasin ang mga alitan sa pagsasaka na iniharap dito sa loob ng tatlumpung (30)
araw, mula sa pagkabatid dito. Kung pagkaraan na matapos ang tatlumpung (30) araw, hindi pa nalutas ang alitan, magpapalabas ito ng isang
katunayan ng katitikan at pagkakalooban ng sipi ang magkabilang pangkat sa loob ng pitong (7) araw pagkaraang matapos ang tatlumpung
araw.
SEKSIYON 48. Tulong na Legal. — Ang BARC o alinmang kagawad nito kailanman kinakailangan sa pagganap na alinman sa mga tungkulin nito,
ay maaaring humingi ng tulong legal sa DAR at sa pamahalaang panlalawigan, panlungsod, o pambayan.
SEKSIYON 49. Mga tuntunin at Regulasyon. — Ang PARC at ang DAR ay may kapangyarihang magpalabas ng mga tuntunin at regulasyon,
maging ito man ay substantibo o prosedyural sa pagpapatupad ng mga layunin ng Batas na ito. Ang nasabing mga tuntunin ay magkakabisa
sampung (10) araw pagkaraang mailathala sa dalawang (2) pambansang pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.
KABANATA XII
Pagpapasiyang Pampangasiwaan
SEKSIYON 50. Mga Kapangyarihang Quasi-Huridikal ng DAR. — Sa pamamagitan nito ang DAR ay pinagkakalooban ng pangunang kasaklawan
upang malaman at pagpasiyahan ang mga bagay ukol sa repormang pansakahan at magkakaroon ng tanging orihinal na kasaklawan sa lahat ng
bagay ukol sa pagpapatupad ng repormang pansakahan, maliban doon sa nasa tanging kapangyarihan ng Kagawaran ng Pagsasaka at
Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Kayamanan.
Hindi ito tatakdaan ng mga tuntuning teknikal ng pamamaraan at katibayan sa halip diringgin at pagpapasyahan ang lahat ng mga kaso, alitan o
mga pagtatalo sa pinakamabilis na paraan, gagamitin ang lahat ng makatwirang pamamaraan upang matiyak ang katotohanan ng bawat kaso
alinsunod sa katarungan at equity at sa katotohanan ng kaso. Sa layuning ito, gagamit ito ng isang tuntunin ng pamamaraan na di nagbabago
upang matamo ang isang makatwiran, mabilis at murang pagkaalam ng bawat hakbang o usaping iniharap dito.
May kapangyarihan itong tawagin ang mga saksi, magpanumpa, tanggapin ang patotoo, kailanganin ang pagharap ng mga ulat, sapilitang
ipalabas ang mga libro at mga kasulatan at pasagutin sa mga katanungan at magpalabas ng subpena, at subpena duces tecum at ipatupad ang
mga kautusan sa pamamagitan ng sheriffs o ng iba pang may kapangyarihang mga pinuno. Gayundin ito'y may kapangyarihan na magparusa ng
tuwiran o di-tuwiran sa pagsuway sa hukuman sa gayon ding paraan at sasailalim sa gayundin mga kaparusahan gaya ng itinakda sa mga
Tuntunin ng Hukuman.
Ang mga mapagkakatiwalaang lider ng mga magsasaka ay pahihintulutang kumatawan sa kanilang sarili, sa kapwa nilang magsasaka, o sa
kanilang organisasyon sa anumang usapin sa harap ng DAR; Sa pasubali, gayunman Na kung may dalawa o higit pang kinatawan para sa
alinmang indibidwal o pangkat, dapat pumili sila ng isang kinatawan lamang upang kumatawan sa nasabing pangkat sa harap ng alinmang
usapin sa DAR.
Sa kabila ng isang paghahabol sa Hukuman ng Paghahabol, ang pasiya ng DAR ay kagyat na ipapatupad.
SEKSIYON 51. Ang Pangwakas na Pagpapasiya. — Ang anumang kaso o pagtatalo ay pagpapasiyahan sa loob ng tatlumpung (30) araw
pagkaraan ito iharap upang pagpasyahan. Isang mosyon lamang para sa rekonsiderasyon ang ipahihintulot. Ang anumang kautusan, hatol o
pasya ay pangwakas na pagkaraan ng labinlimang araw (15) mula matanggap ang sipi nito.
SEKSIYON 52. Walang-saysay na Paghahabol. — Upang mapigilan ang walang-saysay na paghahabol mula sa mga pasiya, o kautusan ng antas
na lokal o panlalawigan, maaaring magpataw ang DAR ng makatwirang parusa, kabilang na ngunit hindi natatakdaan sa mga multa o
pagbibigay sala sa nagkasalang mga panig.
SEKSIYON 53. Pagpapatibay ng BARC. — Hindi kikilalanin ng DAR ang anumang alitan o pagtatalong pansakahan maliban kung iniharap na
pagpapatibay buhat sa BARC na ang alitan ay naiharap na para mamagitan at mapagkasundo na hindi nagtagumpay ang pagsasaayos; Sa
Pasubali; gayunman, Na kung walang ibinigay na pagpapatibay ang BARC sa loob ng tatlumpung (30) araw pagkaraang na ang bagay na ito o
ang usapin ay naiharap para pamagitanan o pagsasaayos ang kaso o alitan ay maaaring iharap sa PARC.
KABANATA XIII
Pagsusuring Panghukuman
SEKSIYON 54. Certiorari. — Anumang pasiya, kautusan, pagkaloob o pasiya ng DAR tungkol sa anumang alitang pansakahan o sa anumang
bagay na nauukol sa pagpapairal, pagpapatupad o pagpapaliwanag tungkol sa Batas na ito at iba pang may kinalamang mga batas sa
repormang pansakahan ay maaaring dalahin sa Hukuman ng Paghahabol sa pamamagitan ng certiorari maliban kung may naiibang itinakda sa
Batas na ito sa loob ng labinlimang (15) araw mula sa pagkatanggap ng sipi nito.
Ang pahayag ng katotohanan ng DAR ay pangwakas at kapani-paniwala kung batay sa mahahalagang katibayan.
SEKSIYON 55. Walang Kautusang Pipigil o Utos sa Panimulang Pagpipigil. — Walang Hukuman sa Pilipinas ang may karapatan na magpalabas
ng anumang kautusang pipigil o utos sa panimulang pagpigil laban sa PARC o alinman nararapat na may kapangyarihang itinalagang ahensiya
sa anumang kaso, alitan o pagtatalo mula rito, kinakailangan sa o kaugnay sa pagpapairal, pagpapatupad, o pagpapaliwanag tungkol sa Batas
na ito at iba pang may kinalamang batas sa repormang pansakahan.
SEKSIYON 56. Tanging Hukumang Pansakahan — Ang kataas-taasang Hukuman ay magtatalaga ng kahit isang (1) sangay ng Panrehiyong
Hukuman ng Paglilitis (RTC) sa bawat lalawigan upang gumanap bilang Tanging Hukumang Pansakahan.
Ang kataas-taasang Hukumang ay maaaring magtalaga ng higit pang mga sangay na bubuo sa nasabing karagdagan. Tanging Hukumang
Pansakahan na maaring kailanganin sa dami ng mga kasong pansakahan sa bawat lalawigan. Ang kataas-taasang Hukuman ay magbibigay ng
pagtatangi sa Panrehiyong Hukuman ng Paglilitis na humawak na sa mga kasong pansakahan o kung ang mga tagapangulong mahistrado ay
dating mga hukom ng nabuwag na Hukuman ng Pagsasamahang Pansakahan.
Ang mga itinalagang hukom sa Panrehiyong Hukuman ng Paglilitis (RTC) ay gagampanan ang nasabing tanging kapangyarihan bilang
karagdagan sa regular na kapangyarihan ng kani-kanilang mga hukuman.
Ang Tanging mga Hukumang Pansakahan ay magkakaroon ng mga kapangyarihan at tanging karapatan na likas sa o angkin ng Panrehiyon
Hukuman ng Paglilitis.
SEKSIYON 57. Tanging Kapangyarihan. — Ang tanging mga Hukumang Pansakahan ay may orihinal at tanging kapangyarihan sa lahat ng mga
petisyon para malaman ang makatwirang kabayaran sa mga may lupa, at ang pag-uusig sa lahat ng mga pagkakasalang kriminal na saklaw ng
Batas na ito. Ang mga Tuntunin ng Hukuman ay susundin sa lahat ng mga paglilitis sa harap ng Tanging mga Hukumang Pansakahan, maliban
kung babaguhin ng Batas na ito.
Ang Tanging mga Hukumang Pansakahan ay magpapasiya sa lahat ng nararapat na mga kaso na saklaw ng kanilang natatanging kapangyarihan
sa loob ng tatlumpong (30) araw mula sa paghaharap ng kaso para pagpasyahan.
SEKSIYON 58. Paghirang ng mga Komisyonado. — Ang Tanging mga Hukumang Pansakahan sa pamamagitan ng sarili nilang pagkukusa o sa
kahilingan ng alinmang pangkat, ay maaaring humirang ng isa o higit pang mga komisyonado upang magsuri, magsiyasat at tiyakin ang mga
katotohanan na nauugnay sa alitan, kasama na ang paghahalaga ng mga ari-arian, at ang paghaharap ng isang nakasulat na ulat sa
hukuman. ICTHDE
SEKSIYON 59. Mga Kautusan ng Tanging Hukumang Pansakahan. — Walang kautusan ng Tanging Hukumang Pansakahan sa anumang isyu,
katanungan, bagay o insidente na iniharap sa kanila ang maitataas sa hukuman sa paghahabol hanggang ang pagdinig ay hindi natatapos at ang
kaso ay napagpasiyahan batay sa kahalagahan nito.
SEKSIYON 60. Mga Paghahabol. — Ang paghahabol ay magmumula sa pasya ng Tanging Hukuman sa Pagsasaka sa pamamagitan ng
paghaharap ng isang petisyon para suriin ng Hukumang sa Paghahabol sa loob ng labinlimang (15) araw mula makatanggap ng patalastas ng
pasya; kung hindi, ang pasya ay magiging pang-wakas.
Ang paghahabol mula sa pasya ng Hukuman sa Paghahabol, o mula sa alinmang kautusan, hatol o pasiya ng DAR, alin man ang pangyayari, ay
dapat sa pamamagitan ng isang petisyon para suriin ng Kataas-taasang Hukuman sa loob ng walang palugit na panahon na labinlimang (15)
araw mula matanggap ang sipi ng nasabing pasya.
SEKSIYON 61. Pamamaraan sa Pagsusuri. — Ang pagsusuri ng Hukuman sa Paghahabol o ng Kataas-taasang Hukuman, alin man ang
pangyayari, ay pamamahalaan ng mga Tuntunin ng Hukuman. Gayunman, maaaring hilingin ng Hukumang sa Paghahabol sa magkabilang panig
na magharap ng magkakasabay na memoranda sa loob ng labinlimang (15) araw mula sa pagkabatid, pagkaraan nito ang kaso ay ipalalagay na
naiharap na para pagpasyahan.
SEKSIYON 62. Tanging Pagpapahalaga sa Hukuman. — Lahat ng mga Hukuman sa Pilipinas, kapwa ng naglilitis at sa paghahabol, ay dapat
magkaloob ng tanging pagpapahalaga sa lahat ng mga kasong magmumula sa o may kaugnayan sa pagpapatupad ng mga tadhana ng Batas na
ito.
Lahat ng kasong nakabimbin sa hukuman na nagmula sa o may kaugnayan sa pagpapatupad ng Batas na ito ay patuloy na didinggin, lilitisin at
pagpapasyahan hanggang sa matapos, sa kabila ng pagwawakas ng sampung taong binanggit sa Seksiyon 5 nito.
KABANATA XIV
Pananalapi
SEKSIYON 63. Pagkukunan ng Pondo — Ang pangunang halagang kinakailangan sa pagpapatupad ang Batas na ito sa loob ng sampung (10)
taon pagkaraang mapagtibay ito ay tutustusan mula sa Pondo sa Repormang Pansakahan na itinalaga sa Seksyon 20 at 21 ng Kautusang
Tagapagpaganap Blg. 229.
Sa pamamagitan nito ay pinahihintulutan ang karagdagang halaga na ilalaan at kung kinakailangan ay idaragdag sa Pondo ng Repormang
Pansakahan upang ganap na maipatupad ang mga tadhana ng Batas na ito.
Ang pagkukunan ng pondo o laang-gugulin ay kabibilangan ng mga sumusunod:
a) Pinagbilhan ng Assets Privatization Trust;
b) Pinagbilhan mula sa ari-ariang nabawi at sa kayamanang nakuha sa masamang paraan sa pamamagitan ng Pampanguluhang Komisyon
sa Mabuting Pamamahala (PCGG);
c) Pinagbilhan mula sa ari-arian ng Pamahalaan sa ibang bansa;
d) Bahagi ng mga halagang ukol sa Pilipinas mula sa lahat ng pinagkukunan ng opisyal na kaloob na tulong ng ibang bansa at pananalaping
konsesyonal mula sa lahat ng bansa, na gagamitin para sa tiyak na layunin ng pagtustos sa mga pautang sa produksyon, inprastrakyur, at iba
pang tulong paglilingkod na kinakailangan ng Batas na ito;
e) Iba pang pondo ng pamahalaan na hindi pa nailalaan.
Lahat ng inilaang pondo sa pagpapatupad ng mga tadhana ng Batas na ito ay dapat ipalagay na patuluyang paglalaan sa panahon ng
pagpapatupad nito.
SEKSIYON 64. Tagapamagitan sa Pananalapi para sa CARP. — Ang Bangko sa Lupa ng Pilipinas ay magiging tagapamagitan sa pananalapi para
sa CARP, at titiyakin na ang mga layuning katarungang panlipunan ng CARP ay magtatamasa ng pagtatangi sa mga prayoriti nito.
KABANATA XV
Pangkalahatang Mga Tadhana
SEKSIYON 65. Pagbabago ng mga Lupain. — Pagkaraan ng limang (5) taon mula ipagkaloob ito, kung ang lupa ay hindi na ikabubuhay at hindi
na naaangkop sa mga layuning pang-agrikultura, o ang lugar ay naging urban na at ang lupain ay magkakaroon ng higit na halagang
pangkabuhayan para sa mga layuning panirahan pangkalakal o pang-industriya, ang DAR, sa kahilingan ng benepisyaryo o ng maylupa, na may
nararapat na patalastas sa mga apektadong pangkat, at sasailalim sa mga umiiral na mga batas, ay maaaring pahintulutan ang muling pag-uuri
o pagbabago ng lupa at ang pamamahagi nito: Sa Pasubali, Na nabayaran ng lahat ng benepisyaryo ang kanyang obligasyon.
SEKSIYON 66. Pagkalibre sa mga Buwis at Bayarin sa Paglilipat ng Lupain. — Ang mga transaksyon na saklaw ng Batas na ito tungkol sa
paglilipat ng pagmamay-ari, maging ito man ay likas o huridikal na mga tao, ay libre sa buwis na nagmula sa tubo sa puhunan. Ang mga
transaksyong ito ay libre din sa pagbabayad ng pagpapatala, at sa lahat ng iba pang mga buwis at bayarin para sa paglipat nito: Sa Pasubali, Na
lahat ng di nabayarang amelyar, na walang multa o interes, ay babawasin mula sa kabayaran na karapatan ng may-ari.
SEKSIYON 67. Libreng Pagpapatala ng mga Patente at Titulo. — Ang lahat ng mga Tagatala ng mga Kasulatan ay inaatasan sa pamamagitan
nito na itala na walang babayarang mga butaw at iba pang singilin ang mga patente, mga titulo at mga dokumentong kinakailangan sa
pagsasakatuparan sa CARP.
SEKSIYON 68. Laya ng mga Ahensiya ng Pamahalaan sa Di Dapat na Paghadlang. — Ang mga nakabababang hukuman ay hindi dapat mag-
isyu ng ano mang utos sa pagpigil, pagbabawal o mandamus laban sa Kagawaran ng Repormang Pansakahan, DAR, Kagawaran ng Pagsasaka
(DA), Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Kayamanan (DENR), at Kagawaran ng Katarungan (DOJ) sa kanilang pagpapatupad ng programa.
SEKSIYON 69. Tulong ng Iba pang mga Sangay ng Pamahalaan. — Sa pagganap sa mga tungkulin nito, ang PARC ay pinahihintulutan, sa
pamamagitan nito na humingi ng tulong at suporta sa iba pang mga sangay, kawanihan at tanggapan, ng pamahalaan kasama ang mga
korporasyon-ari o kontrolado ng pamahalaan.
SEKSIYON 70. Pamamahagi ng mga Lupaing Pribadong Pang-agrikultura. — Ang pagbibili o pamamahagi ng lupaing pansakahan na nananatili
sa may-ari ng lupa bilang bunga ng Seksyon 6 nito ay may bisa hanggang ang kabuuang ari-arian na maaaring ariin ng pinaglipatan nito kasama
na ang lupang natamo na hindi hihigit sa ari-ariang ceilings na itinatakda sa Batas na ito.
Ang anumang pagbibili o pamamahagi ng mga lupaing pansakahan pagkaraan magkabisa ang Batas na ito na napatunayang salungat sa mga
tadhana nito ay walang bisa.
Ang pinaglipatan ng lupang pansakahan ay magkakaloob ng nararapat na apidabit sa Patalaan ng mga Kasulatan at ang BARC na nagpapatunay
na ang kanyang kabuuang lupang ari-arian ay bunga ng nasabing pagtatamo ay hindi hihigit sa lupang ari-ariang ceiling. Hindi itatala ng
Patalaan ng mga Kasulatan ang paglilipat ng anumang lupang pansakahan na hindi naghaharap ng pinanumpaang pahayag na ito kasama na
ang katibayan na tinanggap ang sipi nito sa BARC.
SEKSIYON 71. Mga Sangla sa Bangko. — Ang mga bangko at iba pang institusyon sa pananalapi ay pinahihintulutan ng batas na hawakan ang
sangla o interes sa panagot sa mga lupang pansakahan na siyang panagot sa mga utang at iba pang mga obligasyon ng nanghihiram, maaaring
matamo ang titulo ng isinanglang ari-arian, anuman ang sukat, na sasailalim sa mga umiiral na batas sa sapilitang paglilipat ng mga ari-ariang
nailit at pagtatamo gayong itinakda sa Seksyon 16 ng Batas na ito.
SEKSIYON 72. Mga Kontrata sa Pamumuwisan, Pamamahala, Pagtatanim o Paglilingkod, Mga Pagsasangla at Iba pang Paghahabol. — Ang
mga lupaing saklaw ng Batas na ito na may kontrata sa pamumuwisan, pamamahala, pagtatanim o paglilingkod, at katulad nito ay maaring
ipamahagi gaya ng sumusunod:
a) Ang mga kontrata sa pamumuwisan, pamamahala, pagtatanim o paglilingkod na sumasaklaw sa mga pribadong mga lupain ay maaring
magpatuloy alinsunod sa kanilang orihinal na mga tadhana at kondisyon hanggang sa matapos nito kahit ang mga nabanggit na lupain ay
nailipat sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
b) Ang mga sangla at iba pang mga paghahabol na nakatala sa Patalaan ng mga Kasulatan ay pananagutan ng pamahalaan hanggang sa
halagang katumbas ng kabayaran sa may lupa gaya ng itinakda sa Batas na ito.
SEKSIYON 73. Mga Ipinagbabawal na Gawain at Pagpapabaya. — Ang mga sumusunod ay ipinagbabawal:
a) Ang pagmamay-ari o paghawak, para sa layuning pag-iwas sa mga tadhana ng Batas na ito, ng mga lupaing pansakahan na labis sa
kabuuang retensyon limit o kaloob na ceilings ng sinumang tao, likas o huridikal, maliban doon sa saklaw ng samasamang pagmamay-ari ng
mga magsasaka-benepisyaryo.
b) Sapilitang pagpasok o ilegal na paghawak ng mga taong di kwalipikadong mga benepisyaryo alinsunod sa Batas na ito upang
samantalahin ang mga karapatan at pakinabang ng Programa sa Repormang Pansakahan.
c) Ang pagpapalit ng sinumang maylupa ng kanyang lupang pansakahan sa anumang gamit na hindi pang-agrikultura na may hangarin
iwasan ang pag-iral ng Batas na ito sa kanyang mga ari-arian at upang mabawi sa kanyang mga kasamang magsasaka ang lupang kanilang
sinasaka.
d) Sinadyang pagpigil o paghadlang ng sinumang tao, asosasyon o entity sa pagpapatupad ng CARP.
e) Ang pagbili, paglilipat, paghahatid o pagbabago ng katangian ng mga lupain sa labas ng sentrong urban at hangganan ng mga lungsod
kabuuan nito o bahagi man pagkaraang magkabisa ang Batas na ito.
f) Ang pagbibili, paglilipat o paghahatid ng isang benepisyaryo ng karapatan sa paggamit o anumang iba pang karapatang usuprak sa lupa
na natamo sa pamamagitan ng bisa ng pagiging benepisyaryo, upang makaiwas sa mga tadhana ng Batas na ito.
SEKSIYON 74. Mga Parusa. — Sinumang tao na sadya o kusang lumabag sa mga tadhana ng Batas na ito ay parurusahan ng pagkabilanggo ng
hindi bababa sa isang (1) buwan subalit hindi hihigit sa tatlong (3) taon o pagmumulta ng hindi bababa sa isang libong piso (P1,000.00) at hindi
hihigit ng labinlimang libong piso (P15,000.00) o kapwa sa mabuting pagpapasiya ng hukuman.
Kung ang nagkasala ay isang korporasyon o asosasyon, ang may pananagutang pinuno ang mananagot.
SEKSIYON 75. Karagdagang Pagpapairal ng mga Umiiral na Batas. — Ang mga tadhana ng Batas Republika Blg. 3844 alinsunod sa
pagkakasusog, Atas ng Pangulo Blg. 27 at 266 alinsunod sa pagkakasusog, Kautusang Tagapagpaganap Blg. 228 at 229, serye ng 1987; at iba
pang mga batas na hindi sumasalungat sa Batas na ito ay may karagdagang bisa.
SEKSIYON 76. Sugnay na Nagpapawalang-bisa. — Ang Seksyon 35 ng Batas Republika Blg. 3844, Atas ng Pangulo Blg. 316, ang dalawang
huling talata ng Seksyon 12 ng Atas ng Pangulo Blg. 946, Atas ng Pangulo Blg. 1038 at lahat ng iba pang mga batas, atas, kautusang
tagapagpaganap, mga tuntunin at regulasyon, mga pahayag o bahagi nito na sumasalungat sa Batas na ito ay pinawawalang-bisa o sinusugan
nang nararapat.
SEKSIYON 77. Sugnay na Naghihiwalay. — Kung sa anumang kadahilanan, ang alinmang seksyon o tadhana ng Batas na ito ay ipinahayag na
walang bisa, walang iba pang seksyon, tadhana, o bahagi nito ang maapektuhan at ang naturan ay mananatiling ipinapatupad at may bisa.
SEKSIYON 78. Sugnay ng Pagkakabisa — Ang batas na ito ay kagyat na magkakabisa pagkaraang mailathala sa dalawang (2) man lamang na
malaganap na pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.

You might also like