You are on page 1of 8

Industriya ng Niyog sa Lalawigan ng Quezon

Talaan ng Nilalaman

Introduksyon……………………………………………………………………… 2
Suliranin…………………………………………………………………………... 3
Konklusyon at Rekomendasyon………………………………………………….. 5
Mga Sanggunian………………………………………………………………….. 7

1
Industriya ng Niyog sa Lalawigan ng Quezon

Ang Mayamang Industriya ng Niyog sa Lalawigan ng Quezon: Introduksyon

Ang agrikultura ay isang sektor na naglilinang at nagpaparami ng mga hayop at halaman.


Ang sektor na ito ang isa sa mga pangunahing nakatutulong sa pag-unlad ng pambansang
ekonomiya. Ito ang pangunahing pinagkukuhanan at nagsusuplay ng mga hilaw na materyales
upang makapagprodyus ng mga kagamitan, gamot, pagkain at iba pa upang tugunan ang
pangangailangan ng mga mamamayan at gamitin sa pagpapanatili at mapabuti ang buhay ng mga
tao sa loob ng bansa 1. Maaaring ang mga hilaw na materyales na ito ay magamit sa pangangalakal
upang ipamalit sa ibang bansa upang tugunan din ang pangangailangan nila kapalit ang salapi o
ang produkto ring mula sa kanila na ating mapapakinabangan. Ito ay tinatawag na barter system
na sa kasaysayan, ay karaniwang ginagawa ito upang makipagpalitan ng produkto at naging daan
upang magkaroon ng mabuting ugnayan sa pagitan ng dalawang magkaibang lahi o bansa.

Ang Pilipinas ay hitik sa mayaman at malusog na lupain. Sa katunayan, ang sektor ng


agrikultura ang bumubuhay sa bansa sapagkat halos lahat ng hilaw na materyales ay nanggagaling
sa pagtatanim. Ayon sa tala ng PINAS, apatnapu’t pitong o 47% ng lupain ng bansa ay sakop ng
lupang agrikultura 2 , kaya hindi nakapagtataka na halos lahat ng ating kalupaan ay puno ng mga
pananim gaya ng palay, sibuyas, bawang, patatas, kamote, tubo, abaka, mga prutas tulad ng
mangga, saging, pinya at niyog na siyang nagbibigay sigla sa ekonomiya ng bansa at tumutugon
sa ating pangunahing pangangailangan. Ngunit bibigyan natin ng kaukulang pansin ang isang
produktong bumuhay at nagbigay sigla sa ekonomiya ng ating bansa – ang niyog.

Ang niyog o ang coconut ay isang uri ng prutas na binubuo ng isang makapal, mahibla,
hugis-itlog, may kulay na kayumanggi, at may matigas na balat na tinatawag na bao. Karaniwan
itong matatagpuan sa mga bansang may tropikal na klima tulad ng mga bansang malapit sa
ekwador gaya ng Pilipinas. Ang niyog ay isa sa pinakapangunahing produkto na pinoprodyus ng
Pilipinas. Ayon sa datos ng Selected Statistics on Agriculture (2019), naitala noong taong 2018 na
ikalawa ang bansang Pilipinas na nagpoprodyus ng niyog sa buong mundo na may 14,726,200
tonelada 3, ang bansang Indonesia naman ang nangunguna. Sa 14,726,200 na toneladang
napoprodyus ng Pilipinas, 13.12% nito ay nanggagaling sa rehiyon ng Davao at nangungunang
rehiyon na prodyuser ng niyog sa bansa ayon sa Selected Statistics on Agriculture (2019) sa datos
ng taong 2018 4.

2
Industriya ng Niyog sa Lalawigan ng Quezon

Kung ang rehiyon ng Davao ang nangunguna sa pagpoprodyus ng niyog sa Mindanao, sa


Luzon naman ay may Rehiyon ng CALABARZON na may nangungunang prodyuser ng niyog, at
ang lalawigan ng Quezon ang pangunahing prodyuser ng niyog sa rehiyon. Kinikilala ang
lalawigan ng Quezon sa nangungunang lalawigan sa buong Pilipinas na nagpoprodyus ng niyog
na may 1,177,893 na tonelada ayon sa datos ng Major Crops Statistics of the Philippines –
Regional and Provincial (2010-2014) sa taong 2010-2014 5. At kinikilala din ang lalawigan ng
Quezon bilang may pinakamalaking lupain na may tanim na mga puno ng niyog sa buong bansa
ayon kay Wigberto E. Tañada Sr. 6. Ngunit ang rehiyon ng CALABARZON kung saan
napapabilang ang lalawigan ng Quezon ay nakatanggap lamang ng 11.41% ng produksyon ng
niyog sa buong bansa 7 at mapapansin na hindi ganoon kalaki ang porsyento ng distribusyon ng
niyog sa rehiyon ng CALABARZON samantala may mas malalawak na lupain dito para sa mga
niyog. Ayon kay Tañada, ang mamamayan ng lalawigan ng Quezon ay nararapat na makiisa at
paunlarin ang industriya ng niyog upang tulungan ang mga magsasaka ng niyog na madagdagan
ang kanilang kita. Masasabing mayaman ang industriya ng niyog at niyugan sa lalawigan ng
Quezon, kinakailangan lang pagtuunan ng pansin ng mamamayan ang industriyang ito upang
maging daan ito sa pagpapaunlad ng kanilang mayamang industriya at ito ang magpayaman at
makapagbigay unlad hindi lamang sa panlalawigang ekonomiya, kung hindi pati rin sa
pambansang kaunlaran sa ekonomiya.

Kasalukuyang kinakaharap ng mga Magsasaka ng Niyog sa Lalawigan ng Quezon:


Suliranin

Ang industriya ng niyog ang bumubuhay sa lalawigan ng Quezon. Sa katunayan, ang


lalawigan ng Quezon ay kinikilala sa nangungunang lalawigan sa bansa na may pinakamataas ang
naipo-prodyus na niyog na umaabot sa 1,177,893 na tonelada ayon sa datos ng Major Crops
Statistics of the Philippines – Regional and Provincial (2010-2014) sa taong 2010-2014 8.

Sa kabila ng ating patuloy na pag-eeksport ng produkto, nakaliligtaan natin ang mga


kasalukuyang kinakaharap na isyu ng ating industriya ng pagniniyog, partikular sa lalawigan ng
Quezon. Isa sa mga isyu na kinakaharap sa kasalukuyan ay ang patuloy na pagbaba ng presyo ng
kopra na nagdulot ng kahirapan sa mga magsasaka ng lalawigan ng Quezon at sa iba pang
lalawigan na nagpoprodyus din ng niyog at ang pag-veto ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa Coco

3
Industriya ng Niyog sa Lalawigan ng Quezon

Levy Fund na higit na makakatulong sa mga magsasaka ng niyog sa lalawigan ng Quezon at sa iba
pang lugar na may taniman ng niyog.

Napapabalita ang pagbaba ng presyo ng coconut oil sa pandaigdigang pamilihan dahil sa


sobrang suplay ng niyog sa buong mundo at pagkakaroon ng tunggalian sa palm oil na mas
tinatangkilik ngayon kaysa sa coconut oil, kaya ito ang dahilan ng pagbaba ng presyo ng kopra sa
bansa. Dahil dito, ang ilang magsasaka sa bansa, partikular na ang magsasaka ng niyog sa
lalawigan ng Quezon ay nakararanas ng kahirapan dulot ng mababang kita na nakukuha nila mula
sa pagniniyog at ito pa ang nagiging sanhi ng pagkabaon nila sa utang. Kahit na marami silang
niyog na mapagbebentahan ngunit mababa lamang ang presyo, hindi magiging sapat ito upang
tugunan ng mga magsasaka ng niyog ang kanilang pangangailangan. Sa katunayan, noon, umaabot
sa ₱ 8.00 – ₱ 10.00 kada kilo ang niyog, ngayon ay umaabot na lamang sa ₱ 3.00 kada kilo 9 at
lubos itong nakababahala sa mga magsasaka dahil kung patuloy na bababa ang presyo ng niyog,
maaring maging sanhi ito ng malawakang paghihirap ng mga magsasaka ng niyog sa lalawigan ng
Quezon at sa iba pang lalawigan na may niyugan, lumaki ang utang ng mga magsasaka ng niyog,
at mapabayaan ang industriya ng pagniniyog sa bansa dulot ng mababang kita.

Dulot ng mababang presyo ng kopra, ang mga magsasakang pinoy ay nagsagawa ng


malawakang protesta upang isulong ang pagtaas ng presyo ng kopra at pagbabalik at pagbibigay
ng Coco Levy Fund na tinatayang aabot sa ₱ 105 bilyong piso na maaaring pakinabangan ng mga
magsasaka ng niyog sa lalawigan ng Quezon at sa iba pang lugar na may niyugan.

Ang Coco Levy Fund ay isang trust fund kung saan ang higit na makikinabang sa pondo
ay ang mga magsasaka ng niyog. Nakalaan ang ₱ 105 bilyong piso sa tatlong milyong magsasaka
ng niyog mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas upang mapalakas ang industriya ng pagniniyog sa
bansa. Ang pondong ito ay isa na ring malaking daan upang gumaan ang kalagayan ng buhay ng
mga maralitang magsasaka na patuloy na naghihirap dala ng sobrang murang kopra. Ang saklaw
ng pondong ito ay hindi lamang nakalaan para sa pagpapaunlad ng kagamitan at plantasyon ng
niyog, kasama rin dito ang scholarship para sa mga anak ng magsasaka ng niyog, kooperatiba, at
serbisyong medikal at pangkalusugan para sa mga magsasaka ng niyog at sa pamilya nito 10. Ngunit
sa kasamaang palad, ang buong probisyon ng Coco Levy Fund Bill ay hindi pinagtibay ni
Pangulong Rodrigo R. Duterte sa kadahilanang kaniyang sinaad:

4
Industriya ng Niyog sa Lalawigan ng Quezon

“I have come to the conclusion that the bill may be violative of the Constitution and is
lacking in vital safeguards to avoid the repetition of painful mistakes committed in the
past” 11

Ayon kay Pangulong Duterte, hindi niya nanaising mangyari ulit ang Coco Levy Fund Scam. Kung
matatandaan ang Coco Levy Fund Scam na naging kontrobersyal noong mga taong 1970 hanggang
1980 sa panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos kasama ang kaniyang
mga crony, pinatawan niya ng buwis ang mga magsasaka ng niyog sa kanilang ibebentang kopra
upang gamitin ito sa pagpapaunlad ng industriya ng pagniniyog sa bansa. Nagsimula ang
pagbubuwis sa maliit na halaga na ₱ 0.55 sentimo kada 100 kilo ng kopra hanggang sa lumobo ito
ng ₱ 100.00 piso kada 100 kilo ng kopra na nagdulot ng kahirapan sa mga magsasaka. Para sa mga
magsasaka noon, mahirap na kitain ang ₱ 100.00 piso para ipambayad. Sa halip na gamitin ang
buwis upang paunlarin ang agrikultura ng pagniniyog at ang buhay ng magsasaka, ginamit pa ito
ng pamahalaan para sa pansariling interes 12.

Kamakailan lamang noong ikalawang araw ng Oktubre, nais muling buksan ang
pagrerebisa at pagtutulak ng Coco Levy Fund Bill upang ipasa sa kamara sa pangunguna ni Senador
Cynthia Villar. Nakikita niya itong solusyon upang mas mapaunlad at paigtingin pa ang
pambansang industriya ng pagniniyog sa bansa at makatulong sa mga naghihirap na magsasaka ng
niyog 13.

Bilang Aksyon sa Kasalukuyang Suliranin ng mga Magsasaka ng Niyog sa Lalawigan ng


Quezon: Konklusyon at Rekomendasyon

Sa kasalukuyan, patuloy pa ring humaharap sa kahirapan at pagkabaon sa utang ang mga


magsasaka ng niyog sa lalawigan ng Quezon at sa iba pang lugar dala ng mababang presyo ng
kopra sa lokal at pandaigdigang pamilihan, at sa hindi pa ring maisakatuparan na Coco Levy Fund
Bill na labis na makakatulong sa naghihikaos na magsasaka ng niyog sa lalawigan ng Quezon at
sa ibang lugar na may tanim na niyog. Dahil rito, malaki ang posibilidad na tuluyang bumagsak
ang masiglang industriya ng pagniniyog sa Quezon at sa iba pang rehiyon at magreresulta ito sa
matamlay na ekonomiya ng bansa dahil ang niyog ang tinaguriang pinakapangunahin nating
niluluwas sa labas ng bansa at 3.6% ang naiaambag nito sa ating Gross Value-Added (GVA) sa

5
Industriya ng Niyog sa Lalawigan ng Quezon

agrikultura 14. Sa madaling sabi, malaki ang naitutulong ng niyog sa pagpapaulad ng pambansang
ekonomiya dahil ito ang pangunahin nating itinatanim at inaani.

Bilang pagtatapos, nais ng papel na ito na ilarawan at ipaliwanag ang kasalukuyang


suliranin na kinakaharap ng industriya ng niyog sa lalawigan ng Quezon. Bilang tagapagsaliksik
ng papel, ito ang mga mungkahi at kasagutan upang maabot ang matagumpay na
industriyalisasyon ng niyog sa Quezon at ng buong bansa:

1. Suportahan ang industriya ng niyog sa lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng


pagsasakatuparan ng Coco Levy Fund Bill upang madagdagan ng kaukulang pondo ang
ating magsasaka ng niyog hindi lamang sa lalawigan ng Quezon, kung hindi pati rin sa iba
pang lugar/rehiyon na nag-aani ng niyog. Ito ang magiging daan sa pagsasaayos ng
industriya ng niyog, inobasyon sa mga kagamitang pang-ani (makinarya), at pagsasabuti
ng buhay ng mga magsasaka ng niyog.
2. Taasan ang presyo ng kopra at iba pang produkto na mula sa niyog upang malaki ang
maging bawi ng magsasaka mula sa inutang nilang pondo sa Coco Levy Fund.
3. Lumikha ng isang lokal na korporasyon upang gumawa ng produktong mula sa niyog at
makipag-ugnayan sa pamahalaan upang suportahan ito. Ito ang magbubukas para sa
mamamayan ng panibagong pagkakataon para magkaroon sila ng trabaho at makatulong
sa pagpapaunlad ng lokal na korporasyon. Makakatulong ito upang hindi na tayo umasa sa
pandaigdigang korporasyon.
4. Suportahan ang mga lokal na produkto na gawa sa niyog at ipakilala ito sa lokal at
pandaigdigang pamilihan upang mas lumakas pa ang demand sa produkto ng niyog.
5. Bilang kawani ng pamahalaan, huwag gamitin ang Coco Levy Fund upang samantalahin
ang mga mahihirap na magsasaka ng niyog, bagkus tulungan natin silang makaahon sa
kahirapan dahil sila ang nag-aahon at sumasalo sa ating pambansang ekonomiya.
6. Makipag-ugnayan sa mga kagawaran na may kinalaman sa Agham at Teknolohiya upang
pag-aralan nila nang malaliman tungkol sa niyog. Makakatulong ito upang mas mahasa
ang kaalamang pang-agham at teknolohiya ng ating bansa at makabuo ng inobasyon sa
paraan ng pagtatanim, pag-aalaga, at pag-aani ng niyog.

Sa anim (6) na mga nabanggit na mungkahi, may posibilidad na ito ay makatulong sa


patuloy na pag-unlad ng pambansang industriyalisasyon at ekonomiya ng ating bansa, ngunit hindi

6
Industriya ng Niyog sa Lalawigan ng Quezon

ito magiging madali dahil ito ay dadaan sa napakahabang proseso. Bilang mananaliksik, nais
imungkahi ng papel na ito na makiisa ang mamamayan sa pagpapaunlad ng ating pambansang
industriyalisasyon at mamulat sa suliraning patuloy na nagpapahirap sa ating pambansang
ekonomiya.

Mga Sanggunian

1 Wikipedia (n.d.). Agrikultura. Retrieved from https://tl.m.wikipedia.org/wiki/Agrikultura

2 PINAS (n.d.). Agriculture. Retrieved from http://pinas.dlsu.edu.ph/gov/agriculture.html

3 Philippine Statistics Authority (2019). Selected Statistics on Agriculture (2019) [PDF file].
Quezon City: Philippine Statistics Authority. Retrieved from
https://psa.gov.ph/sites/default/files/Selected%20Statistics%20on%20Agriculture%202019.pdf

4 Philippine Statistics Authority (2019). Selected Statistics on Agriculture (2019) [PDF file].
Quezon City: Philippine Statistics Authority. Retrieved from
https://psa.gov.ph/sites/default/files/Selected%20Statistics%20on%20Agriculture%202019.pdf

5 Philippine Statistics Authority (2016) Major Crops Statistics of the Philippines – Regional and
Provincial (2010-2014) [PDF file]. Quezon City: Philippine Statistics Authority. Retrieved from
https://psa.gov.ph/sites/default/files/MajorCrops10-14.pdf

6 Orinday, R. M. (2011). Tagalog News: Industriya ng Niyog sa Quezon, Pauunlarin. Retrieved


from http://www.ugnayan.com/ph/Quezon/Lucena/article/T52

7 Philippine Statistics Authority (2019). Selected Statistics on Agriculture (2019) [PDF file].
Quezon City: Philippine Statistics Authority. Retrieved from
https://psa.gov.ph/sites/default/files/Selected%20Statistics%20on%20Agriculture%202019.pdf

8 Philippine Statistics Authority (2016) Major Crops Statistics of the Philippines – Regional and
Provincial (2010-2014) [PDF file]. Quezon City: Philippine Statistics Authority. Retrieved from
https://psa.gov.ph/sites/default/files/MajorCrops10-14.pdf

7
Industriya ng Niyog sa Lalawigan ng Quezon

9 [ABS-CBN News]. (2019, March 22). Bagsak-presyo ng niyog idinaing sa halalan bets. [Video
File]. Retrieved from https://youtu.be/REv1ahXo8x8

10 ABS-CBN News (2018, August 6). P105 Billion for 3 Million Farmers Under Coco Levy Bill.
Retrieved from https://news.abs-cbn.com/business/08/06/18/p105-billion-for-3-million-farmers-
under-coco-levy-bill

11 Galvez, D. (2019). Duterte Explains Veto: Coco Levy Lacks ‘Vital Safeguards’. Retrieved
from https://www.google.com/amp/s/newsinfo.inquirer.net/1086898/coco-levy-bill-lacks-vital-
safeguards-says-duterte-re-veto/amp

12 Santos, T. U. (2008). UCPB Exec Talks on Coco Levy Scam. Retrieved from
https://varsitarian.net/news/20081116/ucpb_exec_talks_on_coco_levy_scam

13 Romero, M. (2019, October 2). Revised Coco Levy Fund Likely in December. Retrieved from
https://www.google.com/amp/s/tribune.net.ph/index.php/2019/10/02/revised-coco-levy-fund-
likely-in-december/%3famp_markup=1

14 Ani, P.A.B., & Castillo M.B. (2019). The Philippine Coconut Industry: Status, Policies and
Strategic Directions for Development. Retrieved from
http://ap.fftc.agnet.org/ap_db.php?id=969&print=1

You might also like